Chapter 06
Chapter 06
Ngayon ko lang nalaman na maaari pala akong mapagod kahit na nanonood lang ako sa mga lalaking naglalaro ng basketball. Pagkatapos ng lunch ay nagpahinga sila ng 30 minutes bago nagsimula ang training nila ulit. Pinapanood ko lang sila na maglaro habang naglilista ng statistics nila. Si Serj iyong bahala sa mga bagay na kailangang gumalaw.
Nang mag-alas-dos ay tumayo na ako dahil bilin ni Coach ay dapat may meryenda tapos mamayang alas-sais ay may hapunan na. Dumiretso ako sa kusina para tignan kung mayroon na bang pagkain doon.
"Bakit ka nandito?" tanong ko kay Serj nang makita ko siya na naka-upo doon sa may kitchen counter at may hawak na mga bondpaper.
Napa-kamot siya sa batok at bahagyang natawa. "Binabasa ko lang 'to," sabi niya sabay pakita sa akin nung papel.
Lumapit ako. "Ano 'yan?"
"Script."
"Pwedeng pabasa?"
"Tanungin ko muna si Zo," sabi niya. "Pag pumayag, pabasa ko sa 'yo."
Tumango ako. Naiintindihan ko. Kahit naman ako ay ayokong ipabasa ang script ko sa iba at mas lalo na ayoko na babasahin nila ng walang pahintulot ko. Tumingin ako sa paligid, pero hindi ko nakita iyong mga nagluluto kanina ng tanghalian.
"Pumunta silang palengke," sabi ni Serj.
"Iyong meryenda?"
"Don't know, but I think pabalik na sila kasi kanina pa sila umalis. Bumili ata ng saging for banana que, ewan," he replied, shrugging.
Tumingin ako sa orasan. "Matagal ba lutuin ang banana-cue?" tanong ko dahil sinabi ni Coach na dapat alas-tres ay meron ng meryenda para sa mga lalaki.
"Hindi naman."
"Ilang minuto."
Napa-kurap siya. "Hindi ko sigurado?" sabi niya.
Lumapit akos a ref para tignan kung may pwede ba roong gamitin para sa meryenda. Hindi ako marunong magluto, pero marunong naman akong gumawa ng sandwich. Sigurado hindi mabubusog ang mga player doon, pero mas mabuti na iyon kaysa sa wala.
"Ano'ng hinahanap mo?"
"Tinapay."
"Nagugutom ka?"
"Para sa players."
"Pabalik na 'yon sila Ate," sabi niya. "Saka 'di naman natin problema iyong kakainin nung mga 'yun."
Napa-tigil ako. Tama naman siya—hindi naman sinabi ni Coach sa akin na magluto ako ng meryenda—ang tanging sinabi niya lang ay meryenda ng alas-tres. Huminga ako nang malalim.
"Are you okay?" tanong ni Serj nang makita ko na naka-tingin siya sa akin nang magmulat ako ng mga mata.
"Yes," sagot ko.
Bahagyang naka-kunot ang noo niya. "Okay..." sabi niya.
"Buong araw lang tayong manonood sa kanila?"
Natawa siya. "Why? Bored ka na?" Agad akong tumango. "Ako rin, e. Ano na lang gusto mong pag-usapan?" tanong niya at agad akong nagtanong sa kanya tungkol sa mga bagay na curious ako tungkol sa directing. Nakapagresearch na ako rito nung mga panahon na hindi pa ako sigurado kung saang banda ako pupunta... pero na-realize ko na iba pa rin kapag sa mismong tao ka nagtanong.
Nang matapos kami ay sakto na naka-balik na iyong mga babae. Bumili na pala sila ng pagkain. Napa-tingin ako sa orasan. 5 minutes to 3pm. Agad akong bumalik sa court at hinintay na mag alas-tres bago sinabi kay Coach na naka-handa na iyong mga pagkain.
Habang kumakain ang mga players ay naka-upo lang ako sa bench. Naka-titig ako sa notebook ko at nag-iisip kung ano ang ilalagay ko roon. Pero napa-tigil ako nang makita ko iyong sapatos na kulay yellow ni Austin Archangel—so far, 6 na iba-ibang sapatos na ang nakikita ko na suot niya.
