Prologue

How does it feel to be pretty? How does it feel to be wealthy? How does it feel to have an opportunity to change what’s lack on you?

Nakaharap ako ngayon sa salamin, tinitingnan ang sarili habang lumuluha. Wala akong gano’n. Hindi ako magiging katulad nila na maganda, mayaman, at malayang makukuha ang gusto nila. Suminghap ako sabay punas sa sariling luha na patuloy pa rin sa pagtulo at umiwas na lamang ng tingin sa salamin.

Bakit may salamin pa sa kwarto ko? Hindi ko naman kayang tingnan ang sarili ko. Kung mayaman ba kami, maaayos ba itong ngipin ko? Makangingiti ba ako? Makatatawa ba ako na hindi tinatakpan ang bibig?

It’s impossible! We’re the lowest of the lowest.

Hindi ko sinisisi si Mama na mahirap kami kasi alam ko na ginagawa niya naman ang lahat para matugunan ang mga pangangailangan namin.

Umiba ang ngipin ko simula nang natanggalan ako ng isa. Hindi ko iyon masyadong naalagaan dahil na rin sa sobrang bata ko pa no’n. At ngayong ga-graduate na ako sa elementarya ay saka ko pa lang napagtanto na sana pala hindi ko pinabayaan ang sarili ko.

Hinaplos ko ang ibabaw na bahagi ng ngipin ko. May pangil sa magkabilang gilid at hindi magkadikit sa parteng harapan kaya hindi ako makangingiti. Sinubukan kong makipagkaibigan sa mga kaklase ko ngunit iniiwasan nila ako at ang iba ay pinagkatutuwaan ang ngipin ko.

Hindi ko alam kung ano ang rason kung bakit nila ako ginaganito, eh, wala naman akong ginagawang masama. Gusto ko lang naman sila maging kaibigan. Mali ba iyon?

Kapag nakikita ko ang mga kaklase ko na magaganda ang ngipin, biglang bumaba ang kompiyansa ko sa sarili ko. Ilang taon kong tiniis ang panghuhusga nila sa akin. Ilang taon kong tiniis ang pagmamaltrato nila sa akin. Pumasok ako sa paaralan upang makalikom ng kaalaman, hindi para husgahan ang pisikal kong anyo.

“Blaizeree…”

Isang araw, sa loob ng paaralan, natigil ako sa paglalakad nang bigla akong hinarangan ni Paulo. Napaatras ako kasabay ng paghigpit ng yakap ko sa mga libro na dala ko. Napalunok ako lalo na nang pilyo siyang ngumisi sa akin.

Si Paulo ay isa sa mga lalaking nang-aasar sa akin na bungal. Kasama niya sina Lester at Zero na mukhang napilitan lang yata sa pagsama sa kanya.

Mas lalo akong napaatras nang humakbang siya papalapit sa akin kasabay ng paglapit ng kanyang mukha sa akin. Bumilis ang tibok ng puso ko sa kaba at takot.

“Uy, si Paulo ba iyan?”

“Oo, mukhang pagti-trip-an na naman yata ang kaklase niyang bungal.”

“Naku, malala na iyang si Paulo.”

At kung anu-ano pa man na mga bulungan. Sumikip ang dibdib ko at gusto kong maiyak. Wala naman akong ginagawang masama ngunit palagi ko itong nararanasan. Walang araw na hindi ako natatakot at kinakabahan sa tuwing papasok ako sa paaralan.

“Bakit?”

Napalunok ako ng malalim at nakaramdam ako ng pagkabalisa.

Ngumisi siya at umatras ng isang beses. “Ngumiti ka,” mapang-utos niya na sambit.

Namilog ang mata ko. “H-Ha?”

“Bingi ka ba?!” Tumaas ang kanyang boses. “Ang sabi ko, ngumiti ka!” Nagngitngit ang kanyang ngipin sa galit.

Nangatog ang binti ko dahil sa tensyon. Kung hindi ko gagawin ang kanyang gustong ipagawa, baka hindi niya ako titigilan.

Matapos akong baliwalain ng mga taong nakapaligid sa akin, hindi na ako muli nagpapasok ng tao sa buhay ko na may kakayahang saktan ka nang dahil lang sa itsura mo.

Naikuyom ko ang aking kamao.

“Tama na iyan, Paulo,” saway ni Lester.

Pero hindi nakinig si Paulo at tinulak pa niya ang kanyang kaibigan. “Huwag ka ngang makialam dito, Lester!” Matapos niyang itinulak ay ibinalik niya ang kanyang tingin sa akin. “Ngumiti ka!”

Pumikit ako nang narinig ko ang tawanan ng mga kababaihan. Ito ang ginagawa nila kapag walang guro. Hindi rin ako makapagsusumbong dahil baka ako lang din ang madidiin sa huli at mas lalong hindi nila ako titigilan.

Kahit nanginginig na ang tuhod ko, unti-unti akong ngumiti kasabay ng pagtulo ng luha sa mata ko. At gaya ng inaasahan ko, mga hagalpak ng tawa ang naririnig ko mula sa kanila.

Tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha ko. Wala akong magagawa dahil mahina akong tao. Hindi ko pa man naisara ang bibig ko, biglang may nag-click ng camera. Nang inimulat ko ang aking mata, tumatawa na ngayon si Paulo sa harapan ko habang nananatiling walang emosyon sina Lester at Zero.

Hindi ko na makayanan ang kanilang mga tawanan, kaya tumalikod na lamang ako at tumakbo papalayo sa kanila. Hindi na mawala sa isip ko iyon. Kahit malayo na sila sa akin, naririnig ko pa rin ang kanilang mga tawanan.

