Chapter 10

HINDI AKO UMURONG sa gustong pakikipag-kita ni Levi. Alas-tres ng hapon nang makarating ako sa restaurant na binook niya.

Late ako. 2:30PM ang sinabi sa 'king oras ni Raquel. Pero siyempre, bakit naman ako pupunta on time? Hindi naman importante si Levi para puntahan ko agad-agad. Bahala siyang mamuti ang mga mata sa kahihintay sa 'kin.

Pagkapasok ko, nakita ko siyang nakapwesto sa bandang dulo ng restaurant. Nakatalikod siya mula sa 'kin kaya hindi niya napansing dumating na ako.

Hindi muna ako lumapit. Dumeretso muna ako sa wash room.

Ipipihit ko pa lang sana ang knob nitong pinto nang maramdaman kong nag-vibrate ang phone na nasa bulsa ng shorts ko. Kinuha ko agad. Nag-text si Baron.

| Wag na wag kang lalagpas sa oras na pinag-usapan natin |

Hindi ako nag-reply. Umiling-iling lang ako sabay sinuksok 'tong cellphone pabalik sa bulsa.

Tinakot pa talaga ako ng adik na 'yon. Feeling boyfriend. Sinamahan niya kasi ako. Nandoon lang siya sa labas, nakatambay sa kotse niya na naka-park sa may hindi kalayuan.

Kagabi kasi noong nalaman niyang gustong makipagkita ni Levi, nagwala na naman siya. Imbis na okay na siya kasi nakakain na kami no'n, bigla na namang uminit ang ulo. Ayaw nga akong payagang sumipot. Akala mo talaga boyfriend kung umasta e.

Nagsigawan na naman tuloy kami kagabi. Hindi niya kasi maintindihan ang punto ko, na ang gusto ko lang naman ay makuha ko 'yong bayad para maibigay ko na kina Raquel. Siyempre ayoko rin namang masira ang pangalan ko kina Raq, baka mamaya hindi na sila makipagtrabaho sa 'kin. Pinaliwanag ko nang maigi 'yon kay Baron, siniguro ko talagang wala nang mapapala sa 'kin ang Levi na 'yon.

Napagpasyahan niya na lang na sumama sa 'kin. Kinansel niya pa ang mga naka-schedule niyang customer sa tattoo shop. Hindi raw pwedeng ako lang mag-isa ang pumunta dahil baka kung ano na namang gawin sa 'kin ni Levi. Babantayan niya raw ako para sigurado. Gusto pa ngang sumama rito sa loob! Sabi ko wag na, ang awkward kaya.

Sinabihan niya na lang ako na dapat thirty minutes lang ako magtatagal na kasama si Levi. May time limit pa talaga. Ginawa niya akong bata when in fact, I'm already 29 years old. Siya nga hindi ko ginagano'n, samantalang magka-edad lang kami.

Kapag nagtagal daw ako, susunod na siya rito sa restaurant. Pinagbigyan ko na lang kasi ang pilit niya talaga. Tsaka wala rin naman akong planong magtagal.

Tumapat na ako rito sa salamin sa loob ng wash room. Nagsuklay ako ng buhok gamit ang mga daliri ko at nagpatong ng matte lipstick. Tapos inayos ko ang damit ko. Naka-fitted three-fourths top ako. Mababa ang neckline kaya bulgar ang malalim kong cleavage. At dahil nga fitted, siyempre hindi pwedeng hindi babakat ang kurba ng baywang ko. Naka-maiksing puting shorts pa ako. 'Yong tipong hindi ako pwedeng tumuwad dahil makikita ang lahat-lahat sa 'kin.

Yes, ang sexy ng suot ko. Sinadya ko talaga. Ang sarap lang kasing mang-asar. Ang sarap akitin ni Levi. Gusto kong mag-mukhang single at available pero hinding-hindi niya makukuha.

Tingnan ko lang kung hindi siya lalong mapatitig sa 'kin ngayon. Sa ganitong paraan ako makagaganti sa kanya. Gusto niya talagang makipagkita sa 'kin, ha? Nginisian ko ang sarili ko sa salamin. Sinuklay ko muna ulit ang buhok ko, tapos tuluyan nang lumabas ng wash room.

Pinuntahan ko na si Levi.

Napatayo nga siya agad noong makarating ako. Grabe, ang lapad na pala talaga niya. Bigla tuloy akong nanliit.

