Independent

"Independent woman is a woman who can stand by her own feet and walk alone when you can't be there."

Una kong nakita si Hazel sa isang campus rally. Napahanga niya kaagad ako sa unang tingin pa lang. Simpleng-simple siya sa suot niyang white t-shirt at fitted maong pants ngunit aaminin kong ang lakas ng kanyang dating. Nakadagdag siguro sa kanyang appeal iyong pagiging aktibo niya sa ganitong uri ng pagtitipon. Ewan ko, pero bilib na bilib ako sa babaing nakikipaglaban para sa kapakanan ng iba. Tulad ngayon, nagra-rally sila para ibalik sa serbisyo si Mang Danilo, ang school janitor na mahigit dalawampung taon nang naglilingkod dito sa eskuwelahan pero bigla na lang tinanggal sa trabaho dahil lang nabasag nito ang side mirror ng kotse ng isang estudyante na anak ng isa mga miyembro ng board of school directors. Ang ama pa mismo ng estudyante ang sumibak sa trabaho sa kawawang janitor.

Nagulat ako ng umakyat siya sa stage at hinawakan ang mikropono at buo ang tinig na nagsalita sa harap ng mga estudyante.

"Mga kapwa ko mag-aaral! Anong klaseng pamantasan meron tayo? Isang pamantasan na walang pakialam sa kanyang mga empleyado. Isang pamantasang sabik sa power tripping ng mga taong nagpapatakbo rito. Isang pamantasan na hindi nag-iisip at walang puso sa maliliit nitong empleyado na buong buhay na ang ginugol dito pero tinanggal na lang nang wala man lang due process. Ipaglaban ang karapatan ng mga maliliit! Ipaglaban ang karapatan ni Mang Danilo!" sigaw niya habang nakakuyom ang kaliwang kamao sabay itatas ito sa bawat bigkas niya ng mga salita para ipaglaban ang karapatan ng tinanggal na janitor.

Naghiyawan ang mga estudyanteng kasama sa rally. Buong puwersa silang sumasang-ayon sa mga binitiwang salita ni Hazel... si Hazel De Dios.

Mas lalo akong humanga kay Hazel nang malaman kong first year college pa lang siya sa kursong AB Political Science. Hindi na ako nagtaka na ganoon siya kaaktibo sa rally. Course pa lang niya, alam mo nang palaban at hindi basta-basta magpapatalo.

Ako naman ay second year college pa lang noon sa kursong Business Administration major in Management. Simpleng estudyante lang ako. Maliban sa iilang club na sinalihan ko ay wala na akong ibang school activities. Mas pinagtutuunan ko ng pansin ang academics. Dahil marami pa akong plano after graduation from college. Hindi sa kolehiyo magtatapos ang pag-aaral ko. Kukuha pa ako ng masters degree. Pero sa ngayon, hindi ko itatanggi na nakuha ni Hazel De Dios ang buong atensyon ko.

Nakakuha ako ng tiyempo na makilala siya nang makasabay ko siya sa canteen. Nauna ako sa pila, kasunod ko siya.

"Isang lasagna at iced tea," sabi ko sa sales crew.

"Miss, ano sa'yo?" narinig kong tanong sa kanya ng isa pang sales crew.

"Pineapple juice at isang order ng lasagna," sabi ni Hazel.

"Naku, miss last order na iyong kay sir. Wala nang lasagna," malungkot ang mukhang sabi ng crew.

Napatingin ako kay Hazel. Nakita ko sa mukha niya ang pagkadismaya, pero hindi pa rin nawawala ang natural niyang ganda.

"Miss," sabi ko sa kanya. "Kung gusto mo, sa'yo na lang iyong order ko. Oorder na lang ako ng iba."

Umiling si Hazel. "Hindi, huwag na. Ako na lang ang oorder ng iba."

"I insist. Ayan o, mukhang gustong-gusto mo talaga ng lasagna. Kaya huwag ka nang tumanggi," sabi ko sa tonong hindi talaga papayag na tanggihan niya. "Hindi ko pa naman nababawasan 'yan."

Napangiti si Hazel at hindi iyon nakaligtas sa paningin ko.

"Kung mapilit ka ba, eh. Sige, akin na lang ang lasagna mo. Anong oorderin mo? Ako na lang ang oorder ng kakainin mo, then palit na lang tayo," Hazel remained smiling I noticed the dimples on her cheeks.

"Goto na lang sa akin."

"Miss, goto at pineaple juice na lang," sabi ni Hazel sa crew.

"Ilagay mo na lang dito sa tray ko ang order mo para ako na lang ang magdadala sa table," suhestiyon ko.

"No, kaya ko na ito. Hintayin mo na lang ako sa table."

"Okay, sabi mo eh," sabi ko habang marahang tumatango. Nauna na akong nagtungo sa table pagkatapos kong bayaran ang pagkaing inorder ko. Hindi naman nagtagal at heto na rin si Hazel, dala ang tray na may goto at pineapple juice.

Napansin kong likas sa kanya ang pagiging palangiti na lalong nagpapatingkad sa ganda niya.

"Heto na ang goto mo."

