Prologue
Life isn't always full of beautiful colors. Sometimes, it was dull and lifeless. Hindi palaging masaya at hindi palaging makulay. Katulad ng mga larawang ipinipinta ng mga taong may talento sa pagguhit. Hindi ito palaging ginagamitan ng matingkad na kulay, minsan kailangan din ng madilim na ekspresyon.
"Miss, sasakay ka ba?"
Tumingin ako sa konduktor ng bus na nakaabang sa may pintuan. Hindi ko namalayang nakasakay na pala ang mga nasa unahan ng pila sa lalim ng iniisip ko. Agad akong pumasok sa loob ng bus at humanap ng bakanteng upuan. Sa may bandang gitna ako nakahanap ng puwesto, sa tabi ng bintana.
Saglit pang nanatili ang bus sa terminal at nang mapuno ang ito ay agad din itong umandar patungo sa rutang pupuntahan. Hindi ko gustong umalis, pero kailangan kong lumayo. Kailangan kong maghilom mula sa mga sugat at sakit na naranasan ko. Sa totoo lang, napapagod na akong umalis. Napapagod na akong tumakas. Gusto ko na lang manatili at hayaan na lang ang tadhana sa kung anong mangyayari sa akin.
Nasa kalagitnaan kami ng byahe nang biglang pumreno ang drayber ng bus. Halos masubsob ako sa may sandalan sa harapan ko sa biglaang paghinto.
"Ano ba 'yan, Manong? Dahandahan naman," dinig kong reklamo ng isang pasahero.
"Pasensya na! May siraulo kasing biglang nag-overtake sa harapan. Hoy! Kung magpapakamatay ka huwag kang mandamay!" sigaw ng drayber doon sa taong sinasabi niyang nag-overtake.
Muli akong sumandal at hinintay na muling umandar ang bus pero hindi nangyari iyon. Bigla na lang may kumalampag sa pinto ng bus kaya napilitan ang drayber na buksan iyon.
"Ano bang problema mo?!" bulyaw ng drayber sa kausap niya na hindi ko na inabalang tignan.
"I am here to get my wife."
Nanigas ako sa upuan ko nang marinig ang boses na 'yun. Bumilis ang tibok ng aking puso at halos hindi na ako makahinga. Hindi ako maaaring magkamali, kilala ko ang nagmamay-ari ng boses na 'yun.
"Aba'y sino bang asawa ng lalaking 'to? Bumaba ka na at nang makabiyahe na ako!" muling sigaw ng drayber at nag-umpisa nang magbulungan ang mga tao.
Dahandahan kong sinilip ang lalaking iyon at laking gulat ko nang magtama ang paningin namin. Matalim niya akong tiningnan at walang sabing nagtungo sa puwesto ko. Sa takot yata ay biglang tumayo ang babaeng katabi ko sa upuan.
"A-Anong ginagawa mo?" nauutal kong tanong nang makitang kinukuha niya na ang mga bagahe ko.
Hindi siya kumibo at basta na lang akong hinila palabas ng bus. Pilit niya akong pinasakay sa front seat ng sasakyan niya bago padabog na hinagis sa compartment ang mga bagahe ko. Nang makasakay siya sa driver's seat ay agad din siyang nagmaneho.
Nang pinaharurot niya na ang kotse ay saka ko siya galit na binalingan ng tingin.
"Bakit mo ako sinundan?! Dapat hinayaan mo na lang ako! Niloko kita 'di ba? Ayaw mo na akong makita kaya bakit nandito ka? Ihinto mo ang sasakyan! Hindi mo ako puwedeng basta na lang dalhin sa kung saan!”
Hindi ko mapigilang maiyak dahil halo-halo ang emosyong nararamdaman ko ngayon. May parte sa aking nasasaktan pa rin sa lahat ng nangyari at may parteng masaya dahil nakita ko siya ulit. Akala ko hindi ko na siya masisilayan pa.
"Baka nakakalimutan mong asawa pa rin kita. At kung gusto mong umalis, pirmahan mo muna ang annulment papers natin. Hindi ka aalis nang bitbit ang apelyido ko."
Natigilan ako bago napapikit at hinayaang dumaloy ang mga luha sa mga mata ko. Ang sakit. Sobrang sakit. Para akong sinaksak nang paulit-ulit sa narinig.
Sa sobrang galit niya sa 'kin, hindi niya nais na dalhin ko ang apelyido niya. Gusto niya nang putulin ang nag-iisang koneksyon naming dalawa. At wala na akong magagawa pa ro'n. Hindi ko siya masisisi. At hindi ko rin masisisi ang sarili ko na minahal ko siya.
Siguro nga ito na ang huli. Tatapusin na namin ang bagay na hindi pa namin masiyadong nasisimulan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top