Chapter 34

Author's Note: Birthday update! Enjoy reading, loves! ❤️

***

ARKHE

HINANG-HINA PA 'ko habang palabas dito sa emergency room ng ospital. Tangina hindi ko naisip na mangyayari sa 'min 'to ni Baron ngayon.

Napaaway kami habang pauwi galing sa Bulacan.

Si Grant, 'yung dating binugbog ni Baron sa Batangas, lumitaw dito para gantihan siya. Nagsama pa ng mga kakampi kaya hindi kami nakalaban nang matino ni Baron. Dehadong-dehado kami. Akala ko nga mapupuruhan kami kanina. Si Baron, binasagan pa ni Grant ng bote sa ulo. Duguan si Medel.

Buti naisugod ko agad siya sa emergency room. Ewan ko nga kung saan pa 'ko nakakuha ng lakas para gawin 'yon samantalang bugbog-sarado rin ako kanina tas hindi ko pa maidilat nang maayos 'tong isang mata ko dahil sa pasa. Ang bilis ng lahat ng nangyari.

Pagkalabas ko ngayon sa E.R, umupo muna ako dito sa pahabang upuan.

Kinuha ko agad 'yong cellphone ko para tawagan na si Sab. Kanina ko pa siya iniisip. Alam kong alalang-alala na 'yon kasi ang dami niya ng missed call at texts kanina nung tiningnan ko.

Saglit lang namang nag-ring at sinagot niya na rin agad 'tong tawag ko. "Arkhe! Oh my God, where are you? I'm so worried!"

Napapikit ako sabay sandal ng ulo ko rito sa dingding. Marinig ko lang ang boses niya, parang nawala na rin 'tong sakit ng katawan ko.

"Sorry," nanghihinang sabi ko sa kanya. "Nandito pa 'ko sa Bulacan."

"Ha? B-bakit? Sabi mo saglit lang kayo diyan."

Hindi ako nakasagot.

"Ark? May nangyari ba? Please mag-sabi ka sa 'kin, kanina pa 'ko nag-aalala dito, eh."

Napabuntong-hininga ako. "Napaaway kami ni Baron. Nandito kami ngayon sa ospital."

"What!" Nataranta na 'yong boses niya. "Sinong nakaaway niyo? Anong nangyari?"

"Mamaya ko na lang iki-kwento sa 'yo lahat. Nanghihina pa 'ko. Gusto ko lang talagang marinig boses mo tsaka ipaalam sa 'yo kung nasaan ako kaya kita tinawagan."

"Nasaang ospital ka ba? Pupuntahan kita ngayon."

"Wag na, malayo 'to."

"It's okay. Magpapa-drive naman ako."

"Wag na, Sab. Mapapagod ka pa."

"Arkhe naman." Naiiyak na 'yung boses niya. "Magpapadala na lang ako ng mga bodyguards ko diyan para tulungan kayo. Baka hindi mo na kayang umuwi eh."

"Kaya ko pa. Nagamot na rin naman 'tong mga sugat ko. Hinihintay ko na lang si Baron, nasa emergency room pa siya. Matulog ka na diyan, 'wag ka nang masyadong mag-alala sa 'kin."

"Hindi ko kayang matulog at hindi mag-alala sa 'yo. You're hurt! And I'm not at home right now. Nandito ako sa bahay mo."

Bigla akong napaayos sa pagkakaupo. "Anong ginagawa mo diyan?"

"Pumunta ako kanina kasi hindi mo sinasagot ang mga tawag at texts ko. Buti na lang binigyan mo 'ko ng duplicate key nitong bahay. I was right, something bad happened to you!"

Napasuklay ako pataas sa buhok ko. "Hindi ka na dapat nagpunta diyan. Anong oras na. Sinong kasama mo?"

"Si Lukas."

Bumuntong-hininga ako. "Umuwi na muna kayong dalawa."

"Ayoko. Hihintayin kita rito."

"Maiinip kang maghintay diyan. Baka hindi pa 'ko makauwi agad, hindi pa tapos gamutin si Baron."