Hinila niya ang katapat na silya para paupuin ako. Pinabayaan ko lang siya. Magpaka-gentleman siya riyan kung gusto niya. Pero aminado akong nagpipigil ako ng hininga ngayon. Kasi naman, naaamoy ko na naman ang pabango niya. Pati ang paghinga niya, nararamdaman ko sa ulonan ko.

Pasimple na lang naman akong napangisi no'ng nahuli ko siyang napatingin sa malalim kong cleavage. Mukhang tama lang pala talaga na nagsuot ako ng push-up bra. Men, they're really all the same.

Bumalik na siya sa upuan niya pagkatapos. Inabutan niya ako ng menu book. "Choose whatever you like."

Tinanggap ko naman, pero hindi ko tiningnan at binalik ko lang din sa mesa. "Hindi ako magtatagal. Kukunin ko lang ang cheke sa 'yo tapos aalis na 'ko. Marami pa akong gagawin."

Bigla niya akong tinitigan nang deretso. Napaiwas agad ako sabay kuha na lang sa menu at umarte na naghahanap na ng makakain. Leche kasi! Bakit gano'n siya makatitig? Hindi pa rin siya nagbabago. Kung makatingin siya, parang binabasa niya pa rin kung anong nasa isip ko.

"Let's eat first, okay?" sabi niya. "Then we'll talk about the money."

Pasimple ko siyang sinilip. Tumitingin na rin siya sa menu. Bakit ang seryoso niya? Ang hirap tuloy basahin kung ano bang gusto niyang mangyari.

Ang lapit namin sa isa't isa ngayon. Mula nga sa kinauupuan ko ay parang naaamoy ko na naman ang pabango niya. Hindi ko na talaga 'yon nakalimutan.

Napatingin ako sa ayos ng buhok niya. Bagay pala sa kanya kapag medyo messy hair. Hindi naka-suklay pero malinis pa ring tingnan. Dati kasi sa St. Agnes, palaging nakaayos ang itim na itim niyang buhok. Palaging naka-gel.

May mga nagbago na sa itsura niya, ang hindi lang yata nag-iba ay 'yong mga mata niya. Ang misteryoso pa rin kung tumitig. At hindi na pala siya nagsusuot ng salamin? Pati 'yong ilong niya, matangos pa rin. Ang mga labi niya, bahagyang natatakpan ng kaunting buhok, pero kitang-kita pa rin ang pagkanipis ng mga 'yon.

Napagmasdan ko na naman ulit ang panga niya. Ang ganda talaga ng tabas. Mukha siyang isang model sa mga fitness magazines. Parang kahit saang anggulo ko yata siya kuhanan ng litrato, gwapo pa rin siya. Dagdagan pa ng kulay ng balat niya na kayumanggi at pantay na pantay. Magniningning siguro siya kapag tinutukan ng spotlight.

He's wearing a plain dark green polo shirt right now. At hindi ko maiwasang hindi mapatingin sa dibdib niya. Bakat na bakat ang hubog noon sa labas ng damit niya. And his biceps, parang puputok ang mga manggas ng polo shirt niya sa lusog ng mga 'yon. Naging suki yata ng gym ang isang 'to.

Bumaba ang tingin ko sa mga kamay niyang nakahawak sa menu book. Ang balbon na niya. Medyo halata rin ang ilang mga ugat sa kamay niya. Tsk, ganyan na ganyan ang gusto ko sa lalaki, nakaiinis!

"Nakapili ka na ba?" bigla niyang tanong na nagpagbalik sa 'kin sa wisyo.

Pagkaangat ko ng mukha, nakatingin na siya sa 'kin. Wala na akong takas kaya nakipagtinginan na lang rin ako sa kanya kahit na nakahihiya dahil alam kong nahuli niya akong pinagma-masdan siya.

"Uhm, magsa-salad na lang ako. Hindi ako gutom," sagot ko sabay sara sa hawak kong menu book at binalik sa mesa.

Tumawag naman na siya ng waitress.

Hindi na ulit kami nag-usap pagkatapos no'n. Wala naman kasi talaga akong balak makipagkwentuhan sa kanya. Ang bastos ko nga, nagba-browse lang ako sa internet gamit ang phone ko. Nahuhuli ko naman siyang nakatitig sa 'kin. Para tuloy akong kinikilabutan.

"How are you, Leila?" bigla niyang tanong.

Walang-gana ko lang siyang sinilip, tapos binalik na ulit ang atensyon ko sa phone ko. "Okay lang. Masaya."

"Good to hear that."

Ngumisi ako.

