CHAPTER 8
MAKALIPAS ang ilang linggo at nakuha na ni Kristina ang medical certificate at ganoon na rin ang medical abstract ng ina nito. Hindi niya ito binuksan sa kanilang bahay dahil alam niyang may mga matang nakatingin sa kanya roon. Bagkus mas pinili niyang basahin ito sa eskwelahan.
Ilang linggo na rin siyang nabubuhay sa kanyang nakaraan ngunit sa bawat gabing ipipikit niya ang kanyang mga mata ay nananalangin siyang huwag na muna siyang kunin at hayaan na muna siyang alamin ang katotohanan.
Wala si Merce dahil liliban umano muna ito sa kanyang klase ng halos isang linggo at pinayagan naman siya dahil na rin sa kilala ang kanyang mga magulang. May pupuntahang importante umano silang magpamilya. May parte kay Kristina na lihim din siyang naiinggit sa pamilya ni Merce dahil na rin sa kompleto ito at masaya samantalang siya naman ay puros kasinungalingan ang kanyang kinalakihan ngunit hindi na muli itong mangyayari sa kanya.
Lihim siyang napakuyom ng kanyang mga palad nang maalala niya aang araw na marinig niya ang buong katotohanan sa bibig mismo ng kanyang asawa at sa kanyang anak. May tao pang hindi niya nakaka[usap ukol sa mga pangyayari . . . si Nanang Sabel. Si Nanang Sabel ang taong laging nariyan buong buhay niya at ang taong pinagkakatiwalaan ng lubusan ng kanyang ina. Marahil ay mayroon din itong nalalaman noon dahil nga sa masyado pa siyang bata noon upang maintindihan ang mga iilang pangyayari. Lagi ring pumupunta si Nanang Sabel tuwing gabi sa kwarto ng kanyang ina noon. Gustong malaman ni Kristina kung ano ang mga nangyayari noong mga gabing iyon.
Habang binabasa niya ang medical certificate ay napagtanto niyang lason nga ang ikinamatay ng kanyang ina. Ngunit kailangan niyang ikonsulta sa isang doktor o may kaalaman sa medisina ang pagbabasa ng medical abstract. Napabuntong-hininga na lamang siya dahil para pa rin siyang nangangapa sa dilim kahit na papaano ay may kaunting kaalaman na siya sa kanyang hinaharap.
"Ma, kung nasaan ka man ngayon pinapangako ko na mabibigyan kita ng hustisya. Malakas ang kutob ko na may nangyaring masama sa 'yo," bulong niya sa hangin.
Wala pang masyadong tao dahil na rin sa mas maaga siyang pumasok. Isang oras pa ang hihintayin niya bago ang kanyang unang klase. Tatayo na sana siya at pupunta na muna sa cafeteria upang makabili ng kape nang may nagsalita mula sa kanyang likuran.
"You're early," isang malamig ngunit malamyos na boses ang nagsalita dahilan upang mapatingin si Kristina sa direksyon kung saan nagmula iyon.
Tila natigilan naman si Kristina nang malamang si Rain iyon. Pareho lang naman sila ng oras ng klase ngunit tila hindi siya nag-iisa sa pagiging maaga. Tumango si Kristina at inayos ang kanyang mga hawak-hawak na papel at agad itong itinupi.
"What's that?" tanong naman ni Rain na siyang ikinakunot naman ng noo ni Kristina.
'Ususero.' Isip-isip ng dalaga at agad na isinukbit ang kanyang bag sa kanyang balikat.
"Wala ito," maikling sagot niya at akma na sanang aalis upang iwan ang binata nang muli itong nagsalita.
"It looks like a medical abstract at kanina ko pa napapansin na tila nalilito ka. I can help you," wika nito na bahagyang ikinagulat naman ni Kristina.
Hindi niya alam na kanina pa pala siya nito pinapanood at hindi niya man lang naramdaman ang mga tingin ng binata sa kanya dahil na rin siguro sa masyadong okupado ang kanyang isipan.
"Marunong ka?" agad na tanong niya at tumango naman ang binata sa kanya.
