Chapter 23
ISABELA
ANG TAGAL KO nang nakatitig dito sa number ni Arkhe sa cellphone ko. Hindi ko alam kung tatawagan ko ba ulit siya katulad ng ginawa ko kagabi o h'wag na lang.
I just miss him so much. Alam kong hindi na dapat ako nagpaparamdam pa sa kanya kasi nakapag-usap naman na kami at sinagot na niya ang paliwanag ko, pero hindi talaga siya mawala sa isip ko. Hindi ko siya mabitiwan nang ganon-ganon na lang.
Since the night we talked at his place, I've been crying myself to sleep. Lalo na kagabi kasi tinawagan ko nga siya pero binabaan niya lang din ako. It was my fault, though. Hindi rin naman kasi ako nagsalita sa phone, iyak lang ako nang iyak. Wala naman kasi talaga akong sasabihin sa kanya. Tinawagan ko lang siya kasi gusto kong marinig ang boses niya, o kahit ang paghinga niya man lang. Miss na miss ko na siya.
Ngayon tuloy, ang sama ng pakiramdam ko. Nagsuka na naman nga ako kaninang umaga dahil sa sobrang sakit ng ulo ko. Nag-uumpisa na akong manghina. Ang mahirap pa, wala man lang akong makuhanan ng lakas at inspirasyon para lumaban.
I now rested my head here on my bed's headboard and just wiped my tears again. Napaiyak na naman ako kasi naalala ko ulit 'yong pag-uusap naming dalawa.
Ilang gabi na 'tong nagre-replay sa utak ko. Masakit marinig mula sa kanya na kinalimutan niya na talaga ako at hindi niya na nakikita ang sarili niya na kasama ako, but I completely understand.
Hindi ko siya masisisi na gano'n na ang nararamdaman niya. Sobra ko siyang nasaktan, e. Nakakalungkot lang kasi akala ko may magagawa pa ako. Akala ko magtatagumpay ako pero mukhang hindi na.
"Miss Isabela." Biglang kumatok si Lukas dito sa kwarto.
Pinahid ko lang ulit ang mga luha ko sabay lingon sa pintuan habang nakaupo ako rito sa kama.
"Are you busy with something?" tanong niya pagkapasok.
"No. Why?"
"Sir Morris is online. Gusto ka niyang makausap."
Bigla akong napaikot ng mga mata. Hindi ko na siya sinagot. Humiga na lang ako rito sa kama ko.
"Isabela?"
"Ayokong makipag-usap. Sabihin mo sa kanya, hindi ako interisadong makita siya at marinig ang boses niya."
"He said it's important." Bigla na siyang tumuloy ng pasok dito sa kwarto. Dumiretso siya ro'n sa desk kung nasaan nakapatong ang laptop ko. "I'll set up your video call with him," sabi niya.
Pinanood ko siya habang binubuksan ang Skype application sa laptop. Hinayaan ko na lang siya. Pero h'wag niyang asahan na kakausapin ko nang matino ang lalaking 'yon.
"It's ready," sabi na niya at nilapitan na ako rito sa kama para alalayan sa pagpwesto ro'n sa desk.
Inayos ko naman muna ang sarili ko. Siniguro kong hindi mahahalata ni Morris na galing na naman ako sa iyak.
Tinawagan na ito ni Lukas pagkatapos at hinintay na sumagot. He made sure everything's all set bago siya lumabas ng kwarto para hayaan na kaming makapag-usap ng kaming dalawa lang.
Ilang saglit lang naman ay nakita ko na si Morris dito sa screen. He smiled at me. "Hi."
Hindi ko siya sinagot. Makita ko lang talaga ang mukha niya, parang lalong sumasama ang pakiramdam ko. Umiwas na lang ako ng tingin at pinaglaruan 'tong laylayan ng suot kong silk night dress.
"How are you?" He then asked.
"Good."
"Really? You don't look well. Tinatanong ko si Lukas pero hindi niya naman sinasabi sa 'kin kung maayos ba talaga ang pakiramdam mo diyan. Madalas pa rin bang sumasakit ang ulo mo?"
Bumuntong hininga ako at tiningnan na siya sa screen. "Ano ba 'yong importanteng sasabihin mo at gusto mo 'kong makausap? Sabihin mo na para makapag-pahinga na 'ko ulit."
Siya naman 'tong umiwas ng tingin. "Pasensiya na kung naistorbo ko ang pagpapahinga mo. I'm just worried. Amanda called me a few days ago and she told me about your status with Arkhe. Hindi pa rin ba kayo nagkaka-ayos?"
Parang gusto kong matawa. "Bakit, sa tingin mo ba, madali kaming magkaka-ayos? Baka nakalimutan mo na kung anong ginawa mo sa 'min."
