Kabanata 2
NANATILI lamang kami ni Heaven magdamag sa kwarto ko at nag-kwentuhan. Ang ingay kasi nina kuya sa baba. At saka, nag-iinuman silang magbabarkada kaya hindi na kami nakisali.
Mag-aalas otso na ng gabi no'ng masundo si Heaven ng papa niya. Sabi ko nga na magpahatid na lamang sa driver namin, pero tumanggi siya.
"Don't forget tomorrow ha! Seven am sharp," paalala ko sa kanya.
Alam ko kasing ayaw na ayaw niyang gumigising ng maaga... pero no choice siya dahil love niya ako.
Kumaway ako kina Heaven nang umandar na ang kotse nila paalis. Napatingin ako sa buwan. Sobrang liwanag kasi nito ngayong gabi.
Sobrang ganda. Itinaas ko ang hintuturo't hinlalaki ko at itinapat sa buwan na parang sinusukat ang laki nito. Ipinikit ko pa ang kaliwang mata ko para makita ito ng buo sa pagitan ng daliri ko.
Napatawa na lang ako. I'm so weird, I know.
Pumasok na ako sa loob at isinara ang gate.
Pagkarating ko sa pintuan, nakita kong tumigil na sa paglalaro sina kuya at nakaupo na sa dining area namin. Ang mga patay-gutom na ito talaga!
"Nat, come here. Join us for dinner," rinig kong tawag sa akin ni Kuya.
Napatingin muna ako sandali sa salas.
Grabe sobrang kalat talaga! Nasa sahig ang ibang mga cushions, may mga laglag pa ng tinapay at tsitsirya sa sahig tapos puno pa ng alak at shot glass ang center table. Napailing na lang ako.
"You better clean this Kuya. Patay ka talaga kina Tita Mama niyan!"
Isa-isa kong pinulot ang mga unan sa sahig.
"Just leave it. I got it," walang-gana nitong sagot.
Dahil wala naman kaming tagaluto at imposibleng mag-luto ng hapunan si kuya, nag-order na lamang siya ng makakain. Natakam ako no'ng makitang mayroon doong sisig, dinuguan at fried chicken.
"Come here, little Nat. Tabi ka sa 'kin," narinig kong sabi ni Lucas.
Inusod pa niya ang silya sa kanan niya at sunod-sunod itong hinampas para paupuin ako.
Oh my god!
Kinausap ako ni Lucas.
Hindi ko pinahalata ang gulat sa mata ko at lumingon sa mga patay-gutom. Parang wala naman silang narinig at tuloy lamang sa kanilang pagkain. Kumuha na ako ng sariling pinggan at sumalo na sa kanila.
Ganito daw talaga si Lucas kapag nalalasing. Para siyang nag-iibang tao. Based sa sinabi ni kuya, nagmumukha itong asong-ulol. Ito ang first time kong makita s'yang ganito.
Nang makaupo na ako sa tabi niya, nginitian niya ako. Lasing na lasing na talaga ang isang 'to. Ang pungay na ng mga mata niya.
"Gusto mo nito?" tanong niya sa akin.
Napalunok muna ako bago tumango nang makita kong inaabutan niya ako ng chicken leg.
"Kain ka ng marami. Nangangayayat ka na eh," dagdag pa niya.
Tinitigan muna niya ako bago ginulo ang buhok ko.
Siguro ako na ang nagmumukhang-lasing sa aming dalawa. Ramdam ko kasi ang init sa mukha ko. Pulang-pula na ata ako sa pinaghalong hiya at kilig.
"Hoy Lucas, kahit lasing ako tandaan mo maaalala ko pa rin lahat ng ginagawa mo," narinig kong banta ni kuya sa kanya.
Sumabat naman si Jasper, "Naknangpot! Hayaan mo na 'tol. Minsan mo na nga lang makitang manlambot 'yang si Lucas. Ipinaglihi ata sa bato 'yan eh... sa sobrang tigas ng mukha!"
Tumawa pa sila pareho ni Isra.
"Ingat ka d'yan, Nat! Nangangagat 'yan 'pag nalalasing."
