Chapter 22
ARKHE
TUMULOY KAMI NI Koko sa pag-alis.
Mabuti na lang umayos ang pakiramdam niya. Nakumbinsi ko siya kanina na kalimutan na lang muna 'yong pagkikita nila ni Desa sa bahay. Gusto ko sanang maging masaya lang kami ngayon.
Natupad naman nga. Kanina pumasyal kami tas kumain sa restaurant. Masaya ako na kasama siya, parang nakakalimutan ko lahat ng mga iniisip ko. Ngayon gabi, nandito na kami sa isang maliit na bar sa Makati, malapit sa tinitirhan niya. Naisipan lang namin bigla na uminom. Ayaw pa rin kasi naming umuwi.
Hindi naman ito 'yong unang beses na nakainuman ko siya. Nagawa na namin 'to dati no'ng magkaka-ayos pa sila nila Desa at Baron. Madaling yayain 'tong si Koko pagdating sa mga ganito, e.
"Arkhe, baka napaparami na 'yang inom mo, ha," biglang sabi niya sa 'kin. "Magda-drive ka pa pauwi."
Napangiti ako. "Kaya ko, h'wag kang mag-alala." sabay tungga ko ulit rito sa bote ko ng alak. "Ikaw, yan lang talaga ang iinumin mo?" Tinuro ko 'yong binili niyang alcohol mix kanina. "Parang ang konti yata niyan."
Napakagat siya ng ibabang labi. "Bakit, naka-ilang bote ba ako no'ng huling beses tayong uminom?"
"Ewan ko, hindi ko na maalala."
"Konti lang ako ngayon. May pasok pa 'ko bukas, e. Ikaw ang swerte mo, wala kang trabaho mamaya sa Third Base."
"Wala nga. Didiretso na 'ko nag uwi pagka-hatid ko sa 'yo."
"Hmm...ihahatid mo pa ba talaga ako? Medyo malapit na ang bahay ko rito, kaya ko nang i-jeep."
"Sus. Sayang pa pamasahe mo. Ihahatid na kita, malapit ka lang naman. Tas patambay muna ako sa inyo saglit. Ayos lang ba?"
"Okay lang." Sumubo siya ng pulutan. "Wala naman na 'kong ibang kasama ro'n. Umalis na si Desa e. Kaso baka bigla ka na namang magkaro'n ng emergency mamaya, ah? Iwanan mo 'ko ulit."
Hindi na 'ko sumagot. Napangiti na lang ako tapos tumungga ulit ng alak.
Siya naman, biglang tumayo. "Teka, magsi-C.R lang ako." Dumiretso siya papasok ro'n sa loob ng bar. Nandito kasi kami nakapwesto sa labas.
Habang wala siya, nilabas ko muna ulit 'yong cellphone ko.
Wala pa ring text si Baron. Kanina tinawagan ko 'yon, kukumustahin ko lang sana si Desa kasi nga nagkita sila ni Koko sa bahay. Kaso hindi ako sinasagot, pinapatayan nga ako ng tawag. Tsk, baka mamaya nagka-tampuhan na naman 'yong dalawang 'yon.
Ibubulsa ko na sana ulit 'tong cellphone ko, kaso bigla namang nag-ring. Tiningnan ko agad kung sinong tumatawag — number lang.
Napabuntong hininga ako. Parang kilala ko na 'to.
Dapat hindi ko sasagutin, pero nagtu-tuloy tuloy sa pagtawag, kaya pinagbigyan ko na. Bumuntong hininga ulit ako bago nagsalita. "Hello."
Wala namang sumagot sa kabilang linya.
Sinilip ko tuloy agad 'tong screen ng phone kung nasagot ko ba talaga 'yong tawag. Nasagot ko naman. Tinapat ko ulit sa tenga ko. "Hello?"
"A-Ark. . ."
Boses ni Isabela. Parang umiiyak.
Napayuko ako sabay hinga na naman nang malalim. "Bakit?"