"Isabela, hindi na nakakabuti sa kalagayan mo 'tong ganito. Alam kong ayaw mong bumalik dito sa New York para magpagamot, kaya nagpahanap na ako ng magaling na doktor diyan sa Pilipinas para may titingin sa 'yo. 'Yun sana 'yong importanteng sasabihin ko kaya ako tumawag. Lukas can help you setup an appointment with your new doctor."
"At sino naman ang nagsabi sa 'yong hanapan mo ako ng doktor dito sa Pilipinas? Malinaw ang kasunduan natin, 'di ba? Hindi ako magpapagamot hangga't hindi kami nagkakabalikan ni Arkhe."
"Come on, Isabela. Masyado na kaming nag-aalala ng kapatid mo sa 'yo. Nagtatagal ka na diyan sa Pilipinas at hindi namin alam kung ano ba talaga ang eksaktong lagay mo diyan."
"I'm fine. Wala akong ibang nararamdaman at hindi na rin sumasakit ang ulo ko. Can you please stop acting like you care? Because I know you're not. At hindi bagay sa'yong umarte nang ganyan." Pinahid ko ang mga luha ko na katutulo lang. Napaiyak na naman tuloy ako.
"You know I care," sabi niya naman. "Gagawin ko ba lahat ng 'to kung wala akong pakialam sa 'yo?"
Hindi na 'ko sumagot.
"Isabela, alam mo ngang masakit sa 'kin na palayain ka at hayaan kang bumalik diyan, pero ginawa ko pa rin para lang pumayag kang magpagamot." Napayuko siya at huminga nang malalim. "Please see a doctor there. Ayokong mawala ka sa 'min."
Kunwari akong natawa. "Kung makapagsalita ka, parang mamamatay na 'ko bukas. This is just a brain tumor."
"H'wag mong maliitin 'yang sakit mo. Your doctor here said it could be life-threatening, lalo na kung hindi gagamutin. So please, magpatingin ka na diyan para maumpisahan na ang kailangang mga therapy."
"Ayoko."
"Isabela."
"Sinabi na ngang ayoko. Hinding-hindi ako magpapagamot hangga't hindi pa kami nagkaka-ayos at nagkakabalikan ni Arkhe."
"Papa'no kung hindi na kayo magkabalikan?"
"Then I'll die. Nasagot ko na 'yang tanong mo na 'yan dati, 'di ba? Maghihintay na lang ako hanggang sa patayin ako ng sakit ko."
Bumagsak ang mga balikat niya. "Sasayangin mo talaga ang buhay mo dahil lang sa kanya?"
"Bakit, kung sakaling magpagamot ako at mabuhay, kanino lang ba ako babagsak? Hindi ba sa'yo lang ulit? 'Di mas nasayang lang ang buhay ko. I'd rather die and be with my parents again than stay here with you."
Sumandal ako rito sa upuan at pinahid ulit ang mga luha ko sa pisngi. Hindi ko na naman mapigilan ang pag-iyak ko. "This is all your fault. Kung hindi mo kami pinaghiwalay ni Arkhe noon at hindi mo ako kinulong sa 'yo, hindi ako magkaka-ganito. You ruined my life, Morris."
"I'm sorry. Ilang beses ko bang kailangang humingi ng tawad sa 'yo?"
"Your sorry won't change anything."
"Isabela, ginagawa ko lahat para bumawi. Alam kong nasira ko ang buhay mo, pero handa akong gawin ang kahit na ano para lang maayos ulit 'yon. Kung kailangan nga na ako na mismo ang kumausap kay Arkhe para lang balikan ka na niya, I'll do it. Para lang maging masaya ka na ulit, para lang magpagamot ka na at gumaling ka na. Don't waste your life, please."
Hindi ko na siya sinagot. Tinanggal ko 'tong earphones sa tenga ko at binaba ang video call nang hindi nagpapa-alam.
Sumubsob ako sa desk pagkatapos at dito ako tumuloy sa pag-iyak. Hirap na hirap na 'ko, hindi ko na alam kung anong tamang gawin!
Totoo lahat ng pinag-usapan namin ni Morris. I'm sick — I have brain tumor.
Sabi sa 'kin ni Arkhe no'ng huling beses kaming nag-usap, hindi ko alam ang pinagdaanan niya no'ng nagkahiwalay kami. Pero hindi niya rin naman alam kung anong mga pinagdaanan ko. Halos mabaliw rin naman ako no'ng mawala siya sa 'kin, e. Dinagdagan pa 'yon ng pagiging bilanggo ko sa mga kamay ni Morris.
Kahit na hindi ako tumuloy sa pagpapakasal do'n, hindi pa rin ako naging malaya kasi mas pinaghigpitan ako nito. For four years, wala akong ibang inisip kung 'di papaano ako tuluyang makakawala sa taong 'yon at kung papa'no makakabalik kay Arkhe. I got so depressed and was losing hope.
