Chapter 2

Tatlong araw mula nang masuspinde ay nakabalik na si Zero sa paaralan. Nakita ko na nakipagkuwentuhan siya kay Lester habang may headphone na nakasabit sa kanyang leeg.

Bumuntonghininga ako at tumalikod na sa kanila. Hindi ko na lang siguro ilalapit ang sarili ko sa kanila para wala nang gulo. Dalawang linggo na lang at graduation day na namin. Wala pang pictorial at natatakot ako kapag dumating na ang araw na iyon.

“Sino ang valedictorian?”

Natigilan ako sa pag-upo sa aking upuan nang may isang babae na sumilip sa aming silid. Kulot ang kanyang buhok at nakasuot siya ng eyeglass. Nakita ko na parang may hinahanap siya sa amin.

“Ah, si bungal,” walang ganang sagot ng isa sa mga kaklase ko at kalaunan ay tumawa.

Napailing na lamang ang babae sa sagot ng kaklase ko. Para siyang nadismaya sa narinig. Tuluyan na akong naupo sa aking upuan. Nagulat ako nang may biglang umakbay sa akin, sa amoy pa lang, alam ko na kung sino.

“Uy, mukhang may speech ka yata, ah!” si Vhea sabay ngitngit ng kanyang ngipin sa akin, tila nang-aasar pa yata.

 Kumunot ang noo ng babae at bumaling sa amin.

Lumayo si Vhea at ipinatong niya ang kanyang siko sa ulo ko. “Ito ang valedictorian. Ang aming bungal. Huwag mong kainin ang mikropono kung magsasalita ka, ah? Huwag ding masyadong ibubuka ang bibig dahil baka makita ang malaking gate sa ngipin mo.” At humagikhik siya.

Nanatiling nakakunot ang noo ng babae at nakahalukipkip na. Parang hindi niya pa yata nagustuhan ang sinabi ni Vhea. Kinagat ko na lamang ang labi ko at hinarap ang babae.

“Bakit po?”

Ngumiti siya sa akin. “Sumama ka sa akin. Pinapapunta ka ng adviser niyo sa office.”

Tumango ako at saka tumayo na. Lumayo naman si Vhea sa akin at napangisi.

“Bye, bungal. Galingan mo. Huwag mong ipahiya ang section natin kun’di malalagot ka sa akin.”

Hindi ko na lamang siya nilingon at sumunod na lamang sa babae.

**

“Gagawa ka yata ng speech kasi ikaw ang valedictorian,” panimula ng babae habang naglalakad kami sa hallway patungo sa office.

Nasa likuran niya lang ako, nakayuko habang hawak ang magkabila kong mga kamay. Nang bigla siyang lumingon ay napasinghap ako sa gulat at bahagyang napaatras. Niliitan niya ako ng mata at bahagyan niyang niyuko ang kanyang katawan para silipin ang mukha kong nasa sahig ang tingin.

“Takot ka ba sa akin?”

Agad akong nag-angat ng tingin sa kanya sabay iling. “H-Hindi…”

Ngumuso siya at saka lumapit sa akin. Nagulat ako nang hinawakan niya ang kamay ko. Ngumiti siya sa akin.

“Chin up, beh! Ikaw ang panalo! Valedictorian ka at sigurado ako na maraming opportunities na darating sa iyo pagtungtong mo ng high school. Huwag mong sayangin, ha?!”

Ngumiti siya muli sa akin sabay hawak sa palapulsuhan ko. Naibaba ko ang tingin ko roon. Umiba ang pakiramdam ko lalo na’t hindi marahas o mataray ang tungo niya sa akin. Para sa kanya, para lang akong normal na istudyante. Ang sarap sa pakiramdam.

“Hihilain na lang kita, ah, dahil baka magalit na ang guro,” aniya sabay ngiti.

Ito ang unang pagkakataon na may mabait sa akin. Wala akong kaibigan at wala akong magandang memorya sa elementarya kundi puro bullying lang. Hindi na rin ako aasa na makagagawa ako ng mga magagandang karanasan at memorya sa high school.

Nang nakarating kami sa opisina, namilog ang mata ko nang nakita ko si Zero. Katabi niya ang isang lalaki na mukhang galing yata sa ibang section. Tumikhim ako at agad nag-iwas ng tingin.

“Mabuti at nadala mo, Ysa. Mahiyain pa naman si Blaize at baka hindi tayo sisiputin sa graduation,” pabirong sambit ni Ma’am Hermosa at tumawa pagkatapos.

