CHAPTER 2
"KUMUSTA NA ang inaanak ko? Balita ko ay halos nakahilera ang mga manliligaw nun. Palibhasa ako kasi nilihian mo noon kaya ganoon na lang siya kaganda," puri ni Merce sa kanyang sarili at tinapunan naman siya agad ng tingin ni Kristina na ikinatirik naman ng mga mata nito dahilan upang mapahagalpak sila sa katatawa.
"Ayon nag-aaral pa rin para sa mga pangarap niya. Halos hindi na siya matapos-tapos sa pag-aaral. Hindi ko nga alam sa batang iyon at adik na adik sa mga libro at ang tambayan naman niya ang library ngunit alam ko naman na habulin siya dahil nakakailang tanggap na ako ng mga mensahe galing sa mga iba't-ibang mga menor de edad na mga lalaki," sagot ni Kristina habang inilalagay ang wine sa lagayan na siyang napili niya upang pagsalohan nila ng kaniyang asawa mamayang gabi.
"O! Bago ko man lang makalimutan! Happy anniversary to the two of you," bati ni Merce atsaka itinaas ang isang wine na siyang napili niya bago ito inilagay sa kaniyang cart.
Nagpasalamat naman si Kristina pagkatapos ngunit tila may sumundot na kirot sa kaniyang dibdib. Mabuti pa ang kaniyang kaibigan ay walang mintis na maalala ang mismong anibersaryo nilang mag-asawa.
Pagkatapos nilang mamili ay sumabay na rin si Merce sa kaniya dahil sumakay lang naman siya ng taxi kanina. Masaya silang nagkukuwentuhan habang nasa byahe hanggang sa hindi na nila namalayan na malapit na sila sa kanilang destinasyon.
"Naku hanggang ngayon ay paganda nang paganda ang bahay mo, Ina, dream house ko rin ito at pakiramdam ko malapit ko na ring makamtan kapagka na promote na ako ng mga boss ko. Malaki ang sales ko this year kaya feel na feel ko talaga," wika ni Merce habang pinapasadahan ng tingin ang bahay at ipinaparada naman ni Kristina ang sasakyan nang makapasok na sila ng gate.
"Wala ba kayong katulong?" dagdag pa nito at umiling-iling naman si Kristina dahil hindi naman talaga niya kailangan pa ng katulong dahil kaya naman niya ang mga gawaing bahay.
Iyon din kasi ang naging leksyon niya sa kaniyang ina nang malaman na buntis siya ngunit hindi naman nila niya nito pinabayaan at ibinigay lahat ng kaniyang mga kailangan.
Nang makapasok na silang dalawa sa loob ay agad namang nagtungo si Merce sa sala nang makita niya ang malaking picture frame na nakapaskil sa pader at may litrato nilang mag-asawa. Klaro sa kaniyang mga mata ang pagkasuklam habang sinusuyod ng tingin ang litrato ni Marco.
Hindi kasi lubos maisip ni Merce na kaya nitong gawin iyon kay Kristina na kung tutuusin at iisipin noon ay baliw na baliw ito mismo sa kaniyang kaibigan at halos araw-araw ay nagpapadala ito ng bulaklak o hindi kaya tsokolate. Saksi rin siya sa araw nang sila ay maikasal at nakita niya rin ang pagluha ni Marco. Kahit na tinawag pa siya noong araw na iyon upang maging witness. Wala pang kaalam-alam noon ang kanilang mga magulang.
"May paiyak-iyak ka pang nalalaman sa kasal mo gago ka naman pala. Bilang na oras mong gago ka," bulong ni Merce sa hangin tama lang na siya lang ang makarinig. Napakuyom pa nga siya ng kaniyang kamay habang tinitingnan ang mala-plastik na ngiti ni Marco.
Nanggagalaiti siya sa galit ngunit pilit niya lamang itong ikinukubli dahil hindi pa iyon ang tamang oras at baka mapansin ng kaniyang kaibigan.
