Chapter 35
ARKHE
| Kamusta ka na, 'tol? Buhay ka pa ba? Baka pinaglalamayan ka na diyan |
Napangisi na lang ako pagkabasa ko rito sa text ni Baron.
Mukhang magaling na yata ang gago. Ganito na ulit mag-text e. Ako pa 'tong tinanong niya kung buhay pa, samantalang siya nga 'yong muntik nang mapuruhan nila Grant sa Bulacan.
Nireplyan ko lang siya saglit habang nagmamaneho ako ngayon. Sabi ko lang sa kanya, nagpapagaling pa 'ko. Mag-iisang linggo na rin kasi simula no'ng napaaway kami.
Panay nga ang text nitong sila Baron at Desa sa 'kin nitong mga nakaraang araw. Nangungumusta pati pinag-iingat ako kasi baka raw bigla akong balikan nila Grant.
Inaasahan ko naman na talaga 'yon. Hinihintay ko na ngang sugurin ako ng mga tauhan ni Grant. Pero sa ngayon, wala pa naman silang paramdam.
Ayos na rin. Para makapag-pagaling muna ako nang tuluyan. Medyo maayos naman na 'ko ngayon. Natutuyo na 'yong ibang mga sugat ko tsaka kaya ko na ring lumabas-labas ng bahay. Inalagaan ako ni Sab nung mga araw na sobrang hinang-hina ako.
Nakakatuwa nga. No'ng umuwi ako sa kanya galing sa pakikipag-away, hindi talaga siya umalis sa tabi ko. Alam kong may ibang lakad dapat siya nung umagang 'yon, pero hindi niya na pinuntahan kasi mas gusto niya raw na gamutin ako pati bantayan. Kaya siguro ang bilis ding gumaling ng pakiramdam ko.
Ngayon, magkikita ulit kami ni Sab.
Pupuntahan ko siya ro'n sa park kung saan kami nagkita dating-dati pa. Ewan ko nga kung bakit gusto niya ro'n. Ayoko na sanang bumalik do'n kasi doon niya inamin sa 'kin dati na naka-arrange marriage pala siya. Pero ayos na rin. Ang importante naman, magkita kami.
Busy na ulit kasi 'yon si Sab. Umuwi yung Ate niya galing Australia. Sinundo nila kahapon.
Akala ko nga hindi niya 'ko yayayain na lumabas ngayon kasi dumating 'yong kapatid niya. Pero kaninang tanghali, tinawagan niya 'ko na magkita nga raw kami saglit ngayong hapon do'n sa park. Siguro bigla niyang naalala na balikan yung lugar na 'yon.
DIRE-DIRETSO LANG AKO ngayon sa pagmamaneho nang bigla na namang tumunog ang cellphone ko na nasa harapan.
Tumatawag si Jewel. Ba't kaya. Ang tagal na nitong walang paramdam, ah.
Hininaan ko na lang muna 'tong music ko sa sasakyan, tsaka ko sinagot 'yong tawag niya at ni-loudspeaker. "Oy. Balita?"
"Arkhe! Kasama mo ba si Isabela ngayon?"
"Hindi. Pupuntahan ko pa lang siya. Bakit?"
"Ah. Is she okay?"
Napakunot ako ng noo. Parang biglaan yata 'yung pangangamusta niya nang gan'to. "Oo, okay lang naman siya. Ba't mo natanong?"
Huminga siya nang malalim. "Nakasalubong ko siya kaninang umaga sa ospital nung dinala ko 'yung anak ko sa pedia e."
"Ha? Sa ospital?"
"Oo. Nag-alala nga ako. Sobrang putla niya kasi nung nakita ko siya. Tinanong ko kung anong nangyari pero hindi siya sumagot nang maayos. Nagmadali pa ngang umalis. Tapos ngayon, tinatawagan ko siya at tinetext para mangamusta, pero hindi siya nagrereply."
Hindi agad ako nakasagot. Napaisip pa muna ako sa sinabi niya. "Baka naman hindi si Sab 'yung nakita mo."
"Siya 'yon! Nakausap ko nga, 'di ba? Ang weird lang kasi parang nataranta at umiwas siya sa 'kin kanina. Nag-aalala talaga ako. Kaya naisip na kitang tawagan."
Napangisi na lang ako sabay umiling-iling. "Jewel, lasing ka yata. Imposible 'yang sinasabi mo. Wala si Isabela kanina sa ospital. Ka-text ko siya buong umaga, sabi niya nasa bahay lang siya kasi inaasikaso niya 'yong kapatid niya na kauuwi lang kahapon. Tsaka okay lang siya. Niyaya niya pa nga akong makipagkita ngayon."
Siya naman 'tong hindi nakasagot sa 'kin.
Tiningnan ko agad 'yong screen ng telepono ko. "Jewel. Nandyan ka pa?"
