Chapter 22
Sa ilang araw na natitira, hindi ako hinayaan nina Zero at Elyka na mag-isa. Tinulungan nila ako, binigyan ng tips at walang masamang enerhiya ang kanilang binigay sa akin. Halos kay Ma’am Hillary na nga tumira si Zero dahil sa kagustuhan niyang tumulong sa akin pero hindi iyon totoo. Palagi niya akong binubuwisit at tinatanong kung gwapo ba siya. Tuluyan na talaga siyang nagbago at hindi na siya tahimik na nanununtok. Minsan ay inaasar niya rin ako sa ngipin ko pero gusto kong tumalon sa saya dahil hindi man lang ako nasaktan sa kanyang sinabi. Parang unti-unti ko nang natatanggap ang sarili ko. Ang sarap pala sa pakiramdam.
Ito na ba ang sinabi ni Elyka? Ito na ba iyon?
Humarap ako sa salamin na mag-isa. Huminga ako nang malalim bago ko unti-unting ngumiti. Tumulo ang luha ko sa sandaling nakita ko ang ngipin ko. Hindi dahil sa sakit, kundi dahil sa saya. Pinalis ko ang luha sa aking mata at saka ngumiti lalo.
“Kaya ko ito…Hindi na kasi ako mag-isa…” sabi ko sa sarili ko. “K-Kahit ano ang mangyari, may Elyka at Zero pa naman sa tabi ko. Kahit ano ang mangyari ay may kaibigan pa rin naman ako.”
Ma, sana magpakita ka ulit, Ma. Sa unang pagkakataon ulit, aakyat ako sa stage, kaharap ang ibang tao na hindi ko kilala. Hahawak muli ako ng mikropono at haharapin ko ang takot. Haharapin ko ang kanilang panghuhusga. Ma…
Napayuko ako at mas lalong tumulo ang luha dahil miss na miss ko na sila Mama. Kahit natutuhan ko nang mahalin ang sarili ko, hindi pa rin maipagkaila na may kulang pa rin sa akin at iyon ay ang pamilya.
Suminghap ako ng ilang beses bago ko tinalikuran ang salamin na may ginhawa na sa sarili. Kakayanin ko ito. Para rin ito sa ikabubuti ko. Ito na ang pagkakataon ko kaya hindi ko na dapat ito sasayangin lalo na’t hindi lang naman ako ang nag-effort. May mga mabubuting tao na nag-effort sa akin at ayaw ko na masayang ang mga effort nila dahil lang sa takot ko.
***
“Ito na!” excited na tili ni Elyka habang hila-hila niya ako patungo sa covered court ng aming paaralan. Nasa likuran namin si Zero kasama ang kapatid ni Elyka na mukhang inaasar na naman si Zero dahil sa pananahimik nito.
Bumilis sa paghataw ang aking puso dahil sa kaba. Halos sumakit ang tiyan ko at halos hindi ko maihakbang ang mga paa ko kanina kung hindi lamang ako hinila ni Elyka.
Ngayon na ang English Festival at sa kasamaang palad ay mauuna ang extemporaneous speech at impromptu. Kinakabahan ako sa totoo lang dahil ito ang unang pagkakataong ulit na haharap ako sa maraming tao. Sa mga hindi kilalang tao. Habang papalapit na kami roon, naalala ko na naman ang mga panghuhusga ng mga kaklase ko sa dati kong paaralan noon.
“Huwag ka nang magsalita, ang pangit mo. Ang pangit ng ngipin mo!”
“Hindi ka puwede roon dahil baka malunok mo lang ang mikropono.”
“Huwag kang feeling, hindi ka magaling.”
“Bungal!”
“Bampira!”
“Huwag ka nang ngumiti, nagmumukha kang chanak!”
Bigla akong nanlamig at natigil sa paglalakad. Natigilan din si Elyka sa paghila sa akin dahil sa pagtigil ko. Nang tiningnan niya ako ay nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha.
“Namumutla ka, Blaizeree. Okay ka lang? Kinakabahan ka pa rin?”
