CHAPTER 10

KASALUKUYANG nasa hapag-kainan sila nang magsalita si Ysabel. Lihim namang napangisi sa isang sulok si Kristina dahil tila alam na nito kung ano ang nais niyang sabihin at kung noon ay wala siyang imik ngayon ay hindi na siyang magiging ganoon pa.
"Masasali na sana ako bilang isang dean's lister kung hindi lang sana ako laging nakikipag-share ng mga gamit at lagi akong nail-late sa mga klase ko," wika ni Ysabel at napasulyap sa gawi ni Kristina.

Alam na ni Kristina na mangyayari ito at kung noon ay tinanggap niya lamang ang lahat ng mga ito pati ang pagpapahiya sa kanya. Magsasalita na sana ang kanyang step-mother nang inunahan na ito mismo ni Kristina.

"Kahit pa sabihing may iilang bagay na naghihiraman tayo ay hindi naman siguro iyon magiging sapat na dahilan para sabihin mong hindi ka napasama sa pagiging dean's lister. Isa pa kahit ang taxation ay hindi mo man lang maipasa-pasa kung hindi mo pa kakausapin ang professor mo. Hindi rin naman magiging balakid ang pagiging huli sa klase dahil sa pagkakaalam ko ay may kanya-kanya naman tayong driver na maghahatid sa atin. Hindi ba Ysabel?" mahabang lintanya ni Kristina.

Halatang natigilan doon si Ysabel dahil hindi niya inaasahan ang pagsasagot ni Kristina sa kanya. "Sino ang may sabi sa iyong bagsak ako? Kailanman ay wala akong may ibinagsak na subject kahit noong highschool pa lang tayo," sagot naman niya at napalingon naman si Kristina sa gawi ng kanyang step-mother at kitang-kita sa kanyang pagmumukha ang pagkairita ganoon na rin ang kanyang ama.

Napapatanong si Kristina kung bakit hindi man lang niya nakita ito noon dahil ang buong akala niya ay kakampi niya ito dahil siya lamang ang laging naririyan sa kanyang tabi sa tuwing napapaiyak siya ni Ysabel. Hindi niya lubos maisip na nagbabalat-kayo lang pala ito.

Wala rin kasing kaalam-alam si Kristina noon pa man na nabubuhay ang kanyang ina na hindi niya pala ito totoong ama dahil ang kanyang totoong ama ay maagang namatay. Kung makakausap niya lang sana ang kanyang ina ay tatanungin niya ito kung bakit hindi niya man lang ito ipinaalam sa kanya.

Ngunit kung ipinaalam ba ito sa kanya ay may magbabago ba sa kanyang hinaharap? Ngunit ang katanungang gumugulo sa kanyang isipan kung hindi niya nga totoong ama ang nasa kanyang harapan ay bakit Razon ang apelyido nito sa halip na iba? Kilala ang mga Razon sa kahit saang larangan ng malalaking negosyo lalong-lalo na sa international terminal containers.

Bata pa lamang siya ay minsan na niyang napapakialaman ang mga papeles nito at lagi niyang nakikita na ang dinadalang apelyedo nito ay Razon at siya rin ang pumipirma nito. Ngunit kung ganoon na nga ay hindi naman ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng apelyedo ng isang taong yumao na kung mayroong pahintulot mula sa ari-arian o mga kahalili o legal na kinatawan ng namatay na tao upang gamitin ang pangalan para sa naturang layunin. Nalalapat ang prinsipyong ito sa halos lahat ng legal na hurisdiksyon.

Iyon ang alam ni Kristina dahil kahit papaano ay nalaman niya ito sa isa niyang subject.

"Kristina, dear, please huwag ka namang ganyan sa kapatid mo. Gusto niya lang naman na maging isang dean's lister. Hindi ba at maganda naman ang kanyang hangarin? Hindi naman parehas sa iba riyan na wala namang ginawa ni wala ngang achievements sa buhay hindi ba?" wika naman ng kanyang step-mother at ramdam niyang nanggagalaiti ito sa galit at mahirap mang paniwalaan ngunit tila nagugustuhan ni Kristina ang pakiramdam na iyon . . . ang pakiramdam na nang-iinis ng isang tao.

"Kristina, wala ka yata sa lugar para magsalita ng mga ganyan sa kapatid mo. Lalong-lalo na sa harapan naming mga magulang mo," wika naman ng kanyang step-father at lihim namang napakuyom ng kamay sa ibaba ng mesa si Kristina.

'Kayo ang walang lugar dito at isasampal ko ang lahat ng mga iyon sa mga pagmumukha ninyo.' Isip-isip niya at gusto niya itong isumbat at isigaw sa kanilang pagmumukha ngunit sa hindi ganoong paraan.

Hindi niya gustong sa isang hapag-kainan lamang niya iyon ibubuhos lahat bagkus sisiguraduhin niyang malalaman ito ng publiko. Paparatangan niya ang mga ito sa kung ano ang nararapat na para sa kanila.

"Pa, hindi naman ako kailanman nagsalita kung ano ang nasa isipan ko. Anak mo ako ngunit tila mas pinapanigan mo si Ysabel hindi ba't dapat ay pantay kaming dalawa?" sagot ni Kristina at tila nagulat naman ito sa kanyang tinuran.