"Okay lang. I'll wait here for you. Kahit umagahin ka pa ng uwi, maghihintay ako dito."

Hindi na 'ko lumaban. Mukhang hindi talaga siya susunod, lalo na't ganito ang nangyari sa 'kin.

Bumuntong-hininga na lang ulit ako. "Sige. Pipilitin kong makauwi agad. Wag kang magpapaiwan mag-isa diyan. Wag mong paaalisin si Lukas."

"Okay. Ark, please mas mag-ingat ka na mamaya. Hindi talaga ako matatahimik hangga't hindi ka nakakauwi. Please update me if you can."

"Sige, tatawagan ulit kita mamaya. Magpahinga ka na muna diyan."

"Okay. I love you. Basta hihintayin kita dito."

Napangiti na lang ako nang mapait. Tapos binaba ko na 'tong tawag at hinang-hina na uling sinandal 'tong ulo ko sa pader.

Kanina pa pala siya nasa bahay ko. Gusto ko na tuloy makauwi agad ngayon para makita ko na siya. Kaso mukhang uumagahin na 'ko ng uwi dahil wala pa si Medel, pati pagod pa rin talaga 'tong katawan ko para magmaneho na agad-agad pabalik.

Tiningnan ko muna 'tong sugatan kong kamao. Tsk, hindi na naman ako mapakali. Pakiramdam ko pagkatapos ni Baron, buhay ko naman ang susunod na malalagay sa alanganin.

May napuruhan yata kasi akong isang tauhan ni Grant kanina.

Nawala ako sa sarili e. Nahampas ko 'yong ulo sa bintana ng sasakyan ko. Ewan ko kung nakaligtas 'yon. At kung nakaligtas man 'yon, sigurado akong babalikan niya 'ko.

Nagpahinga pa 'ko saglit dito sa upuan bago ko naisipang bumalik na ro'n sa Nurse Station. Kaso sakto namang pagtayo ko, tumunog na naman 'tong kapit kong cellphone.

Tiningnan ko. Number ni Desa, tumatawag ulit.

Ayoko pa sana talagang sagutin kasi alam kong mag-aalala lang siya pag nalaman niya 'tong nangyari kay Baron. Buntis pa naman siya. Kaso naaawa na rin ako, kanina pa 'to tawag nang tawag sa 'kin.

Sinagot ko na nga lang, pero hindi agad ako nagsalita.

"H-hello?" sabi niya sa kabilang linya. "Arkhe? Arkhe, si Desa 'to."

Hindi pa rin ako sumagot. Iniisip ko pa kung papa'no ko uumpisahang sabihin 'yung nangyari.

"Arkhe?" tawag niya naman ulit.

Napabuntong-hininga na 'ko at sumagot. "Desa."

"Hay salamat naman at na-contact ko na rin kayo! Nasaan si Baron? Kanina ko pa siya tinatawagan, hindi siya sumasagot. Magkasama pa ba kayong dalawa?"

"Oo. Magkasama pa kami."

"Bakit hindi pa kayo umuuwi? Nag-aalala na 'ko rito, anong oras na. Nasaan ba si Baron?"

Napapikit ako nang madiin. "Sorry. Mas magiging ok siguro kung matutulog ka na ngayon. 'Wag ka nang mag-alala, iuuwi ko na lang si Baron diyan."

"Hindi mo naman sinagot ang tanong ko e. Nasaan si Baron?"

Hindi na ulit ako nakapagsalita. Wala na talaga 'kong lakas na magpaliwanag.

"Arkhe?" tawag na niya ulit. "Pakausap na nga lang ako kay Baron. Paki-bigay ng phone mo sa kanya."

"Wala si Baron," sabi ko na. "Nasa Emergency Room dito sa ospital."

"Emergency room? B-bakit, naaksidente ba kayo? Nasaang ospital kayo, pupunta ako diyan."

Tsk, ito na nga bang sinasabi ko. Parehas na parehas sila ng gustong gawin ni Sab.

"Wag na, d'yan ka lang," sabi ko sa kanya. "Malilintikan ako kay Baron kapag nalaman niyang hinayaan kitang umalis. Hindi ka pwedeng lumabas ng apartment niyo, lalo na ngayon."