Sumabat naman si Kuya Josef pagkatapos batukan si Isra. "Bilisan mo nang kumain diyan, Nathalia. Then go pack your things."
Napaismid ako kaagad. Ang KJ talaga ng isang 'to! Pinahid ko sandali ang gilid ng bibig ko at dahan-dahang kumain sa tabi ni Lucas.
Syempre kahit lasing 'to kailangan ko pa ring magpaganda ano? Paano na lang kung may dumi na pala ako sa pisngi, maturn-off pa siya sakin.
Gaya na lamang ngayon na panay ang tingin at ngiti niya sa akin. Hindi ko nga alam kung paano pa ako nakakaupo ng maayos ngayon eh!
"You look so cute, Nat. Ang liit mong kumain."
"G-Ganito talaga ako. Nagd-diet."
Nakatingin lamang siya sa akin habang kumakain ako. Sobrang hiyang-hiya na talaga ako pero sino ba ako para umangal 'no? Ngayon lang ako pinansin nang ganitong katagal ni Lucas, susulitin ko na!
"Don't make me laugh, Nat. Mas matakaw ka pang kumain sa'kin," sabat ni Kuya Josef.
Sinamaan ko siya ng tingin.
"Mind your own business, Kuya."
"Don't move," bulong ni Lucas sa tabi ko.
Pagkalingon ko sa kanya, nakita kong nakatitig siya sa labi ko kaya napatigil ako sa pag-nguya. Sobrang nakakahiya na talaga!
"Bakit?"
Sa halip na sagutin ako ay dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Napatingin ako kina kuya sa harapan ko na nag-aabang na rin kung anong gagawin ni Lucas.
Napapikit na lamang ako nang maramdaman ko ang kamay niyang sumampal sa pisngi ko.
What the hell?
Nagtawanan kaagad sina Jasper sa harapan ko. Sumunod naman si Lucas kaya sinamaan ko silang lahat ng tingin.
"What was that for?" inis kong tanong.
"May dumapo kasing lamok. Pasensya na."
Hinimas ko ang pisngi ko. "Ang sakit no'n ah."
Tawa pa rin sila ng tawa. Hindi ko alam kung sadyang dala lang ba 'to ng nilaklak nilang alak o sadyang mababaw lang talaga ang kaligayahan ng apat na 'to.
"Sorry," sabi ni Lucas at nginitian na naman ako.
Eto na naman siya. Dinadaan na naman ako sa mga nakakapanlambot niyang ngiti. Nakaharap siya sa akin at medyo malapit pa rin sa pwesto ko.
Nagulat na lamang ako nang bigla niya akong hinalikan sa pisngi. Literal na nanlaki ang mata ko.
Mula dito sa kinauupuan ko ay nakita kong napanganga ang tatlo sa ginawa ni Lucas. Maski siguro ako... sa sobrang gulat.
"What?!" Patay malisya niyang tanong no'ng mapansin niyang nakatitig kaming lahat sa kanya.
Hindi naman sumagot 'yong tatlo. Napahawak ako kaagad sa kaliwang pisngi ko na hinalikan ni Lucas. Hindi pa rin ako makapaniwala! Parang ayoko na tuloy maligo nito.
Pagkatapos noon ay bigla na lang tumayo si Lucas.
Nakailang shot ba 'to at naging ganto kalasing? Mapupungay na ang mga mata niya at hirap na rin siya mag-balanse. Napapaurong kasi siya sa upuan no'ng bigla siyang tumayo.
Tumuro siya sa likod ng bahay namin at sinabing, "Labas lang ako."
"Lumayas ka na," inis na sagot naman ni Kuya.
Masama pa rin ang tingin niya kay Lucas. Kahit kailan talaga si Kuya napaka-overprotective sa akin! I'm not a child anymore. I'm almost 16 kaya normal lang sa isang katulad ko ang magkagusto sa lalaki.
Feeling niya kasi sobrang bata ko pa para magka-boyfriend. Kaya 'pag may nanliligaw sa akin, hindi niya pinapapasok dito. As in! Tinataboy talaga niya kaya ayun nagsi-alisan.