"Alam mo Ina, ba't hindi mo palitan ang picture na ito into something like swerte? Like mga kabayo ganoon o hindi kaya picture ng mga aso na nagsusugal alam mo 'yon?" sigaw niya para lang marinig ni Kristina na kasalukuyang nasa kusina at abala.
Natawa naman si Kristina bago sumagot. "Halika ka nga rito loka-loka ka talaga kahit kailan. Alam ko namang bitter ka kahit hindi ka pa nagkakaroon ng nobyo pero mahal na mahal ko si Marco at alam mo iyon. Binigyan niya rin ako ng mapagmahal na anak," sagot ni Kristina habang may ngiti sa kaniyang mga labi at kislap sa mga mata nito.
Hindi mapigilang hindi masaktan sa loob-loob ni Merce sa pagkikitang tila nasa isang kuweba ang diwa ni Kristina, ang kanyang pinakamamahal na kaibigan samantalang puro kadiliman at kasinungalingan naman ang kaniyang mga nakikita. Ngunit hindi siya makakapayag dahil siya mismo ang magiging liwanag nito upang makita ang katotohanan.
Puno ng tawanan at hagikhikan ang loob ng kusina habang magkasama sila. Nalimutan na rin nila ang kanilang plano na manood ng pelikula gaya ng dati nilang nakagawian. Nalunod na kasi sila sa pagkukumustahan sa isa't-isa at sa kung ano-ano pa ang mga plano ngunit tila si Merce lamang ang may mga sunod-sunod na plano sa buhay dahil tila hindi alam ni Kristina kung ano nga ba ang kaniyang gusto.
Kinokonsidera na niya kasi ang kaniyang sarili na matanda na kahit na tatlumpong-pitong taong gulang pa lang naman siya. Halos ilang taon din kasi siyang nasa bahay lamang at nag-aasikaso ng dalawang tao sa kaniyang buhay.
"Ikaw ano naman ang plano mo? Puro naman ako ang sumasagot." Pagdadabog ni Merce at napabuntong-hininga na lang din si Kristina.
"Hindi ko rin alam, Merce," matamlay nitong sagot habang inilalagay sa lababo ang mga pinggan na kanilang ginamit.
"Sa susunod baka mapuno natin ang schedule mo tutal naman ay wala ka namang anak na pinapalaki ano. Mag-ayos ka naman bruha ka alam ko namang hindi ka mahirap para sabihing wala kayong salamin. Kung noon nga ay halos ingudngud mo nga ang mukha mo sa salamin sa kaka-tsek mo ng mukha mo tapos ngayon halos hindi mo yata pinapansin. Kailan ka ba pumasyal sa salon? Kailan ka rin ba nagpaayos ng kuko? Kailan ka huling nagpa-facial? Ano ba 'yan nagmumukha ka ng losyang alam mo ba iyon? Sigurado rin akong hindi ka pa nakikita ni tita no?" mahabang lintanya ni Merce dahilan upang matigilan si Kristina sa kaniyang ginagawa dahil ramdam niya ang nangingilid niyang maiinit na mga luha sa gilid ng kaniyang mga mata at pilit niya itong kinukurap-kurap upang hindi tumulo ngunit umaaksyon naman ang kaniyang ilong sa paglabas ng sipon.
Hindi manhid si Merce na hindi makaramdam ng nararamdaman ni Kristina ngunit umakto na lamang siya na hindi niya ito pansin kaya sa halip na punain ay binuksan niya ang isang bote ng alak na siyang binili nila at sumigaw.
"Congratulations!" sigaw ni Merce at agad namang napatingin si Kristina sa gawi ni Merce. "Dahil bukas na bukas din ay magpapa-salon tayong dalawa! No if's and but's please!" sigaw niya atsaka nagsalin ng alak at agad itong ibinigay kay Kristina.
ALAS-SINGKO na ng hapon nang nagpaalam si Merce at nangakong babalik ito kinabukasan upang makagala silang dalawa. Nang tuluyan nang mag-isa si Kristina ay iginala niya ang kaniyang mga mata sa loob ng bahay—maliwanag ito at punong-puno ng mga mamahalin na mga muwebles, pigyurin at mga kagamitan ngunit napakatahimik.