Yumuko lang ako. “Pasensya na po.”

Tumawa muli si Ma’am Hermosa at saka ngumiti sa akin. “It’s okay, Blaizeree. I know you are not into this but this will be your moment. Pagkatapos nito, maghihiwalay na kayo ng landas.”

Tumango ako at umayos ng tayo.

“So…” Lumapit si Ma’am Hermosa sa akin at hinawakan ako sa balikat. “Make the best speech ever, Blaizeree. A speech that touches the heart of the audience.”

Kinagat ko ang ibabang labi at mahinang tumango. Hindi ako sanay sa public speaking kaya kinakabahan talaga ako para rito.

Saglit na nagpaalam si Ma’am sa amin dahil may tumawag sa kanya. Habang ang apat na istudyante ay nakaupo sa magarbong sofa, ako naman ay nakaupo sa gilid ng teacher’s table habang nagsusulat ng speech para sa graduation day.

“Gano’n ba talaga siya, Zero?”

Saglit na napasulyap ako sa kanila nang narinig ko silang nag-uusap bago ko ibinalik ang atensyon ko sa papel na wala pang laman.

“What do you mean?”

“Quiet, always bowing her head.”

“Mind your own business, Ysa.”

Nilukot ko ang papel matapos ko magkamali sa aking sinusulat. Bumuga ako ng hangin at napahilot pa ako sa aking sentido. Kinalmot ko ang ulo ko at nagkuha muli ng panibagong papel. Wala akong maisip na isulat. Wala naman akong magandang karanasan sa buhay elementarya ko kaya ano ang isusulat ko?

Ang pagkabigo sa aking mukha ay hindi nakatakas sa paningin ni Zero. Hindi ko namalayan na nakatingin na pala siya sa akin. Napalunok ako kasabay ng pagkabog ng puso ko. Parang tumigil sa paggalaw ang paligid dahil sa kanyang matang mapanghipnotismo, nakadadala. Napakurap-kurap ako at agad nag-iwas ng tingin. Bahagyang uminit ang pisngi ko at ilang beses pa akong tumikhim bago ko itinuon ang buong atensyon sa aking sinusulat.

My years as a student here in our beloved school

Napangiwi ako kasabay nang pagtigil ko sa pagsusulat. Binura ko ito sabay lukot sa papel. Lumabi ako at nailagay na lamang ang kamay sa aking sentido dahil sa iritasyon.

“Ma’am, puwede po ba sa bahay na lang ako gagawa?” nahihiyang tanong ko kay Ma’am Hermosa nang makabalik. “W-Wala kasi akong maisip, eh…”

Natawa siya sa akin at tumango-tango. “Okay.”

Nang akmang lalabas na sana ako sa office ay nahagip ng tingin ko ang babae na kumuha sa akin sa classroom kanina. Kumaway siya sa akin habang may ngiti sa labi.

Umawang ang labi ko at sandaling nagulat muli dahil sa pakitutungo niya sa akin. Bakit niya ako nginitian? Hindi naman kami magkaibigan. Ayokong malinlang sa mga ngiti na iyan. Pamilyar na sa akin ang ngiti na iyan at natatakot ako na baka maulit muli ang naranasan ko noon.

Huminga ako ng malalim at saka tuluyan nang lumabas ng opisina. Kitang-kita ko sa gilid ng aking mata ang pagkadismaya niya nang lagpasan ko siya. Kumirot ang puso ko at napailing na lamang.

Mas mabuting ilayo ko na lamang ang sarili ko sa kanila. Mabait man o hindi. Ayoko na maging magulo ang buhay ko. Hindi ko na kailangang ipilit pa ang sarili ko sa taong ayaw sa akin.

Nang nakauwi ako, akala ko ay maaabutan ko si Mama, pero nagtataka ako dahil sobrang tahimik ng bahay. Hinubad ko ang sapatos ko at saka pumasok sa loob. Nilagay ko rin ang bag ko sa upuan at saka pinagmasdan ang buong sala.

Nagtataka ako na ang tahimik. Wala akong naririnig na halakhakan ng mga makukulit kong kapatid. Nasaan sila? Inabot ko ang ilaw sa may pader at binuksan ito.

“Ma?”