Napalunok ako kasabay ng pagsikip ng dibdib ko. Huminga ako nang malalim upang maibsan itong nararamdaman ko. Hindi maaari. Hindi dapat akong aakto ng ganito lalo na’t malapit na kami. Nanginginig ang kamay ko kaya mas lalo lamang nag-aalala sa akin si Elyka. Hindi ko maiwasan ang ma-guilty dahil napurwesyo sila nang dahil sa akin.
Hindi pa man ako nakapagsalita ay nasa harapan ko na si Zero na masama ang tingin sa akin. Nilahad niya akin ang kanyang tumbler na siyang ipinagtataka ko.
“Uminom ka at umupo muna tayo roon,” aniya sabay turo niya sa isang bench malapit sa isang halaman. “Hindi ka papasok doon na ganiyan, baka hihimatayin ka.”
“Betlog!?” saway ni Elyka. “Huwag ka ngang ganiyan!”
“I am just telling the truth. Masasayang ang effort niya sa sarili niya kapag mas iisipin niya ang takot niya, Elyka,” seryosong sambit ni Zero sabay balik ng kanyan tingin sa akin. “Ayaw mo naman sigurong bumalik sa dati, hindi ba? Ayaw mo nang maapi?”
Hindi ako sumagot.
“Huwag mong isipin ang nakaraan. Ikaw lang din naman ang makatutulong sa sarili mo, Anastasia. Kailangan mong malagpasan ito para magawa mo na ang gusto mong gawin sa buhay na hindi hadlang iyang kinakatakutan mo.”
Tumango ako at saka nagpahila na lamang muna kay Elyka sa upuan at tinanggap ang tumbler ni Zero sabay inom dito. Kita ko ang paglunok ni Zero at umiwas pa ng tingin.
“Ang daming chix dito, Ely,” basag ni Elliot sa kadramahang ito.
Kita sa gilid ng mata ko ang pag-irap ni Elyka. “Behave, Kuya. Huwag mo akong ikahihiya. Malalagot ka talaga sa akin. Mabuti at pinapasok ka pa ng guard, eh, hindi ka naman student dito.”
Humalakhak si Elliot. “S’yempre, pogi points lang.”
Ngumiwi lang si Elyka at saka hinaplos at mahinang tinapik ang aking likod. “Okay ka na ba? Magsabi ka lang, ah? Hindi ka puwedeng magtungo roon na kabadong-kabado, Blaizeree.”
Tumango ako at saka inilapag sa gilid ko ang tumbler. “O-Okay na ako. Magtungo na tayo.” At tumayo na ako.
Tumayo na rin si Elyka at nag-aalala pa rin niya akong tiningnan. “Sigurado ka ba, Blaizeree?”
Tumango ako at pinalakas ang sarili. Hindi habang buhay ay kailangang ganito. Kaailangan ko na lamang sigurong tatagan ang sarili.
Nang nakapasok na kami sa loob ng covered court ay nalula ako sa dami ng tao. Umusbong muli ang kaba sa aking sarili ngunit natigilan nang biglang sumulpot sa harapan ko si Zero at biglang pinisil ang magkabila ko na pisngi.
“Ouch!”
Napasigaw ako kaya napatingin sa akin ang ibang mga istudyante. Namula ako at pilit kong inilayo ang mukha ko sa kamay ni Zero pero mas lalo pa niya akong piniga gamit ang kanyang mga palad.
“Galingan mo, ha!” seryoso niyang sambit at pinisil muli ang magkabila kong pisngi. “Kapag may tatawa sa iyo rito, susuntukin ko,” malakas niyang sambit kaya natahimik ang ibang istudyante.
“Nakakahiya ka, uy,” si Elyka sabay sapak sa braso ni Zero.
Hindi ito pinansin ni Zero at na sa akin lang ang kanyang paningin. “Naiitindihan mo ba ako? Galingan mo, ah? Tutuparin ko ang sinabi ko.”
Napasinghap ako. Si Mama?
Tumango siya nang nakita niya ang reaksyon ko. “Tutuparin ko. Pangako iyon.”
