Chapter 1
Gulat na gulat pa rin ang lahat dahil sa ginawa ni Zero. Inayos ko ang damit ko at agad tumayo. Masama na ang tingin sa akin ng mga kaklase ko habang dinadaluhan naman ng iba si Paulo na nakaupo pa rin sa sahig habang hawak-hawak ang tiyan. Kinagat ko ang ibabang labi ko at bumalik na lamang sa aking inuupuan.
Yumuko ako habang ang luha ko ay patuloy pa rin sa pagtulo. Buong buhay ko sa paaralang ito, iyon na yata ang pinakagrabe na nagawa ni Paulo sa akin. Susuntok siya para lang sa selpon niya. Ramdam na ramdam ko pa rin ang panginginig ko at halos hindi ko na maiangat ang mukha ko sa kanila. Pinalis ko ang sariling luha ko gamit ang aking kamay.
“Bakit ba kasi nandito ang bungal na iyan?”
“Scholar, eh!”
“Hindi siya bagay dito.”
“Duh, hindi lang naman ikaw, ano?”
“Naku, baka sugurin iyan ng magulang ni Paulo.”
“Malamang!”
Sumikip ang dibdib ko. Mahirap lang kami at hindi ko alam kung paano babayaran si Paulo. Hindi ko naman sinadya iyon. Inaasar niya ako. Pinipilit niya akong tingnan ang picture kahit ayaw ko. Kung hindi niya ginawa iyon, wala sanang mangyayari sa selpon niya.
Nahihiya ako kay Mama. Kailangan pa niyang pumunta sa guidance office nang dahil sa akin. Baka dahil sa gulong ito, mawala ang scholarship ko at hindi na ako makapag-aral.
“Anak, wala ka namang kasalanan,” patuloy na pag-aalo ni Mama sa akin sabay punas ng luha sa aking pisngi.
Natigil lang kami pareho ni Mama nang dumaan ang kaklase ko na si Zero kasama ang kanyang magulang. Kumirot ang puso ko nang magtama ang paningin namin. Wala siyang emosyon habang nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa nakapasok sila sa loob ng guidance office.
Yumuko ako. Kasalanan ko ito. Kasalanan ko kung bakit pati siya ay nadamay.
Hinawakan ni Mama ang kamay ko. “Tayo na, anak.” Ngumiti siya sa akin.
Malungkot na tumango ako sa kanya at saka nakayukong pumasok sa loob ng guidance office.
***
“Hindi ko akalain na dito ulit tayo magkikita, Mrs. Montes,” sarkastikong sambit ng Mama ni Paulo habang pinapaypayan ang sarili. “Bulakbol na pala ang anak mo ngayon.”
Si Paulo ay nakatitig kay Zero na nakatitig lang sa kawalan. Parang wala siyang pakialam sa paligid samantalang si Paulo ay takang-taka kung bakit ginawa iyon ng kanyang kaibigan.
Bakit niya naman pinatid si Paulo? Magkaibigan sila, hindi ba?
Napalunok ako nang ibinaling ng guidance councilor ang kanyang tingin sa akin. Nanginginig ang kamay ko habang nakapatong sa ibabaw ng hita ko. Napalunok muli ako ng ilang beses.
“Miss Santos,” pagkuha ng atensyon ng guidance councilor sa akin. “Bakit nahulog ang phone ni Paulo? At…” Lumipat ang kanyang tingin kay Zero na nahuli kong humihikab pa. Pinalo siya ng kanyang Mama kaya natauhan siya at umayos ng upo. “Mr. Montes, bakit mo pinatid si Paulo?”
Kinagat ko ang labi ko. “K-Kasalanan ko po, Ma’am,” pag-amin ko agad sabay yuko. “H-Hindi ko po sinasadya na mahulog ang selpon niya.”
“Ha?” react ng Mama ni Paulo. Tinaasan niya ako ng kilay kaya mas lalo lamang akong napayuko. “Mayaman ka ba? Can you afford?”
Nangilid ang luha sa aking mata dahil sa kanyang tanong.
“Ano ang simula sa gulong ito?” mahinahong tanong ng guidance councilor. Nang mag-angat ako ng tingin ay nasa akin na ang kanyang atensyon. Nakasalikop ang kanyang dalawang kamay sa ibabaw ng desk. “Blaizeree Anastasia is a quiet kid. Ito ang unang pagkakataon na sumabak ka sa isang gulo kaya gusto kong malaman.”