"At heto naman ang lasagna mo." Inilipat ko sa tapat niya ang plato ng lasagna.

"Kain na tayo," yaya niya.

"Kakain ba tayo nang hindi pa magkakilala?" tanong ko.

"Well..." tila nag-aalangan niyang sabi. Oo nga naman, asiwa kung siya pa ang unang magbibigay ng pangalan.

"Ako si Jeffrey Reyes," pagpapakilala ko sabay abot ng kanang kamay sa kanya.

Hindi siya nag-alinlangan na abutin ang kamay ko. "Hazel... Hazel De Dios."

"Pwede na tayong kumain."

Narinig ko ang impit niyang pagtawa. Bakit ba ang sarap sa pandinig ko ng tawang iyon?

"Yeah, puwede na."

Habang kumakain ay nag-uusap kami na para bang matagal na kaming magkakilala.

"Ano na ang balita kay Mang Danilo?" Iyon ang naisipan kong itanong para mag-umpisa ng pag-uusapan.

"May meeting kami sa board of school directors. Pumayag na silang makipag-usap sa amin. Pero hindi pa rin kami titigil sa ginagawa naming rally," kuwento pa niya.

"Hindi ba naaapektuhan ang pag-aaral mo sa ginagawa mong pagsali sa rally?"

Sumubo muna siya ng lasagna at nginuya ito bago sumagot, "Aanhin mo ang matututunan sa loob ng klase kung mananatili kang mangmang sa kawalang hustisya na nagaganap sa paligid mo?"

Muntik ko nang mailuwa ang pagkaing nasa bibig ko. Pahiya ako roon, ah. Simple kung bumanat ang babaeng ito, pero sapul ang tatamaan.

"Kung sabagay, may punto ka naman doon. Pero ang inaalala ko---"

"Hindi mo ako dapat alalahanin. Kaya ko ang sarili ko. Kung ano mang gusot ang pasukin ko, I'll make sure na kaya kong lusutan." Itinuloy niya ang pagkain ng lasagna.

Napatitig ako kay Hazel. Ang sarap niyang panoorin habang abala sa pagkain. Ayun tuloy, tapos na siyang kumain pero ako ay hindi pa.

"Matagal ka pa ba?" sabi niya habang tinitingnan ang oras sa relong pambisig.

"Sandali na lang 'to. Bakit?"

"Puwede bang mauna na ako sa'yo. May gagawin pa kasi ako sa bahay."

"Hintayin mo na ako, ihahatid na kita."

"Ihahatid? Eh, hindi mo nga alam kung saan ako nakatira," pambubuska niya sa akin.

"Ituturo mo naman, 'di ba?" Sinabayan ko iyon ng isang pamatay na ngiti.

Napahalakhak si Hazel. Iyong halakhak na sakto lang ang lakas.

"Does it mean payag ka nang ihatid kita?"

"Bakit mo muna ako ihahatid?"

"Para alam ko ang bahay mo. Para alam ko kung saan ako aakyat ng ligaw."

Biglang nawala ang ngiti sa mga labi ni Hazel. Ang kanina'y masayang mukha ay naging seryoso.

"Hindi ka na nakapagsalita. Bawal ba kitang ligawan?" tanong ko

"Ahm, h-hindi naman."

"Puwede naman pala, eh." Hindi ko na inubos ang laman ng plato. Nilagok ko ang iced tea at agad na tumayo. "Tara na, para hindi tayo gabihin."

PAGKALIPAS NG dalawang buwan ay sinagot ako ni Hazel. Ako na yata ang pinakamasayang lalaki sa oras na iyon. Sa sobrang tuwa ko ay halos ipagsigawan ko sa loob ng campus na sinagot na niya ako. Kung hindi pa nagpalakpakan ang mga taong nakarinig sa sinabi ko ay hindi pa ako magbabalik sa huwisyo. Nagkatawanan na lang kami ni Haze, iyon na ang naging tawag ko sa kanya mula nang maging girlfriend ko siya.

Ang saya-saya namin... Noon.

Akala ko ay wala nang katapusan ang kaligayahan. Bakit? Kasi magkasundo naman kami. Kahit paano ko man isipin ay wala talaga akong maalalang puwedeng pag-umpisahan ng gusot.

Nagsawa? Posible. Pero ewan.

Baka dahil walang issue sa aming relasyon kaya naging boring na iyon para sa kanya.

Ano nga ba talaga ang nangyari? I never heard her complain on anything. Kahit nga minsan hindi ko na siya naihahatid sa apartment kung saan siya nakatira dahil madalas na hindi na magkatugma ang aming schedule, okay lang naman sa kanya.

"Don't worry, I can go home alone," sabi niya sa akin habang kausap ko siya sa telepono noong minsang tinawagan ko siya para sabihing hindi ko siya maihahatid pauwi.

"Ingat ka, ha?" paalala ko sa kanya.

"Sila ang mag-ingat sa akin. Makuha sila sa tingin."

"That's my girl. O sige na, mag-start na ang next class ko. Bye!"

"Bye!"

Hindi kami mahilig magsabihan ng "i love you" but we know that we love each other.

That's what I thought...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top