Chapter 18
“S-Salamat pala sa pagsama,” nauutal ko na sambit nang nasa tapat na kami ng gate ng bahay ni Ma’am Hillary.
Humigpit ang hawak ko sa bag ko matapos kong sabihin iyon. Kung hindi niya siguro ako niyaya na magtungo roon ay baka hindi ko mabasa ang sulat ni Mama para sa akin. Tampo lang ang tanging nararamdaman ko kay Mama at wala nang iba. Sana ay mahal niya at mahal siya ng lalaking pinakasalan niya. Sana hindi sila inaabuso. Sana naging maganda ang pagtrato sa kanila ng Amerikano.
Nagulat ako nang bigla niyang inilagay ang kanyang kamay sa ibabaw ng ulo ko at pagkatapos ay ginulo niya ito.
Ngumuso siya. “It’s fine. I had fun.”
Kumunot ang noo ko. “Fun? Wala namang masaya sa pinuntahan natin. Kumain lang naman tayo at umiyak.”
“Exactly.” Tinanggal niya ang kanyang kamay sa ulo ko at ngumiti siya sa akin. “Masaya ako na kaya mong umiyak sa harapan ko. Akala ko ay magpapanggap ka lang na ayos lang kahit nakita ko naman. I am happy that you are improving.”
Kumunot ang noo ko. “Improving?”
“Unti-unti ka nang ngumingiti. You smiled when Elyka’s around. I think she is a good influence to your growth.”
Uminit ang pisngi ko at nag-iwas ng tingin. “Mukha nga…”
Narinig ko ang kanyang pagbuntonghininga at saka umatras siya ng ilang beses. Nang tiningnan ko siya ay nasa bulsa na ang kanyang mga kamay. Napalunok ako lalo na sa klase ng kanyang tingin.
“So, see you tomorrow, Anastasia.” At tumalikod na siya sa akin.
Kinagat ko ang ibabang labi ko at paulit-ulit na nagpapasalamat sa kanya sa aking isipan. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko malalaman kung ano na ang nangyari kay Mama. Kung hindi niya ako niyaya, baka hindi na talaga ako bumalik dahil nawalan na ako ng pag-asa.
Nang gumabi ay tulala ako habang kaharap ang malaking pera na tingin ko ay mula sa napapangasawa ni Mama. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa pera? Ipapaayos ko ba talaga ito sa ngipin ko? Huminga ako nang malalim at saka ibinalik ang pera sa envelope at itinago na lamang sa ilalim ng kama. Hindi ko muna iyon gagalawin dahil hindi normal sa isang dalagitang katulad ko ang humawak ng ganoon kalaki na pera.
At isa pa, hindi ko muna poproblemahin ang ngipin ko ngayon dahil sa katunayan ay mas namomoblema pa ako sa impromptu na darating. Ipagpapatuloy ko ba iyon? Hindi naman kasi ako ang naglista at wala talaga akong planong sumali.
***
Kinaumagahan ay hindi ko nakasabayan si Melody patungo sa paaralan. Ang sabi kasi sa akin ni Manang Imelda ay umuwi ito sa kanila saglit dahil may emergency raw. Hindi ko tuloy maiwasan ang mag-alala lalo na’t kinuwento na sa akin ni Melody na may sakit ang kanyang Mama. Sana naman ay hindi tungkol doon ang emergency.
Nag-iba na rin ang pakiramdam ko simula nang magparamdam si Mama gamit ang isang sulat. Para akong nabigyan ng pag-asa na bumangon ulit. Umaasa ako na makita ko siya ulit. Gusto ko ikuwento sa kanya na mayroon na akong mga kaibigan at halos hindi na ako binu-bully sa bago ko na paaralan. Gusto ko ikuwento sa kanya ang lahat.
“Blaizeree!”
Natigilan ako sa paglalakad sa hallway nang nakita ko si Elyka na sobrang hyper. Ngiting-ngiti siya at parang hindi pa siya makapaghintay sa kung ano man ang kanyang sasabihin sa akin. Ngumiti siya at saka yumakap sa braso ko. Napangiti ako ng tipid.
“Blaizeree! Sumama ka sa akin sa bahay ngayong lunch!”
Umawang ang labi ko. “H-Huh?”
Tumingkayad siya upang bumulong sa akin. “Birthday ko kasi…” At nang lumayo siya ay ngiting-ngiti na siya.
Umawang lalo ang labi ko. “H-Happy Birthday.”
Gusto kong mahiya dahil hindi ko man lang alam iyon.
“Thank you! Sama ka, ah? Gusto ka rin ma-meet ni Mommy! At saka hindi ba at wala tayong klase sa hapon? Magpa-practice tayo sa impromptu mo!”
Namilog ang mata ko sa kanya. Magpa-practice?
“Patunayan mo sa sarili mo, Blaize, na kaya mong talunin si Maegan! Ang baba ng tingin sa iyo, ah. Patunayan mo sa sarili mo at sa kanila na kaya mo.”
Napayuko ako. “H-Hindi ko yata kaya iyon.”
“Anong hindi?!” Niyugyog niya ang kamay ko. “Kaya mo!”
Bumuga ako ng hangin. “Baka pagtatawanan lang ako.”
“Dahil ba sa ngipin mo?”
Tumango ako. Pumasok na kami sa classroom namin at dumiretso na kami sa aming upuan.
“Ako bahala sa mga mang-aapi sa iyo,” paniniguro ni Elyka nang pareho na kaming nakaupo. Inusog pa niya ang kanyang arm chair para mas mapalapit sa akin. “Iche-cheer kita! Mabuti at malakas at malaki ang boses ko. Hindi ko hahayaan na pagtatawanan ka, Blaizeree! Support kita!”
Parang hinaplos ang puso ko sa kanyang sinabi.
“Kami ni Zero. Iche-cheer ka namin!” dagdag niya na ikinagulat ko.
“Huh?”
Sabay kaming napatingala ni Elyka sa panibagong boses. Napalunok ako nang nakita ko si Zero. Napansin ko na bagong gupit ang kanyang buhok at hindi na siya naka-eyeglass. Wala na ring headphone na nakasabit sa kanyang leeg at naka-uniporme talaga siya.
“Hindi ba, Betlog? Che-cheer natin si Blaizeree sa impromptu niya?” Niyugyog ni Elyka ang kamay ni Zero. “Zero?”
Napakurap-kurap si Zero at nag-iwas siya ng tingin sa amin. Napalunok ako nang hindi ito nagsalita at dumiretso sa kanyang upuan. Napasimangot si Elyka at saka umirap.
“Hayaan mo na si Zero. Fake friend siya. Basta, support ako sa iyo. Huwag kang paghinaan ng loob. Kung ano man ang karanasan mo noon, sigurado ako na hindi na iyon mangyayari dahil may Elyka na sa tabi mo.” At ngumiti siya ng malaki.
Napangiti na lamang ako at tumango sa kanya. Susubukan ko, susubukan ko, Elyka.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top