"So, matagal ka nang photographer?"

"Medyo." Hindi pa rin ako tumitingin sa kanya para malaman niyang wala talaga akong balak na makipag-kumustahan.

"Buti naman tinupad mo ang pangarap mong maging photographer. I'm very happy for you."

Hindi ko na siya sinagot. Nag-init kasi bigla ang mga tainga ko.

Talagang kailangan ipamukha niya pa sa 'kin na alam niya ang pangarap ko dati? May pa-'I'm happy for you' pa siyang nalalaman. Talaga lang, ha? Akala niya naman totoong masaya ako.

"May iba ka pa bang pinagkakaabalahan ngayon?"

Doon na ako nag-angat ng tingin. Wala ba talaga siyang balak itigil ang pagtatanong niya? Hindi ko alam na interviewer na pala siya ngayon.

Tiningnan ko siya nang matapang. "Wala na. 'Yon lang naman kasi ang kaya kong gawin, ang kumuha ng litrato. Ikaw, bakit ka nandito? Ba't hindi ka pa bumalik sa Amerika?" Wala na namang preno-preno 'tong bibig ko. Nakaiirita kasi.

Ngumiti siya nang mapait. "I'm staying here in the Philippines for good."

"Bakit?"

"I will be teaching at a College in Q.C this coming semester. Dito na ulit ako magtuturo."

"Ah." Tumango-tango ako. "So college students na pala ang tinuturuan mo ngayon. Bakit, hindi mo na ba hilig ang mga bata?"

Tinitigan niya ako nang malalim. "Actually . . . I still do."

Natigilan ako at hindi na nakalaban. Ang seryoso kasi ng pagkakasabi niya. Para siyang may gustong ipahiwatig. Sa pagkakaalam ko, twelve years pa rin ang tanda niya sa 'kin.

Mabuti na lang at dumating na ang waitress, dala ang orders namin, kaya hindi ko na talaga kinailangang sumagot pa. Binalik ko ang phone sa loob ng bag ko na nakapatong sa kandungan ko, tapos inabot na ang dressing ng salad para makapag-umpisa na akong kumain.

"Mabubusog ka ba riyan?" tanong niya.

"Ano namang pakialam mo kung mabubusog ako o hindi?"

Hindi ako nakatingin sa kanya dahil abala ako sa paglalagay ng salad dressing, pero pansin kong napasalubong siya ng kilay sa sinabi ko.

Bahala siya riyan. Akala niya makauusap niya pa ako nang maayos, ha. Babarahin at babarahin ko na lang siya hanggang sa mainis siya sa 'kin.

"I will order another meal for you," sabi niya naman sabay tawag doon sa dumaang waiter.

Nanghiram siya ng menu book. Mas lalo tuloy kumulo 'tong dugo ko. Ano bang ginagawa niya? Sinabi na ngang salad lang ang gusto ko!

Nakatingin lang ako nang matapang sa kanya habang binabasa niya 'yong menu book galing sa waiter.

"Do you still like chicken?" tanong niya nang hindi tumitingin. "Look, nandito ang paborito mo."

Umigting ang panga ko. Nagtatanong pa talaga siya! Ano bang pinahihiwatig niya ngayon? Na alam niya pa rin lahat ng mga paborito ko? Kanina ang pangarap, ngayon naman itong pagkain. I don't get it, why is he doing this. Hindi ako natutuwa.

Sa inis ko, padabog kong nilagay 'tong hawak kong tinidor sa babasaging bowl. Siniguro kong gumawa iyon ng tunog para mapatingin siya sa 'kin. At napatingin naman nga siya.

Kinuha ko ang table napkin at pinunasan ang bibig ko, tapos padabog ko lang ding initsa sa gitna ng mesa. I looked at him with anger. "Deretsuhin mo nga ako, Levi. Ano ba talagang pakay mo? Bakit ka nakipagkikita sa 'kin at nakipagkukwentuhan na parang wala lang? 'Di ba matagal mo na akong iniwan?"

Binaba niya ang hawak niyang menu book. Kinuha niya 'yong initsa kong table napkin at inayos iyon, tapos nilagay niya malapit sa plato. Bakit ang kaswal-kaswal niya pa ring kumilos? Parang hindi man lang siya naapektuhan.

Tumingin siya sa'kin. "Hindi mo ba nabasa 'yong sulat na iniwan ko sa locker mo dati? Ang alam ko, nabanggit ko ro'n na babalik ako kapag binigyan ako ng pagkakataon. At sana, pagbalik ko, pwede na tayo."

