Chapter 8
PAGKALABAS NG VENUE, hinang-hinang umupo muna ako sa kalapit na bench.
Hinilamos ko ang mga kamay ko sa mukha ko. Nakaiirita! Kararating ko lang, ni hindi pa nga ako nag-uumpisang magtrabaho, pero ganito na agad ang nangyari. Nakanginginig ng mga tuhod.
Alam kong mali 'yong ginawa ko. Hindi dapat ako nag-walk out dahil ang dating, parang apektado pa rin ako sa pagkikita namin kanina. Pero kasi apektado naman talaga ako, anong magagawa ko?
Isa pa 'tong si JD. Parang nang-aasar pa, e. Ano namang pakialam niya kung ayokong makita ang walang kwenta niyang kapatid?
Tsk. Hindi ko makalimutan 'yong tingin sa 'kin ni Levi kanina. Ang sarap magwala! Parang tumagos sa laman ko 'yong lalim ng titig niya.
Anong titig ba 'yon? Medyo nakangiti pa siya nang magkatinginan na kami. Siguro nga talagang inaabangan niya akong dumating. Baka nga pagkatapak ko pa lang sa venue, nakatingin na siya sa 'kin, e. At hindi ko man lang agad napansin 'yon. Nakahihiya!
Saglit lang kaming nagkatinginan, pero parang na-memorize ko na agad ang itsura niya.
Hindi ako magsisinungaling, mas lalo talaga siyang gumwapo ngayon. Siguro dahil nag-mature na ang dating niya. Alam kong nasa early 40s na siya ngayon, pero bakit gano'n? 'Yong mukha niya, para lang siyang mga nasa mid-30s.
Ang lapad na ng katawan niya ngayon at meron na rin siyang facial hair, pero kahit ganoon, pansin na pansin pa rin ang halos perfect niyang jaw line. Hindi rin nagbago ang pagiging disente ng dating niya—mukha pa rin siyang gentleman.
Nakaiinis, parang hiyang siya na magkahiwalay kami. Samantalang ako, hindi ko alam kung maganda pa rin ba ako sa paningin niya noong nakita niya ako kanina.
Leche, ano ba 'tong pinag-iisip ko! What, am I still into ravishing, matured guys? Ano naman kung hindi na ako maganda sa paningin niya? Wala naman talaga akong pakialam. Siguro nga mas gumwapo siya ngayon at nagkaroon ng sex appeal, pero siya pa rin ang Levi Alarcon na nanakit at nang-iwan sa 'kin. Hindi ko 'yon makalilimutan.
Kinalma ko ang sarili ko at nilabas na muna ang cellphone ko mula sa bag. Tatawagan ko si Baron, baka pwede niya akong masundo.
Sayang kasi, dapat pala pinilit ko na lang talaga siyang sumama sa shoot namin ngayon. Baka sakaling hindi ganito ang kinalabasan. Mas tumatapang kasi ako kapag kasama ko 'yong adik na 'yon.
Ilang beses ko siyang sinubukang kontakin, pero hindi sumasagot. Puro ring lang. Busy pa siguro sa pagta-tattoo. Kung minamalas ka nga naman talaga. Bakit nga ba kasi hindi ko naisipang magdala ng sariling sasakyan. E 'di sana hindi ako namomroblema ngayon. Kapag itong si Baron, hindi nag-call back within ten minutes, no choice na ako kung 'di mag-taxi na lang pauwi.
Maya-maya lang naman ay bigla nang nag-vibrate ang phone ko. Tiningnan ko agad ang screen kasi akala ko si Baron. Si Raquel pala. Diyos ko naman, wala naman sanang problema.
Sinagot ko ang tawag. "Hello."
"Leila! I'm sorry, pero kailangan mong bumalik dito."
Napabagsak ako ng mga balikat at inis na hinilot ang noo ko. Ito nga bang sinasabi ko e! "Bakit? Nakasakay na ako ng taxi." Palusot ko lang. "Hindi na ako makakabalik."
"Pabalikin mo 'yong taxi!"
"Bakit nga kasi? Kaya niyo na 'yan."
"Kaya kung sa kaya. Pero iniipit ako ng mga Alarcon dito. Hindi raw nila kukumpletohin ang bayad kapag hindi ka bumalik."
"Ano!" Bigla akong napatayo sabay kapit nang mariin dito sa cellphone. "Punyeta, ano bang problema ng dalawang 'yan? Nandiyan na nga kayo, o! Makukuhanan pa rin naman 'yang event kahit wala ako, bakit nanggaganyan pa sila?"
"Ewan ko ba. Medyo naiinis na nga rin kami ni Yuan. Kilala mo ba 'tong mga 'to? May atraso ka ba sa kanila kaya ganito na lang kung mam-blackmail?"