Hindi naman ulit siya sumagot. Umiiyak lang siya nang mahina sa kabilang linya. Ewan ko kung hindi niya ba alam na naririnig ko siyang umiiyak, o pinaririnig niya lang talaga.
"Ba't ka tumawag?" tanong ko. "May sasabihan ka ba?"
Hindi pa rin sumagot. Tuloy-tuloy lang siya sa pag-iyak.
Hindi na lang din ulit ako nagsalita. Pinakikinggan ko na lang siya habang umiiyak siya sa telepono. Wala naman siyang sinasabi, basta umiiyak lang siya.
Ang tagal naming ganito, hanggang sa napansin ko na si Koko na bumalik na rito sa labas. Do'n ko lang binaba 'tong tawag nang hindi nagpapaalam kay Isabela.
"O, 'yan na ulit 'yong emergency mo?" tanong agad ni Koko habang inaayos 'yong maiksi niyang buhok.
Umiling ako. Binulsa ko 'tong cellphone pagkatapos, sabay tungga ulit sa bote ko ng alak.
"Okay ka lang?" sumunod niyang tanong sabay upo na sa tapat. "Parang nag-iba ang mood mo."
"Ayos lang ako. H'wag mo na palang iisipin na parati akong may emergency kapag may tumatawag sa 'kin. Hindi na mauulit 'yong nangyari sa bahay mo. Hindi na ulit kita iiwan nang basta-basta."
Napangiti siya. "Okay. Uy, nagjo-joke lang ako sa sinabi ko kanina bago ako nag-C.R, ha? Okay lang kung meron ka talagang emergency at kailangan mo 'kong iwan. Walang problema sa 'kin 'yon."
"Basta hindi na ulit 'yon mangyayari." Sinuklay ko pataas 'tong buhok ko. "Ewan ko nga kung ba't kita biglang iniwan no'n. Wala namang kwenta 'yong pinuntahan kong emergency. Nagsayang lang ako ng oras."
Sumubo siya ng pulutan tsaka sumagot. "Bakit, ano ba kasi talagang nangyari no'n? Bakit bigla kang umalis?"
"Wala. May nang-trip lang sa 'kin."
"Sino? 'Yong Isabela?"
Kunot-noo akong napatingin sa kanya.
Umiwas lang naman siya tapos kumain ulit. "Sorry, narinig ko kasi na binanggit mo 'yon habang may kausap ka sa bahay last time."
Hindi ko na siya sinagot. Kinuha ko na lang 'tong kaha ko ng yosi sa mesa. Nag-sindi ako ng isang stick.
Ilang saglit lang naman, kinalabit niya 'ko. "Uy, natahimik ka na diyan. Kanina madaldal ka pa, ah. Bakit, sino ba 'yon si Isabela? Ex mo?"
Napangisi ako. "Bakit mo alam."
Natigilan siya. "T-totoo? Ex mo talaga?"
Tumango ako.
"S-sorry. Hindi ko alam, nanghula lang ako."
"Ayos lang." Humithit ako sa yosi ko sabay buga ng usok.
Hindi naman na ulit siya nagtanong.
Ang tagal nga bago siya nagsalita ulit. "So, pinuntahan mo 'yong ex mo that night kaya ka biglang umalis sa bahay namin?"
Tumango ulit ako.
"Gets," sabi niya. "Na-gets ko na." Tumuloy siya sa pagkain ng pulutan. Ang tagal na naman bago siya nagtanong ulit. "Madalas ba kayong nagkikita?"
"Hindi. Kababalik nga lang no'n dito sa Pilipinas. Umalis siya. Apat na taon na yata simula no'ng nagkahiwalay kami."
"Hmm, gano'n ba. Uy grabe, ang seryoso mo na talaga ngayon. Dapat pala hindi ko na lang siya binanggit. Sorry."
Napangiti na 'ko. "Ayos lang. Siya rin kasi 'yong tumawag kanina no'ng nag-C.R ka, kaya naalala ko lang din siya ulit."