"Brad, baka malunod ka n'yan sa pool ah," pahabol na sabi ni Isra no'ng makitang hindi na siya masyadong makabalanse.
Nanatili lang siyang nakatalikod sa amin at kumaway lamang. Pagkatapos ay lumabas na siya papunta sa pool area namin.
"Kilig ka naman?" Nakasimangot na tanong ni kuya.
"Naknangpot! H'wag ka ngang magtanong ng obvious 'tol! Tamo nga ang hawak ni bata sa pisngi oh!" Hirit na pang-asar ni Jasper.
Mabilis ko namang inalis ang kamay sa pisngi ko at inilapag sa hita ko. "Hindi kaya!"
"Naknangpot naman, bata! Huli na nga tatanggi pa."
"Nagmana ka ata kasi sa utol mo. Pareho kayong madaling basahin," nakangising sagot ni Isra. Tinaas-baba pa niya ang kilay sa akin.
"Fine! Tsk. Ganon na ba talaga ako ka-obvious?"
Napahawak ako sa batok ko dahil bigla akong nahiya sa tanong ko. Napatawa naman sina Isra at Jasper.
"Naknang! Tanga na lang ang hindi makakahalata!"
"Oh my God! Don't tell me he knows?" Agaran kong tanong sa kanila. Parang gusto ko na lang lamunin ng lupa. Nakakahiya! Posible kayang alam na niya?
"Don't worry," Isra said while shaking his head. "Sa kamanhidan ng taong 'yon? Hindi no'n alam."
"O 'di tanga pala talaga si Lucas," ani Jasper. Tawa ito ng tawa sabay hampas pa sa lamesa.
"Pero kung ako talaga sa'yo, Nat... hahanap na lang ako ng iba diyan. 'Di ba brad?"
Tiningnan ni Isra si kuya kaya napalingon din ako sa kanya. Nakita kong seryoso siyang nakatitig sa akin at tumango.
"Kung mahal mo pa ang sarili mo, kalimutan mo na si Lucas."
Kumunot bigla ang noo ko. "Bakit naman? Wala ba akong karapatang magustuhan siya?"
"Maiba ako, bata. Ba't mo nga nagustuhan 'yon? Mukha namang ipinaglihi sa sama ng loob ang kupal na 'yon eh," ani Jasper.
Napailing si Isra at humawak sa baba niya. "Ewan ko ba sa inyong mga babae. Ayaw n'yong naiiwan kayo pero mas pinipili niyo naman ang mga bad boy. Palitan mo na 'yang si Lucas. Ako, pwede pa!"
"God! No, thanks, Isra."
Napatawa na lamang ako sa kanila. Sa totoo lang, hindi ko rin alam eh. Bigla na lang akong tinamaan sa kanya. Akala ko nga lilipas din ito pero nagkamali ako. Lumalim lang 'to ng lumalim.
Lumingon muli ako kay kuya at tinanong siya, "Ano ba talagang meron kay Lucas, kuya? Bakit hindi ko siya pwedeng mahalin?"
"Hindi ko sinasabing hindi mo siya pwedeng mahalin. Ang sa akin lang, kilala ko si Lucas ng mas higit sa'yo. At alam kong masasaktan ka lang niya."
"How can you be so sure?"
Ibinaba niya ang baso na iniinuman niya at saka ako sinagot, "Because he's a broken man, Nathalia. Kung ayaw mong masugatan sa bubog niya, tumalikod ka na. Ikaw rin... baka mas madurog ka."
••••
"Tol, it's past midnight. Ayaw mo pa bang pumasok? Maaga pa tayo bukas," rinig kong sabi ni Kuya sa ibaba.
Napasilip ako sa bintana ng kwarto ko at nakitang ginigising ni Kuya Josef si Lucas.
Nakahiga ito doon sa may sun lounge malapit sa swimming pool. Hindi pa rin kumikibo si Lucas. Mukhang nakatulog na ito doon.
"Dali na 'tol! Parang tanga naman 'to eh."
Tinabig lang nito ang kamay ni Kuya. "Ang ingay mo! Ayos nga lang ako dito."
