Chapter 24
Hindi ako nanalo.
Pero hindi na mahalaga sa akin ngayon dahil ang mahalaga sa akin ay nakita ko na muli si Mama. Hindi ko alam kung magsasama na ba kami pero ang mahalaga sa ngayon ay kasama ko na siya.
“Ang galing mo!” tili ni Elyka sabay yakap sa akin. “Kahit hindi ka nanalo ay ikaw pa rin ang panalo para sa akin. Para akong nasa MMK kanina.”
Natawa ako.
“Tita! Ako pala ang friend ni Blaizeree, at ang cute pala ng dalawa niyang kapatid.”
Ngumiti ako at nagbaba ng tingin sa mahiyain ko na mga kapatid. Umupo ako para mag-level ang aming paningin. “Blake at Bryo, ang Ate mo ito. Naalala ninyo pa ba ako?” umaasa ko na tanong.
Kami ay nasa labas na ng covered court pero nasa loob pa rin ito ng campus. Tapos na kasi at nang nag-announce ng winners ay saka kami lumabas. Sa kasamaang palad ay hindi nanalo si Maegan. Ako rin naman ay hindi nanalo kaya okay lang sa akin.
Nahihiyang tumango ang kapatid ko na si Blake na siyang nasa edad dyes. “O-Opo…”
Ngumiti ako at saka pareho kong ginulo ang kanilang mga buhok. “Miss ko na kayo.”
Nakita ko si Mama na lumapit kay Ma’am Hillary kaya napatayo ako at nagtatakang sinundan siya ng tingin.
“M-Ma’am, ikaw po ba ’yong nagpatuloy sa anak ko?”
Ngumiti lamang si Ma’am Hillary kay Mama.
“Maraming salamat po, Ma’am. Naging pabaya po akong ina at kinailangan ko pa siyang iwan. Maraming salamat po sa pagpapatuloy sa anak ko. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo.”
Tumango lang si Ma’am. “She is a good kid. Karapat-dapat lamang niyang matulungan.”
“Maraming salamat po, Ma’am.”
“Tsk.”
Nagulat ako sa biglang pag-tsk ni Zero. Nang binalingan ko siya ay namilog ang mata ko nang nakahawak na sa lay layan ng damit niya ang isa kong kapatid.
“Hala…”
“It’s okay,” agad niyang pagpigil sa akin nang akmang ilalayo ko na ang kapatid ko mula sa kanya. “He’s not even harmful.”
Ngumuso ako at bigla kong naalala na siya pala ang naghanap sa Mama ko. Hindi ko man lang siya napasasalamatan. Tumikhim ako at yumuko.
“S-Salamat…”
“Huh?”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Nakataas ang kanyang isang kilay sa akin.
“S-Salamat. Nakita ko na ulit si Mama…”
“Tinupad ko lang ang pangako ko.”
Tumango ako at kinagat ang ibabang labi. “A-Alam ko…”
“At hindi ako tumatanggap ng salamat.”
Kumunot ang noo ko. “Huh?”
Tinapik niya ang kanyang pisngi na siyang ikinapula ng pisngi ko. Ano ba naman ito? Gusto niya ng halik? Nakakahiya iyon…
“G-Gusto mo n-ng halik?”
Namilog ang mata niya sa sinabi ko. “A-Anong halik?” Namula ang tainga niya matapos niyang itanong iyon sa akin.
Parang gusto ko na magpalamon sa lupa dahil sa kahihiya. Yumuko ako at saka umiling sa kanya. “W-Wala…”
“Sino ba naman ang ayaw ng halik?” narinig kong bulong niya.
Agad akong napaangat ng tingin sa kanya at saka napakurap-kurap. Napakamot naman siya sa kanyang noo at saka lumayo na lamang sa akin kasama ang kapatid ko na halos sumiksik na sa kanya. Tinakpan ko na lamang ang mukha ko at pinakiramdaman ko na lamang ang sariling puso ko na humahataw na.
