Chapter 9

“How was your day, hija?”

Natigil ako sa pagwawalis sa may sala nang biglang dumating si Ma’am Hillary. May mamahaling bag pa siyang dala at bihis na bihis. Mukhang kadarating niya lang.

Nag-iwas ako ng tingin. “O-Okay lang po.”

“Hmm…are you sure?” medyo may pagdududa niya na tanong.

Nakita ko na sumulpot si Melody at agad binati si Ma’am. Nagpatuloy naman ako sa pagwawalis.

“Melody, you heard about Blaizeree in school?” tanong ni Ma’am Hillary sa bagong sulpot na si Melody.

Tumingin muna sa akin si Melody bago niya sinagot si Ma’am. “Nakita ko po siya na may kasama sa canteen, Ma’am.”

Napasinghap ako.

“May bago siyang kaibigan at kasama niya basketball player crush ko,” maligayang kuwento ni Melody.

Mas lalo lamang akong natahimik.

“Talaga?” Ang tono sa boses ni Ma’am ay tila proud siya sa akin. “Wala bang nam-bully sa iyo, hija?”

Agad akong umiling.

Narinig ko ang kanyang pagbuntonghininga. “Mabuti naman kung gano’n. Kapag may masamang ginagawa ang mga kaklase mo, don’t be afraid to tell me, hmm?”

Napalingon ako kay Ma’am. Ngumiti siya sa akin bago siya tumalikod at inutusan ang isang maid na handaan siya ng maiinom. Agad-agad namang lumapit si Melody sa akin at kinurot ang tagiliran ko.

Napatalon ako sa gulat dahil sa kanyang ginawa.

“Omg! Uy, friend kayo ni Zero?” Mahina siyang napatili. “Pa-regards naman ako, oh. Iyon lang naman.”

Kinagat ko ang ibabang labi ko. “H-Hindi ko siya kaibigan.”

Nanliit ang kanyang mata. “Eh, ano ang ginagawa niya sa table niyo?”

Napalunok ako nang kaunti. “Sinama lang siya ni Elyka.”

Hindi ko alam kung totoo ba iyong sinasabi ko o may parte sa akin na nagsisinungaling. Hindi ko kaibigan si Zero. Hindi ko rin alam kung kaibigan ba talaga si Elyka o sadyang trip niya lang ako. Makikita naman siguro iyon.

**

Nang gumabi ay naisipan ko ang lumabas muna upang magpahangin. Naka-pajama na ako at nakatali ang aking buhok.

Presko ang hangin sa gabi. Sa totoo lang, kung wala lang masasama na loob, mas gusto ko gumala sa gabi. Maganda ang buwan at may kumikinang na mga bituin.

Naalala ko si Mama. Pangarap niyang makapuntang ibang bansa. Pero imposible dahil sa istado ng buhay namin. Minsan na rin kasi siya nag-apply para abroad pero hindi siya natanggap.

Nasaan na kaya sila ngayon? Kumakain ba sila ng maayos? Sana magpakita sila muli sa akin. Sana balikan nila ako para sasama na ako sa kanila.

Niyakap ko ang sarili ko dahil sa lamig ng hangin. Akmang babalik na sana ako sa loob nang nakarinig ako ng isang kaluskos. Mahina akong napasinghap at napatigil.

“Hey…”

Nailagay ko sa dibdib ko ang palad ko sa gulat nang nakita ko sa may bakod si Zero. Naka-black na hoodie siya at nakatingin sa akin.

Umawang ang labi ko. “A-Ano ang g-ginagawa mo riyan”

Napakurap-kurap ako. Umalis siya sa bakod at narinig ko siyang nagsalita.

“Hindi ka pa ba matutulog?”

Napalunok muli ako. “B-Bakit?”

“Papayagan ka bang lumabas sa gabi?” tanong niya muli.

“H-Hindi ko alam, eh.”

“Saglit lang. Samahan mo ako.”

Namilog ang mata ko. “B-Bakit?”

“Gutom ako.”

“Edi k-kumain ka m-mag-isa, malaki ka na.”

