Chapter 19

“Class Dismiss,” anunsyo ng teacher namin sa MAPEH matapos niya kaming bigyan ng assignment.

Iniligpit ko na ang aking gamit sa aking bag at saka binalingan si Elyka na mukhang excited na excited.

“Sama ka, ah?”

Tumango ako sa kanya. Bakit naman hindi? Siya ang nagyaya sa akin. Hindi naman puwedeng tanggihan dahil kaarawan niya ngayon. At ito ang unang pagkakataon na yayain ako sa isang birthday party. Ni minsan, walang nag-imbita sa akin kaya malaking karangalan iyon sa akin at karanasan na rin.

Bumungisngis si Elyka matapos ko na tumango at nakita sa gilid ng mata ko ang pag-irap ni Maegan sa amin. Napayuko na lamang ako at bumuga ng hangin. Tama nga si Zero, unti-unti na akong nag-improve. Gusto ko silang pasasalamatan dahil hindi nila ako itinuring na parang outcast sa paaralan na ito. Ngayon, unti-unti ko nang natutuhang baliwalain ang mga bagay na noon ay mas lalong nagpapabawas sa kompiyansa ko sa aking sarili.

Dinala nga ako ni Elyka sa kanila kasama si Zero na tahimik lang. Ang totoo ay naninibaguhan ako sa kanya dahil masyado siyang tahimik ngayon pero sumama pa rin siya sa amin. Minsan ay nahuhuli ko rin siyang tumitingin sa akin at kapag titingin naman ako sa kanya ay saka siya iiwas. May nagawa ba ako sa kanya?

Napalunok ako lalo na ngayon ay nasa tabi ko na siya. Amoy na amoy ko ang kanyang pabango na siyang isa sa mga bago sa kanya. Hindi kasi ganoong amoy ang naaamoy ko sa kanya dati. Hindi pa kami nakapasok sa loob dahil hinihintay pa ni Elyka ang tinatawag niya na Manang Yka.

“Wala ka bang napapansin sa akin?”

Napasinghap ako at gulat na binalingan si Zero dahil sa kanyang tanong. Kunot na kunot na ang kanyang noo habang nakatingin sa akin.

Napalunok ako at nag-iwas ng tingin sa kanya. “Tahimik ka ngayon.”

“Iyon lang?” hindi makapaniwala niyang tanong.

Tumango ako. Nagulat na lamang ako nang magtungo siya sa harapan ko at kinunutan niya ako ng noo.

“Talaga? Wala kang napansin sa akin?!” paniniguro niya.

Kinagat ko ang ibabang labi ko. “Bakit ba?”

Ginulo niya ang kanyang buhok at saka tumalikod saglit. Hindi na siya muli nakapagtanong sa akin dahil bumalik na si Elyka na may ngiti na sa labi.

“Halina kayo! Naghihintay na si Mommy sa inyo!”

Hindi ko na nilingon si Zero at sumunod na kay Elyka na agad namang yumakap sa braso ko. Napalunok ako at biglang napatanong sa aking sarili kung bakit niya ako tinanong ng ganoon. Bumuga na lamang ako ng hangin at saka tuluyan nang pumasok sa loob ng bahay ni Elyka.

***

“Happy Birthday, dear!”

Hinalikan ng Mommy ni Elyka si Elyka sa kanyang pisngi matapos siyang batiin. Niyakap ni Elyka ang kanyang Mommy at saka siya kumalas dito at lumapit sa amin.

“Mommy! Siya po ang kinuwento ko po sa inyo! Siya po si Blaizeree!” pakilala ni Elyka sa akin at halos kaladkarin na niya ako papalapit sa Mommy niya.

“H-Hello po,” nahihiya kong sambit at napayuko.

“Huwag kang yumuko, hija. Nagagalak ako na may kaibigan na muli na dinadala si Elyka rito.”

Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Ngumiti naman siya sa akin at saka bumaling kay Zero na nakatayo lang. “Oh, at buti naman ay narito ka, hijo. Nagkabati na ba kayo ng anak ko?”

Kumunot ang noo ko at napatingin din kay Zero. Nanatili lang siyang nakatayo, walang reaksyon. Magkaaway ba sina Elyka at Zero? Kaya ba hindi siya umiimik? Napalunok ako. Sana naman ay magkabati na sila lalo na’t birthday pa ni Elyka ngayon.

“Not gonna happen, Tita.”

Umawang ang labi ko at napatingin kay Elyka na wala naman problema dahil nakangiti pa rin siya. Siguro…

“Hi, Betlog? Bati na ba tayo?”

Isang boses ang umalingawngaw sa buong bahay na nagpatigil sa aming lahat. Nang binalingan namin ito, ay isang lalaking kamukha ni Elyka, matangkad at tingin ko ay mukhang pilyo ay nagmamadaling bumaba sa kanilang mahaba na hagdan. Muntik pa siyang madapa sa huli niyang pag-apak. Mabuti at may kasambahay na agad nakalapit at nahawakan ang kamay ng lalaki.

“Kuya, careful!”

Sumimangot si Elyka nang natawa ang Kuya niya at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa amin.

Nang magkatapat na sila ni Zero ay agad naglahad ang Kuya ni Elyka ng kamay. “Tinatanggap mo na ba ang pagkatalo mo, Zero?”

Matalim na tumingin si Zero sa lalaki. “You cheated.”

Humalakhak ang lalaki at saka ibinaba ang kamay. “So, hindi pa rin tayo bati? Come on—” Natigil sa pagsasalita ang lalaki nang dumapo ang kanyang mata sa akin. Napalunok ako at napayuko.

“Oh, this is your new friend, Elyka?”

“Yes, Kuya!” Elyka giggled. “Siya ’yong kinuwento ko sa iyo.”

Naramdaman ko ang pagtabi ni Zero sa akin kaya nagtataka akong nag-angat ng tingin sa kanya. Tinaasan niya lang ako ng kilay at saka hinarap ang lalaki na kanina pa nakatingin sa akin.

“Don’t look at her like that, Elliot. You will not going to like it.”

Natawa ang lalaki na Elliot ang pangalan. “So, this is your girl?”

Bago pa man makapagsalita si Zero ay sumabat na ang Mommy ni Elyka.

“Hey, stop it, Elliot. Bisita sila ng kapatid mo.” Nang dumapo muli ang mata ng Mommy ni Elyka sa akin ay ngumiti siya sa akin. “Halina kayo, Hija.”

Tumango ako at nagpahila na lamang kay Elyka patungo sa kung saan.

***

“Happy Birthday to you! Happy Birthday to you! Happy Birthday! Happy Birthday! Happy Birthday to you!”

Tanging palakpak lang ang naging ambag ko nang kinantahan ng mga tao si Elyka. Hindi gaano karami ang bisita. Para lamang siyang salo-salo pero sosyal. Kasama niya ang kapatid niya, Mommy at Daddy niya. Napangiti na lamang ako nang isa-isa nilang niyakap si Elyka matapos niyang hipan ang kandila sa ibabaw ng cake.

Napansin ko na palaging nasa tabi ko si Zero at napapansin ko rin na sobrang sama ng tingin niya sa pilyong kapatid ni Elyka na mukhang inaasar pa yata si Zero kaya ganito na lamang kumilos. Halos hindi na rin binitiwan ni Elyka ang braso ko nang nagsimula na kaming kumain.

“Hija, bakit kaunti lang ang kinain mo? Dagdagan mo pa,” ani ng Mommy ni Elyka sabay ngiti sa akin. “Masaya ako na narito ka. Hindi na lonely itong unica hija ko.”

“Mommy naman. Huwag makuwento, baka may maikuwento ka kay Blaizeree na nakakahiya, eh.”