"Ah, okay, okay." Tumango-tango siya. "Kaya siguro biglang nag-iba 'yang mood mo."
"Nag-iba ba talaga? Sorry." Humithit ulit ako sa yosi ko. "Bigla lang talaga akong nawawala sa sarili pagdating sa kanya."
Natahimik siya. Pansin ko lang na nakatitig na siya nang matagal sa 'kin. Parang gusto niya uling magtanong pero hindi na siya makabwelo. Nagsalin na lang ulit siya ng alak sa baso niya tas uminom.
Ako, hindi na rin nagsalita. Aminado rin talaga akong nag-iba ang mood ko ngayon dahil sa biglang pagtawag ni Isabela. Tsk, ba't ba kasi umiiyak na naman 'yon.
Mayamaya lang, nagtanong na ulit 'tong si Koko. "Curious ako. Bakit kayo naghiwalay? Kwento ka. Ako naman ang makikinig nang hindi magja-judge."
Tipid lang akong napangiti.
Ayoko pa rin sana talaga 'tong pag-usapan, pero dala ng tama ng alak pati na ng biglaang pagkalungkot ko, naisip kong ikwento na lang. Ayos na rin siguro 'to, para may mapaglabasan ako. Baka sakaling mapagaan niya ang pakiramdam ko kahit kaunti.
"Ganito na lang muna," sabi niya. "Paano na lang kayo nagkakilala?"
Tinapos ko muna 'tong pagyo-yosi ko bago ko siya sinagot. "Nakita ko siya sa club na pinagtatrabahuan ko dati. Akala ko wala siyang kasama kaya nilapitan ko tas nakipag-kilala ako. Maganda siya. Kahit sinong lalaki, hindi mapipigilan na hindi siya lapitan. Tas no'ng mas kinilala ko pa siya, nalaman ko na artist siya. Magaling siyang mag-paint."
"Magaling mag-paint?" Biglang kumunot ang noo niya tas parang napaisip nang malalim.
"Bakit?" tanong ko.
"Wala. May naalala lang ako."
"Ano?"
Nahihiya siyang nagbalik ng tingin sa 'kin. "H'wag kang magagalit, ah? Ini-stalk kasi kita dati e. Nakita ko 'yong isang lumang folder sa social media account mo. Puro pictures mo 'yon na may kasamang isang babae at puro solo shots din ng babaeng 'yon na nagpi-paint. 'Yon ba si Isabela?"
Hindi agad ako nakasagot. Nakatitig lang ako sa kanya.
Ang tagal na no'ng folder na 'yon, nawala na nga sa isip ko. Nakita niya pala.
Inabot ko na lang 'tong susunod kong bote ng alak tas uminom. "Oo, siya 'yon."
"Hmm...maganda nga siya. No wonder na nagustuhan mo. Pa'no naging kayo?"
Nagpakawala ako ng buntong hininga. "Sobrang komplikado no'n. Akala ko madali ko siyang makukuha kagaya ng ibang mga naging babae ko, kaso may sagabal. Inamin niya sa 'kin na naka-arranged marriage pala siya."
"Arranged marriage? Mayaman?"
"Sobrang yaman — parating may nakabuntot na mga bodyguards. Pero binalewala ko 'yon. Wala akong pakialam kung langit at lupa kami tsaka kung ikakasal na siya sa isa ring mayaman, tinuloy ko pa rin 'yong nararamdaman ko. Tinanggap ko 'yong sitwasyon kahit na may choice naman ako na maghanap na lang ng ibang babae. . .
. . . Hindi nagtagal, pumayag din naman siya. Ilang buwan din naging kami nang palihim. Sobrang saya ko no'ng mga panahong 'yon. Alam mo 'yong tipong, bigla akong nagkaroon ng direksyon sa buhay?"
Tumango-tango lang siya habang nakikinig.
