Chapter 2
On repeat: Stronger-Britney Spears
Ten minutes bago buksan ang tindahan para sa mga customers, tinawag ni Mam Angie lahat ng crew at tinipon sa gitna ng malawak na counter station.
Kasabay na lumabas ng mga kitchen crew si Sir Mario.
Inalis nito ang itim na apron at pinatong sa ibabaw ng ice dispenser.
Sinisimulan nila ang bawat umaga sa pamamagitan ng pagdarasal.
Pagkatapos ay sabay-sabay nilang binabanggit ang Commitment Promise na saulado na din ni Trish.
Dito ay nakasaad ang promise to provide exceptional customer service, good food and clean and safe environment.
Tumayo sa harapan si Sir Mario at pinakilala siya sa mga opening crew.
Niyaya pa siya nitong tumayo sa tabi niya.
Pinaunlakan niya ang manager ng sabihin nito sa kanya to tell something about herself.
Sinimulan niya sa pagbanggit ng buo niyang pangalan.
Pero imbes na Patricia ang itawag sa kanya, tinuro niya ang nickname na nakalagay sa silver badge.
Sinabi niya sa mga ito na katatapos lang niya ng management courses.
"I was told that you did really well sa mga courses mo. Ang sabi pa nila, perfect score ka sa lahat ng exams." Ang laki ng ngiti ni Sir Mario.
Napatingin si Trish kay Mam Angie na hindi niya alam kung tumaas ba ang kilay o permanente na talaga ang kunot sa noo nito.
Uminit bigla ang mukha niya.
Hindi siya sanay ng pinupuri sa harap ng maraming tao kahit pa alam niya sa sarili na magaling talaga siya.
Nagthank you na lang si Trish sa proud na proud na manager.
Ang sumunod ay ang pagsi-set ng goals for the day.
Naka-specify kung ano ang sales target sa bawat araw at kung anong product ang pinupush nilang ibenta.
Habang nakikinig, nalaman niya na may score board sa crew room na araw-araw ina-update ng mga managers.
Hindi nila na-achieve ang sales goal kahapon kaya inencourage sila ni Sir Mario to do better sa araw na ito.
Huwag daw kalimutang magsuggestive selling.
Two minutes bago mag-alas otso ay binuksan ng guard ang tindahan.
Nakumpleto lahat ng managers pagdating ng alas-diyes ng umaga.
Nakilala ni Trish ang buong management team.
Unlike Mam Angie na hindi niya alam kung bakit lukewarm ang treatment sa kanya, very friendly sina Mam Mica at Mam Evelyn pati na din ang mga shift managers na sina Sir Bryan, Justin at Roger.
Si Sir Roger ang pinakabagong addition sa management team.
Payat siya, kulot ang buhok at medyo tabingi ang ilong.
"Kung may questions ka tungkol sa training, sa kanya ka lumapit." Volunteer ni Sir Mario.
"Fresh pa sa utak ni Sir ang mga pinag-aralan niya."
Inikot din siya ni Sir Mario sa buong store.
Two levels ang tindahan pero ang itaas ay para sa crew room, stock room at generator.
Bukod sa dine-in at take-out services, meron ding drive-thru ang Store 128.
Sabi ni Sir Mario, two years old pa lang ang tindahan kaya wala pa masyadong problema.
Tulad ng karamihan sa design ng Jelly Burgers store, espresso ang pintura sa loob at labas ng tindahan.
Maliwanag ang mga drop lights, tan ang kulay ng tiled floors at beige naman ang mga movable tables at upuan.
Programmable ang menu sa flat screen at pinapalitan pagdating ng alas-diyes ng umaga pagkatapos ng breakfast hours.
Ang piped-in music ay provided ng corporate office.
Hindi puwedeng magpatugtog ng ibang kanta o mga personal playlists.
Nang matapos nilang ikutin ang tindahan, ang susunod ay kitchen training na.
Ituturn-over siya kay Mam Angie dahil ito ang kitchen manager.
Naabutan nila ito na nasa harap ng food warmer.
May hawak siyang resibo at binubungangaan ang grill crew na halatang aligaga dahil mag-isa lang na kumikilos.
Nilapag ni Mam Angie ang resibo sa ibabaw ng microwave oven tapos mabilis na binalot ang cheese burger.
Sa tantiya ni Trish, wala pang five seconds na ginawa iyon ng manager.
"Mabuti pa siguro, bumalik na lang tayo mamaya. Mukhang hindi ka maasikaso ni Mam Angie. Busy kami palagi dito kaya mahirap makahabol kapag may umaabsent."
Lumabas na sila sa kitchen at bumalik sa office kung saan inabutan siya ni Sir Mario ng manual sa grill station.
Magbasa na lang daw muna siya para meron siyang idea sa mga products na ginagawa nila.
Ala-una na siya naturuan sa grill station.
Hindi niya maintindihan kung bakit pero ilag siya kay Mam Angie.
Dahil siguro naturn off siya ng makitang sinisigawan nito ang crew.
Baka kung siya ang nasigawan eh nagwalk-out siya sa kitchen.
Ayaw niya ng napapahiya.
Hindi siya sanay sa ganoong eksena.
Iba si Mam Angie kumpara sa mga kasama nito.
Kung ang mga managers ay nagpakita ng interest sa kanya at nag-effort na magsmall talk, diretso ito agad sa pago-orient sa kung anu-ano ang components ng grill station.
Dahil nabasa niya na ang mga ito sa manual, tumatango lang siya sa mga sinasabi nito.