Walang kabuhay-buhay ang buong kabahayan at hindi mapigilang hindi mapaluha ni Kristina mula sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya alam ngunit may gumuhit na hapdi sa kaniyang puso na sana dapat ay puno ng kagalakan dahil anibersaryo nila ng kanyang asawa.
Tapos na niyang lutuin ang kanilang kakainin at papainitin niya na lamang ito mamaya-maya dahil alas-sais ng gabi ay ang oras kung umuwi ang kaniyang asawa kaya ang gagawin na lamang niya ay ang ihanda ang kaniyang sarili at maghintay.
Sa huli ay napagdesisyunan niyang isuot ang kaniyang kulay pulang damit na hapit na hapit sa kaniyang katawan. Noong isang buwan niya pa ito nabili at itinago dahil na rin sa pinaghandaaan niya na rin ang nalalapit nilang anibersaryo. Halos hindi na nga niya maalala kung kailan siya huling nagsuot ng ganoong damit at kung kailan niya ulit nagamit ang kaniyang mga cream at lipstick.
Gumuhit ang isang ngiti sa kaniyang labi habang naglalagay ng lipstick ngunit hindi naman iyon abot sa kaniyang mga mata.
Matamlay at walang kakislap-kislap ang kaniyang mga mata dahil tila ba may nararamdaman siyang hindi naman dapat niya maramdaman.
Tila ba umaasa siya sa wala ngunit sa huli ang mas masakit ay ang umasa sa parang mayroon.
Para siyang nagpipigil ng kaniyang mga luha sa pagtulo dahil ayaw niyang masira ang kaniyang make-up. Nang makuntento na siya sa kaniyang itsura ay tiningnan niya naman kung anong oras na at malapit na rin pa lang mag alas-sais ng gabi. Dali-dali naman siyang lumabas ng kanilang kwarto at bumaba.
Kailangan na niyang initin ang kaniyang niluto kanina at ilabas ang kandila na siyang magiging ilaw nila mamaya sa hapag-kainan.
"And the moment that you wander far from me," mahinang pagkanta niya habang dahan-dahang iniindayog ang kaniyang baywang habang patuloy sa kaniyang pagkanta.
Habang iniinit ang pagkain sa microwave ay hindi mapigilang hindi mapatingin ni Kristina sa malaking orasan na nakasabit sa kanilang kusina. Ilang minuto na lang ay mag aalas-sais na.
Umupo siya sa bangko nang matapos na niya mapainit at mapatay lahat ng mga ilaw at tanging ang dalawang kandila na lamang ang nagsisilbing liwanag. Madali lang naman niya itong makikita kung sakali mang dumating na si Marco.
HALOS makalahati na ni Kristina ang isang boteng alak sa kahihintay sa pagdating ng kaniyang asawa. Alas-otso pasado na at wala pa rin kahit ni anino nito hanggang sa tumunog ang kaniyang cellphone at dali-dali naman siyang tumayo mula sa kaniyang pagkakaupo at kinuha iyon malapit sa kabinet at agad niyang tiningnan.
Agad naman niyang nalaman na si Marco mismo ang mensahe. Tila nauupos na kandila siyang napaupo sa kaniyang bangko at hinayaan ang kaniyang mga butil-butil na mga luha na pumatak sa mala-salamin na lamesa.
Tinungga niya ang natitirang alak sa kaniyang baso at muling nagsalin. Tama nga ang hinala niya na hindi man lang alam ng kaniyang asawa na ngayon ang kanilang anibersaryo. Muling napatitig si Kristina sa kalendaryo sa kaniyang cellphone upang kumpirmahin na ngayon talaga ang araw ng kanilang anibersaryo at baka siya lang ang mali ngunit mas nagmukha lang siyang katawa-tawa dahil sa huli ay tama pa rin siya.
'Sorry, I won't be able to attend dinner because Garcia has asked me to join him and his peers at his grand opening bar. I'm going to be late.'