"Kaso biglang isang araw..." tuloy ko. "Nakipag-hiwalay na lang siya sa 'kin kasi itutuloy niya raw 'yong pagpapakasal niya. Na-realize niya raw na 'yong lalaking 'yon talaga ang gusto niya, hindi ako. Ang sakit lang ng mga sinabi niya sa 'kin no'n no'ng nakipaghiwalay siya. Ayaw niya raw sa 'kin kasi wala akong pera. Wala akong pangarap at hindi ko maibibigay 'yong buhay na nakasanayan niya. Pati nga 'yong mga dati kong naging babae, pinahanap niya. Pinamukha niya sa 'kin kung gaano ako ka-babaero."
Napayuko ako. "Natapakan ako, nakakapang-liit. Kaya sobrang nagalit talaga ako sa kanya. Ilang taon kong dinala 'yong sama ng loob ko. Tapos nito nga lang, bigla siyang bumalik."
Uminom muna ulit ako ng alak sabay tiningnan siya. "No'ng gabing bigla akong umalis sa bahay mo kasi sabi ko may emergency, pinuntahan ko siya no'n tapos nag-usap kami. Hindi pala natuloy ang pagpapakasal niya. Inamin niya na napilitan lang siyang makipag-hiwalay sa 'kin dati at hindi totoo lahat ng mga masasakit na sinabi niya sa 'kin. Nalaman daw kasi no'ng mapapangasawa niya 'yong lihim naming relasyon tapos gusto raw akong ipapapatay nung lalaki. Kaya gumawa siya ng paraan. Hiniwalayan niya na lang ako para raw hindi ako mapahamak."
Wala siyang nasabi sa kwento ko.
Halatang pati siya, hindi rin makapaniwala sa nangyari. Nakatulala na nga lang siya ngayon.
"A-anong sabi mo sa kanya?" Bigla niya na lang tanong mayamaya. "Anong reaksyon mo pagkatapos mo siyang marinig na magpaliwanag?"
"Wala. Hindi ko magawang paniwalaan lahat ng sinabi niya."
"Ha? Bakit?"
Binalik ko ang tingin ko sa kanya. "Ba't ikaw ba, naniniwala ka ba na ipa-papatay talaga ako nung mapapangasawa niya kaya siya nakipag-hiwalay sa 'kin? Mukha bang makatotohanan 'yong gano'ng kwento?"
"Malay mo naman. Sabi mo, sobrang yaman nila. Malay mo normal lang talaga sa mundo nila 'yung nagpapa-patay."
Napabuntong-hininga ako sabay sandal ng ulo ko rito sa pader. "Ewan ko. Ang dating kasi sa 'kin, nakipag-hiwalay lang talaga siya kasi hindi ako mayaman. Na walang-wala ako ro'n sa mapapangasawa niya. Tinamaan ako sa mga sinabi niya no'n kasi alam kong totoo e. Wala naman talaga akong ibubuga."
"Pero inamin niya naman sa 'yo na hindi talaga totoo 'yong mga sinabi niya dati?"
"Oo, hindi raw totoo. Napilitan lang siyang sabihin 'yung mga 'yon para raw magalit ako sa kanya at hayaan ko na lang na maghiwalay kami. Tas alam mo kung anong nakakatawa ngayon?" Tiningnan ko ulit siya. "Bumalik siya rito sa Pilipinas kasi gusto niya ulit maging kami. T*ngina, anong tingin niya sa 'kin? Akala niya yata hindi ako nasaktan."
Bumuntong hininga rin siya. "Tingin ko alam niya naman 'yon. Alam niyang nasaktan ka. Nagbabaka-sakali lang siya na baka pwede pa ulit kayo."
Binalik ko ang pagkakasandal ng ulo ko rito sa pader. Pumikit ako. "Tapos kanina nga, tumawag na naman siya. Hindi ko naisip na magpaparamdan pa rin siya kahit na nakapag-usap na kami."
"Anong sabi niya sa 'yo kanina?"
"Wala. Hindi nagsasalita. Umiiyak lang sa telepono."
Napasandal na rin siya sa inuupuan niya. "Nasasaktan din siguro 'yon. I'm sure mahal ka pa niya. Ang swerte mo nga, binabalikan ka."