"Ano bang nangyari? May kinalaman ba si Grant? Please, sabihin mo sa'kin."

"Oo. Nasundan kami ng grupo ni Grant."

"A-anong ginawa niya kay Baron?"

Ang tagal bago ko siya nasagot. "Binasagan niya ng bote sa ulo. Dumugo 'yong ulo ni Baron."

Hindi na siya nakapag-salita sa kabilang linya. Parang naririnig ko na siyang umiiyak. "Wag ka nang mag-alala," sabi ko na lang. "Ginagamot na siya ngayon. Tinatahi na 'yong sugat niya."

"Pupunta ako diyan. Gusto kong makita si Baron."

"'Wag na."

"Pupunta ako. Magta-taxi na lang ako, wala namang mangyayari sa'kin e."

"Desa, wag na. Diyan ka lang. Ayaw ni Baron na mag-alala ka. Iuuwi ko na lang siya sa'yo pagkatapos niyang magamot. Tsaka ko na lang din ikikwento sa'yo lahat ng nangyari." Bumuntong hininga ako. "Sige na, pagod na rin ako. May aasikasuhin pa 'ko rito sa ospital."

Hindi agad siya nakasagot sa 'kin. Ilang saglit pa bago ulit siya nagtanong. "Anong oras mo siya mai-uuwi rito?"

"Hindi ko pa alam. Titingnan ko pa kung kaya na niyang bumangon mamaya."

"S-sige. Hihintayin ko na lang kayo. Thank you, Arkhe."

"Sige." Binaba ko na 'tong tawag. Tapos tumuloy na 'ko sa pagpunta ro'n sa Nurse Station.

##

TAMA ANG TANTIYA ko. Umaga na nga bago ko naiuwi si Baron sa kanila.

Pagod na pagod na 'ko, hindi ko na talaga alam kung pa'no ko pa nagawang mag-maneho nang matino. Buti nga hindi ako nabangga o nakabangga. Akay-akay ko pa si Baron ngayon. May malay naman na siya, pero nanghihina pa rin. Hindi nagsasalita.

Pagkarating ko rito sa tapat ng apartment unit, kinatok ko na agad si Desa. Ilang saglit lang, binuksan niya na rin 'tong pinto. Pinapasok niya 'ko agad no'ng nakita niyang dala ko na si Baron.

"K-kumusta siya?" Natataranta siya habang tumutulong na sa pag-akay.

"Nagamot na. Pero nanghihina pa 'to. Pahigain mo muna."

"Sige. Dito." Pinasunod niya 'ko sa kwarto nila, tapos hiniga na namin sa kama si Baron.

"Ipatagilid mo muna ng higa," sabi ko. "May tahi siya sa likod ng ulo."

Sinilip niya agad 'yon, sabay pikit niya nang madiin. "Malalim ba ang sugat niya?"

"Hindi naman. Pero kailangan pa ring tahiin. Sorry, ngayon ko lang siya nai-uwi. Hindi pa siya makabangon nang maayos kanina. Pinagpahinga ko muna saglit."

Tumango lang siya tapos umupo na sa gilid ng kama nila.

Ako naman, umupo na rin muna dito sa isang silya sa loob ng kwarto. Parang ano mang oras, bibigay na 'ko sa pagod at sa sakit ng katawan.

Pinanood ko na lang muna si Desa habang inaayos niya 'yong pagkakahiga ni Baron. Bugbog sarado rin talaga si Medel. Kaya hindi nakakapagtaka na hinang-hina pa rin siya ngayon. Maga 'yong isa niyang mata tapos pumutok 'yong gilid ng labi niya.

"Ano bang nangyari sa inyo?" tanong na ulit ni Desa sa 'kin.

Bumuntong-hininga ako. "Pauwi na dapat kami. Hindi namin namalayang sinusundan pala kami ng grupo ni Grant. Ewan ko kung paano niya nalaman kung nasaan si Baron. Ang dami nila, dalawa lang kami. Umpisa pa lang alam kong wala talaga kaming laban. Parehas kaming pinagtulungang gulpihin."

