Kabanata 10

TILA NAGING sirang plaka sa isipan ko ang huling sinabi niya sa akin. Sa bawat pag-ulit noon ay parang palalim ng palalim ang saksak sa dibdib ko. I didn't know his words could hurt me so much.

Mas malala pa 'to sa suntok at saksak ng patalim. Sabi nga nila, "Stick and stones may break your bones..." but I think words make a deeper cut. It will strike your heart and break your soul.

Nag-shower lang ako ng madali at nagpalit ng damit. Dahil kami lamang ni Lucas ang naiwan sa villa at imposible namang lalabas siya para samahan ako, umalis na lang ako mag-isa. Ni hindi ko na pinaalam sa kanya kung saan ako pupunta at dire-diretso nang lumabas.

Kahit pinaliligiran ng puno ang lokasyon ng villa namin, maliwanag pa rin ang daanan papunta sa beach. Nadaanan ko pa ang ilang villa na malapit sa amin. Halos lahat sila ay may iba't ibang pinaglilibangan. May nagv-videoke, may nagb-bonfire at nagtutugtugan.

Nung makarating ako sa may dagat ay halos puno pa rin ito ng tao. Naghalo na ang ingay sa paligid dahil sa malakas na music sa mga bar at ang sigawan ng mga tao. Napayakap ako sa sarili dahil sa sobrang kalamigan. Doon ko lang napagtanto na wala na naman akong dalang jacket.

Sa halip na bumalik ay dumiretso na lamang ako. Hindi ko mapigilang mapatungo sa tuwing mapapatingin sa akin ang mga taong dinadaanan ko. Ngayon lang ba sila nakakita ng babaeng mag-isang naglalakad?

Bigla tuloy akong na-conscious sa suot ko. Nakamaxi-skirt lang kasi ako at crop top na itim. Tapos lalo pa akong nailang dahil wala akong kasama.

Ilang restaurants at bar na ang nadadaanan ko pero wala pa rin akong mapwestuhan. Napatigil ako saglit nung makita kong may madadaanan akong grupo ng mga lalaking hindi siguro lalayo sa edad nina kuya. Nakaupo lamang sila sa mga dala nilang folding chair at nagtatawanan.

May isa sa kanila ang napatingin sa gawi ko at kita kong kaagad kinulbit ang kanyang katabi. May kung ano itong sinabi doon kaya agad silang napatingin sa pwesto ko. Pasimple akong tumingin sa likod pero nakita kong ako lamang ang nandoon.

Lumayo ako ng kaunti para sana makisabay sa ibang tao na naglalakad nung biglang lumapit na sa pwesto ko 'yong dal'wang lalaki.

"Hi, miss. Bakit mag-isa ka lang?" Agarang tanong nung lalaking unang nakakita sa akin.

Matangkad ito at may katabaan ang pangangatawan. Habang ang isa naman niyang kasama ay kasing tangkad ko lamang at kulot ang buhok. Nakangisi pa silang pareho sa akin.

"I-I'm actually meeting with a friend."

Tuloy-tuloy pa rin ako sa paglalakad at sinubukang umuna sa kanila pero pareho pa rin silang nakikisabay.

"Ah. Baka lang naman kailangan mo ng kasama. Alam mo na baka maligaw ka pa," sabi nung kulot.

"No, thank you. I'm familiar with this place."

"Sige na. We insist."

Tumanggi ako muli. Medyo naiinis na din kasi ako sa pamimilit nila. "Sorry talaga. I really need to go. Kanina pa nag-iintay ang mga kaibigan ko sa'kin."

"Teka lang, miss!"

Nagulat na lang ako nung bigla akong inakbayan nung matabang lalaki. Dahil napakalaki niya kumpara sa akin ay kinakabahan ako. Bakit ba kasi lumabas pa ako mag-isa?

"Baka naman makakapag-intay ang mga kaibigan mo. Pwede kang sumaglit kasama namin. May extra kaming upuan d'yan," sabi niya sabay turo sa lima pa niyang kaibigan na nakaupo doon.