"Tss." Napangisi ako. "Hindi naman na kasi kailangang balikan."
"Ayaw mo na ba? Malalim pa rin ang sama ng loob mo?"
"Kinalimutan ko na kasi talaga siya. Ang tagal na no'n. Masaya na nga sana ulit ako." Inabot ko 'yong bote ko ng beer at tumungga ulit. "Bumalik lang kasi siya kaya nababaliw na naman ako ngayon."
"Baka dahil may feelings ka pa rin sa kanya."
"Wala na."
"Hmm, sa tingin ko, meron pa. Kasi affected ka pa rin ngayon e. Sabi mo, nababaliw ka na naman. Kung wala na talaga 'yan, dapat wala ka ng pakialam. Siguro ayaw mo lang aminin, pero deep inside, gusto mo ring paniwalaan 'yong reasons niya. Gusto mong isipin na, pa'no nga kaya kung totoo? Paano kung hindi niya naman talaga gustong makipaghiwalay sa 'yo dati, pero wala siyang choice kasi mas gusto ka niyang iligtas. Posible naman kasi talaga 'yon, 'di ba? H'wag mong isara 'yang isip mo."
"Totoo man 'yon o hindi, nasaktan pa rin ako. 'Yun 'yong hindi ko na maaalis sa 'kin. Masyado akong nasaktan para makipag-balikan pa sa kanya. Tsaka t*ngina ayoko na rin talaga. 'Pag tapos na, tapos na. Ewan ko kung bakit hindi niya naisip 'yon. Bakit babalik pa siya sa 'kin kung pwede naman na rin siyang maghanap ng iba."
"E kasi nga, mahal ka pa rin niya. Ikaw ang gusto niya e. Kaya babalik at babalik siya sa 'yo."
"Ba't ngayon lang? Ang tagal ng apat na taon, tas ngayon lang siya magpapaliwanag?"
"'Yan ang hindi natin masasagot. Dapat tinanong mo kung anong reason niya bakit ngayon lang siya bumalik."
"Hindi ko na naisip magtanong ng kung anu-ano sa kanya. Hindi naman na kasi ako interisado."
Tumitig siya sa 'kin.
Ang tagal bago siya nakapagtanong ulit. "Anong plano mo ngayon?"
"Wala. Tuloy lang sa buhay."
"Hindi mo man lang siya bibigyan ng second chance?"
Hindi ako sumagot.
"Uy?" tawag niya. "Ayaw mo na talaga?"
Bumuntong hininga ako. "Kung sakaling pumayag ako na maging kami ulit, magiging unfair lang. Kasi hindi ko na maibibigay ang buong ako sa kanya. Hindi ko na kaya. May takot na 'ko, e. Magkakasakitan lang ulit kami, kaya tama na 'yung ganito na lang."
"Hmm..." Tumango-tango siya. "...Naiintidihan kita. Mukhang sobra ka nga talagang nasaktan, kasi takot ka na uling mahalin siya nang buo."
"Sobra talaga 'kong nasaktan. Iniyakan ko kaya ng ilang buwan 'yon. Akala ko nga mababaliw ako dati, muntik na 'kong magpa-doktor."
"T-totoo? Na-depress ka?"
Tumango ako, natatawa pa kunyari. "Buti na lang nakabangon ako. Pero ang hirap. Ang tindi rin ng pinagdaanan ko bago ako nakabalik sa dati. Gano'n pala talaga 'yon, 'no? Kung sino 'yung pinaka-minahal mo, do'n ka rin pinaka-masasaktan."
"Oo naman. Gano'n talaga 'yon."
