Chapter 18




Nang nine years old si Trish, pinatawag ng principal ang mommy niya para kausapin.

Napaiyak niya kasi ang teacher niya sa English dahil sa pagiging honest niya.

Hindi niya makalimutan kung ano ang topic nila ng araw na iyon na naging dahilan para umiyak ang guro niya--honesty is the best policy.

Humingi ng example ang teacher niya at agad na nagtaas ng kamay si Trish.

Dahil sa sagot niya, biglang namula ang pisngi ng guro at hindi nakapagsalita.

Lalo itong napahiya ng magtawanan ang mga kaklase niya.

Nagtalo pa nga sila ng teacher niya kasi ng makabawi na ito sa pagkagulat, sinabihan nito si Trish na what she did was wrong.

"But didn't you say that honesty is the best policy?"

Hindi ito sumagot.

"Well you are fat and that's the truth."

Nang pauwi na sila ng mommy niya, pinagsabihan siya nito.

Tumatak sa isip ang sinabi ng mommy niya na hindi porke't totoo ay dapat niyang ipagsabi.

"Anak, kailangan pag-isipan mo ang mga sasabihin mo. May mga bagay na kahit totoo pero kung alam mong makakasakit sa ibang tao, dapat ay sarilinin mo na lang." Payo ng ina.

Nang tanungin niya ito kung honesty nga ba ang best policy, wala itong naisagot.

Ito ang naisip niya habang nagmamaneho papunta kina Angie.

Wala sa plano niya na puntahan ito dahil alam niya na malaki ang atraso niya sa kaibigan.

Nakikita niya sa mga mata nito na ang mga tanong na hindi nito magawang sabihin sa kanya.

Nararamdaman niya na nasasaktan nito sa ginagawa niyang pag-iwas at pagbabago ng kilos pero hindi niya alam kung paano niya ito kakausapin.

Gusto niyang maging honest kay Angie.

Pero natatakot siya na baka masaktan ito tulad ng nangyari kay Mrs. Reyes.

Walang malisya sa isip niya ng sabihan niya ito na mataba.

Totoo naman kasi na malaki ang bilugan nitong pangangatawan.

Wala na nga itong leeg kasi dalawa ang baba.

Kapag nagsusulat ito sa blackboard ay wumawagayway ang nakalaylay na mga taba nito sa braso.

Pero mabait si Mrs. Reyes sa kanila.

Paborito pa nga siya nito kasi lagi siyang nagtataas ng kamay.

Narealize niya ang ginawa niya noong malaki na siya.

Nang bumalik nga siya sa school nila, hinanap niya si Mrs. Reyes para humingi ng sorry.

Kahit sinabi ng teacher niya na hindi na nito matandaan ang nangyari, dama ni Trish na hindi ito kumportable.

Nakangiti ito pero kita sa mga mata na nandoon pa din ang ala-ala ng pagkapahiya dahil sa sinabi niya.

Alam ni Trish na masasaktan si Angie sa sasabihin niya.

Alam niya din sa sarili niya na mali ang ginagawa niya na hindi ito kinikibo.

Bigla na lang siyang nagbago ng pakikitungo dito at alam niya na mali ang ginagawa niya.

Imbes na harapin ang katotohanan, mas pinili niya na maging palaisipan kay Angie ang nangyayari.

Sigurado si Trish na malamang iniisip ni Angie na baka may kinalaman ang binibigay niyang cold treatment dito sa pagtatapat na ginawa nito noong nagswimming sila.

Hindi naman siya naasiwa sa sinabi nito.

Flattered nga siya sa nalaman.

Humanga din siya kay Angie dahil sa lakas ng loob nito na umamin sa kanya.

Alam niya na hindi madali na mag-open sa isang tao lalo na kapag mahal mo kung ano ba talaga ang nararamdaman mo.

Pero ginawa ni Angie.

Sumugal siya kahit hindi niya alam kung may pag-asa ba siya o wala.

Para kay Trish, isang malaking karangalan na mahalin siya ni Angie.