"Sorry. Nagmamadali na kasi talaga ako..."

Napansin siguro nila na hindi na ako komportable kaya lalo silang ngumisi. "Sige na, kahit 5 minutes lang."

"Mga bingi ba kayo o sadyang tanga lang?"

Napalingon kami sa likuran at nakita ang isang pamilyar na lalaki. Nakakunot ang noo nito't nakasimangot na nakatingin sa puwesto namin. May nakasakbit siyang gitara't isang duffel bag sa kaliwang balikat at may hawak din siyang sigarilyo sa kamay.

Nandito pa rin pala si Elias. Ito ata ang unang pagkakataon na naging masaya akong nakita s'ya.

Bumitaw muna yung lalaki sa pagkaka-akbay sa akin at nakakunot-noo ring tiningnan si Elias.

"Sino ka naman?"

"Pag umayaw ang babae, h'wag ng pilitin."

"Ba't ka ba nangingialam?"

Nilapitan pa nilang dalawa si Elias dahil hindi ito nakuha sa mga tingin nila. Nanatili pa ring seryoso ang mukha ni Elias. Ni hindi man lang ata ito kumukurap.

"Hindi mo ba alam na sila ang may-ari ng resort na 'to?" Tumingin sa'kin si Elias. "Ba't di mo sabihin sa kanila, Nathalia?"

Halos mamutla ang mukha nilang dalawa. Nagtitigan muna sila bago unti-unting lumakad patalikod. Pagkatapos ay tumingin sila pareho sa akin at tumango.

"P-Pasensya na sa istorbo, miss."

Umiwas na lamang ako ng tingin at hindi na sila pinatulan pa. Mga bwisit kayo! Kung kaya ko lang lumaban, baka pinagdikit ko na ang mga ulo niyo.

"Let's go," rinig kong yaya ni Elias pagkadaan niya sa pwesto ko.

Hindi na niya ako inintay pa at tuloy-tuloy ang paglalakad. Nakasunod lamang ako sa kanya ngayon. Naka-simpleng sando lamang siya at shorts pero ang lakas pa rin niyang humatak ng atensyon ng mga babaeng nakakasalubong namin.

Ewan ko. Akala siguro nila kapre 'tong si Elias sa sobrang katangkaran. Napailing na lang ako at saka binilisan ng kaunti ang lakad para tabihan siya.

"Thank you nga pala. Mabuti na lang dumating ka. Naks! To the rescue ka lagi ah!" Pagbibiro ko pa sa kanya. "Dalawang beses mo na akong nililigtas sa kahihiyan."

"Nasaan na ang mga kaibigan mo?" Curious niyang tanong sabay hithit sa hawak niyang sigarilyo.

Napansin ko pang lumayo siya ng kaunti sa akin at umiiwas ng tingin sa tuwing ibubuga niya ang usok mula sa paninigarilyo niya.

Umiling naman ako para sagutin ang tanong niya. "Wala. Ang totoo niyan, ako lang talaga mag-isa."

Doon ko lamang napansin na may tattoo pala siya sa may kaliwang balikat, pababa sa biceps at bandang dibdib niya. Isa itong malaking agila. Litaw na litaw iyon dahil nakasuot lamang siya ng sando na may mababang armhole.

Napaiwas ako kaagad nung makita ko ang katawan niya. Hindi siya ganoong maskulado katulad nina Jasper at Lucas pero halatang nagw-workout din ang isang 'to.

"Ba't ba ang hilig mong gumala sa gabi mag-isa? Aswang ka ba?"

"Sira!" Hinampas ko kaagad siya sa braso. "Hindi naman. Nagkakataon lang talaga na kapag magkikita tayo ay mag-isa lang ako."

Salubong ang kilay niya akong tiningnan.

"Sino namang may sabing nakikipagkita ako sa 'yo? Hoy. H'wag kang mag-ilusyon," pilosopo niyang sagot kaya napasimangot na lang ako.

"Whatever! You know what I meant."