Yumuko ako. "Mahal na mahal ko kasi 'yon dati. Siya lang 'yung nag-iisang babae na sineryoso ko, wala na akong sineryosong iba pagkatapos niya. Isipin mo, tinanggap ko 'yong relasyon namin dati kahit na sobrang komplikado. No'ng sinabi niya pa sa 'kin na hindi na talaga kami pwedeng magkita kasi napa-aga 'yung kasal niya at kulang-kulang tatlong buwan na lang siyang magiging malaya, tinanggap ko 'yon. Inintindi ko at sinabi ko sa kanyang kahit ibigay niya na lang sa 'kin 'yong tatlong buwan na 'yon. Gusto ko lang talaga siyang makasama pa. Masyado kong pinaglaban 'yong nararamdaman ko para sa kanya kahit na walang kasiguraduhan na magiging kami talaga hanggang sa dulo. Alam mo, pinagawan ko pa ng art exhibit dati 'yon."
"Oh?"
"Oo. Hindi sa niyayabang ko, ang sinasabi ko lang, kaya kong gawin lahat para lang mapasaya siya — kahit na hindi ako mayaman."
Napabuntong hininga ulit ako sabay tingala na sa langit. "Iba talaga 'yung tama ko ro'n kay Isabela. Saglit pa lang nagiging kami no'n pero naramdaman ko na agad na siya 'yong babaeng gusto kong makasama sa buhay. Bigla akong nagkaroon ng plano kahit na hindi naman talaga ako mahilig magplano dati. Wala akong direksyon no'n e. Tama na sa 'kin na may trabaho ako, na may tinitirhan ako. Pero no'ng naging kami, nag-iba lahat . . .
. . . Ang laki ng naging pangarap ko para sa 'ming dalawa. Sabi ko pa no'n sa sarili ko, mag-iipon na 'ko, tapos magpapatayo ako ng malaking bahay para sa 'min. Tapos pakakasalan ko siya, tas magkakaro'n kami ng maraming anak." Bumuntong hininga na naman ako. "Handang-handa akong baguhin ang sarili ko para sa kanya. Kaso, wala e. Sa isang iglap, nawala lahat."
Hindi na naman siya nagsalita pagkatapos. Nakatitig na lang siya sa baso niya. Para siyang nawala sa sarili.
Napangiti na 'ko. "Ayos ka lang? Hindi ka na nakaimik diyan."
Napangiti rin siya. "Oo nga e. Dalang-dala ako sa kwento mo." Tsaka lang siya nakainom ulit sa alak niya. "Sobrang lungkot, pakiramdam ko, sa akin nangyari. Bakit hindi mo nabanggit sa 'kin 'yang tungkol diyan dati no'ng sobrang okay pa tayo?"
"Hindi ko talaga kinikwento. Kahit nga si Baron, hindi alam 'tong buong nangyari. Umiiwas ako kapag nagtatanong 'yon kung anong nangyari sa 'min ni Isabela. Kinalimutan ko na kasi. Sa 'yo ko na nga lang ulit naikwento nang buo."
"Talaga? Thank you. Sobrang na-appreciate ko na shinare mo sa 'kin."
Ngumiti lang ulit ako.
"Grabe. Hindi ko alam na may pinagdaanan ka palang ganyan," sabi niya pa.
"Bakit? Kasi parang masaya naman ako?"
"Oo. 'Yun yong tingin ko sa 'yo e. Masayahin, palabiro, 'yung chill-chill lang. Kapag nakakasama kita, parang wala kang kaproble-problema. No'ng nag-Enchanted Kingdom nga tayo, sobrang kulit mo no'n, e."
Natawa ako. "Ayos na kasi talaga ako. Ang tagal ko nang naayos ang sarili ko. Handa na nga ulit akong maneryoso ng ibang babae ngayon."
Natahimik na siya ulit.
Ako, hindi na rin ako nagsalita.
Ang tagal naming walang imik. Siguro hindi niya rin talaga inaasahan na ganito ang kwento ko kaya wala na siyang masyadong masabi.
Nagtuloy-tuloy na lang kami sa pag-inom pati sa pag-ubos nitong pulutan. Bigla akong nanghina sa kinwento ko. Masakit pa rin pala talaga kapag inaalala ko lahat.
Tiningnan ko si Koko mayamaya. "Parang napaparami na 'tong inom ko."
"N-nalalasing ka na?"