Napangisi ako nang mayabang. Wow, ah. Ako pa talaga? Ang Levi na 'yon ang may atraso sa 'kin. Kaya nga ewan ko kung bakit ang lakas-lakas pa ng loob niyang mang-ganito ngayon. Akala niya ba natutuwa ako sa ginagawa niya? Gusto niya lang yatang mas lalong madagdagan ang sama ng loob ko.
"Leila?" muling tawag ni Raquel sa kabilang linya. "Bumalik ka na rito, okay? Ngayon na. Sayang naman ang pagpunta natin dito kung hindi rin na'tin makukuha 'yong buong bayad. Luging-lugi tayo."
Hindi ko siya sinagot. Nagdidilim kasi ang paningin ko! Ayokong bumalik sa loob, ayoko nang makita ulit ang lalaking 'yon. Pero hindi ko naman pwedeng hayaan na wala akong maipambayad na malaki-laki kina Raquel at Yuan. Sila na nga ang nag-shoot. Tsk.
"Lei?" tawag niya ulit.
"Oo na, sige. Pabalik na 'ko." 'Yon na lang ang sinabi ko, tapos binaba na ang tawag.
Kinuha ko ang bag ko kasabay ng pagsilid ng cellphone sa bulsa ng suot kong trousers.
Hinahamon ako ng Levi na 'yon, ah. Iniipit niya kami? Puwes, tatapatan ko siya. Ang pinakaayaw ko ay 'yong mga kliyenteng hindi marunong sumunod sa napagkasunduan. Kung may kailangan siya sa 'kin, wag niyang idamay ang trabaho ko. Leche siya. Kahit kailan talaga, wala siyang isang salita.
##
ISANG ORAS ANG itinagal ng wedding ceremony.
Ngayon, abala na ang lahat dahil umpisa na ang reception. And that means makaaalis na ako. Nakiusap ako kina Raquel kanina na sa ceremony lang ang kukuhanan ko at sila na ang bahala reception. Hindi ko talaga kayang tapusin ang event, lalo na ngayong nag-iinit na 'tong mga tainga ko sa inis.
Paano ba naman kasi, kada galaw ko yata kanina ay nakatingin si Levi sa 'kin. Hindi tuloy ako nakapagtrabaho nang maayos. Tipid na tipid ang mga galaw ko. Sana lang talaga maganda ang kalabasan ng mga kuha ko.
Hindi ko siya tinitingnan dahil naiilang ako sa ginagawa niyang leche siya, pero ramdam kong pinanonood niya ang pagkuha ko ng mga litrato. Kahit saan ako pumwesto, nakasunod sa 'kin ang mga mata niya. Buti na lang talaga nag-ayos ako ngayon dahil pakiramdam ko, nakabisado niya na rin ang itsura ko dahil sa tindi ng mga titig niya sa 'kin.
Bakit ba siya gano'n? Hindi niya na lang itutok ang atensiyon niya sa couple na kinakasal. Sobra nga ang kaba ko kanina dahil baka bigla niya akong lapitan. Hindi pa talaga ako handang makipag-usap sa kanya o kahit makaharap lang siya nang malapitan. Mabuti na lang hanggang tingin lang siya sa 'kin.
Kanina pa bago mag-umpisa ang kasal, kamuntik akong mapahamak. Paano, kailangang makuhanan ang groom at ang mga groomsmen sa kabilang kwarto. Ako ang gusto nilang mag-shoot! Ano ako, tanga? Bakit naman ako papasok sa kwarto kung sa'n naroon ang ex ko? Gusto yata nila akong mamatay nang maaga.
Namura ko tuloy si Yuan no'ng sinabi niya sa 'kin 'yon. Mabuti na lang nag-prisinta si Raquel na siya na ang kukuha sa mga lalaki, at ako na sa bride at mga bridesmaids dahil doon naman talaga ako magaling. Beauty shots ang specialty ko.
Ngayon, nandito lang ako sa madilim na parte ng venue. Walang tao rito, pero rinig na rinig pa rin ang boses nung nagho-host sa gitna.
Pinagtataguan ko si Levi kasi ang lakas ng kutob kong lalapitan na niya ako. Ngayon pa na tapos na ang ceremony at nag-eenjoy na lang ang newlyweds at mga guests. Siguradong may pagkakataon na siyang makalapit. Kaya kailangan ko nang makaalis bago niya pa makita kung nasaan ako.
Ang problema lang kasi, hindi pa ako makauwi-uwi dahil hinihintay ko pa 'yong adik na si Baron.
Tinawagan na niya ako kanina. Buti nga narinig kong tumutunog ang phone ko, kasi naman, tumatawag e nasa gitna ako ng pagshu-shoot. May tina-tattoo-an nga siya kaya hindi niya nasagot ang mga tawag ko. Nagpasundo na ako ng mga bandang alas-syete. Pumayag naman siya, kaso hanggang ngayon wala pa rin ang hayop. Sabi niya tatawag siya kapag malapit na siya, e ang tagal naman.