Bukod sa napakabait nito, pagdating sa kanya, hindi ito nagdadalawang-isip na ipakita sa kanya kung gaano siya dito kahalaga.

Unfair ang ginagawa niya kay Angie at alam niya iyon.

Habang nagmamaneho siya paUWI, ang akala niya, kaya niya ng sumubok ulit.

Ayaw niyang matulad sa nangyari sa kanila ni Mam Nicole ang sa kanila ni Angie.

Pero pagpasok niya sa bahay nila, may nadatnan siya na magpapabago sa isip niya.

Iyon ang dahilan kung bakit kahit maga-alas diyes na ng gabi ay papunta siya kina Angie.

Sinadya niya talaga na huwag umuwi agad kahit alas-singko pa lang ay tapos na ang graduation nila at isa na siyang ganap na manager.

Bukod sa traffic, naisip niya na baka nasa bahay pa nina Angie ang mga kapwa managers at crew nila.

Ayaw niyang maabutan ang mga ito.

Wala naman siyang balak na makipagcelebrate.

Kailangan niya lang makausap si Angie ng solo.

Ilang beses niyang pinag-isipan kung tama ba ang gagawin niya at kung tama ang timing niya.

Birthday ng taong mahalaga sa kanya.

Hindi ba puwedeng ipagpaliban niya sa ibang araw kung anuman ang gusto niyang sabihin dito?

Gusto ba niyang masira ang kaarawan ni Angie?

Puwede naman silang mag-usap sa ibang araw.

Pero nakapost na ang schedule nila at taliwas ang rest days at shifts nila.

Pang-umaga siya at closing lagi si Angie.

Dahil malapit na ang pasko, extended ang store hours kaya imbes na alas dos ang pasok ng mga closing managers ay naging alas-tres.

Hindi sila magpapang-abot ni Angie at hindi alam ni Trish kung hanggang kailan niya ipagpapaliban ang pakikipag-usap dito.

Hindi din nila puwedeng pag-usapan ang bagay na ito habang nagtatrabaho.

Dahil sa Christmas rush, halos walang time para mag-CR man lang.

Pati ang breaks nila, halos hindi nila matapos ang isang oras dahil sa dami ng tao.

Naisip niya na tawagan ito pero hindi niya nagustuhan ang ideya na iyon.

Kailangang personal niya itong makausap.

Nang marating niya ang lugar nina Angie, mula sa labas ay kita niya ang iba't-ibang kulay na galing sa reflection ng mirror ball.

Hindi siya pumarada sa tapat ng bahay nito sa halip ay pumarada siya bago marating ang tindahan.

Pinatay niya ang makina at pinagmasdan ang mga tao na nakaupo sa gilid ng bakuran at masayang nagtatawanan.

Hindi pa din sigurado si Trish kung tama ba ang gagawin niya.

Sa isang banda, naisip niya na sana hindi na lang siya pumunta.

Bukod sa pagod na siya dahil sa pakikipagbuno sa traffic, puwede naman niyang ipagpaliban kung anuman ang sasabihin kay Angie.

Mahalaga ang araw na ito sa kaibigan.

Hindi niya dapat sirain ang special na okasyon dahil lang sa gusto niyang malaman ni Angie ang katotohanan.

Naalala niya ang mommy niya at ang payo nito na hindi porke't totoo, dapat niyang ipagsabi.

Pero hanggang kailan niya titikisin si Angie?

Hanggang kailan niya ito iiwasan?

Para kay Trish, wala ng ibang paraan kundi harapin ang katotohanan gaano man ito kasakit.

Ngunit hindi niya magawang bumaba ng sasakyan.

Nanatili siyang nakaupo sa dilim habang naglalaban ang puso at isip niya.

Habang tumatagal at hindi siya lumalabas ng kotse, pinanghihinaan na siya ng loob.

Kung hindi mahalaga si Angie sa kanya, madali lang sana ang lahat.

Hindi niya kayang saktan ito dahil nasasaktan din siya.

"Damn it." Hinataw niya ang steering wheel.