Binalik niya ang tingin niya kay Baron. Nanginginig 'yung mga kamay niya sa sobrang pag-aalala.

"Napakadaya talaga niyan ni Grant, eh," sabi niya sa 'kin. "Ginawa niya na 'to dati. Hindi talaga siya marunong lumaban nang patas. Kailangan palagi siyang may kasama."

Naaalala ko nga 'yon. Napagkaisahan na rin si Baron dati ng grupo ni Grant. Kaya mas lalong lumaki 'yung gulo nila. Ang alam ko nga, napakulong na ni Baron 'yon sa Batangas. Ewan ko kung bakit nakawala.

"Muntik niya nang mapatay si Baron," sabi ko.

Napatuwid naman agad ng likod 'tong si Desa sabay lipat ulit ng tingin sa 'kin. "A-ano? Bakit?"

"Bumagsak sa kalsada 'yang si Baron nung binasagan siya ng bote sa ulo. Sinamantala ni Grant. Tinutukan agad siya ng baril habang nakadapa siya." Napayuko ako. Bigla na namang bumalik sa isip ko 'yong eksena kanina. Akala ko talaga mapupuruhan si Baron.

"Gustong-gusto kong pigilan si Grant, pero wala rin talaga 'kong magawa," tuloy ko. "Pinagtutulungan din ako ng mga tao niya. Buti na lang may biglang dumating do'n sa lugar. Nataranta sila Grant, hindi niya natuloy 'yong pagbaril kay Baron. Ang bilis nilang umalis ng grupo niya."

Pansin kong napaluha agad 'tong si Desa. Pasimple niyang pinahid ang mga 'yon sabay haplos niya sa tiyan niya.

Nag-alala ako. "Ayos ka lang?"

Tumango siya. "Buti nadala mo agad si Baron sa ospital."

"Nagmadali ako. Dumudugo na 'yong ulo niya e. Swerte na nga lang kinaya ko pang magmaneho, pati may nadaanan kaming ospital."

Napabuntong-hininga siya at parang maiiyak na naman. "Thank you, Arkhe, ah. Kung wala ka, baka kung napano na talaga si Baron. Demonyo 'yong si Grant, eh. Wala siyang pakialam kung makapatay siya ng tao. Hindi ko nga alam kung paano nakalaya sa kulungan 'yon."

Bigla na siyang tumayo ngayon mula sa pagkakaupo sa kama.

"Gusto mo bang magpalit ng damit?" tanong niya sa 'kin. "May dugo 'yang damit mo. Pahihiramin kita ng t-shirt ni Baron."

"Hindi na. Pauwi na rin naman ako."

Hindi niya naman ako sinunod. Kumuha pa rin siya ng T-shirt do'n sa drawer, tas binigay niya sa 'kin. "Magpalit ka muna. Kukuhanan lang kita ng maiinom. Alam kong pagod ka rin sa nangyari."

Lumabas siya ng kwarto pagkatapos.

Nagpalit na rin naman muna ako nitong pinahiram niyang t-shirt. Tas kinuha ko 'yong cellphone ko. Tinext ko saglit si Sab. Kanina pa 'to naghihintay sa bahay, kailangan ko nang makauwi.

Mayamaya lang, bumalik na rin si Desa at may dala ng baso ng juice. Binigay niya sa 'kin. "Inom ka. 'Yang mga sugat mo, nagamot na ba 'yan?"

"Oo, nagamot na rin kanina sa ospital." Sabay inom ko nitong juice.

Siya, umupo na ulit sa tabi ni Baron. Hinahaplos niya 'yong buhok ni Medel. Alalang-alala talaga siya. Hindi ko naman siya masisisi. Buntis siya at ito 'yong panahong hindi talaga pwedeng mawala sa kanya si Baron.

"Sorry," sabi ko na lang. "Kung hindi ko niyayang umalis si Baron ngayon, hindi siya magkakaganyan."

