CHAPTER 9

MAKALIPAS ang ilang araw pagkatapos bumalik ulit ni Kristina sa ospital upang kumuha ng kopya ng chart ng kanyang ina ay pinayuhan na muna siya na tatawagan na lamang siya kapag nakakuha na mismo ng permiso sa head admin dahil kasalukuyang nasa bakasyon pa ito.

Handa namang maghintay si Kristina ngunit hindi nga lang siya sigurado kung hanggang kailan siya mananatili sa panahon ng kanyang nakaraan. Alas-kuwatro pa lang ng umaga ngunit gising na siya. Hindi kasi siya makatulog ng maayos dahil na rin siguro kay Rain. Kung tutuusin ay hindi dapat siya magambala sa presensiya ni Rain dahil unang-una ay hindi siya ibinalik sa nakaraan upang maghanap ng ibang mamahalin, pangalawa hindi siya rin siya ibinalik upang aksayahin ang mga panahon bago siya tuluyang mawala sa mundo.

Hindi niya pa rin inaalis sa kanyang isip na kung matapos o masagot na ang lahat ng mga kasagutan sa kanyang mga katanungan ay maaaring iyon din ang magiging daan upang manahimik na siya. Iyon ang pinaniniwalaan niya kaya kailangan niyang alisin sa kanyang isipan si Rain.

Napainat na lamang siya ng kanyang katawan saka dahan-dahang tumayo mula sa kanyang pagkakahiga. Mamaya-maya ay alam niya na ring magigising na si Nanang Sabel kaya naisipan niyang tutulungan niya na lamang ito sa pagluluto.

Papalabas na sana siya ng kanyang kwarto nang tila may naririnig siyang boses ngunit hindi niya ito masyadong maklaro kung ano ang sinasabi nito. Isa lamang ang tiyak niya boses iyon ni Ysabel.

Wala siyang naalalang ganitong eksena sa kanyang nakaraan ngunit tila may nagsasabi sa kanyang kailangan niyang alamin kung ano man ito.

Inilapit ni Kristina pa ng husto ang kanyang tainga sa kanyang pinto kung saan ay maaaring mas klaro niya itong mapakinggan.

"Maaga akong pupunta riyan para hindi ako ma-late sa klase ko mamaya," ani ni Ysabel sa kung sino man ang kausap nito at agad ding pinatay ang tawag.

Dinig naman ni Kristina ang mga yabag ni Ysabel na papaalis na. Kailangan niyang makakuha ng tiyempo na makuha ang selpon nito na walang anumang bakas ng paghihinala. Ang tanging tanong lamang doon ay kung papaano.
Dahan-dahang binuksan ni Kristina ang pintuan upang hindi lamang makalikha ng kahit na anong ingay. Kaagad naman niyang tinungo kung nasaan ang kwarto ni Ysabel at tiningnan kung nakasirado ba ito ngunit tila umaayon naman sa kanya ang panahon at bukas mismo ang kwarto ni Ysabel.

Dali-dali naman siyang pumasok nang marinig niya ang lagaslas ng tubig sa banyo hudyat na naliligo na si Ysabel. Hindi na siya nag-aksaya pa ng kahit ilang segundo at agad na hinanap ang selpon nito. Isang minuto ang lumipas at agad din namang nahanap ni Kristina ang selpon nito malapit sa unan ni Ysabel.

Pagkalabas nang pagkalabas ni Kristina sa kwarto ni Ysabel at agad siyang kumaripas ng takbo pabalik sa kanyang kwarto. Wala siyang pakialam kung tila para siyang isang magnanakaw sa kanyang ginagawa. Malakas ang kanyang kutob na mayroon siyang makukuhang sagot kay Ysabel.

Nang makapasok siya ay tiyak na tiyak siyang hindi siya nakalikha ng kahit na anumang ingay. Agad niya namang isinara ng maayos ang pinto ng kanyang kwarto pagkatapos ay inilagay niya sa silent mode ang selpon ni Ysabel.