But then several months ago, nagsunod-sunod ang matitinding pagsakit ng ulo ko. I was diagnosed with brain tumor. The doctor told me I need to undergo treatment. Takot na takot si Morris no'n, pati na si Amanda. Pero ako, iba ang naramdaman ko.
Sa lahat ng nagkaroon ng ganitong sakit, ako lang yata ang natuwa. Kasi naisip ko, magkakaroon na ako ng pagkakataon na makawala kay Morris. Pinilit niya akong umpisahan na agad ang treatment, pero hindi ako pumayag.
I threatened him. Sinabi kong hinding-hindi ako magpapagamot hangga't hindi niya ako pinapayagang umuwi rito sa Pilipinas at makipag-balikan kay Arkhe. Wala siyang nagawa. Pinalaya niya ako kahit na halatang labag sa loob niya.
I wiped my tears now at umalis na sa pagkakasubsob dito sa mesa.
My heart is aching too much! Ang sakit na kailangan ko pang magkaroon ng ganitong kondisyon para lang palayain niya 'ko at pabalikin sa lalaking mahal na mahal ko.
Ayokong masayang lahat ng pinagdaanan ko sa New York, kaya kahit na alam kong wala na akong pag-asa kay Arkhe ngayon, gusto ko pa ring tumuloy sa paglaban. I want to fight until I can no longer do so.
Mayamaya lang naman ay bumukas na ulit ang pinto nitong kwarto at bumalik na rito si Lukas.
Hindi ko siya pinansin. Sumubsob lang ulit ako sa desk para hindi niya makitang umiiyak na naman ako.
Naramdaman ko siyang lumapit sa 'kin. Hinaplos niya ang nakalugay kong buhok sabay inangat ako mula sa pagkakasubsob sa mesa. Nagulat pa ako nang bigla niya na lang akong buhatin.
Wala akong lakas para tumanggi. Hinayaan ko na lang siya na kargahin ako at dalhin ako pabalik sa kama para ihiga.
Tumayo siya sa gilid nitong kama pagkatapos. Nakatingin lang siya sa 'kin, wala siyang sinasabi.
Pinunasan ko ang mga pisngi ko. "T-tama naman 'tong ginagawa ko, 'di ba?"
Hindi siya sumagot.
"Lukas?"
"Mas tama kung magpapagamot ka na."
Napapikit ako nang madiin at muling umiyak. "Hindi mo rin ako naiintindihan. You're just like them."
"Naiintindihan kita. Alam ko kung anong pinagdaanan mo, nando'n ako."
"E 'di kampihan mo 'ko. Sabihin mo sa 'kin na tama 'tong ginagawa ko kasi 'yon ang gusto kong marinig." Tinakpan ko ng braso ko ang mga mata ko. "Sobra na 'kong nahihirapan, Lukas. Gusto ko lang namang magkabalikan kami ni Arkhe at maging masaya habang buhay."
"Pwede mo namang gawin 'yan habang nagpapagamot ka."
Umiling-iling ako. "No. Alam mong gusto ko munang masiguro na maayos kami. Pipiliin ko lang mabuhay kapag alam kong makakasama ko si Ark hanggang sa huli. Kung hindi, mas gugustuhin kong mawala na lang."
"That's so childish. Hindi mo naisip na may iba pang mga taong nagmamahal sa 'yo. Bakit kailangan mong idepende ang buhay mo sa kanya?"
Hindi na 'ko sumagot. I just kept on crying.
"Pero kung 'yan talaga ang desisyon mo," patuloy niya, "wala akong ibang gagawin kung 'di ang suportahan ka. Nandito lang ako."
'Yon na lang ang sinabi niya tapos naramdaman ko na siyang lumabas na ulit nitong kwarto.
Mas lalo akong napaiyak! I just shoved a pillow on my face to somehow stop myself from weeping. Bakit ba kasi ganito? Bakit ang hirap-hirap! I just want Arkhe back, that's all.
Ayoko namang ipaalam sa kanya ang tungkol sa kondisyon ko. Ayokong maawa siya sa 'kin. Mas gusto kong balikan niya 'ko dahil mahal niya pa rin ako, at hindi lang dahil may sakit ako.
Inalis ko na ang pagkakatakip ng unan sa mukha ko at muling nagpunas ng mga luha. I have to be strong. Kailangang may kahantungan lahat ng sakripisyo kong 'to.
Natigilan na lang ako ngayon nang biglang tumunog ang cellphone ko na nandito sa kama. It's an email notification.
I opened it.
| Hey, Isabela
It's Jewel. I know you're back here already, though I'm not sure if you still have access to your email. Pero sana meron pa. By the way, I just wanna invite you. May baby na 'ko ngayon at magse-second birthday na siya. I hope you can come to his party. Inimbitahan ko rin pala si Arkhe, ha? Sana magkita kayo. |
TO BE CONTINUED
Thanks for reading! Kindly share your thoughts or feedback via Facebook and Twitter. And please don't forget to include #EIW in all your posts/tweets.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top