Bukod sa very straightforward manner, ang bilis din niyang magsalita.
Ni hindi siya tinatanong kung may gusto ba siyang i-clarify.
Sumagi sa isip niya kung nananadya ba si Mam Angie o ganito talaga siya?
Feeling ni Trish, she had to do more reading para makahabol sa mga sinasabi nito.
To be fair, pinapakita naman nito sa kanya kung paano ginagawa ang mga procedures.
Nang turn niya na para magluto ng patty, dahil hindi siya sanay, sumayad ang daliri niya sa griddle.
Napaigtad siya at nabitawan ang mga frozen patties.
Gumulong ang isa at dumiretso sa grease trough.
Tiningnan niya ang dulo ng daliri.
Namumula ito dahil sa init.
Nasa three-hundred fifty degrees ba naman ang temperature setting ng griddle.
"Napaso ka?" Nakataas ang kilay na tanong ni Mam Angie.
"Obvious ba?" Nangingilid ang luha niya pero pinigil niya ang umiyak.
"Halika." Hinawakan siya nito sa braso tapos hinila papunta sa handwashing sink.
Binuksan ni Mam Angie ang gripo at tinapat ang kanang kamay niya sa tubig.
Medyo nabawasan ang init pero mahapdi pa din.
"Punta tayo sa office. Nandoon ang first aid kit. Lagyan natin ng burn ointment para hindi iyan lumobo. Ang tilos pa naman ng mga daliri mo." Pinatay niya ang gripo tapos nginitian siya.
Hindi siya nagsmile dito.
"Ako na lang. Nandoon naman si Mam Evelyn. Sa kanya ko na lang itanong kung nasaan ang first aid kit."
"Sure ka?" Hindi na mataray ang tono nito.
Tumango si Trish.
"Okay. Balik ka sa kitchen kapag ready ka na."
Iniwan na siya nito at bumalik na sa kusina.
Kailangan pa niyang mapaso para bumait sa kanya si Mam Angie.
Naisip ni Trish habang pinapahid ang burn ointment sa ibabaw ng forefinger at middle finger niya.
Ang dalawang ito ang napuruhan at kahit pinadaaanan na ng malamig na tubig at pinahiran ng ointment eh pulang-pula pa rin.
Ang sabi ni Mam Evelyn, hindi lang daw siya ang nagdaan sa ganito.
"Karamihan, Mam, napapaso talaga. Imagine mo na lang kung maliit ang kamay mo tapos hindi kasya ang limang patty sa isang kamay di ba?"
"Oo nga, Mam. Ako nga na malaki ang kamay, napaso pa din."
"Hindi bale. Masasanay ka din."
"Masasanay mapaso?"
Tumawa si Mam Evelyn.
Natawa na lang din si Trish.
Pagbalik niya sa grill station, hindi na siya pinagluto ni Mam Angie ng patties.
Tinuruan siya nito kung paano maglagay ng buns sa toaster.
Na-enjoy niya ang part ng pagbi-build ng iba't-ibang klaseng burgers at sandwiches dahil mabait at palabiro ang closing grill na si Alyana.
Nabanggit niya dito ang napaso niyang mga daliri.
Dahil wala sa tabi nila si Mam Angie, sinabi ni Alyana na puwede naman kahit less than ten patties ang i-lay niya sa griddle.
"Pero kapag nandito si Mam Angie, try niyo po na sampu sa isang batch para hindi kayo mapagalitan."
"Ang sungit niya ano?"
Sumulyap si Alyana sa sink kung saan nakatalikod ang kitchen manager at sinasalansan ang mga aluminum trays na bagong hugas.
"Mabait naman po si Mam. Nababad trip lang po talaga kapag absent ang crew tsaka sobrang strikta kasi gusto niya standard ang trabaho." Pabulong na sabi nito.
Pagdating ng alas-tres, naging busy na sila ulit.
Suweldo din pala kaya tuloy-tuloy ang dating ng mga tao.
Tinoka siya ni Mam Angie sa pagto-toast ng buns.
Nangawit na ang mga balikat niya dahil sa walang tigil na paglalagay ng tinapay sa vertical toaster.
Hindi siya nagreklamo dahil alam niya na part ito ng training.
Kung hindi pa siya pinaalalahanan ni Mam Angie na alas-sais na, pati oras ng pag-uwi, makakalimutan niya.
Patang-pata ang katawan na sumalampak si Trish sa sofa pagdating sa bahay.
Alam niya na hindi madali ang magtrabaho.
Pero hindi niya alam kung gaano kasakit sa katawan ang maghapong nakatayo.
Pakiramdam niya, naninigas ang mga daliri niya sa paa.
"Anong nangyari sa'yo?" Tinabihan siya ng mommy niya.
"Grabe, Mommy. Sumakit ang ulo ko sa pagod."
"Anong nangyari sa daliri mo?" Hinawakan siya nito sa kamay at tiningnan ang namumulang daliri.
"Napaso po ako sa griddle."
"Kung nagnurse ka na lang kasi, eh di sana hindi ganito."
"Mas okay na 'to. Kaya ko ang paso. Kung dugo ang nasa harap ko, baka ako ang asikasuhin imbes na ang pasyente."
Napailing na lang ang mommy niya.
"Ang mabuti pa, magbihis ka na para makapaghapunan ka."
"Opo." Tumayo na si Trish at umakyat sa kuwarto niya.
Habang nagsashower, inisip niya ang mga nangyari sa araw na iyon.
"Ang hirap talaga kumita ng pera." Bulong niya sa sarili.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top