Nang matapos ang araw na iyon ay halos hindi na ako humiwalay kay Mama. Pinaliwanag niya sa akin ang lahat at pinapili niya ako kung sasama ba ako sa kanya o hindi. Ang sabi ko ay ayos lang naman ako saka Ma’am Hillary at bibisita lang ako sa kanya kung okay lang naman sa kanyang bagong asawa.
Maayos lang naman sa akin basta masaya lang si Mama at ang mga kapatid ko. Sa pagkakaalam ko ay mabait naman ang kanyang napangasawa na foreigner.
“Anak, ayaw mo ba ipatitingin ang ngipin mo sa dentista?” tanong ni Mama sa akin nang kami ay kumakain sa isang fast food chain kasama ang aking mga kapatid. “Sasamahan kita, anak.”
Ngumiti ako kay Mama na siyang ikinagulat niya muli. “Ma, kapag wala na lang pong pasok, Ma. Magpapasama po ako sa inyo sa dentista.”
Nagulat ako nang hinaplos ni Mama ang pisngi ko at seryoso niya akong tiningnan. “Masaya ako na masaya ka, anak. Nakita ko na rin ang mga ngiti mo kahit ganiyan ang ngipin mo.”
Kinagat ko ang ibabang labi ko. “Ma, ang dami kong g-gustong pasasalamatan.”
“Alam ko, anak. Lagi ko ring pinagdarasal na sana ay makatagpo ka ng mga mabubuting tao at iyon na nga sila, anak. Sana pahalagahan mo sila, okay?”
Tumango ako. Oo naman. Sila ang dahilan kung bakit ako unti-unting lumalakas at tinatanggap ang sarili. Sila ang dahilan kung bakit nagawa ko ang isang bagay na hindi ko kayang gawin noon.
***
Simula no’n ay hindi na ako ginugulo ni Maegan at hinahayaan na niya ako sa mga bagay-bagay. Hindi na rin niya ako iniirapan kapag sa school at unti-unti ko rin nakikilala ang iba ko na mga kaklase. Ang sabi ni Ma’am Lianah ay puwede pa akong sumali sa susunod na taon dahil may potensyal daw ako at ang mas lalong nakagugulat ay pinuntahan ako ng Radio Broadcasting Club. Gusto nila akong isali sa group nila na siyang hindi ko tinatanggihan. Marami ang dumating na opportunidad na nagbukas para sa akin at sobrang pasasalamat ko sa lahat-lahat. Naging emcee ako sa isang United Nation sa school namin at minsan na ring naging judge.
Itong taon ang pinakamagandang taon para sa akin dahil maraming nagbago.
“Hey…”
Suot ko ang pink hoodie na bigay niya sa akin. Nandito kami ngayon sa sea park habang nakatingin sa mga bata na naglalaro sa may damuhan. Dinala niya ako rito dahil may sasabihin daw siya sa akin.
“Balak kong sumama sa Mommy ko,” panimula niya.
Umawang ang labi ko at napatingin sa kanya. Nasa mga bata pa rin ang kanyang tingin at wala akong nakikitang reaksyon sa kanyang mukha. Kumirot ang puso ko at agad nag-iwas ng tingin.
Aalis na siya? Sasama na siya sa Mommy niya?
“G-Ganoon ba…” Hindi ko maitago ang lungkot sa aking boses. Napayuko pa ako.
“Pagkatapos ng school year, aalis na ako,” dagdag niya pa at naramdaman ko ang pagbaling niya sa akin.
Lumingon din ako sa kanya at saka sinubukan kong ngumiti kahit sobrang sikip ng dibdib ko. Hindi man lang ako nakapaghanda. Masyado namang biglaan ang kanyang desisyon.
Tumango ako. “G-Good, makakasama mo na ang Mommy mo.”
Hindi man lang siya ngumiti. Parang sinusuri pa yata niya ang reaksyon ko.
Pero hindi na talaga matigil, tumulo na talaga ang luha sa aking mata na siyang ikinagulat ni Zero. Natawa ako at agad kong pinunasan ang mga luha na tutulo. “S-Sorry naluha ako, biglaan mo kasing sinabi…”
Bumuntonghininga siya. “Ipangako mo lang sa akin na hindi ka na magpapaapi, Anastasia,” seryoso niyang sambit.