"Medyo tinatamaan na. Ikaw ba?"
"Hindi pa. Konti lang naman ang iniinom ko, e. Pero ikaw, halata na sa 'yo na tinatamaan ka na. Kanina ka pa kasi walang tigil sa pag-inom diyan. Tara na kaya, uwi na tayo?"
"Ayos lang ba?"
"Oo naman. Gabi na rin. May pasok pa 'ko bukas." Inayos na niya 'yong gamit niya. "Tsaka 'yong aso ko, hindi ko pa ulit napapakain. Magtatampo na sa 'kin 'yon."
"Sige, hatid na kita sa inyo." Tumayo na 'ko at nilabas ang susi ko ng kotse.
Nagbayad lang kami ng mga ininom namin tapos umalis na rin dito sa bar.
***
BANDANG ALAS-DIYES NA ng gabi nang maihatid ko si Koko sa kanila.
Tinatamaan na talaga ako ng kalasingan pati inaantok na rin ako. Ewan ko ba, parang bigla na talagang bumalik 'tong sama ng pakiramdam ko ngayon.
Bumaba ako ng sasakyan para ihatid 'tong si Koko papasok sa bahay.
"Kaya mo pa bang mag-drive pauwi?" tanong niya sa 'kin ngayong nandito kami sa sala.
"Oo naman. Naihatid pa nga kita dito nang maayos."
"E malapit lang naman 'to. 'Yong uuwian mo, malayo pa. Kung gusto mo, pwede ka munang magpahinga dito saglit. Maya-maya ka na umuwi kapag kaya mo na talaga."
"Kaya ko."
"Sure?"
"Oo nga." Natawa na 'ko. "H'wag kang masyadong mag-alala sa 'kin."
Ngumiti siya. "Okay. Thank you pala sa araw na 'to, nag-enjoy ako. At thank you rin ulit kasi shinare mo sa 'kin 'yong kwento niyo ni Isabela."
Ngumiti lang din ako. "Kita ulit tayo sa susunod?"
"Hmm, sige, kapag wala akong gagawin. O sige na, malayo ka pa e. Gagabihin ka na masyado ng dating sa inyo."
"Sige."
"Ingat ka sa pagda-drive."
"Ok."
Alam kong dapat lumalabas na 'ko ng pinto ngayon, pero nandito pa rin ako sa tapat niya. Nakatingin pa rin ako sa kanya.
Natawa tuloy siya sa 'kin. "Ano ba, parang ayaw mo pa namang umuwi."
"Ayoko pa nga."
"Bakit? Hindi mo na kayang mag-drive, 'no?"
"Kaya ko pa." Bigla ko siyang hinawakan sa kamay at tinitigan nang seryoso sa mga mata. "Koko."
Natigilan siya. "Hmm?"
"'Yong sinabi ko kanina na handa na ulit akong maneryoso ng ibang babae . . . Ikaw sana 'yung gusto kong seryosohin."
Ang bilis niyang iniwas ang tingin niya. "Lasing ka na yata talaga. Hindi mo na alam ang sinasabi mo e."
"Alam ko." Diniinan ko 'tong kapit sa kamay niya. "Baka pwede nating subukan?"
Hindi siya sumagot. Hindi na rin siya tumitingin sa 'kin.
"Nikola?"
Hindi pa rin siya sumagot.
Hinarap ko na ang mukha niya sa 'kin. Tinitigan ko ulit siya nang matagal sa mga mata bago ko binaba ang tingin ko sa labi niya. Hindi ko napigilan ang sarili ko, bigla ko na lang siyang hinalikan.
Kaso hinarangan niya agad ako sa dibdib at umiwas siya. "Arkhe, l-lasing ka."
"Alam ko kung anong ginagawa ko." Hinawakan ko na siya sa magkabilang pisngi at hinalikan ulit siya sa labi.
TO BE CONTINUED
Thanks for reading! Kindly share your thoughts or feedback via Facebook and Twitter. And please don't forget to include #EIW in all your posts/tweets.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top