Chapter 19

ARKHE

INITSA KO 'TONG cellphone ko rito sa sopa. Hindi na naman nagre-reply sa 'kin si Koko. Tinatanong ko kung nasa coffee shop ba siya kasi susunduin ko sana siya pagkatapos niya sa trabaho, kaso ayaw namang sumagot. Baka busy pa 'yon.

Humithit na lang ulit ako ng yosi ko sabay hilot sa noo ko. Tsk, sobrang gulo ng isip ko ngayon. Ewan ko kung tama ba 'tong mga pinaggagawa ko.

No'ng nakaraang linggo, pinuntahan ko na si Nikola. Hindi ako natuloy sa kanya no'ng gabing nagkaharap kami nila Baron and Desa sa Third Base kasi nawalan ako ng gana dahil sa text ni Jewel. Kaya umuwi na lang ako no'n. Noong nakaraang linggo ko lang talaga siya napuntahan. Wala nga dapat sa plano ko 'yon. Kung pupuntahan ko man si Koko, 'yon e para lang linawin kung bakit niya ginawa 'yon sa 'min nila Desa. Kaso iba 'yung nangyari no'ng nagkausap na kami.

Umakto ako na parang wala lang, na parang hindi niya 'ko nasaktan. Hinalikan ko pa siya. T*ngina hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko no'ng gabing 'yon. Ang init lang kasi talaga ng ulo kasi biglang nagpakita sa 'kin si Isabela.

Gusto kong patunayan sa sarili ko na hinding-hindi ako bibigay sa kanya at wala na akong pakialam kung nandito na ulit siya sa Pilipinas.

Hindi sa plano kong gamitin si Koko. Sa totoo lang, gusto ko ngang subukang intindihan kung anong rason niya bakit siya nanakit at tingnan kung pwede pa kami — kahit na aminado akong hindi na katulad ng dati 'yong nararamdaman ko para sa kanya. Nabawasan na kasi nadismaya talaga ako sa ginawa niyang kasalanan. Masama ang loob ko sa kanya, pero parang nakalimutan ko 'yon no'ng makita ko ulit si Isabela. Mas nangibabaw 'yung galit ko sa babaeng 'yon.

Buti na nga lang hindi pa ulit 'yon nagpapakita sa 'kin pagkatapos niya akong puntahan sa Third Base. T*ngina ayoko na talaga siyang makita, napipikon lang ako. Ayoko ring pakinggan kung ano mang mga ipapaliwanag niya. Matagal ko na siyang kinalimutan at wala na 'kong balak alalahanin lahat ng mga nangyari sa 'min.

Tinapos ko na 'tong pagyo-yosi ko. Tumayo ako galing dito sa sopa tas dumiretso sa banyo para maligo saglit.

Pupuntahan ko na lang si Koko ngayon kahit wala pa siyang reply sa 'kin. Hindi ko bibitiwan 'yung babaeng 'yon. Kailangan ko siya.

***

PAGKATAPOS MAG-AYOS, TUMULOY na agad ako ng alis.

Sakto namang may nagtext sa 'kin no'ng nag-umpisa na 'kong mag maneho. Akala ko si Nikola na, si Jewel lang pala — tinatanong kung nagkita na raw kami ni Isabela. Hindi ko ulit ni-replyan.

Wala talaga akong planong sagutin 'tong si Jewel lalo na 'pag tungkol do'n sa kaibigan niya. Alam niya naman na dapat 'yon e. Nakausap ko siya dati, sinabi ko 'yong nangyari sa 'min ni Isabela. Alam niyang ayoko na uling makita 'yung babaeng 'yon kaya hindi ko talaga maintindihan kung bakit binalitaan niya pa ako na nakabalik na 'yon dito.

Sinilip ko na lang saglit 'tong inbox ko sa cellphone habang traffic pa. Pati si Baron, wala pa rin palang reply sa 'kin. Tinext ko kasi kanina 'yon. Sabi ko lang, inom kami. Hindi pa ako sinasagot.

Iniisip ko kung nagka-ayos na ba sila ni Desa. Hindi ko pa kasi nakakausap 'yon simula no'ng nangyaring gulo. Nagpalamig muna ako ng ulo tsaka ang dami nga rin kasing nangyari. Alam kong may mali rin ako. Dapat inalam ko muna ang totoong nangyari sa kanila ni Nikola, kaso hindi, t*ngina napikon din agad ako. Kilalang-kilala ko kasi 'yong si Baron pagdating sa babae — papatusin talaga no'n lahat. Ang nawala sa isip ko, matagal na nga pala siyang hindi gano'n. Napatino na 'yon ni Desa at alam kong tapat 'yon kay Desa.

Kakausapin ko na lang 'yon si Medel 'pag nag-reply na sa 'kin. Hindi pa rin pala nila alam na nakikipag-kita pa rin ako kay Koko. Malamang sasama ang loob ng mga 'yon sa 'kin, lalo na si Desa. Pero bahala na.

MEDYO NA-TRAFFIC AKO sa byahe, pero sakto lang naman ang dating ko sa pinagta-trabahuang coffee shop ni Koko rito sa Makati. Malamang pauwi na siya ngayon.

Hindi na 'ko pumasok sa loob ng shop. Nag-text na lang ulit ako sa kanya tapos naghintay na lang ako dito sa labas ng kotse.