Pinasadahan niya ako saglit ng tingin kaya medyo nailang na naman ako. May masama ba talaga sa suot ko? Wala naman ako masyadong pinapakitang balat ah! Ang haba na nga ng palda ko.

"So saan mo na balak pumunta?"

"Wala. Maggagala lang," sagot ko naman.

Luminga ako sa kaliwa't kanan para maghanap kung saan pwedeng makapwesto. "Maghahanap lang ng tahimik na lugar."

"Samahan na kita. Wala naman akong pupuntahan," pag-alok niya.

Tatanggihan ko pa sana iyon nung bigla kong maalala yung mga lalaki kanina. Mahirap na, baka balikan pa ako ng mga 'yon.

Hindi ko alam kung saan kami nakarating ni Elias pero pahina na ng pahina ang ingay mula sa daldalan ng tao at nakakabinging tugtog sa mga bar. Halos ang pinagsamang tunog na lamang ng hangin na umiihip sa buhok ko at ang malakas na alon sa karagatan ang tanging naririnig ko.

Nakakita kami ng bakanteng lugar sa may puno. May ilan pa rin namang mga tao dito pero hindi na kasing dami kumpara doon sa may kainan.

Umupo ako kaagad sa may duyan na gawa sa kahoy at nagsimulang magduyan. Inalis ko muna ang suot kong tsinelas at ninamnam lang ang lamig ng hangin. Inilulubog ko pa ang aking mga paa sa buhangin sa tuwing bumababa ako. Pumwesto naman si Elias sa tabi ko at ipinatong ang dala niyang gitara't bag sa buhangin.

"Saan ka nga pala galing?" Panimula kong tanong.

"Diyan lang. May gig ako kanina."

Humiga siya doon at iniunan ang kanyang bag. Bahagya din niyang itinaas ang dal'wang kamay at inilagay pa sa likod ng kanyang ulo para mas kita niya ang view sa unahan.

"Bakit nga pala ang tagal mo ng nags-stay dito, Elias? Hindi ka ba hinahanap ng magulang mo?"

"Hindi," mabilis naman niyang sagot. Nakita kong ipinikit niya ang kanyang mata.

"Grabe naman! Pwede ba 'yon? Hinahanap ka naman siguro, baka naglalakwatsa ka lang."

"I don't think so. Hahanapin mo pa ba ang taong pinalayas mo at sinabihan na walang kwenta?"

Natahimik ako kaagad matapos niyang sabihin iyon. Nakakahiya! Bakit kasi padalos-dalos ako ng salita eh! Napakagat ako sa ibabang labi ko at ipinikit ang mata sa sobrang kahihiyan.

Naramdaman niya siguro iyon kaya nagsalita siya ulit. "Huwag kang mag-alala, sanay na ako. Hindi na ako naaapektuhan ng mga ganyang bagay."

"Still... I'm sorry."

Lumingon siya sa akin at ngumisi. "Isang sorry lang. H'wag ka ng uulit. Hindi ko na tatanggapin 'yan."

Tumahimik na ako muli pagkatapos noon. Siya naman ay humarap na sa dagat at pinagmasdan ito. Gaano kaya kalayo ang sakop ng karagatan? Ano kayang itsura ng dulo nito?

"Pwede ko bang tingnan ulit?"

"Ha?"

Nawala ang kaiisip ko tungkol sa dagat nung maramdaman kong lumapit ng kaunti si Elias sa pwesto ko. Nakaupo na siya ngayon paharap sa akin, habang ako naman ay napatigil na sa pag-duduyan.

Nakita kong kinuha niya ang dala kong sketch bag at itinaas ito para ipaalam sa 'kin. Tumango na lamang ako at hindi na tumutol pa.

Inisa-isa niyang tingnan ang mga gawa ko. Hindi na ito 'yong sketch pad ko na nakita niya noon. Halos random lamang ang iginuguhit ko dito, pero siguro kalimitan ay mga taong naglalaro sa may dagat. O kaya naman ay mga magagandang lugar na pinuntahan ko.

"You're really good at drawing, Nathalia. Wala pa akong nakikitang kasing galing mo."