Natawa ang Mommy niya. “And I heard, pareho kayong kasali sa English Festival sa school ninyo. Don’t worry, pupunta kami ng Dad niya to cheer the both of you.” At hinawakan ng Mommy ni Elyka ang braso ng kanyang asawa. Nagkatinginan sila at parehong natawa. Tipid akong napangiti.

“Kasali rin ba si Betlog? Naku, baka ipapahiya niya lang ang school ninyo,” si Elliot at tumawa pagkatapos.

“Elliot!” saway ng Mommy ni Elyka.

“Tita, it’s okay,” ani ni Zero at biglang ngumisi. “Ganoon talaga ang mga cheater.”

Sarkastikong humalakhak si Elliot. “Next time, magpagasolina ka kasi para hindi ka maubusan. Inakusahan mo pa akong nag-cheat.”

Kumunot ang noo ko. Si Zero sa gilid ko ay biglang nanahimik. Nang tiningnan ko siya ay namutla siya. Ano ba ang problema niya?

“Ayos ka lang ba?” nag-aalala kong tanong.

Kumurap-kumurap siya at hindi niya magawang ibuka ang kanyang bibig. Naibaling ko naman ang aking paningin kay Elliot nang bigla itong humalakhak. Panibagong saway na naman ang narinig ko mula kay Elyka.

“Kuya!”

Sumeryoso na ito at saka nanliit ang kanyang mata habang tinitingnan si Zero. “Now, I know why.” Bumaling sa akin si Elliot. “Ayaw mo ba sa mga lalaking nagmomotorsiklo?”

Umawang ang labi ko. “Huh?”

“Elliot,” may pagbabanta sa boses ni Zero.

“Okay, but you will race with me again, right?”

“Not gonna happen.”

At natawa na lamang si Elliot.

***

Hindi ko maipagkaila na ngayong araw ang pinakamasayang araw para sa akin. Pagkatapos naming mag-birthday ay ipinasyal ako ni Elyka sa buong bahay niya at halos ibinigay niya sa akin ang mga gamit niya na hindi pa nagagamit. Pareho kami ngayong nakaupo sa sahig.

“Marunong akong mag-make up!” kuwento ni Elyka sa akin nang nasa kuwarto niya kami. “Aayusan kita sa darating na English Festival, ha?”

Kinagat ko ang labi ko at nagpalinga-linga sa kanyang pink na kuwarto. Mahilig siguro siya sa hello kitty dahil iyon ang halos nakikita ko sa buong kuwarto niya. Mula sa pader, carpet, kama, kumot at unan. Nang kalabitin niya ako ay saka ko siya nilingon. Ngumuso siya at ipinakita sa akin ang kanyang make up kit.

“Aayusan kita, ah? Pagagandahin kita.”

Uminit ang pisngi ko sa kanyang sinabi. “H-Hindi naman kailangan.”

At hindi pa ako handa. Masyado pa akong takot.

“At tutulungan din kita para maagapan mo ang takot mo sa mga tao dahil lang sa tingin mo ay huhusgahan ka na nila dahil sa ngipin mo. Ignoring them is the first thing to do, Blaizeree. Kahit hindi ito magiging madali, alam ko na kaya mo. Dapat may focus ka rin sa iyong sarili na kahit pagtatawanan ka ng mga tao, maiibahagi mo pa rin ang sarili mo.”

Malungkot ko siyang tiningnan. “M-Makakaya ko kaya iyon?”

Tumango siya at inilapag ang make up kit sa sahig. “Yes, makakaya mo iyon! Alam ko. Magtiwala ka lang sa sarili mo. Kung ang iba ay sasabihan ka ng masasama, huwag mo silang iisipin. Ang iisipin mo ay may mga taong nagtitiwala na sa iyo. Ako at saka si Betlog!?”

Sana nga…Sana nga talaga…

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top