Nanginig bigla ang mga kamay ko sa sinabi niya. Gusto ko siyang sampalin! Ang kapal ng mukha niya para ipaalala ang nakalagay sa lintek na sulat na 'yon. Tangina, ang tagal na no'n ah!

At anong balik-balik ang pinagsasabi niya? Anong akala niya, na ganito lang kadali? Babalik siya sa 'kin kung kailan niya gusto? Sino bang nagsabing tatanggapin ko pa siya? Sinong nagsabing type ko pa siya? Sagad sa buto ang galit ko sa kanya hanggang ngayon!

Pumikit ako nang mariin para piliting kalmahin ang sarili ko. Dahil sinabi niya kanina, bumalik lang tuloy sa isip ko lahat ng nangyari dati.

Naalala ko na naman kung paano ako nagmakaawa sa kanya na wag akong iwan. Halos hindi ko na makilala ang sarili ko no'n sa kaiiyak ko. Kulang na lang maglupasay ako sa sahig para lang maawa siya sa 'kin, para hindi siya umalis. Hanggang ngayon ang sakit pa rin dito sa puso. Parang kahapon lang nangyari ang lahat.

Handang-handa akong sumama sa kanya noon. Handang-handa akong iwanan ang pamilya ko para sa kanya. Pero umalis pa rin talaga siya at iniwan ako. Hindi siya lumaban para sa 'kin. All I wanted was for him to fight for us, but he's such a coward. Ang mga katulad niya, walang karapatang maging masaya.

Napabalik ako sa sarili ngayon nang bigla niyang hawakan ang nanginginig kong kamay na nakapatong sa table. "Calm down, Leila. I didn't mean to trigger you."

"Calm down? Really, Levi? Ang lakas ng loob mong magsalita ng ganyan ngayon. Palibhasa, hindi mo alam ang naramdaman ko at nararamdaman ko. Wala ka kasing alam!"

Kinuyom ko ang kamao ko para pigilan na ang panginginig. Tangina niya talaga. Gustong-gusto ko siyang pagmumurahin ngayon, pero ayokong makuha ang atensyon ng ibang mga customers dito sa restaurant. Kailangan kong maging disente, kahit na sa loob-loob ko, gusto ko nang sumabog.

Humigpit naman ang kapit niya sa kamay ko. Parang gusto niya na rin akong pakalmahin, pero wala na, inis na inis talaga ako. Maikli pa naman ang pasensya ko, lalo na pagdating sa kanya.

Binawi ko ang kamay ko sabay tiningan ulit siya nang matalas. "Babalik ka kapag may pagkakataon? O, bakit ngayon lang? Anong dahilan mo? Fourteen years, Levi, kahit anino mo hindi ko nakita. Ganoon ba kahirap na bumalik? Iniwan mo 'kong mag-isa. Iniwan mo ako sa ere. 'Yon ang pinakamalungkot na pasko ko, alam mo ba 'yon? Umiyak ako buong bakasyon. Hindi mo 'yon naramdaman. At alam mo bang kinailangan kong harapin lahat ng mga tukso at mapanglait na tingin ng mga kaklase ko? Wala akong naging kakampi! Tapos ngayong nakaahon na 'ko, babalik ka?"

Bigla siyang napayuko. "I came back here after two years. Pero ayaw sabihin sa 'kin ni Jerome kung nasaan ka, kung saang university ka nag-aaral. Tinatago ka niya sa 'kin." Bumuntong-hininga siya. "Hindi ako pwedeng magtagal sa Pilipinas no'n. I had to go back to the States right away since I was studying that time . . .

. . . Pagkatapos kong mag-aral, nagtrabaho ako at bumalik ulit dito. But I was unlucky. I found out you're no longer staying with your family. You went to Paris. Hindi ko alam kung paano kita hahanapin do'n. Tapos," tumingin siya sa ibang direksyon bago nagpatuloy, "hindi na ulit ako nakabalik."

"Bakit, anong pinagkaabalahan mo? Ano, nagkaroon ka na ng iba sa Amerika?"

Ewan ko ba kung bakit nagtanong pa talaga ako. Ang lakas din ng loob ko e. Sige na, aminin na niya sa 'kin lahat-lahat ngayon, tutal, matagal naman na akong wasak at manhid.

Binalik niya ang tingin niya sa 'kin. Halata ang panghihina sa mukha niya.

"I had to marry someone else, Leila."

• • •

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top