"It's clean, I promise," sabi niya nang abutan niya ako nung pagkain galing sa kusina.
"Salamat," sabi ko habang inilalagay iyon sa tabi ko. "Ilan ang sapatos mo?"
Kumunot ang noo niya. "Research?"
Tumango ako. "Kailangan ko nang matapos iyong character profile ko."
Tumango siya. "I think I have around... 30 pairs?"
"Wala iyong sigurado ka?"
Narinig ko iyong pagtawa niya, pero nang tumingin ako sa kanya ay agad na natigil iyon at sumeryoso ang mukha niya. "I'll have to check first," sabi niya.
Tumango ako. "So, palagi kang bumi-bili kaya hindi mo na tanda?"
"Why? Do you know how many shoes you own?"
Tumango ako. "I have 8 pairs."
"Well, I think it's unfair. I'm a basketball player, so marami akong sapatos. Do you know how many..." Napa-tigil siya. "Do you know how many notebooks you own?"
Muli akong tumango. "I have used 90 notebooks. I use 1 for each month since I was 10 years old. And I have 2 notebooks for my script ideas. Meron akong 3 na unused sa bahay. I buy every time na 2 na lang ang natitira."
His lips parted. He blinked twice, with a 2 second interval between them. "Okay..." sabi niya. "I would get back to you once I have finished counting them," dugtong niya. "But in my defense, I know when I buy shoes, but also, I receive some from sponsorships and I give away some shoes."
"Pinapamigay mo?" tanong ko dahil hindi pumasok kahit kailan sa isip ko na ipamigay ang notebook ko.
"Sometimes."
"What is the criteria?"
"When we go to out of town games or if there's a event and I meet some fans and they ask for my jersey or shoes."
"Umuuwi ka na walang jersey at sapatos?"
He bit his lower lip but I could see that he was fighting an amused expression on his face. I was glad that my questions were amusing to him—often than not, I was called annoying.
"Hindi naman," he said. "After game, usually. Iyong nakapagpalit na ako ng damit."
"So... they ask for your dirty jersey?"
"I'm not dirty."
"Your jersey is covered in sweat."
"I don't smell bad."
"I agree—you smell like a baby."
He blinked.
Five times in total.
I stared at him, pero napa-tingin ako sa gilid ko nang marinig ko iyong malakas na sigawan ng mga players. Ganoon ba talaga ang mga lalaki? Na kapag nabusog ay nagiging sobrang maingay? Pero palagay ko naman ay hindi dahil hindi naman ganoon si Papa at si Kuya Robert... o baka naman nagbabago iyon depende sa edad?
Naupo muna iyong mga players ng 15 minutes bago nagpatuloy iyong laro nila. Naka-upo lang ako roon at patuloy na nagrerecord at sinisigurado na gumagana iyong camera dahil sabi sa akin ni Serj na dati raw ay na-corrupt iyong files at nagalit si Coach. Ayokong magalit sa akin si Coach dahil nagpapatakbo siya ng maraming beses at may kasama pang ibang exercise. Hindi ako ma-exercise na tao. Mas gusto kong manood ng palabas o magbasa ng libro.
Sabi ni Coach ay hanggang 5pm lang ang training, pero 5:12 na kami natapos. Hindi ko maipaalala sa kanya na oras na kasi ay busy siya na kausapin iyong team tungkol sa defense nila. Kaya naman habang nag-uusap sila ay pinu-pulot ko na rin iyong bola sa gilid para mabawasan ang trabaho ko.
Napa-buntung-hininga na lang ako nang halos lahat sila ay maghubad pagkatapos ng practice.
"What's with the face?" natatawa na tanong sa akin ni Serj habang kasabay ko siyang nagpupulot ng bola.
"Dahil nandito tayo, tayo rin ba ang maglalaba ng jersey nila?"
"What?" tawang-tawang tanong niya. "Hindi, ah. Grabe ka naman. Hindi naman tayo personal assistant ng mga player."
"E bakit tayo naglalaba nung sa towel?"
