Chapter 5

On repeat: Bad Guy-Billie Eilish


Kadiliman ang sumalubong kay Angie pagpasok niya sa bahay.

Kunsabagay, wala namang bago dito.

Uuwi siya, bubuksan ang pinto at ang tatambad sa kanya ay ang dilim at ang ama na nakahandusay sa sofa dahil sa sobrang kalasingan.

Pinindot niya ang light switch at tama nga siya.

Sa paanan ng papa niya ay nagkalat ang mga bote ng gin na wala ng laman.

Ang isa, nabitawan yata nito dahil basa ang linoleum at nanlalagkit.

May nakalapag na lata ng corned beef sa sahig at nakatusok pa dito ang tinidor.

Kinuyom ni Angie ang mga kamay.

Tiim bagang na pinagmasdan ang kanyang ama.

Naramdaman niya ang init na gumapang sa likod, paakyat sa leeg hanggang sa uminit ang mukha niya sa galit.

Hindi niya namalayan ang panginginig ng mga kamay kasabay ang pagtulo ng luha.

Pinakawalan niya ang isang malaking buntong-hininga bago lumakad papasok sa kusina.

Mamaya na siya magbibihis pagkatapos linisin ang kalat ng ama.

Paglapit sa lababo, binuksan niya ang gripo at kinuha ang basahan.

Binasa niya ito, binuhusan ng diluted liquid soap at bumalik siya sa sala at nagsimulang maglinis.

Habang isa-isang pinupulot ang mga bote ng alak pati ang mga lata ng pulutan, naisip niya si Trish.

Hindi niya inasahan na aalukin siya nito na ihatid pauwi.

Bukod sa hindi sila masyadong nag-uusap maliban na lang kung may kinalaman sa training at sa trabaho, hindi sila close.

She has nothing against Trish.

Medyo intimidated lang siya dito.

Bago pa kasi ito dumating sa tindahan, puring-puri ito ng mga taga corporate office.

Ang suwerte nga daw ni Sir Mario dahil magiging asset si Trish sa store nila.

Habang kinukuwento nito ang merits ng bago nilang trainee, nakaramdam siya ng selos.

She was in that position before.

Perfect niya din lahat ng exams sa management courses.

Pinuri din siya ng corporate office dahil sa mga naging achievements niya.

Nakadagdag pa dito ang pagiging crew niya who rose to the management position despite all the hurdles na pinagdaanan niya.

Pumanaw ang mama niya two weeks bago niya matapos ang training.

Hit and run.

Ang bilis ng pangyayari.

Hindi na ito umabot sa ospital.

Diretso na ang ina niya sa punerarya.

Siya lahat ang kumilos dahil nashock ang papa niya.

Hindi ito makagalaw at makapagsalita.

Basta iyak lang ito ng iyak.

Pero ang pinakamalaking pagsubok ay ang kinakaharap niya ngayon—ang depression ng kanyang ama.

Mula ng pumanaw ang asawa, parang namatay na din ito.

Malakas na humilik ang papa niya at naalala niya ang ginagawa.

Lalo niyang pinag-igihan ang pagkuskos ng sahig para matanggal ang mga sarsa na dumikit dito.

Bumalik na naman ang atensiyon niya sa bagong katrabaho.

Hindi niya intensiyon na supladahan si Trish the first time na magkita sila.

Hindi siya nakatulog ng gabing iyon.

Dinala niya sa ospital ang ama.

Hinimatay kasi ito.

Akala nga niya, natuluyan na.

Nasa toxic levels ang alcohol content sa katawan.

Ang ama niya na mismo ang gumagawa ng paraan para mamatay ito.

Pero hindi pa handa sa kanya si kamatayan.

Lagi pa din siyang narerevive kahit sinasadya niyang lunurin ang sarili sa alak at dalamhati.

Dahil sa nangyari sa kanila ni Trish, ramdam niya na ilag ito sa kanya.

Pero hindi niya ito masisi.

Hindi niya maiwasan ang magsungit.

Nakikita nito at naririnig kapag pinapagalitan niya ang mga crew.

Nakakarindi na din kasi minsan.

Kahit matagal na sa store ang mga crew niya, parang hindi pa din alam kung paano tumakbo ang operations.

Bago pa din ng bago sa kalakaran sa Store 128.

Umiinit tuloy ang ulo niya kasi kailangan pa niyang paalalahanan kung ano ang dapat nilang gawin.

Kaya siguro iwas sa kanya si Trish.