Tumango naman si Kristina at marahil ay pinagtagpo sila ng tadhana dahil isa ito sa makatutulong sa kanya at tila may nagsasabi sa kanyang sistema na kailangan niyang tanggapin ang tulong nito ngunit hindi iyon nagsasaad na kailangan niya ring pagkatiwalaan ito agad-agad.
"Sige, tara roon sa cafeteria at para malibre na rin kita ng kape bilang magiging kabayaran sa pagtulong mo sa akin," wika ni Kristina at tumango naman ang binata at nauna pa itong naglakad kaysa sa kanya.
Hindi mawari ni Kristina kung bakit siya tinutulungan nito ngunit ganoon pa man ay kailangan niyang tanggapin ito dahil na rin sa ayaw niyang mag-aksaya pa ng kanyang oras dahil hindi niya alam na baka bukas o makalawa ay mawawala na lamang siya na parang bula.
Nang makarating silang dalawa sa cafeteria ay wala pang gaanong katao-tao kaya nakakuha na rin sila ng magandang pwestong pag-uupuan. Agad namang naupo ang binata at nilahad ang palad nito sa kanya na siyang ikinakunot naman uli ng noo ng dalaga.
Tumaas naman ang kilay ng binata na tila ba naiinip sa paghihintay. "The papers," ani naman nito at tila agad namang napahiya si Kristina na iyon pala ang tinutukoy nito.
Dali-dali naman niyang kinuha ang papel sa kanyang bag at agad itong iniabot sa binata. Ramdam din ni Kristina ang kanyang pamumula at pag-init ng kanyang mga tainga.
"Babasahin ko na habang kumukuha ka ng order," ani naman ni Rain na hindi na tinataponan ng tingin si Kristina at abala na ito sa pagtingin sa mga papel.
Inilapag naman agad ni Kristina ang kanyang bag sa silya at agad na kinuha ang kanyang pitaka. Hindi niya alam ngunit tila nakaramdam siya ng hiya sa binata at hindi mawaring pakiramdam. Pakiramdam niya ay mas matanda ito kung mag-isip kaysa sa kanya na kung tutuusin ay galing naman siya sa hinaharap.
Nang makarating si Kristina sa counter ay agad naman siyang umorder ng dalawang hot coffee Americano, ang siyang paborito niya. Tila lagi niyang hinahanap-hanap ang amoy ng kape at sumasakit ang kanyang ulo kapagka hindi siya makainom nito. Hindi naman siya makainom ng kape sa kanilang bahay dahil lagi namang nakasubaybay si Nanang Sabel sa kanyang mga kinakain. Ngunit hindi naman siguro nito mapapansin kung mag-uuwi siya ng iced coffee.
Agad namang binayaran ni Kristina ang kanyang na-order nang sabihin na ng kahera kung magkano lahat. Nang mapatingin siya sa gawi ng kahera ay tila mukhang pamilyar ito sa kanya na para bang nagkita na sila ngunit hindi niya mawari kung saan at kailan. Bata pa ito at kung tatantiyahin niya ay nasa bente pataas ang edad nito.
"Excuse me po Miss, pero magkakilala po ba tayo?" tanong niya at tila bahagyang napangiti naman ang babae sa kanya.
"I know you, I walked with you once upon a dream,"mahinang pagkanta niya at tila natigilan naman ang dalaga.
"Miss?" tawag niya rito at sa muling pagkisap ng mga mata ni Kristina ay para bang nagbago ang lahat dahil nakasuot ng headset ang kahera at tila kumakanta habang sinasabayan kung ano man ang kanyang pinapatugtog.
Dali-dali naman siyang nilingon ng kahera at tila nag-aalalang tiningnan siya nito. "Po? Sorry po," hingi ng paumanhin ng kahera at dali-daling kinuha ang kanyang headset at ibinulsa ito sa kanyang apron sabay lingon sa kanyang likuran na animo ay mapapagalitan siya. "Sorry po ulit, may order pa po ba kayo?" tanong nito kay Kristina nang muli siyang lingonin nito.