Iyon ang nakasaad sa mensahe ni Marco at hindi naman tanga si Kristina upang hindi maintindihan na nalimutan nga nito ang kanilang araw.
Itinali niya ang kaniyang wayway na buhok at wala na rin siyang pakialam kung masira man ang kaniyang ginawang kaartehan sa kaniyang mukha. Inaamin niyang kahit noong isang taon ay nakalimutan din ni Marco ang kanilang anibersaryo ngunit umuwi naman ito ng maaga at siya pa nga ang nagluto ng kanilang dinner. Ngayon ay tila sumobra na sa sakit ang kaniyang nararamdaman.
Pakiramdam niya ay nag-iisa lamang siya sa buhay kahit na maraming taong nakapaligid at nagmamahal sa kaniya ay iba pa rin ang pagmamahal ng kaniyang asawa at anak. Pakiramdam niya ay para bang tuluyan na siyang iniwan pagkatapos ng kaniyang mga responsibilidad ngunit ang mas nakadudurog pa roon ay halos ibuhos na niya lahat sa kanila ngunit sa huli ay makikita na lamang niya ang kaniyang sarili na mag-isa.
"Cheers," bulong niya sa hangin sabay taas ng kaniyang baso bago ito inumin.
Para siyang kaawa-awang tingnan dahil habang kumakain siya ng kaniyang inihanda na dapat ay para sa kanilang dalawa ay kusa namang tumutulo ang kaniyang mga luha.
"Pity," wika niya at mapait na ngumiti at inubos lahat ng pagkain na inilagay niya sa kaniyang plato. "Ako ang nagluto nito—buong puso ko itong ginawa at kailangang walang masayang," dagdag pa niya saka inilagay sa isang lalagyan ang natira sa pagkain at tinakpan.
Pinatay niya ang nakasinding kandila at tanging kabilugan na lamang ng buwan ang nagsilbing ilaw sa loob dahil sa nakabukas na mga bintana.
Bitbit-bitbit ang bote ng alak at ang kaniyang baso ay nagpasuroy-suroy siya sa sala habang kumakanta ng kaniyang paboritong kantahin ngunit nababaduyan naman ang kaniyang asawa sa kantang iyon kaya malimit niya lang ito kung pakinggan. Ngunit ngayon ay mag-isa lamang siya at malaya siyang gawin ang kaniyang nais.
Wala siyang pakialam sa gabing 'yon dahil sa bugso ng kaniyang damdamin. Hindi naman ganoon si Marco noon. Malambing at punong-puno ng pagisikap si Marco sa kaniya simula noong nanliligaw pa lamang ito hanggang sa maging magkasintahan na sila.
Ilang taon din ang lumipas at kahit na away bati silang dalawa ay lagi naman siya nitong sinusuyo. Busog na busog sa pagmamahal si Kristina kay Marco at pakiramdam niya ay siya na ang pinakamaswerteng babae hanggang sa inaya na siya nitong magpakasal sa napakamura nilang edad. Hindi sila pinayagan dahil wala man lamang silang witness noon at wala ring permiso ng kanilang mga magulang. Ngunit isang tawag niya lamang kay Merce noon ay agad din itong lumipad.
Noong araw ding iyon ay sa mga mura nilang pag-iisip ay may nangyari sa kanilang dalawa na siyang nagbigay bunga sa kanilang pagpapakasal. Labag man sa loob ng pamilya ng mga Razon na maikasal ang kanilang anak ngunit dahil na rin sa takot sila na maeskandalo noon sa publiko ay napilitan silang ipakasal ang kanilang anak. Kilala rin ang pamilya ni Marco na siyang angkan ng mga Ayala.
Ang kagustuhan lang din naman kasi ng ama ni Kristina ay itamasa niya muna ang kaniyang pagiging isang malaya pagkatapos niyang makapagtapos ng pag-aaral saka niya aabutin ang kaniyang pangarap na maging isang piloto ngunit lahat ng iyon ay naudlot sa isang iglap.