Nang sulyapan ko si Paulo ay may pagbabanta na ang kanyang mata sa akin. Yumuko muli ako at saka umiling.
“K-Kasalanan ko po…”
Bakit ko ba inaako ang lahat? Para wala nang gulo? Gano’n ba? O masyado lang akong mahina para umamin. Mayayaman ang pamilya ng mga lalaking ito at mahirap lang ako. Ano ang laban ko roon?
Hindi pantay ang mundo sa mga mahihirap na katulad ko. Iyon ang nakalulungkot na katotohanan na tanging mahihirap lamang ang nakararanas.
“This is stupid.”
Napaangat ako ng tingin nang biglang nagsalita si Zero. Si Paulo ay napaayos ng upo at namimilog ang mata na binalingan ang kaibigan.
“Bro?!”
Ang malamig na mata ni Zero ay lumipat sa akin. Tinaas niya ang kanyang kilay at sarkastiko siyang tumawa.
“Is that all you can do?” sarkastiko niyang tanong. “Cry and blame yourself?”
Nagtagal ang tingin ko sa kanya.
“H-Hindi…”
Hinarap niya ang guidance councilor na tila nagulat din sa bigla niyang pagsasalita. Tinuro niya pa si Paulo na ngayon ay gulat na gulat na.
“That motherfucker is a bully. This school is blinded by money. Ni hindi niyo man lang in-action-an ang bullying sa paaralang ito.”
Umawang ang labi ko at nalaglag ang panga ng guidance councilor.
“His phone dropped because he forced her to look at her picture. Noong nakaraan, he forced her to smile and he took a picture without her permission.”
“B-Bro!?” Napatayo si Paulo. “Akala ko ba ay friends tayo?”
Hindi sumagot si Zero at saka tumayo na. Nakita ko na ngumiti ang kanyang magulang sa kanya na parang proud pa sa ginawa ng anak. Napalunok ako at biglang nahiya para sa sarili.
Sa huli, sinuspinde si Zero ng tatlong araw habang si Paulo ay isang linggo. Hindi ko alam kung magandang balita ba iyon pero sigurado ako na ako ang pag-iinitan ng mga kaklase ko sa silid-aralan namin.
Ito ang huling taon ko sa elementarya ngunit wala man lang akong magandang karanasan. Umuwi ako kasama si Mama. Niyakap niya ako at saka tinapik niya ang likod ko.
“Malapit na pala ang graduation niyo, anak. Proud na proud ako sa iyo kasi kinakaya mo ang lahat.”
Hindi ako nagsalita. Hindi rin naman ako excited sa graduation namin lalo na sa pictorial. Paano naman ako makangingiti sa harap ng camera kung ganito kapangit ang ngipin ko?
Puwede naman siguro na hindi sasali, hindi ba? Hindi naman siguro kailangan ang pictorial. Baka pagtatawanan lang ako ng mga kaklase ko.
***
Tahimik akong nakaupo sa upuan habang ang mga kaklase ko ay nanlilisik ang kanilang mga mata habang nakatingin sa akin. Ito na ang inaasahan ko. Kinagat ko na lamang ang ibabang labi ko at umiwas na lamang ng tingin sa kanila. Alam ko na galit sila sa akin dahil sa nangyari sa dalawa kaya ako ang pinag-iinitan ngayon. Napatalon pa ako sa gulat nang biglang hinampas ng kaklase ko na si Vhea ang lamesa ko. Pulang-pula ang kanyang labi habang may braces ang kanyang ngipin.
“Hoy!”
“B-Bakit?” nanginginig ko na tanong.
Umirap siya. “Ikaw ang dahilan kung bakit sila na-suspend, hindi ba? Hindi naman kasi masamang tumanggap ng katotohanan, eh! Totoo namang bungal ka. Ayaw mo bang tanggapin?”
Biglang tumahimik ang iba kong kaklase dahil sa lakas ng kanyang boses. Maya-maya ay bigla silang nagtawanan. Kumirot ang puso ko at napatingin isa-isa sa kanila. Tawa sila nang tawa at ang iba ay nagpapaluan pa sa sobrang tuwa. Naiiyak ako.
“Tama na iyan, Vhea. Baka gusto mo rin ma-suspend!” sabi ng isang kaklase ko sabay tawa ulit.
Natawa na rin si Vhea at saka nilubayan ako. Kinagat ko na lamang ang ibabang labi ko at kinuyom ang aking kamao.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top