Sa inip ko tuloy, ako na lang ulit itong tumawag. Pinindot ko ang number niya sa phone. Ang bilis niya namang sinagot. Siguro nahulaan niya nang tatawag talaga ako.
"Malapit na 'ko," sagot niya agad. O, pati pala ang sasabihin ko, nahulaan niya na rin.
"Nasaan ka na? Ang tagal mo."
"Tangina ang trapik! Pero malapit na 'ko. Ano bang nangyari, ba't hindi ka na lang sumabay kina Raquel?"
Namaywang ako sabay ikot ng mga mata. Ayoko munang isipin. "Mamaya ko na lang ikukwento. Bilisan mo na. Uwing-uwi na 'ko, e."
Parang natawa siya sa kabilang linya. "Asal boss ka na naman. Anong gusto mo, paliparin ko 'tong kotse? Papunta na nga ako riyan. Alam mo namang malakas ka sa 'kin, pero kapag ako na, balewala na sa 'yo."
"Diyos ko naman, Baron, wag mo nga muna akong dramahan." Parang tanga kasi. Maka-singit lang ng kabaduyan, e.
"Anong bayad mo sa 'kin nito?" Bigla niya na lang iniba 'yong usapan para hindi halatang sinupalpal ko siya.
Napairap naman ako. "Anong bayad? Ikaw pa nga 'tong may utang sa 'kin."
"Wala kang bayad?"
"Wala. Siniswerte ka, ha? Kita mong kulang na nga lang magbenta na ako ng katawan may maipambayad lang sa apartment."
"Wala ka pala e. Sige, iiikot ko na 'tong kotse pabalik. Umuwi ka mag-isa."
"Ano? Hoy! Adik ka talaga! Pababayaan mo 'ko? Sunduin mo 'ko rito!" Pakingshet talaga 'tong lalaking 'to e. Ganyan talaga siya. Walang takot sa 'kin.
"Ayoko na," pang-iinis niya pa talaga. "Walang bayad."
Napapikit ako nang mariin. Punyeta kumukulo na naman dugo ko, ah. Pati ba naman siya, namba-blackmail na rin?
"Ano, wala talaga?"
Humigpit ang kapit ko rito sa cellphone. "Oo na! Ililibre na lang kita mamaya ng paborito mong pizza. Bilisan mo na kasi!"
Natawa na naman siya nang maangas. "Sige na. Nagagalit ka na naman, alam mong ayokong nagagalit ka."
"Ang arte, Baron! Hihintayin kita, bilisan mo." Binabaan ko na siya ng tawag.
Adik talaga 'yon. Masyadong showy! Naiirita ako sa gano'n, sa totoo lang. Pasalamat na lang talaga siya may kailangan ako sa kanya ngayon. Kung wala, bibigwasan ko talaga 'yong hayop na 'yon. Buburahin ko 'yong tattoo niya sa dibdib gamit eraser ng lapis makita niya.
Sinuksok ko na ang cellphone sa bulsa ng trousers ko.
Pagkatalikod ko para umalis, pinanlakihan na lang agad ako ng mga mata nang makita si Levi na nakatayo sa harapan ko. Hindi ko naramdamang nandito na pala siya!
Hindi ako nakagalaw. Para akong binuhusan ng malamig na tubig.
Nakapasok ang mga kamay niya sa magkabilang bulsa ng suot niyang itim na slacks. Nakatingin siya nang deretso sa mga mata ko. Hindi ko kinaya ang lalim ng titig niya kaya mabilis akong umiwas. Puta, namamanhid ang mga kamay ko at naririnig ko na naman ang bilis ng tibok ng puso ko.
Hinang-hina ako, pero pinilit ko pa ring maging matapang. Inirapan ko siya, tapos dumeretso na ng lakad. Hindi ko siya kinibo at umasta lang ako na parang hindi ko siya kilala.
Kaso pagkalagpas na pagkalagpas ko, bigla siyang pumwesto sa likuran ko at hinawakan ako sa magkabilang balikat. Tumayo lahat ng mga balahibo ko sa parteng iyon!
Hindi na naman ako nakagalaw kaya madali niyang nailapit ang katawan niya sa 'kin. His perfume is intoxicating! Inamoy niya pa ang buhok ko. Napapikit na lang ako nang mariin. Sobrang nanginginig ang mga tuhod ko lalo pa't ramdam na ramdam ko ang mainit at mabigat niyang mga paghinga sa likod ng ulo ko.
Gusto kong pumalag, gusto kong magsalita, gusto ko siyang sigawan at murahin, pero parang mas gusto ko yatang mahimatay. Bakit niya ito ginagawa? Paano niya ito nakakayanang gawin!
Umangat ang malagkit niyang hawak sa leeg ko. Doon na ako halos bumigay. Paulit-ulit akong nagmumura sa isip, hanggang sa maramdaman ko na lang ang pagdikit ng mga labi niya sa tuktok ng kaliwa kong tainga.
"Leila . . . let's talk. Come with me."
• • •
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top