Hindi niya mawari ngunit tila nanginginig ang kanyang mga kamay sa pagkakahawak ng selpon ni Ysabel. Nang ini-on niya ito ay mayroon itong password ngunit hindi iyon naging balakid dahil noon pa man ay alam ni Kristina kung paano ito buksan.

Napabuntong hininga na lamang si Kristina at ipinkit ang kanyang mga mata. Ikinalma niya na muna ang kanyang sarili.

Napaupo si Kristina sa gilid ng kanyang kama nang maging kalmado na siya. Nang mabuksan na niya ang selpon ni Ysabel ay agad siyang tumungo sa inbox nito.

Habang binabasa ang mga mensaheng naroroon ay hindi mapigilan ng kanyang dibdib na kumabog ng husto. Ang tanging laman lang ng mensahe na nasa selpon ni Ysabel ay si Marco. Tiyak siyang si Marco iyon kahit na wala itong pangalan at numero lamang ito.

Alam niya ang numero ni Marco at saulado niya pa nga ito. Tila nanginginig ang kanyang mga kamay sa pag-uusap nilang dalawa. Hindi iyon pag-uusap bilang magkaibigan dahil may relasyon ang dalawa. Lihim iyon na relasyon na kung tutuusin sa kanyang nakaraan ay magiging nobyo niya mismo si Marco.

Sa ilang mga taong may marami siyang katanungan ay tila ngayon ay nasagot naman itong lahat.

"Kaya pala wala ka noon sa mga araw na kailangan kita kahit magnobyo at magnobya pa lamang tayo ay mayroon ka pa palang inaasikasong iba. Hanggang sa maikasal tayo," wika niya at hindi niya napigilang hindi mapakuyom ng kanyang kamao.

"Nang maikasal tayo at nagsama ng mahabang panahon . . . sa mga panahong iyon ay ginawa mo akong tanga. Ginawa ninyo akong tanga, lahat kayo ay ginawa ninyo akong tanga at hindi ko mapapatawad ang mga ginawa ninyong iyon sa akin. Not even in this life," dagdag pa nito at hinayaang umagos ang mga luhang nag-iinit sa kanyang mga mata.

Hindi iyon luha na para kay Marco ngunit ang mga luhang iyon ay ang kanyang hinanakit at puno ng kagustuhan sa paghihiganti. Dahil sa mga taong ito ay namatay ang kanyang anak. Ibig sabihin ang totoong ina ni Celestine ay walang iba kung hindi si Ysabel. Para siyang mababaliw sa kaiisip kung papaano iyon nagawa ni Marco sa kanya at taong nagplano rin nito ay walang iba kung hindi ang ina ni Marco.

"Maaaring masyado akong mabagal sa pagkilala sa inyong lahat ngunit isa lang ang tiyak ko. Wala akong papalampasin kahit na sino man sa inyo," wika ni Kristina at dali-daling pinatay ang selpon ni Ysabel at itinago ito sa ilalim ng kanyang kama kung saan naglagay siya ng isang sekretong lalagyan na kahit sino man ay hindi maghihinala na mayroong itinatago roon.

Nagpasya na lamang siya na maligo at hindi na lamang siya tutulong sa pagluto kay Nanang Sabel. Nang makapasok siya sa loob ng banyo ay nakita niya ang kanyang sarili na para bang isang madaling alipustahin.

"Ganito pala ang mukha ko dati. Ganito pala ang mukha ng inaapi at isang mahinang nilalang. Ginawa nila akong tanga at ang tanging naging piring ng mga mata ko noon ay walang iba kung hindi si Marco."

Pagkatapos niyang maligo at mag-ayos ay saktong mag-alas sais na ng umaga. Agad naman siyang lumabas ng kanyang kwarto at saktong paglabas niya ay parang aligaga si Ysabel at may hinahanap ito at alam na alam ito mismo ni Kristina kaya ipinagsawalang bahala niya na lamang ito. Agad namang dumiritso si Kristina sa kusina kung nasaan si Nanang Sabel at abala na sa pagluluto.