Pakiramdam ko ay namula ako sa sinabi niya. First time kong makarinig ng ganitong papuri sa isang lalaki. Ang totoo niyan, hindi ko naman talaga masyadong ipinapakita sa iba ang talento kong ito. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro nahihiya lang ako na baka—hindi naman talaga ako magaling.

"T-Thanks. Ang totoo, isa ka sa mga unang taong nagsabi niyan."

"Bakit naman?"

Tinitigan ko ang buong mukha niya. Nakatungo ako sa kanya ngayon habang siya naman ay nakatingala sa akin. Almond-shaped ang kanyang mga mata, medyo makapal ang kilay niya at kapansin-pansin rin ang katangusan ng kanyang ilong.

"Wala. Hindi ko kasi pinapakita sa iba ang mga drawings ko. Hindi ako confident."

"Yan ang kulang sa'yo." Itinungkod niya sa likod ang dalawang kamay para mabalanse ang pagkakaupo niya. "Kung wala kang bilib sa sarili mo ngayon pa lang, paano ka mas magiging mahusay n'yan? Sayang lang ang paghanga ko sa 'yo kung ikaw mismo hindi makita 'yan."

Hindi ko napigilang mapangiti sa sinabi niya. May punto rin naman kasi siya.

"Who's this?" Ngumuso siya pabalik sa sketch pad ko na nasa may buhangin at nakita kong nakabukas ito sa pahina kung saan iginuhit ko ang totoo kong ina. Pinagmasdan ko muna iyon bago kinuha.

"She was my biological mom."

Nakatitig lamang siya sa akin na parang hinihintay ang susunod kong sasabihin. "Namatay siya sa panganganak sa 'kin."

Napaiwas ako ng tingin. Ilang minuto pa ang nakalipas pero hindi na siya umimik ulit. Hindi din siya humingi ng pasensya o kung anong kalimitang sagot ng mga tao kapag nauungkat ang mga ganito sa usapan.

"Kamukha mo siya." Agad akong napatunghay no'ng sabihin niya iyon. "Anong pangalan niya?"

"Amor," halos bulong kong sagot.

Hindi ko maiwasang malungkot kapag naaalala ko ang totoo kong ina. Kahit alam kong wala akong kasalanan sa pagkamatay niya, minsan, sinisisi ko pa rin ang sarili ko kung bakit agad siyang nawala.

Nakita ko ang pagtango niya. "Ito ang pinakamaganda sa mga drawing mo."

"Siya kasi ang pinakapaborito kong subject sa mga sketches ko," masigla kong kwento sa kanya.

"Sa isang litrato ko lang siya nakita buong buhay ko. Sa katunayan nga, palagi kong dina-drawing ang mukha niya para lang maramdaman ko ang presensya niya. Pakiramdam ko kasi kapag nawala 'tong litrato niya o ang mga sketches ko, baka makalimutan ko rin ang mukha niya."

"Parang imposibleng mangyari 'yan."

"Sa tingin mo?"

Tinaas-baba niya ang kilay niya. "Kasi alam kong sa tuwing titingin ka sa salamin, maaalala mo ang mukha niya. At isa pa...."

Tumigil siya sandali at kinuha muli ang sketch pad ko. May tinitigan siya doon na kung ano. Ayon pala ay binabasa niya ang signature ko sa baba.

"Palagi mo na rin siyang kasama kahit saan ka man magpunta dahil nakakabit siya sa pangalan mo.... Nathalia Amor."

Napangiti ako sa huli niyang sinabi. Hindi ko alam na may gantong katangian pala si Elias. Akala ko puro hangin at yabang lang ang nasa katawan niya. Kahit papaano ay gumaan ng kaunti ang pakiramdam ko ngayong gabi. Kahit papaano ay nakalimutan kong umiiyak lamang ako kanina.

Umayos na si Elias sa pagkaka-upo at sumandal sa katabi naming puno. Nakita ko pang ipinikit niya saglit ang kanyang mata para makapagpahinga.