"Hindi ko rin alam—pero hindi naman ako pinaglalaba ni Coach ng damit nila. Magrereklamo ako sa admin saka manghihingi ng extra bayad dadalhin ko 'yan sa laundry shop."
Napa-buntung hininga ulit ako. "Salamat naman," sabi ko dahil ayoko talagang labhan iyon.
Saktong alas-sais na nang matapos kami ni Serj. Sabay kaming naglakad pabalik sa bahay, pero naghiwalay din kami kasi sa kabilang banda iyong dorm ng mga lalaki. Halos mag-isa lang yata ako roon sa may dorm para sa mga babae.
Nagpahinga ako sandali bago pumunta sa kusina para i-check iyong sa dinner nila. Nang patapos na ay pumunta ako sa dorm ng mga lalaki para sabihin sa kanila na dinner na. Nag-uusap sila at nagtatawanan nang mapa-tigil sila dahil nandoon na ako. Napansin ko na naka-hubad pa rin sila. Wala ba silang dalang damit?
"Dinner na," sabi ko at napa-kunot ang noo ko nang makita ko si Jed na tina-takpan ang katawan niya. Ilang beses ko nang nakita sa court 'yan.
Napa-tingin ako kina Phil at Saint na tumatawa. Namumula na iyong mukha ni Saint. "Gago, wala namang paki si Karma sa katawan mo!" sabi ni Phil. Naririnig kasi nila si Coach Aldrin na Karma ang tawag sa akin. Bayaan na nga. Basta hindi Karms.
"Talaga ba, Karms?" naka-simangot na tanong niya at mabilis akong tumalikod at naglakad pabalik sa kusina.
"Ate," sabi ko. "Pwede po bang mauna na akong kumuha ng pagkain?"
"Player ka ba?"
"Hindi po," sabi ko. Kinunutan niya lang ako ng noo, pero hindi siya sumagot. Naghintay pa ako ng limang segundo, pero wala akong nakuha hanggang sa dumating na iyong mga players kaya naman lumabas na lang ako ng kusina.
Bumalik na ako sa kwarto ko. Naligo ako at saka nagpa-tuyo ng buhok gamit iyong electric fan. Biglang kumulo iyong tiyan ko kaya naman kinain ko iyong pina-baon sa akin ni Ate Gina. Sinubukan kong magsulat sa notebook ko, kaya lang ako wala akong mailabas... Naninibago ako sa kwarto ko. Isa lang siyang box na kulay puti ang pintura ng dingding at kisame. Walang kahit ano—mayroon lang na crucifix sa may ulunan ng kama.
Namimiss ko na iyong kwarto ko at iyong malambot kong kama na halos himatayin si Papa nang una niyang makita ang presyo.
Sinubukan kong matulog na lang, pero hindi ako maka-tulog. Tuwing pumi-pikit ako ay para bang naiimagine ko na biglang babagsak iyong crucifix sa ulo ko at iyon ang magiging kamatayan ko—malakas ang kutob ko na dahil ito sa panonood ko ng Final Destination nung bata pa ako. Sinubukan kong magpalit ng pwesto, pero hindi pa rin ako mapa-kali.
10:07pm, nagpasya na akong tumayo.
Kinuha ko iyong jacket sa bag ko at dinala iyong notebook at ballpen ko. Lumabas ako sa kwarto. Rinig na rinig ko pa rin iyong bawat hampas ng alon. Kung naririnig ko iyon ay malamang malapit lang dito iyon. Kaya ko naman sigurong lakarin.
Sinundan ko iyong pathway papunta sa labas. Napa-kunot ang noo ko nang makita ko si Austin Archangel. Naka-suot siya ng itim na running shorts, itim na dri-fit shirt, at itim na running shoes. Mayroon ding earphones sa tenga niya at sa braso niya naka-sabit iyong cellphone niya.
"You're going somewhere?" tanong niya habang tinatanggal iyong earphone.
Tumango ako. "Alam mo ba kung nasaan iyong dagat?"
"Yeah... I just returned from there."
"Saan? Pwede paturo?"
Tinanggal niya na rin iyong isa pang earphone at saka inilagay iyon sa bulsa niya. "You're walking there alone? Gabi na."