"You're fucking drunk. Anong malay ko kung tumalon ka na diyan mamaya?"
"I'm not drunk, asshole! Pumasok ka na."
Nakita kong napakamot si Kuya sa ulo. May sinabi pa siya kay Lucas na hindi ko masyadong narinig. Napamulat si Lucas kaya mabilis akong nagtago sa likod ng kurtina. Baka kasi makita niya ako mula sa itaas.
"Whatever, man! Basta h'wag mo akong sisisihin kapag nagkasakit ka bukas."
Maya-maya lamang ay nakarinig na ako nang pagbukas at pagsara ng pinto sa baba. Pagsilip ko sa bintana ay nakita kong nakahiga pa rin doon si Lucas. Nakaunan ang isa niyang braso sa ulo niya.
Kitang-kita ko siya mula dito dahil bukod sa buwan ay nakabukas ang ilaw sa baba. Para tuloy akong nanonood ng isang pelikula na siya ang bida.
Nagdalawang-isip pa ako pero nakita ko na lamang ang sarili ko na pababa na ng hagdan. Patungo sa pool na kinaroroonan ni Lucas.
Dahan-dahan pa akong naglakad dahil baka marinig ako nina Kuya. Lagot na naman ako doon.
Pagdating ko sa labas, huminga ako ng malalim. Bakit ba ako kinakabahan? Lalapitan ko lang naman siya. Sa bawat hakbang ko palapit sa kanya ay siya ring lalong pagbilis ng tibok ng puso ko.
"You're fucking annoying," galit niyang sabi no'ng maramdaman niya ang presensya ko sa likuran.
Nakita kong saglit nanlaki ang mata niya nang mapagtanto niyang ako ang nandito. Siguro hindi niya inaasahan na ako ang nasa harap niya ngayon.
"Sorry. I thought you were Josef."
Nanginginig akong ngumiti. "A-Ayos lang. Hindi ka ba nilalamig?"
Umiling lamang siya at umayos na ng pagkakahiga. Pagkatapos ay umupo kaagad ako sa katabi niyang upuan. Sa sobrang kaba ko, muntik pa akong mahulog doon. Syempre hindi ko ipinahalata. Nakakahiya!
"Bakit gising ka pa?" tanong niya.
Humiga rin ako at tumingin sa kalawakan. Ang ganda talaga ng gabi! Mas lalo pa itong gumanda dahil katabi ko ngayon si Lucas.
Siguro nahimasmasan na siya sa pagkakalasing. Hindi na kasi siya masyadong madaldal.
"Hindi ako makatulog eh."
"Pasok ka na sa loob. Magalit pa sakin kapatid mo."
"Don't mind, Kuya. OA lang talaga 'yon."
"I don't blame him though."
Naramdaman kong lumingon siya sa akin kaya napatingin din ako sa kanya kaagad.
Naalala ko na naman 'yong sinabi ni Kuya kanina. Sino kaya 'yong babaeng dahilan kung bakit nagkakaganito si Lucas ngayon?
I wonder how she's like.
Ano kayang pakiramdam ng maging isang girlfriend ni Lucas? Ano kayang pakiramdam na mahalin nang isang katulad niya? Bigla tuloy akong nainggit sa babaeng 'yon.
Napatigil ako sa kaiisip no'ng bigla siyang magsalita. "I'm forbidden to say this but... you really are beautiful, Nathalia."
Nakatitig siya sa akin na parang pati kaluluwa ko ay nakikita niya. Napayakap tuloy ako sa sarili ko. Hindi ko kasi alam kung paano ako magre-react sa sinabi niya. Did he really just say I'm beautiful?
"S-Sinasabi mo lang 'yan kasi lasing ka na," nahihiya kong sagot sa kanya.
This time, umiwas na ako sa mga titig niya. Hindi ko na kaya. Baka atakihin na ako sa sobrang bilis ng tibok ng puso ko.
Napatawa siya sa akin at sinabing, "Bukas hindi na ako lasing, pero maganda ka pa rin."
Patay na.
Paano na ako makakatulog nito?
Nananadya ka ba talaga, Lucas?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top