"Ikaw, Elias, paano mo nalaman na pagkanta ang gusto mong gawin sa buong buhay mo?"

"Simple lang— dahil mahal ko ang ginagawa ko. At kahit minsan, hindi sumagi sa isip ko na palitan ang pangarap ko."

"Boto ba d'yan ang mga magulang mo?"

"Hindi," Nakangisi pa niyang sagot. "Pero importante ba 'yon? Kailangan ba sa lahat ng desisyon ko boto sila? Wala na silang magagawa. Buhay ko 'to eh. Ito ang gusto ko."

Napalunok ako bahagya sa naging sagot niya. Bakit gano'n? Kahit ang tapang ng pagkakasagot niya, iba ang nakikita ko sa mata niya. Parang deep down, pati siya mismo ay pilit na lang pinaniniwalaan ang mga sinasabi ng bibig niya.

"Ayan ba ang dahilan kung bakit mag-isa ka lang ngayon dito?"

Napayakap muli ako sa sarili nung biglang umihip na naman ang malamig na hangin sa aking balat. Nakaupo pa rin ako sa duyan at nakahawak lamang sa dalawang gilid. Nakatigil lamang ako ngayon. Ipinagpatong ko pa ang aking paa para kahit papaano ay mainitan ito ng kaunti.

"Oo. Ang saya kaya mag-isa! Lahat magagawa mo. Walang bawal, walang limitasyon, wala pang mangingialam."

"Pero kahit na 'no! Hindi ka ba nalulungkot na hindi ka man lang nila kayang suportahan?"

Umiling siya at nakita kong nag-igting ang panga niya bago sumagot, "Minsan masasanay ka na lang sa paglipas ng panahon."

Tumahimik siya ng ilang segundo at muling nagpatuloy, "Kapag may nagustuhan kasi akong isang bagay... ginagawa ko ang lahat hanggang sa makuha ko iyon. Kahit tutol pa ang mundo, kahit makipagpatayan pa ako kay tadhana."

Hindi ko naiwasang mapaisip at humanga sa sinabi niyang iyon. Alam ko kasing hindi naging madali ang naging desisyon ni Elias pero nakaya pa rin niyang mabuhay mag-isa.

Nagsimula na siyang tumayo sa kinauupuan at pinagpagan ang buhangin sa puwetan niya. Lumapit pa ito sa kanyang dalang bag at may kinuha doon.

Paglingon niya sa akin ay kaagad niyang inihagis ang isang denim na jacket. Tinitigan ko muna ito bago tumango at nagpasalamat sa kanya.

Hindi ko alam kung ilang oras pa kaming nanatili doon pero nang makaramdam na ako ng antok ay niyaya ko na si Elias na bumalik. Sinilip ko sandali ang phone ko para tingnan kung anong oras na pero wala pala itong battery.

Unti-unti ko na ulit narinig ang ingay mula sa mga bar at restaurants nung biglang may tumawag sa pangalan ko. Paglingon ko sa kaliwa ay nakita ko si Lucas na salubong ang dalawang kilay na nakatingin sa akin. Nasa kanang tainga nito ang isang phone at wari'y may kausap doon.

Humakbang siya palapit sa amin at kaagad rin namang itinago ang phone sa bulsa. Nagulat na lamang ako nung bigla niya akong hawakan sa may kaliwang pulsuhan at higitin palayo kay Elias.

"We're going home!"

"T-Teka, Lucas. Bakit ba?"

Huminto ako saglit para tanungin siya. Narinig ko namang pati si Elias ay sumabat na dahil rin sa pagtataka.

Nilapitan nito si Lucas at kunot-noong tinanong, "Ano bang problema, pare?"

Seryoso namang tiningnan pabalik ni Lucas si Elias at umabante pa dito. Ngayon ay magkatapatan na silang dalawa at parehong hindi natinag.

"H'wag kang makialam. Tara na, Nathalia!"

Wala nang nagawa pa si Elias at naiwan na lang doon na gulong-gulo. Lumingon na lamang ako pabalik sa kanya at muling nagpasalamat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top