Bumuhos ang mga luha sa kaniyang mga mata nang maalala niya ang mukha ng kaniyang ama noon na halos maiyak nang makitang umumbok nang husto ang kaniyang tiyan. Sa kaniyang murang edad ay nabuntis na kasi siya na sa halip ay ini-enjoy ang kaniyang pagkabata tulad ng iba. Kita niya rin ang pagkadismaya ng kaniyang ina dahil sa kaniya niya pa mismo kinukwento ang kaniyang mga pangarap na maging piloto kahit na babae siya.
Ngayon ay halos malapit na ang kaniyang edad sa kwarenta at doon niya lang napagtanto na tila halos wala nga siyang narating at tila huli na ang lahat sa kaniya dahil sa kaniyang edad. Sa kaniyang itsura ay hindi naman mahahalatang may edad na si Kristina dahil sa angkin pa rin nitong ganda. Makinis din ang kaniyang balat na parang artista dahil alagang-alaga siya ng kaniyang ina noon.
"Bakit?" tanong niya at sa harap niya ay ang litrato niya at ni Marco noong sila ay ikinasal.
Masayang-masaya siya noong araw na iyon at kita iyon sa kaniyang mga ngiti sa kaniyang mga labi at sa kislap ng kaniyang mga mata sa pagkuha ng litrato at ganoon din si Marco.
"Bakit tila ramdam ko na hindi mo na ako mahal? Bakit tila ramdam ko na ang hirap mo ng abutin? Bakit tila napakalayo mo kung sa gayun ay nasa iisang bahay lang naman tayo? Nasa iisang kwarto nga tayo ngunit minsan ay naabutan mo na akong tulog at minsan naman ay naaabutan na lang din kitang tulog," dagdag pa niya at saka tinungga ang alak at nagdala ng pait sa kaniyang lalamunan ngunit hindi niya iyon ininda sa halip ay nagsalin pa siyang muli at agad itong itinungga.
Napatingin siya sa kaniyang repleksyon sa kabinet na malapit sa telebisyon na kung saan ay tanaw niya ang kaniyang pigura. Napangiti siya nang mapakla dahil hindi niya alam kung big deal ba talaga iyon sa kaniya o nag-iinarte lang siya ngayon ngunit hindi naman nagsisinungaling ang pagtibok ng puso dahil sa ngayon ay tila halos sa pagkabog ng kaniyang puso ay para rin itong tinutusok-tusok.
Sasalin pa sana siya ng alak sa kaniyang baso nang malaman niyang ubos na pala ito ngunit kahit na wine lang naman at hindi ito nakakalasing ay tila ba gumagalaw ang kaniyang kinatatayuan o nag-iinarte lamang siya. Naalala niya na may natira pang alak na siyang binili ni Merce at inilagay niya iyon sa loob ng ref na hindi naman dapat. Agad siyang naglakad patungo sa kusina at kahit na walang ilaw sa buong kabahayan ay tila memorisado na niya ang daan.
Inilapag niya ang wala ng lamang bote sa lamesa at nagtungo kung nasaan ang ref at agad itong binuksan. Agad-agad niya namang kinuha ang bote at tumutulo na naman ang kaniyang mga luha at hindi na siya nag-abalang pahidin iyon. Nakita niya kasi ang kaniyang niluto na para sa kanilang dalawa na ngayon ay nilalamig na.
Padabog niya itong isinara at kasabay noon ay ang pagtunog ng kaniyang selpon senyales na may tumatawag sa kaniya. Hindi na sana niya ito papansinin sa pag-aakalang si Marco iyon ngunit nang makita niya ang pangalan ni Merce ay agad din niya itong sinagot na walang pagdadalawang isip.
"Mercedes, Maria Mercedes ang pangalan mo," natatawa niyang sagot at inilapag ang baso sa lamesa at nagsalin na rin siya ng alak dito at halos mapuno ang kaniyang baso at wala na rin siyang pakialam kung mabasa man ang lamesa.