Bumalik siya sa may bakod at sinamaan niya ako ng tingin. “Tara na. Sasabihin ko talaga kay Tita Hillary na inaway ka naman talaga ni Maegan.”

Namilog ang mata ko. “H-Huh?”

Malamig pa rin ang kanyang tingin. “Saglit lang.”

Kinagat ko ang ibabang labi ko at mahinang humakbang patungo sa may gate. Sobrang kaba ko dahil hindi naman ako lumalabas sa gabi.

Nang nakalabas na ako ay maingat ko na sinara ang gate at nagpalinga-linga upang mahanap si Zero.

Nakasandal siya sa may gate ng bahay nila, nakatingin sa akin. Nakita ko na may dala siyang hoodie jacket sa gilid, kulay pink. Kumunot ang noo ko. Mahilig siya sa pink?

Yumuko ako. “Hindi ko alam kung bakit mo gusto nay kasama. M-Malaki ka na at…”

Hindi ko na matapos ang aking sinasabi dahil sa taranta. Hindi kasi niya ako pinakinggan. Mabilis ang kanyang naging hakbang kaya hindi ako nabigyan ng pagkakataong humakbang paatras sa gulat.

Nang nasa harapan na niya ako ay agad niyang inilahad sa akin ang pink na hoodie. Umiwas siya ng tingin.

“Suotin mo. Malamig,” aniya.

“Ha, hindi na kailangan,” agad ko na tanggi.

Masama niya akong binalingan. Napakagat ako sa ibabang labi ko at yumuko.

“Suotin mo na. I’m hungry,” reklamo niya.

Kumunot ang noo ko. Bakit hindi siya kakain sa kanila? Tingin ko naman ay may mga katulong siya na magseserbisyo para sa kanya.

Nang medyo tumabi siya sa akin ay nasukat ko kung gaano siya katangkad. Sa anino namin dahil sa kaunting ilaw ng poste, hanggang balikat niya lang ako. Kaya siguro siya basketball player dahil matangkad siya.

Napansin ko na hindi siya nagsusuot ng eyeglass ngayon. Nang sinamaan niya muli ako ng tingin ay wala akong magawa kundi ang suotin ang hoodie jacket.

“Tara na, gutom na gutom na talaga ako.”

**

“Magandang gabi po,” bati ni Zero sa isang ginang na nagluluto ng barbeque.

Medyo nanibaguhan ako dahil sa mayaman si Zero at hindi ko ma-imagine na dito siya kakain.

“Oh, Zero, andito ka ulit at…” Natigil ang ginang nang napansin niya ako. “At may kasama ka pang dalaga.”

Bigla akong nahiya. Siya lang naman ang kakain.

“Oo, kakain kami Aling Lolit. Limang isaw, hotdog, at…” Binalingan ako ni Zero. Ngumuso siya. “Ano ang gusto mo?”

Bumilis ang tibok ng puso ko. “H-Ha?”

“H-Ha?” panggagaya niya. “Kakain tayo.”

Namilog ang mata ko at agad umiling. “T-Tapos na akong k-kumain.”

“Masamang tanggihan ang grasya,” agad niyang resbak sa akin.

Mas lalo lamang akong nahiya dahil sa biglang pagtawa ng Ginang.

“Naku, hija, kumain ka na lang. Maraming pera ang binatang iyan. Hindi ka magugutom niyan.”

Pero tapos na talaga akong kumain, eh?

Gusto ko iyon sabihin pero hindi ko maibuka ang bibig ko dahil sa madilim na mata ni Zero. Para siyang galit na galit.

Wala akong magawa kundi ang umupo sa may stool, malayo sa kanya.

“Bakit ang layo mo?” nagtatakang tanong niya.

Namilog ang mata ko at gulat na gulat siyang binalingan.  

“H-Ha?”

Inis na tinapik niya ang gilid niya. “Dito ka.”

Napakurap-kurap ako. “Bakit?”

Bumuga siya ng hangin at umiwas ng tingin.

“Never mind.”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top