Gusto kong sabihin sa kanya na makaaakyat muli siya sa stage dahil ako ang valedictorian sa buong batch namin. Hindi pa kasi niya alam at sa tuwing balak kong ipaalam sa kanya ay palagi siyang may ginagawa.

“Mama!” tawag ko at sinilip ang kusina. “Mama—”

Natigilan ako sa pagtawag nang napansin ko na sobrang linis ng kusina. Napalunok ako at biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Bigla akong kinabahan.

“Ma?!”

Tumakbo ako patungo sa kwarto namin at saka binuksan ang ilaw. Nanlumo ako at napaupo sa sahig nang nakita ko na sobrang linis na rin ng kwarto at wala na ang mga damit sa kanilang kabinet.

“M-Ma?!”

Nangilid ang luha sa aking mata at sumikip ang dibdib ko. Natulala ako saglit dahil pinoproseso ko pa ang lahat. Nasaan sila? Ano ang nangyari?

Tuluyan nang tumulo ang luha sa mata ko at mabilis akong tumayo upang hanapin si Mama.

“Ma!?”

Nagtungo ako sa labas at nagtanong sa kapitbahay ko. Hinihingal ako at halos hindi na makahinga. Nasaan ba kasi si Mama? Pinakaba niya ako!

“Nakita ko ang Mama mo pag-alis mo sa school. May dala siyang bag at hila-hila niya ang dalawa mong kapatid. Hindi pa ba umuuwi?”

Napaatras ako sa kanyang sinabi. Nanginginig ang katawan ko at paulit na umiling-iling. Iniwan na ba ako ni Mama? Iniwan na ba nila ako? Bakit?

Lumuluha akong tumakbo pabalik sa loob ng bahay at doon umiyak nang umiyak. Wala man lang akong kaalam-alam. Bakit hindi nila ako sinama? Saan ba sila nagpunta? Ano ba ang nangyayari?

Natigil ako sa pag-iyak nang nahagip ng tingin ko ang isang piggy bank at sobre. Dali-dali akong lumapit doon at kinuha iyon. Pinunasan ko ang luha ko at binuksan ang sobre. Napatakip na lamang ako sa aking bibig nang nakita ko na sulat-kamay ito ni Mama. Napaupo na lamang ako sa upuan.

Mahal kong anak,

Blaize, anak! Balita ko, ikaw raw ang valedictorian ng buong batch niyo. Sobrang proud ko sa iyo. Siguro nang binasa mo ito, may lungkot o poot na sa dibdib mo. Hindi man lang ako makaa-attend ng graduation mo. Patawarin mo ako anak kung kailangan kitang iwan. Nagkautang ako at hindi ko kayang bayaran. Ipakukulong ako anak, pero hindi pa puwede iyon dahil maliliit pa ang mga kapatid mo. Pasensya na at hindi ko man lang kayo nabibilhan ng magagandang damit, masasarap na pagkain, at hindi ko man lang kayo nabigyan ng magandang buhay. Hindi man lang kita makitang ngumiti. Hindi ko man lang napaayos ang ngipin mo, anak. Hindi ka na sana mahihiyang ipakita ang pinakamaganda mong ngiti.

Gusto sana kitang isama ngunit naisip ko na mas mabuting huwag ka na lang isama dahil alam ko na may mararating ka, anak.

Huwag kang mag-alala, babalik din kami. Babalik din kami ng kapatid mo at kukunin ka namin. Unti-unti kong babayaran ang utang na iyon. Sa ngayon, magpakatatag ka anak, ha? May hinanda akong pera para sa iyo. Umalis ka na sa bahay na iyan dahil baka babalik ang mga iyon at ikaw ang pupuntiryahin. Mahal na mahal kita, anak! Babalik ako, anak. Narito lang ako sa malayo, tatanawin ka lagi.

Nagmamahal,

Mama

Napahagulhol na lamang ako matapos mabasa ang kanyang sulat. Basang-basa na ang papel dahil sa luha ko na tumutulo.

Mama, sana sinama mo na lang ako. Hindi ko kaya na wala ka, Ma. Hindi ko kaya.

Iyak ako nang iyak. Hindi ko akalain na biglaan niya akong iiwan. Hindi ko man lang nasabi kay Mama kung gaano ko rin siya kamahal. Hindi man lang niya ako masasabitan ng medalya sa harap ng maraming tao.

Ang sama ng mundo sa amin. Sobrang sama.

I was twelve years old when my Mom left me alone in this cruel society.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top