“O-Oo naman.”
“Huwag ka na ring umiyak,” dagdag niya at umusog siya papalapit sa akin.
Nagulat ako nang bigla niyang kinuha ang kamay ko at saka piniga niya ito. Tiningnan niya ako sa mata kaya napalunok ako.
“At gawin mo ang lahat ng gusto mo,” aniya at kita ko na kinagat niya ang kanyang ibabang labi. “Huwag ka ring magpapaligaw.”
Namilog ang mata ko. “H-Huh?”
Bumilis ang tibok ng puso ko.
“Ako lang dapat…”
Mas lalong lumaki ang mata ko sa sinabi niya.
“Dapat pagbalik ko, single ka pa rin.”
Napayuko ako dahil sa kahihiyan. “B-Bakit naman?” Napalunok ako.
“G-Gusto kita…”
Napaangat ako ng tingin sa kanya. Seryoso niya iyong sinabi at wala akong nakikitang pagbibiro sa kanyang mukha.
“At hindi na ako babalik dito kahit kailan kapag nalaman ko na may manliligaw ka.” Niliitan niya ako ng mata. “At kapag may sinagot ka nang hindi ko nalalaman.”
Napalunok ako. “B-Bakit naman may manliligaw sa akin? M-Masyado pa tayong b-bata…”
“Kaya nga…” Humilig siya papalapit sa akin kaya napaatras ang mukha ko sa gulat. Ngumisi siya at pinisil ang ilong ko. “Kaya mag-aral ka muna nang mabuti dahil pagbalik ko, liligawan kita.”
Uminit ang pisngi ko at nag-iwas ako ng tingin. “H-Huwag ka ngang m-magsalita ng ganiyan. H-Hindi natin mahuhulaan ang panahon.”
“Isang salita lang ako, Blaizeree. Padadalhan kita ng pasalubong buwan-buwan para hindi mo ako malilimutan.”
Gusto ko na lamang magpakain sa lupa. Hindi ko akalain na dito siya hahantong. Gusto niya ako? Ano naman ang nagustuhan niya sa isang katulad ko? Imbes na malungkot ako dahil aalis siya, parang nahiya pa ako ngayon dahil sa sinabi niya.
Saglit na katahimikan ang bumalot sa aming dalawa nang hindi ako nagsalita. Nilalaro-laro ko ang aking mga daliri habang si Zero ay paulit-ulit na bumuntonghininga.
Maya-maya ay bigla na lamang siyang tumayo kaya napatingala ako sa kanya.
“Let’s go.”
“Huh?”
Tinaasan niya ako ng kilay. “Kakain tayo ng ice cream. Libre ko.”
Ngaliwanag ang mata ko at napatayo. “Talaga?”
“Oo. Marami akong pera.”
Natawa ako. “Ang yabang.”
“Totoo naman. Ibinenta ko kasi ’yong motorsiklo.”
Natigilan ako at biglang nalungkot para sa kanya. Talagang aalis na talaga siya.
“Huwag ka nang malungkot diyan.” Hinatak niya ang kamay ko patungo sa nagtitinda ng ice cream. “Pagbalik ko rito, nakade-kotse na ako at ikaw lang ang sasakay.” At humalakhak pa siya.
“Ang yabang mo talaga.”
Tumawa lamang siya at saka binitiwan ang kamay ko. Napangiti na lamang ako. Ang daming mga pangyayari sa buhay ko pero simula nang dumating sila sa buhay ko ay bigla na lamang nagbago. Mula kay Elyka, Zero, at iba pang mga tao na nakapaligid sa akin na hindi ako sinukuan at tinanggap kung ano ako. Naiiyak ako sa totoo lang dahil nakaya ko pala. Kaya ko pala…
Napatingala ako sa kalangitan na malapit nang gumabi.
Did I fill the gap?
Yes, I did.
Malawak akong napangiti at saka sinundan na si Zero na ngayon ay kausap na ang tindero.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top