Wala sa sariling tumango ako.
Inalis na niya ang kanyang kamay sa akin at saka tinapik ang aking balikat. Ngumiti siya sa akin at saka mahina niya akong itinulak patungo sa nakahilerang upuan. Nakita ko roon si Maegan na malaki na ang ngisi sa akin. Napalunok ako at tahimik na umupo sa kanyang tabi.
Ngumisi siya lalo. “Hi, Blaizeree…” Iginalaw niya ang kanyang mga daliri na nagsisilbing kaway niya sa akin. “Excited ka na ba sa araw na ito?”
Hindi ko siya sinagot at nanatili lang akong nakatingin sa kanya.
Natawa siya. “By the way, may ipapakilala pala ako sa iyo.”
At parang tumigil ang mundo ko nang nakita ko kung sino ang kanyang balak ipakilala sa akin. Para akong naubusan nang hininga nang sandaling dumapo ang aking mga mata sa babaeng nakangiti na sa akin ngayon at pinasadahan pa ako mula ulo hanggang paa. Hindi ko akalain na narito siya.
“S-Samantha…”
Nagtaas ito ng kilay. “Mabuti naman at nakilala mo pa ako, Blaizeree…”
Bumilis ang tibok ng puso ko. Pinaglaruan ba ako? Bakit ganito? May lakas na loob na akong gawin ang bagay na ito tapos ganito na naman.
Hindi ako sumagot sa kanya at nag-iwas ako ng tingin. Ilang beses akong napalunok bago ko nilingon ang aking mga kaibigan. Si Elyka ay nakangiti sa akin at nag-thumbs up pa, si Elliot na may kinikindatan na babae at si Zero na malamig ang tingin sa akin habang nakahalukipkip. Kumunot ang noo niya nang napansin niya ang pagiging balisa. Akmang ibabalik ko na sana ang atensyon ko sa harap pero nahagip ko siya na bumuga ng hangin at humakbang papalapit sa akin. Namilog ang mata ko at nataranta. Ano ang ginagawa niya?
Napansin ni Maegan ang kilos ko kaya natawa siya sa akin. Napalunok ako. Ano ba naman ito?
Napasinghap ako nang bigla na lamang sumulpot si Zero sa gilid ko at humawak pa ang isa niyang kamay sa likod ng upuan ko. Napatingin tuloy sa akin ang iba at pati na rin sina Samantha at Maegan ay nagulat. Napalunok ako at napatingala kay Zero na ngayon ay nakayuko na sa akin. Nanliit pa ang kanyang mata.
“Maeg, who’s that guy?” narinig kong tanong ni Samantha.
“Classmate,” mapait na sagot ni Maegan.
“Are you still nervous?” tanong ni Zero sa akin at sinilip pa niya ang mga katabi ko. “Bakit mo katabi si Maegan?”
Napasinghap ako sa kanyang tanong.
“Why are you asking like that? At bakit ka ba naki-eksena, Zero? Samantha, my classmate is hot as hell but he is too focus with the girl beside me.”
Napayuko ako.
“Really?” Natawa si Samantha. “Gusto niya si Vampire? Ew…”
Mariin kong kinagat ang ibabang labi ko.
“Gusto mo ba na may Vampire girlfriend, Mr. Zero?” natatawang tanong ni Samantha na ikinakirot ng puso ko.
“Why not?” malamig na sagot ni Zero, nanatili pa rin siya sa kanyang puwesto na parang sinasakop ako. “Vampires are beautiful.”
Biglang natahimik si Samantha. Si Zero naman ay bumalik ang tingin sa akin. Kitang-kita ko iyon sa gilid ng mata ko.
“Don’t you dare back out, Anastasia. Habangbuhay na talaga kitang hindi kakausapin,” banta niya.
Namilog ang mata ko at hindi makapaniwalang nag-angat ng tingin sa kanya. Umatras na siya at umayos ng tayo. Nagtaas siya ng kilay sa akin bago siya tumalikod at bumalik kila Elyka.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top