Nakikita niya kung paano ito makipag-usap sa mga kapwa managers at crew.

Magiliw ito at magalang.

Alam kung saan siya lulugar lalo na at bago lang siya.

Proud na proud nga si Alyana kasi ang bilis daw matuto ni Trish.

During the first day na napaso ito habang nagluluto ng patties, nakita niya kung paano nangilid ang luha nito.

Pero pinigil niya ang umiyak.

Malamang ayaw mapahiya sa harap niya.

Kaya naman ng tinarayan siya nito, nagulantang siya.

Ang tanga naman kasi ng tanong niya.

Obvious naman na napaso dahil nabitawan ang mga hawak na patties, tinanong pa niya kung napaso ito.

Hayun tuloy.

Nasampolan siya ng tinatagong katarayan.

Mabait naman si Trish.

Alam niya na gusto ito ng mga crew kasi bukod sa palangiti, nakakasakay sa mga trip nila dahil halos kaedad niya ang mga ito.

Dahil dumidistansiya sa kanya, hindi niya akalain na mago-offer ito na ihatid siya.

Ayaw niya sanang pumayag pero halata niya na pagod na din si Leo at Peter, ang mga crew na laging naghahatid sa kanya sa terminal ng jeep.

Kung hindi sana pumalpak si Jessa, hindi sila aabutan ng ala-una sa store.

Kaya kahit atubili siyang sumabay kay Trish, pumayag na din siya.

Mukhang bago pa ang sasakyan nito.

Amoy bago din.

Langhap ang amoy ng leather seats na humalo sa sweet and fruity scent ng pabango nito.

Mahina ang volume ng music pero dinig niya ang boses ni Billie Eilish habang kumakanta ng Bad Guy.

Tahimik lang sila sa loob ng kotse.

Hindi niya kasi alam kung ano ang sasabihin dito.

Nagsalita lang si Trish ng magtanong kung saan siya ihahatid.

Nang marating nila ang iskinita papasok sa barangay nila, nakadama siya ng hiya.

Makipot kasi ang daanan at madilim dahil mangilan-ngilan lang ang poste na may ilaw.

Dahan-dahan sa pagmamaneho si Trish dahil baka magasgas ang sasakyan nito.

Isa pa, may bigla na lang sumusulpot na aso o di kaya pusa.

Tinuro niya dito ang lumang bahay nila at tumigil ito sa tapat ng bakal na gate.

Nagpasalamat siya kay Trish.

Humingi din siya ng paumanhin dahil sa naabala niya ito.

"Wala iyon, Mam. Kung okay lang sa'yo, dahil tayo naman ang magkasama sa shift, hatid kita para makauwi ka agad."

"Naku, Mam. Huwag na. Nakakahiya naman."

"Mam Angie, ako naman ang nag-offer. It's okay." Nag-smile ito.

Kahit medyo malamlam ang ilaw sa loob ng kotse, kita ang kaputian ng ngipin ni Trish.

Deep inside, nagpapasalamat siya sa offer nito.

Malimit kasi, inaabot sila nina Leo ng halos kalahating oras sa paghihintay ng jeep.

Kahit pa pinagtutulakan niya na umuwi na ang mga ito, ayaw naman pumayag.

Minsan kasi, may lasing na lumapit sa kanila.

Ayaw na tuloy siya payagan ng mga crew na maghintay sa terminal mag-isa.

Baka daw kasi kung ano ang mangyari sa kanya.

Kaya niya naman ang sarili niya.

Tinuruan din siya dati ng papa niya ng mga self-defense skills tulad ng wrist lock kapag biglang umakbay sa kanya o di kaya sapakin niya agad sa ilong.

Ang paalala pa ng papa niya, bayagan daw niya agad.

It will give her time na makalayo.

Bago siya pumasok sa loob ng bahay, hinintay niya muna na makaalis si Trish.

Kahit hindi sila masyadong nag-uusap, laking pasalamat niya na hinatid siya nito.

Kung hindi, baka kung anong oras na siya nakauwi.

At sa dami ng kalat na kailangan niyang linisin, baka abutin siya ng alas-tres ng madaling araw sa paglilinis.

Pagkatapos maglinis, nilapitan niya ulit ang ama.

Tulad ng lagi niyang ginagawa sa gabi, kinumutan niya ito at tahimik na pinagdasal.

Iisa lang ang lagi niyang hiling—ang malampasan ng ama ang pinagdaraanan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top