"Lasing ka ba? Wala ka namang tequilla riyan the last time I checked kung hindi ako nagkakamali ay puro nga wine lang ang nandiyan," ani ni Merce sa kabilang linya at dinig na dinig ang kaniyang pagbuntong-hininga na animo ay may malaking problema.
"No, I'm not drunk; I'm just celebrating our anniversary alone in the dim light or just fly me to the moon," tila pakanta niya pang sagot sa mga huling salitang kaniyang binitawan.
"Hulaan ko ha? Nalimutan niyang anniversary ninyo ngayon ano? Kasi kaya lang naman ako napatawag dahil nagpost itong si Garcia na nasa isang club sila. Siya naman ang may ari nito hindi ba? Aba enjoy na enjoy naman ang darling mo doon oo! Halatang-halata na nalimutan niya talaga ang araw na ito oo! Kitang-kitang nga sa gilagid pa lang ng kaniyang ngipin na lasap na lasap niya ang bawat alak dito oo! O ano ka riyan maninay? Hala matulog ka na riyan at bukas na bukas din ay susunduin kita. Ayaw na ayaw kung makikitang may malalim kang eyebags ha at mapupula ang mga mata mo na akalain mo may sore-eyes ha. Umayos ka riyan! Magpaganda kang bruha ka gagala tayo bukas!" sigaw naman ni Merce sa kabilang linya at si Kristina naman ay hindi niya malaman kung matatawa ba siya sa tinuran ng kaniyang kaibigan o maiiyak sa mga una nitong sinabi.
Napasinghot siya at tumango-tango na parang bata kahit na hindi naman ito nakikita ni Merce. "Matutulog na ako—kita na lang tayo bukas ha," wika niya at akma na sana niyang papatayin ang tawag nang magsalita ulit ito.
"Matulog ka na dahil magigising ka rin sa katotohanan."
Nang matapos na silang makapagpaalam sa isa't isa ay aakyat na sana si Kristina sa taas ngunit agad namang ulit tumunog ang kanyang selpon hudyat na may natanggap siyang mensahe.
Habang ibinababa niya ang pagtingin sa iba't-ibang mga larawan ay may nakakuha sa kaniyang atensyon na tila ba nagpaguho ng kaniyang mundo.
Hindi niya alam kung sino ang nagpadala ng mga litratong ngayon ay ginagalugad niya.
Sa larawang iyon ay may kandong-kandong si Marco na isang babae ngunit hindi kita ang mukha nito dahil sa nakatakip nitong mahabang buhok ngunit kung susumahin ay para itong manika dahil sa hubog ng katawan at mala-porselanang balat at sa tungki pa lang ng ilong ay halatang matangos ito. Iyon lang ang makikita sa picture at kita rin sa mukha ni Marco ang ngiti habang tinitingnan ang babaeng nakakandong sa kaniya.
Tumulo ang mga luha niya papunta sa screen ng kaniyang selpon ngunit patuloy pa rin siya sa pag-scroll ng mga imahe hanggang sa nawala na sa larawan si Marco pati na ang babae. Kumabog nang husto ang dibdib ni Kristina at samo't-saring mga kaganapan na ang umiikot sa kaniyang utak. Nanginginig na rin ang kaniyang kamay habang hawak-hawak ang kaniyang cellphone.
Hindi niya man alam kung sino ang nag-send noon sa kaniya ngunit isa lang ang sigurado siya at iyon ay ang makilala ang sender nito.
Agad naman siyang tumipa sa kanyang selpon at bibisitahin ang account mismo ni Garcia.
Pinindot niya ang account ni Garcia upang mapunta siya sa mismong account nito at nakita niyang may bagong upload photos na naman ito kaya agad naman niya rin itong tiningnan.
Mga litrato lang nila ngunit wala na roon ang kaniyang asawa pati na rin ang babae ngunit habang pababa siya nang pababa ay nakita niya sa likuran ng mga magbarkada ang kaniyang asawa na medyo may kalayuan ngunit kuhang-kuha ng kamera si Marco at ang babaeng kaniyang kasama na ngayon ay naghahalikan.
"Marco."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top