Bakit ba nila ito ginagawa? Masaya ba sila kapag nasasaktan ako? Masaya ba sila na may inaapakan sila na tao? Wala naman akong ginagawang masama sa kanila pero parang ang turing nila sa akin ay isang laruan na walang nararamdaman.

Umuwi ako sa amin na parang walang nangyari. Nagmano ako kay Mama sabay lapag sa mga gamit ko sa upuan. Nang hinarap ko muli si Mama, nanlumo ako nang napansin ko na nadagdagan ang kanyang edad dahil sa mukha niya.

“M-Ma…”

Ngumiti siya sa akin. “May ulam na tayo.”

Malungkot ko siyang tiningnan. “Ma, hindi po namin kailangan ng masarap na ulam—”

“Nag-iipon din ako anak para mapaayos na natin ang ngipin mo,” pagputol niya sa akin.

Nangilid ang luha sa aking mata. “M-Ma…”

“Alam ko na imposible, anak, pero, nagbabaka sakali ako na baka ma-afford na natin kahit marami pa tayong gastusin.”

“M-Ma—”

Hinaplos ni Mama ang pisngi ko. “Miss ko na ang ngiti mo, anak,” emosyonal na sambit ni Mama sabay hila sa akin patungo sa kanyang dibdib. “Miss ko na ang masayahing Blaizeree…”

Napahagulhol ako sa kanyang dibdib at niyakap ko siya ng mahigpit. Gusto kong sabihin kay Mama ang lahat ng naranasan ko sa paaralang iyon, pero ayoko rin naman na makadagdag pa sa problema niya.

Napapikit ako nang naramdaman ko ang paghalik ni Mama sa buhok ko at ipinirmi niya ang ilalim ng baba niya sa ulo ko. “Patawarin mo sana si Mama, ha? Hindi kasi nakapagtapos ng pag-aaral si Mama, eh.” Nanginig ang kanyang boses.

Umiling ako at mas lalong ibinaon ang mukha sa kanyang dibdib. “Ma, hindi mo kasalanan,” umiiyak ko na sabi.

Bakit sinisisi ni Mama ang kanyang sarili dahil lang sa mahirap kami? Hindi niya naman kasalanan na hindi siya nakapagtapos sa kanyang pag-aaral. At isa pa, marami pa kaming dapat unahin at natitiis ko naman ang lahat. Magtitiis na lamang ako hanggang sa maka-graduate ako ng high school.

***

“Nandito na pala si bungal!”

Halakhak ni Paulo ang bumungad sa akin sa pagpasok ko pa lang sa aming silid-aralan. Sinusundan niya ako habang papatungo sa aking upuan. Nang nakaupo ako ay agad kong inilapag ang bag ko sa likuran at natigilan nang nasa harapan ko na siya, malaki ang ngisi at dala ang mamahaling selpon.

“Oh, tingnan mo!” Ipinakita niya sa akin ang selpon niya na may lamang picture ko noong nakaraan. “Ang ganda mo rito, oh! Mukha kang manananggal!”

Kinuyom ko ang kamao ko at pilit na iniwas ang tingin sa selpon na halos ilapit na niya sa mukha ko.

“Bakit ka ba umiiwas?”

Lumapit pa siya sa akin at sapilitang ipinakita ang picture kahit ayaw ko itong makita.

Sa sobrang desperada kong makaiwas ay hindi sinasadyang nasagi ko ang kanyang selpon kaya nahulog ito sa sahig at nabasag. Natigilan si Paulo at saglit na natulala.

Bigla akong natakot para sa sarili ko. Agad ko siyang hinarap at paulit-ulit na umiling. “S-Sorry…”

Napapikit ako sa takot nang inambahan niya ako ng suntok sabay kuwelyo sa akin. Nagtilian ang mga kaklase kong babae dahil sa kanyang ginawa. Nagpupuyos na sa galit si Paulo at baka isang suntok niya lang, tulog agad ako.

“Alam mo ba…” Nagngitngit ang kanyang ngipin sa galit. “Alam mo ba kung gaano kamahal ang selpon ko?!” singhal niya at mas hinigpitan ang pagkuwelyo sa akin.

“Uy, gago! Tama na iyan, Paulo. Babae iyan!”

Natawa si Paulo sa sinabi ng kaklase ko. Nang nagmulat ako ng tingin ay nakangisi na siya ngunit alam ko na hindi ngising natutuwa iyon.

“Ito?” Dinuro niya ako. “Hindi babae ’to?! Hayop ito, eh!”

“T-Tama na,” pagmamakaawa ko.

Sarkastiko siyang tumawa. “Tama na? Maibabalik mo ba ang selpon ko sa sorry mo, tangina mo?!”

Hindi ko naman sinasadya iyon. Tuluyan nang umagos ang luha sa mata ko.

“Aba’t huwag mo akong iyakan, gaga ka—”

Natigil siya sa pagsasalita at nabitiwan ako nang bigla siyang tumilapon sa may teacher’s table. Napaupo ako pabalik sa inuupuan ko at narinig ko ang pagtilian ng mga kaklase ko. Napakurap-kurap ako at halos umurong ang luha sa mata ko dahil sa nasaksihan. Lumapit lang naman si Zero sa puwesto namin kanina at walang pagdadalawang-isip na pinatid si Paulo sa tiyan kaya tumilapon ito.

“B-Bro?!” hindi makapaniwalang sambit ni Paulo at nahihirapan pa sa pagtayo dahil sa sakit na iniinda.

Hindi sumagot si Zero na ngayon ay tanging likuran niya lang ang nakita ko. Nagtaas-baba ang kanyang balikat na tila naghahabol ng hininga. Wala siyang salita na sinabi at kalmadong lumabas ng silid-aralan na parang walang nangyari. Napanganga na lamang ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top