"O-oo, nandito pa. So you mean hindi mo alam na nagpunta si Isabela sa ospital? Hindi niya sinabi sa 'yo?"
"Hindi nga siya nagpunta ro'n. Nasa bahay lang siya."
"Pero nakita at nakausap ko talaga siya kanina."
Natawa na 'ko. "Baka nananaginip ka lang."
"Alvarez naman! Seryoso ako."
Natigilan ako. Tiningnan ko ulit 'tong screen ng cellphone, tapos bumuntong-hininga ako. "Sige na, sige na. Tatanungin ko na lang si Sab mamaya tungkol diyan."
Napahinga rin siya nang malalim. "Okay. Pasensya na. Nag-alala lang talaga ako sa kaibigan ko. Balitaan mo na lang ako kung sakali."
"Sige. Text kita mamaya. Nagmamaneho pa 'ko ngayon."
"Okay. Ingat ka. Bye."
Nagpaalam na rin ako at binaba na 'tong tawag.
Tsk. Ano ba 'tong si Jewel. Bigla na rin tuloy akong napaisip.
Imposible talagang nakita niya si Sab kanina sa ospital. Ang alam ko nasa bahay lang 'yon. At kung umalis man 'yon, magsasabi 'yon sa 'kin. Hindi 'yon magsisinungaling.
Bumuntong-hininga ako at napailing-iling na lang ulit.
Kakausapin ko na nga lang talaga si Sab mamaya. Aalamin ko kung totoo bang nagkita sila ni Jewel at kung bakit hindi niya kinwento agad sa 'kin.
##
TUMULOY AKO SA pagmamaneho at ilang saglit pa, nakadating na rin ako dito sa park na pagkikitaan namin ni Sab.
Pagkababa ko ng sasakyan, tinawagan ko na agad siya kasi alam kong nauna siyang dumating.
Ang bilis niya ngang sumagot sa tawag ko. Halatang nag-aabang. "Hello, Ark?" sabi niya sa kabilang linya. "Where are you now?"
"Nandito na, kararating lang. Nasa'n ka banda?"
"Uhm, dito sa pinagpwestuhan natin dati. Malapit sa malaking puno."
"Ah, sige. Papunta na 'ko diyan. Kasama mo pa ba si Lukas?"
"Yeah, he's still with me. Pero aalis din siya kapag dumating ka na rito."
Sasagot pa lang sana ulit ako sa kanya pero hindi ko na nagawa kasi bigla na lang may lalaking humarang dito sa tapat ko. "Arkhe Alvarez."
Natigilan agad ako at napakunot ng noo. "Sino ka?"
Ngumisi siya. "Malamang ako hindi mo kilala. Pero 'yong isa kong kasamahan, kilalang-kilala mo."
Napaiwas ako ng tingin sabay pumikit.
Tangina parang alam ko na 'to ah.
Binaba ko muna 'tong tawag ko kay Sab nang hindi nagpapaalam. Tapos hinarap ko ulit 'tong lalaki. "Anong kailangan mo?"
"Anong kailangan ko?" Ngumisi na naman siya nang mayabang. "Alam mo ba kung nasa'n 'yong kasamahan namin ni Grant na muntik mo nang mapuruhan sa Bulacan? Ayon, nag-aagaw buhay. Maniningil lang naman ako ngayon." Bigla siyang naglabas ng baril at tinutukan ako!
Literal akong hindi nakagalaw!
"Pero alam mo," tuloy niya naman, "parang masyadong madali kung papatayin na lang kita nang basta-basta ngayon. Mas masaya siguro kung uunahin ko munang puruhan 'yong babae mo. Nandito rin siya, 'di ba?"
Napakuyom ako ng kamao. "Anong sinabi mo?" Susunggaban ko na sana agad siya ng sapak, pero nagulat ako nang makarinig na may ibang baril na pumutok malapit sa pwesto namin!
Ang tagal pang na-blangko ng utak ko bago ko tuluyang naisip kung ano 'yong nangyari. Si Sab!
Nataranta ako at napatakbo na agad para puntahan siya. Ni hindi ko na pinansin na may baril pang nakatutok sa 'kin.
"Sige lang," sabi lang nong nantutok sa 'kin. "Unahin mo muna 'yong babae mo. Tsaka na kita isusunod."
Binalewala ko siya at nagmadali lang na tumakbo!
Pagkarating ko, naabutan ko si Sab na nakahandusay na sa sahig at inaalalayan ni Lukas.
"Sab!" Taranta ko siyang nilapitan. May tama siya sa balikat!
"Dalhin mo siya sa ospital," sabi agad nitong si Lukas sabay naglabas ng sarili niyang baril at umalis para hanapin 'yong bumaril kay Sab.
Ako, mas lalo akong hindi mapakali! Nanginginig ang buo kong katawan nang buhatin ko na siya at dalhin sa kotse.
"Sab, kapit lang. Nandito ako."