Umiling naman si Kristina at para bang naguguluhan na baka ba namamalikmata lamang siya kanina ngunit kitang-kita niya at rinig na rinig niya ang mga katagang binitawan nito. Para bang patungkol talaga iyon sa kanya.
Habang bitbit ang tray na may order nila ay dahan-dahan siyang naglakad papunta sa pwesto nila Rain. Gumugulo pa rin sa kanyang isipan ang nangyari kanina.
Inilapag naman ni Kristina ang kape ni Rain sa harapan nito. Napasapo naman siya ng kanyang noo dahil nalimutan niyang bumili ng cheesecake. Noon pa niya kasi gustong kumain nito at kahit noong nasa hinaharap pa siya ay hindi man lang siya kayang pagbilhan ng kanyang asawa o kahit mag-abala man lamang ito na tanungin kung may gusto siya. Hindi gaya noon na lagi siya nitong tinatanong.
Pagkaupo nang pagkaupo ni Kristina sa upuan ay ang siya namang pagtayo ni Rain at hindi na nagawang magtanong pa ni Kristina kung saan ito pupunta dahil sa bilis nitong maglakad at nasa counter na ito.
Hinayaan na lamang ito ni Kristina dahil baka hindi pa ito kumakain at kulang pa ang kape para rito. Nakaramdam tuloy siya ng hiya kung bakit ba naman nalimutan niyang bilhin ang cheesecake kanina kung hindi lang siya natulala. Ngunit hindi naman niya hiniling na tulungan siya nito sa pagbabasa ng abstract at ang binata naman ang nagkusa nito na tulungan siya at isa pa ay kape lang naman ang inalok niya kanina.
Pilit na kinukumbinsi ni Kristina ang kanyang sarili hanggang sa makabalik na si Rain sa kanilang mesa. Tila nagulat naman si Kristina sa dala-dala ng binata nang mailapag na nito sa kanyang harapan.
"Cheesecake," mahinang sambit niya at agad na napalingon kay Rain na kasalukuyang nakatitig din pala sa kanya. Agad namang nag-iwas ng tingin si Kristina sa hindi malamang kadahilanan at naupo naman si Rain sa kanyang harapan. Para siyang tanga dahil sa kanyang tinuran.Parang natatakam na tinititigan ni Kristina ang cheesecake.
"Finish that, our class will start any soon now," ani ni Rain na hindi man lang siya nito tinitingnan dahil abala na ito sa kanyang pagkain..
Bahagya namang napangiti si Kristina at tumango na lamang kahit hindi siya nakikita ni Rain.
"Batay sa mga naintindihan ko rito ay lason ang ikinamatay ng biktima. May mga treatments na ginawa sa kanya. This," ani niya sabay turo sa papel kung saan ito nakasulat. "Prescribes medicines were given to her yet mas maganda sana kung may copy tayo ng chart ng patient para makita natin yung nurses order. Para iyong journal na isinusulat nila sa tuwing bibisitahin nila ang pasyente. At ayon naman dito sa nakasaad sa medical certificate ay halos magtatatlong araw siyang nai-admit. Kaya in those days, perhaps we might see what the nurses have seen with the patient at iyon ay kung makikita natin ang chart ng patient. But as far as I know ay parang ipinagbabawal yata ito but if you have ways then maybe we can have a copy," dagdag pa nito at napatango-tango naman si Kristina.
"It's my mother's," ani niya at marahang napatango naman ang binata.
"Ipagpalagay nating nalason nga ang pasyente at marahil ay maaari siyang ma-intubate," dagdag pa ni Rain at alam ni Kristina kung ano ang itinutukoy nito. "Kadalasan sa mga high-risk ay napupunta talaga sa ICU."
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay agad silang naglakad patungo sa kanilang unang klase. Naguguluhan pa rin si Kristina at mukhang kailangan niya ngang makakakuha ng copy ng chart ng kanyang ina. Sa tingin naman niya ay makakakuha siya dahil kung tutuusin ay matagal naman din iyon at patay na ang pasyente.
"Thank you, Rain," wika ni Kristina bago sila pumasok sa kanilang klase.
Hindi niya alam ngunit tila isang malaking tulong ang binata sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top