"Hindi ako maka-tulog."
"Okay... Do you mind me walking you there?"
"Hindi naman, pero hindi ka pa ba pagod?" tanong ko dahil kaninang madaling araw pa kami gising. Ako na hindi naman nagtrain ay pagod na... siya pa kaya? Pero baka hindi rin kasi araw-araw niya namang ginagawa. Kahit naman ako, kapag mayroon akong bagong routine, sa unang tatlong araw lang ako maninibago tapos ay sa susunod, parang normal na lang siya. Ganoon din kaya siya?
"Pagod," he replied. "But I'm used to taking a run before I go to sleep."
"Hindi ka pa matutulog?" tanong ko dahil mukhang kakatapos niya lang tumakbo.
"No, I'll walk with you first," sabi niya at tumango na lang ako. Naka-237 steps kami bago naka-rating sa beach. Hindi kasing pino nung buhangin sa boracay, pero ganoon pa rin iyong tunog ng paghampas ng alon. Kitang-kita ko iyong buwan at iyong sinag niya na tumatama sa tubig sa dagat.
Naglalakad-lakad lang kami sa dalampasigan.
"Ang daming bituin," sabi ko nang mapa-tingin ako sa langit.
"Yeah..." sabi niya nang mapa-tingin din siya.
"Walang bituin masyado sa Manila."
"Pollution."
"I know. We're number 70 in the world's most polluted countries list."
"Really?"
"Bakit naman ako magsisinungaling?"
Napaawang ang labi niya at natawa. "No... I mean, I was just surprised because I did not know that."
Tumango ako. "Ah."
Nagpatuloy kami sa paglalakad. "Do you want to sit?" tanong niya.
"Pagod ka na ba?"
"No, but it's nice to sit by the beach and watch the stars," sabi niya. "As you've said, walang ganito sa Manila."
"But you're always at the beach."
Napa-tingin siya sa akin. "How'd you know?"
"Your Instagram."
"Right... Your research."
Tumango ako. "May schedule ba iyong sa beach niyo? Monthly?"
"No," sabi niya. "We just go there when we feel like it."
Napa-tango ako. Paano iyon? Kapag aalis kami, naka-plano na iyon ng at least 2 weeks. Kailangan alam ko kung saan kami pupunta, kung saan kami magsstay, kung ano ang schedule namin, kung saan kami kakain. Nang sabihin ni Coach na pupunta kami sa Zambales, agad akong nagresearch tungkol sa lugar. Gusto ko lang na alam ko kung saan ako pupunta.
"Paano mo masasabi na gusto mo?"
Naka-ubos siya ng 5 segundo bago siya nagsalita. Muli akong napa-tingin sa kanya. Ang haba ng pilik-mata niya. Ang tangos talaga ng ilong niya.
"When I feel burned out," sabi niya. Napa-tingin siya sa akin na naka-kunot pa rin ang noo. "For example... when I think about what will happen after graduation, I feel burned out. Or when we have family gatherings, I feel burned out."
Napaawang ang labi ko. "Family gatherings?" tanong ko.
"Yeah... Family's okay, but extended relatives exhaust my energy."
So... iyon ang burned out? Kasi ganon din ang nararamdaman ko kapag kailangan naming pumunta sa party at nandoon iyong mga pinsan ko. Magkaka-edad kami halos, pero wala akong maka-usap sa kanila dahil ayaw nila akong kausapin. Kinakausap naman nila ako dati, pero huminto rin sila.
Dapat pala pumupunta ako sa beach.
"What do you do when you're burned out?"
Hindi ako nakapagsalita agad.
"What do you do when you feel down? Or tired for no reason?"
"I list down things," sabi ko. "I list down the things I want to do and write a step by step procedure on how I'll do them. That relaxes my mind."
"What's your step by step with your script?"
"First step is to know my inspiration," sabi ko at napa-tingin ako sa kanya dahil napa-hinto siya sa paglalakad. Tapos ay napa-tingin kaming sabay sa langit dahil nagsimulang pumatak ang ulan.
**
This story is chapters ahead on Patreon (patreon.com/beeyotch).
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top