Bumuntong-hininga siya. "Wala ka namang kasalanan, eh. Hindi niyo naman alam na nasundan pala kayo nila Grant. Ako nga ang dapat mag-sorry sa'yo kasi nadamay ka pa. Nakakahiya sa'yo."

"Wala naman 'yon. Kinabahan lang din ako kanina kasi alam kong hindi kami mananalo kila Grant. Kung walang ibang taong dumating, malamang hindi mo kami kasama ngayon."

Napayuko siya.

"Pasensiya na rin pala kanina," tuloy ko. "Hindi ko agad sinabi sa'yo sa telepono lahat ng nangyari sa 'min. Alam ko kasing mag-aalala ka, baka tumuloy ka ng punta sa ospital kaya hindi ko muna sinabi. Ayaw ni Baron na namo-mroblema ka. Sobra-sobra ang pagpo-protekta niyan sa'yo."

Mas lalong nalungkot 'yong itsura niya.

"'Wag mo muna 'yang palalabasin dito," dagdag ko. "Ikaw rin, 'wag ka munang lumabas. Dito lang kayong dalawa. Ako na munang bahala kay Grant. Hindi na pwedeng mapahamak ulit 'yang si Medel, lalo na ngayong magkaka-anak kayo. Ako na munang aasikaso kay Grant. Makikipag-tulungan ako sa mga pulis para mahuli na ulit 'yung taong 'yon."

Napangiti na siya nang mapait sa 'kin. "Arkhe, thank you. Sobrang laking tulong niyan sa'min."

Tumango lang ako, tapos tumayo na at nilagay 'tong baso ng juice sa kalapit na maliit na mesa. "Babalitaan ko na lang kayo. Sa ngayon, pagalingin mo muna 'yan."

"O-okay. Thank you."

"Sige na. Kailangan ko na ring umuwi. May naghihintay sa'kin."

Tumango siya sabay tumayo na rin. "Kaya mo pa bang mag-drive?"

"Kaya pa naman."

"Sige. Hatid na kita sa pinto." Nauna na siyang lumabas ng kwarto.

Sumunod lang ako.

Hindi ko naman naiwasang hindi libutin ng tingin 'tong apartment nila. Paskong-pasko na pala dito. May Christmas tree sila.

"Ingat ka," sabi na sa 'kin ni Desa pagkabukas niya nitong pinto ng unit. "Thank you ulit sa pagdala kay Baron sa ospital tsaka sa pag-uwi sa kanya dito sa'kin."

Tumango lang ulit ako. "Ingat din kayo dito." Tapos tuluyan na 'kong lumabas at dumiretso sa pinagpaparadahan ko ng sasakyan.

##

BUMABAGSAK NA 'TONG mga mata ko dahil sa pagod pero pinilit ko pa ring magmaneho nang mabilis para makauwi na 'ko sa bahay.

Gusto ko nang makita si Sab. Tinawagan ko na nga siya kanina. Sabi ko malapit na 'ko.

Pagkaliko ko rito sa kalye namin, nakita ko nang may nakaparadang itim na sasakyan sa tapat ng bahay. Nakita ko na rin si Sab. Naghihintay siya sa labas.

Huminto ako at pumarada sa tapat niya mismo. Pero hindi pa 'ko nakababa agad ng kotse. Pinahinga ko muna saglit 'tong katawan ko. Nung kaya ko na, tsaka ako bumaba at humarap sa kanya.

"Arkhe!" Sinalubong niya 'ko agad.

Naluluha 'yung mga mata niya sa sobrang pag-aalala. Hindi niya nga alam kung saan ako unang hahaplosin sa dami ng mga sugat ko.

Inabot ko na lang ang mga kamay niya at pinayakap ko siya nang mahigpit sa 'kin. Sinubsob ko ang mukha niya sa dibdib ko.

Ito lang ang kailangan ko ngayon. Yakap niya lang. Pakiramdam ko magaling na 'ko ngayong nakauwi na 'ko sa kanya.

TO BE CONTINUED

Love this chapter? Kindly share your thoughts or feedback via Facebook and Twitter. And please don't forget to include #EIW in all your posts/tweets.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top