Sa sobrang lakas ng pagkakapalo niya ay namula ang kamay niya.

Napahawak si Trish sa ignition at pipihitin na ang susi ng may marinig siyang katok sa bintana sa passenger side.

Binitawan ni Trish ang susi.

Nakangiti sa kanya ang papa ni Angie.

Pinihit niya ang susi at binaba ang bintana.

"Trish, anong ginagawa mo diyan? Bakit hindi ka tumuloy sa bahay?"

"Po?" Wala siyang mahanap na isasagot dito.

"Matutuwa si Angie pag nakita ka. Halika ka na. Sumabay ka na sa akin."

"Si...sige po, Tito." Hindi na siya makaatras.

Pinihit niya ulit ang susihan para isara ang bintana.

Pagdating nila ay pinakilala siya agad nito sa mga bisita.

Magalang siya na naghello sa mga lalake at babae na kaedad ng papa ni Angie.

Pagkatapos siyang ipakilala ay sinamahan pa siya nito papasok sa bahay.

Dinig ni Trish ang masayang bisita na nagvivideoke at lalong lumakas ang kaba niya.

Hindi siya handa sa gagawin pero wala na siyang magagawa.

Parang tumigil ang mundo ng makita ni Angie kung sino ang kasama ng kanyang ama.

Nakaupo ito sa sala at kausap si Alyana pati ang grupo ng mga crew na hindi kilala ni Trish.

"Uy. Dumating si Mam Trish." Masayang sabi ni Alyana pagkakita sa kanya.

Nakatitig lang sa kanya si Angie marahil sa gulat.

"Angie," Tinawag siya ng ama.

"Pakainin mo muna si Trish. Baka gutom na siya."

"Okay lang po ako, Tito." Nahihiyang sabi niya dito.

Nakita niyang tumayo si Angie at naglagay ng distansiya ng makalapit sa kanya.

"Iwan muna kita, Trish. Lagay ko lang itong yelo sa ref." Nginitian siya ulit ng papa ni Angie bago pumunta sa kusina.

"Kain ka muna." Matamlay ang tono ni Angie.

Humakbang ito papunta sa kusina pero nahagip ito ni Trish sa kamay.

"Puwede ba tayong mag-usap?"

Napatingin si Angie sa kamay niya at agad niya itong binitawan.

Nakita ni Trish na nag-alangan ito.

Bago pa siya tuluyang mawalan ng lakas ng loob, nagsalita siya ulit.

"Please?"

"Okay. Sa taas na lang tayo. Maingay dito." Lumakad si Angie papunta sa hagdanan.

Tahimik na sumunod si Trish.

Binuksan ni Angie ang kuwarto at niyaya siyang pumasok.

Iniwan nitong nakaawang ang pinto at tinuro ang bangko na nasa tapat ng dresser.

Umupo si Angie sa kama at tahimik lang na nakatingin sa kanya.

"Gie, I'm sorry." Iyon agad ang lumabas sa bibig ni Trish.

Bago siya makarating dito, nirehearse niya ang sasabihin.

Pero ngayong nandito na siya, wala siyang maalala ni isa sa mga minemorize niya.

"Sorry saan?" Defensive ang tono ni Angie pero hindi niya naman ito masisisi.

Ilang araw na silang hindi nagpapansinan tapos bigla na lang siyang sumulpot.

"Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin." Sinikap niyang tumingin sa mga mata nito.

Pero ang nakita niyang sakit ay lalong nakabawas sa lakas ng loob niya.

"Hindi ko alam, Trish. Hindi ko maintindihan kung may nasabi ba akong masama kaya bigla ka na lang umiwas at hindi ako kinikibo."

"Wala kang nasabing masama."

"So, anong nangyari?"

Mataas pa din ang tono ni Angie.

Huminga ng malalim si Trish at tinipon ang lakas niya.

Kung hindi niya sasabihin ang dahilan, malamang ay hindi niya magagawa ang dahilan ng pagpunta niya dito.

"Nagtangkang magpakamatay si Marky."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top