Hindi ko tinigilan ang pagtawag sa pangalan niya para hindi siya tuluyang mawalan nang malay.
May mga tao namang tumulong at umalalay sa 'min hanggang sa madala ko si Sab sa kotse. Hindi ko na nga nagawang magpasalamat sa kanila kasi tarantang-taranta na ako.
Pagkasakay ko sa loob, pinaharurot ko agad 'tong sasakyan papunta sa pinakamalapit na ospital.
##
NANLALABO NA ANG paningin ko nang maisugod ko si Sab dito sa emergency room.
Wala na 'ko sa sarili! Sunod-sunod nga ang pagtatanong sa 'kin ng mga nurse pero hindi ko sila mapansin nang maayos. Hindi pa rin ako mapakali. Takot na takot ako kasi alam ko kung anong pwedeng mangyari kay Sab.
Nung sinimulan na siyang asikasuhin, tsaka ko lang nagawang sagutin 'yong tinatanong ng mga nurse. Hindi ako makapag-isip nang maayos, ewan ko nga kung nasasagot ko pa sila nang tama.
Pagkatapos kong ibigay lahat ng impormasyon na hininihingi nila, umupo muna ako sa labas para kalmahin ang sarili ko. Napahilamos ako ng mga palad sa mukha.
Tangina hindi ako makapaniwalang nangyari 'to, para akong nananaginip! Magkikita lang dapat kami e. Tsk, sana pala hindi ko na lang siya hinayaang pumunta ro'n sa park na 'yon. Sana mas naging maingat ako lalo't alam kong pwede akong balikan ng mga tauhan ni Grant ano mang oras.
Ang tagal kong naghintay dito sa labas hanggang sa may narinig naman akong dumating na babae. Halatang tarantang-taranta.
"I-I'm looking for Isabela Santiaguel," sabi nito sa isang staff ng ospital. "'Yung nabaril?"
Tinuro sa kanya nung staff tapos nagmadali na siyang naglakad papunta sa gawi ko. Sigurado akong siya 'yong Ate ni Sab. Ewan ko kung paano niya kaagad nalaman 'tong nangyari sa kapatid niya. Baka nasabihan na siya ni Lukas.
Tumayo na lang ako at nilapitan siya kahit na wala pa rin ako sa sarili. "Ikaw ba si Amanda?"
Ang bilis niyang natigilan. "Yes. Who are you?"
"Boyfriend ako ni Sab."
"You're Arkhe?"
Tumango ako. "Ginagamot na si Isabela sa loob. Sa balikat 'yung tama niya."
"My God." Hinang-hina siyang napahaplos sa noo niya at halos maluha rin.
Yumuko na lang ako. "Pasensya na. Kasalanan ko."
Hindi niya naman na 'ko sinagot. Taranta niyang nilabas 'yong cellphone niya at may sinagot na tawag.
"Hello?" sabi niya agad sa kausap. "Lukas! Kararating ko lang dito sa ospital. Where are you now?"
Umatras siya at mukhang aalis na, pero tinapik niya muna ako saglit sa braso. "I'm sorry, may aasikasuhin lang ako. Please don't leave my sister here."
Tumango ako.
Nagmadali naman na siyang umalis.
Ako, umupo na ulit para tuluyang pakalmahin ang sarili ko.
Mayamaya lang naman, parang naririnig ko na ulit si Amanda na may ibang kausap. Pasigaw at galit na 'yong boses niya ngayon.
"What happened? Nahabol mo ba 'yung bumaril kay Isabela?"
Baka kausap na niya si Lukas. Pinuntahan ko agad siya, pero sumilip lang ako rito sa gilid ng pader. Tama nga ako, si Lukas 'yong kausap niya, mukhang kararating lang.
"Hindi," sagot ni Lukas. "Ang bilis nakatakas nung tao."
"My God! Nasaan ba yung iba mong mga kasamahan?"
"Wala. Hindi na nagsasama si Miss Isabela ng ibang bodyguards."
"Ikaw lang ang nando'n sa lugar? Pero kasama ka mismo ng kapatid ko. Paano siya nabaril nang ganun-ganon na lang?!"
"Pasensiya na. Hindi ko rin inaasahan. Nakatago 'yong bumaril sa kanya, hindi ko nakita."
"Pasensiya? 'Yun lang? God, Lukas! I am paying you to protect my sister. Are you even doing your job? Parang hindi e!"
"I-I'm really sorry."
"Shit! Ginagawa natin ang lahat para gumaling si Isabela at hindi siya mamatay sa sakit niya. Tapos sa ganito lang pala siya mapapahamak?!"
Napakunot ako ng noo ro'n.
Lumabas agad ako dito sa gilid at hinarap sila. "Sakit? Bakit, anong sakit ni Isabela?"
Sabay silang natigilan.
TO BE CONTINUED
Liked it? Take a second to support me on Patreon! Here's how: www.barbsgalicia.com/support-me-on-patreon/
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top