"Nanang, tulungan ko na po kayo riyan," pagboluntaryo niya saka nagpainit ng tubig.
Hahanap pa siya ng tiyempo na makausap si Nanang Sabel upang kahit sa ganoon ay magkaroon din siya ng ideya sa lahat ng mga nangyari sa kanyang ina.

Ngumiti naman si Nanang Sabel at tumango na lamang. "Maghanda ka na lamang ng pinggan sa mesa para maghahain na lamang ako at makakain na kayo," wika ni Nanang Sabel habang nagluluto pa rin.

"Sandali Nanang, magbabanyo lang po muna ako," paalam ni Kristina nang matapos na niyang ihanda ang lahat.

May banyo sa likod ng kanilang bahay kung saan madalas magbanyo ang ilang mga bumibisita sa kanila kung kaya ay doon na lamang pinili ni Kristina na pumunta sa halip na umakyat pa sa kanyang kwarto.

Malapit na siya sa kanyang pupuntahan nang may narinig siyang tila may nag-uusap. Agad namang natigilan si Kristina sa kanyang paglalakad at dali-daling nagtago sa isang sulok kung saan walang makakakita sa kanya.
May maliit na butas mula sa kahoy na kanyang kinatataguan kaya hindi siya nag-atubiling sumilip dito. Pamilyar ang mga boses sa kanya at hindi na rin nagulat si Kristina nang makita niyang ang mga magulang niya ito.

May kalapitan ang kanyang pwesto sa dalawa kaya klaro niyang maririnig kung ano man ang pinag-uusapan ng dalawa.

"Nakausap ko na ang ina ni Marco," wika ng step-mother ni Kristina, si Loisa.

"Ano raw?" tila nayayamot na tanong naman ng ama ni Kristina.

"Tuloy ang plano. Matatagalan ngunit walang bakas ng ebidensya ang lahat. Isa pa ay malaki rin naman ang mapapkinabangan natin habang tumatagal ang panahon. Mabuti na lang at pinakasalan mo ang babaeng iyon kahit na may anak na," ani ni Loisa sabay hithit ng sigarilyo.

Napakunot noo naman si Kristina dahil hindi niya ito naintindihan. Parang kumakabog ang kanyang dibdib sa kanyang mga nalalaman sa iisang araw.

Bahagya namang natawa ang ama ni Kristina. "Pinakasalan ko siya dahil sa naaawa ako at ako na rin ang tumayong ama sa kanyang naging anak sa yumao niyang asawa. Isang mabigat na responsibilidad at isa pa ay mabutin na lang at hindi ako masyadong nahirapan sa pagpapalaki sa batang iyon. Kung sana ay pati siya pinatay ko na rin pagkatapos ng ina niya. Halos lahat ng kayamanan ng ina niya ay nakapangalan sa lintik na Kristinang iyon."

Parang nabibingi si Kristina sa kanyang mga narinig at agad siyang namutla. Hindi niya ama ang kanyang kinagisnang ama nang maimulat at magkamalay na siya sa mundong kanyang kinagagalawan. At wala siyang kaalam-alam sa mga kayamanang kanilang tinatalakay dahil kahit ni isa ay wala namang nagsalita pa roon.

"Hindi naman niya alam ang lahat at wala namang kaalam-alam ang babaeng iyon kaya madali lang siyang laruin. Pasasaan ba at mawawala rin siya sa mundong ito. She's our big investment kung susumahin natin."

Nangingilid ang mga luha ni Kristina ngunit agad niya iyong pinahid gamit ang likod ng kanyang mga kamay. Hindi dapat siya maging mahina ngunit sa mga nalaman niya ngayong araw ay tila nararapat lang sa kanya ang katagang napakalaking tanga.

Ilang taon pala siyang naging bulag at tanga sa harap ng mga taong akala niya ay taos-pusong nagmamahal sa kanya. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top