Ngayon ay napapaisip din siya kung ang totoong ama rin ni Ysabel ay ang taong itinuturing niya ring ama. Ang pagkakaalam niya kasi noon ay anak lamang ito ng kanyang step-mother. Kung titingnan ay parang sinakop ng parasite ang kanyang pamilya at siya na lamang ang natitirang buhay.
Tumango-tango naman ito at kitang-kita sa pagmumukha ng kanyang step-mother ang pagkairita at ganoon na rin si Ysabel.

"Hoy! Kristina wala kang karapatan para pagsalitaan ng ganyan ang Papa. Para kang kung sino kung makapagsalita. Bakit may napatunayan ka na ba?" sigaw ni Ysabel na nakataas ang isang kilay.

Napangisi naman si Kristina at napailing-iling. Nanatili pa rin siyang kalmado. "Bakit? Hindi naman pasigaw ang ginawa ko hindi tulad mo. Atsaka nagsasabi lang ako kung ano ang totoo. Mahirap naman kung lagi na lang akong tatahimik sa bahay na ito gaya ng mga nakagawian mo. Sa pagkakatanda ko ay mas matanda pa rin ako kaysa sa 'yo kaya siguro ang dapat na matutong lumagar kahit papaano ay ikaw. Tama ba ako Ysabel?" wika naman ni Kristina dahilan upang mapakuyom ng kamay si Ysabel ngunit ngumit pa rin ito at tumango.

"Nakalimutan ko nga na mas matanda ka pa pala kaysa sa akin. Hayaan mo at pakakatandaan ko 'yan," sagot naman niya ngunit kitang-kita kung gaano ang paglagay niya ng pagpapanggap sa kanyang mukha.

"Para yatang nagbago ka nitong mga nakaraang araw, Kristina," pagpupuna ng kanyang step-mother at tiningnan siya nito pataas at pababa. "Pansin ko rin na tila ilap na ilap ka na sa akin. May nagawa ba ako at kami sa 'yo? Kung mayroon man ay pwede mo naman kaming kausapin gaya noon. Maiintidihan ka naman namin," dagdag pa niya na may pilit na ngiti sa kanyang mga labi.

Tanda pa nga ni Kristina noon na lagi siyang tumatakbo sa kanila sa tuwing kailangan niya ng tulong ngunit sa huli ay lagi naman siyang sinusukmahan ng kanyang step-mother. Ang buong akala niya pa noon ay kinukuha pa ng kanyang step-mother ang buong atensyon at oras nito ngunit sa huli pala ay magkasabwat naman pala ang mga ito.

Gusto ring gantimpalaan ni Kristina ang mga ito dahil sa isang magandang palaba na kanilang ginawa. Lahat sila ay pinaniwala sa kanilang kasinungalingang inilikha. Pinaniwala pa sila ni Merce na ramdam umano ng kanyang step mother na hindi nito apo si Celestine. Hindi lubos maisip ni Kristina kung ilang araw nilang pinagplanohan ang lahat kasama ang ina pa mismo ni Marco.

'Parasite.' Isip-isip ni Kristina, iyon ang tamang salita na maihahalintulad sa kanilang lahat . . . isang parasite.

Wala pa si Kristina sa kanyang totoong plano ngunit darating din siya roon. Hindi niya idadaan sa padahan-dahan ang kanilang pagbabagsak ngunit iisahin niya ito sa isang malakas na bagsak na hihilingin na lamang nila na mawala na lamang sila sa mundo. Ngunit tinitiyak ni Kristina na gagapang ang mga ito sa kanyang harapan at hihingi ng kapatawaran. Sa ngayon ay wala silang kaalam-alam na alam na ni Kristina na hindi niya tunay na ama ang nasa kanyang harapan.

Aalamin niya rin sa huli kung ano ang totoong pagkakakilanlan nito at kung pati ang pangalan ng kanyang tunay na ama ay kinuha niya na rin. Ang dinadala kasi nito ay Lorenzo Razon na siyang alam niya ay ang pangalan talaga ng kanyang ama. Nakita kasi ito ni Kristina sa isang kwaderno na mala diary nito at nabasa niya roon kung papaano sila nagkita ng kanyang ama. Iyon ang totoong ama niya.

Hindi pa rin siya lubos makapaniwala na may mga taong kayang gawin ang mga ito para lang sa yaman ay handa silang pumatay. Hindi makapapayag si Kristina na kung pati siya ay mamamatay ay maipapangalan na sa kanila ang lahat. Iyon ang kanilang plano na pati ang kanyang anak ay pinatay din nila.

"Baka ho kasi kung magkaroon ako ng mga ganyan ay matatabunan ko ang iba," sagot naman ni Kristina saka tumayo at ngumiti sa kanilang harapan. "Aakyat na po ako at matutulog. Maaga pa po kasi ang klase ko bukas at baka kako ay mahuli na naman sa klase si Ysabel," wika niya saka tumalikod na may ngiti sa kanyang mga labi. Kung tutuusin ay kulang pa ang mga salitang iyon para sa kanila dahil higit pa roon ang nararapat para sa kanila.

Hindi lang basta isang sitwasyon ang inukit nila sa kanyang puso kung hindi isang karumal-dumal na pangyayari. Malakas ang kutob ni Kristina na may kinalaman ang kanyang step-father sa pagkamatay ng kanyang ina.

Mahirap man kay Kristina na malagay sa isang sitwasyon kung saan kasama niya ang mga taong pumaslang sa kanyang mga minamahal sa buhay ay wala siyang magagawa.

Kailangan niyang tiisin maski na harapin ang mga ito araw-araw.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top