Ilang saglit lang, nakita ko na siyang papalabas. Ang tamlay na naman nga ng itsura niya, pero maganda pa rin siya. Nacu-cute-an ako 'pag nakasuot siya niyang uniform.

Kaso parang hindi niya pa nabasa 'yung text ko kasi nagulat siya na nandito ako sa tapat ng coffee shop. Napatigil siya sa paglalakad tas napatitig na sa 'kin.

Ngumisi na lang ako sabay lumapit. "Hindi mo nabasa mga text ko? Sabi ko pupuntahan kita."

Umiwas siya ng tingin. "Sorry, hindi pa ulit ako nakakapag-check ng phone. Bawal kasi." Ang lungkot ng boses niya.

"Ayos lang. Pauwi ka na? Hatid na kita."

"Uhm, 'wag na. Mas gusto ko sanang mag-commute."

"Tara na." Hinawakan ko na siya sa siko at inalalayan agad pasakay sa kotse.

Hindi naman na siya tumanggi. Pero halatang hindi siya kumportable na kasama ako. Sa bagay, ngayon na lang ulit kasi kami nagkita pagkatapos no'ng gabing hinalikan ko siya.

"Ayos ka na?" tanong ko bago buhayin 'tong makina ng kotse.

Hindi siya sumagot. Nakayuko lang siya, 'yung blonde niyang buhok, tumatakip sa gilid ng mukha niya.

"Koko?"

Bumuntong-hininga siya. "Bakit mo ba 'to ginagawa?"

"Ha?"

Tumingin na siya sa 'kin. Ang lungkot din ng mga mata niya. "Bakit mo 'to ginagawa? Bakit pinupuntahan mo pa rin ako at nakikipag-kita ka pa rin sa 'kin?"

Napangisi ako. "Anong klaseng tanong 'yan. Pinupuntahan kita kasi gusto kitang makita."

"Hindi ako naniniwala na totoo 'to e. Alam kong galit ka rin sa 'kin dahil sa ginawa ko sa inyo nila Desa at Baron." Yumuko ulit siya. "Ewan ko kung may balak ka bang gantihan ako o ano. Hinalikan mo pa 'ko. Hindi ko talaga maintindihan."

"Ayaw mo ba na ginagawa ko 'to sa 'yo?"

Hindi na naman siya sumagot.

Bumuntong-hininga rin ako. "Tinatanong kita. Kasi kung ayaw mo, e 'di titigil ako."

"Arkhe, nahihiya kasi ako sa 'yo. Wala na nga akong mukhang maiharap. Nababasa ko lahat ng mga texts mo sa 'kin nitong mga nakaraang araw pero sinadya kong hindi replyan. Hindi ko kasi alam kung ano talagang tumatakbo sa isip mo, ba't ginagawa mo 'to."

Ako naman 'tong hindi na sumagot. Tinuloy ko na lang 'tong pagbuhay sa makina ng kotse tapos nagmaneho na.

"Didiretso ka na ba talaga ng uwi?" pag-iba ko sa usapan mayamaya. "Pwede bang magmiryenda muna tayo? Nagugutom ako e. Wala akong kasama."

Hindi siya nagsalita, kaya sinilip ko. "Uy."

Tsaka lang siya huminga nang malalim tapos tumango.

"Sa'n mo trip kumain?" tanong ko.

"Ikaw na lang ang bahala."

"Ok." Tumuloy ako ng pagmamaneho papunta sa malapit na quick-service na Mexican restaurant.

***

PUNO NG IBANG mga customers dito sa loob ng restaurant kaya sa labas na kami pumwesto. Ayos lang naman kasi malamig ang panahon ngayon.

Hinanda ko na sa mesa 'tong mga inorder kong Burrito at Quesadilla para sa 'min pero wala pa rin masyadong imik 'tong si Koko. Natu-tulala pa rin. Hanggang sa malapit na kaming matapos sa pagkain, hindi pa rin siya gaanong nagsasalita.

"Kanina ka pa talaga tahimik," sabi ko na. "Ano bang gagawin ko para maging makulit at madaldal ka na ulit?"

Bumuntong-hininga siya habang inuubos 'yong fries. "Ewan ko, parang hindi ko na ulit kayang maging gano'n. Sobrang guilty pa rin ako sa ginawa ko. Hindi ko makalimutan."

Sumandal ako rito sa upuan at uminom ulit ng Iced Tea, tapos tinitigan ko siya. "Bakit mo ba kasi ginawa 'yon?"

Umiling-iling siya.

"Ano nga? Kalimutan mo muna 'yung hiya mo sa 'kin. Makikinig ako sa 'yo."

Napansin kong bigla na lang siyang naluha. Kinuha niya agad 'yong tissue dito sa mesa para punusan 'yung gilid ng mga mata niya.

"Oy 'wag kang umiyak," sabi ko. "Baka may makakita sa 'tin dito sa labas, sabihin pa, pinaiiyak kita."

Hindi naman siya natawa sa biro ko. Tuloy pa rin siya sa pagpupunas ng tissue. Akala ko pa magki-kwento na siya pagkatapos no'n, pero hindi pa rin.

"Sabihin mo na," ulit ko. "Hihintayin kitang magsalita. Bakit mo hinalikan si Baron kahit na alam mong girlfriend niya 'yong kaibigan mo?"

Natuloy na siya sa iyak niya. Nagpunas na lang agad ulit siya ng tissue para siguro hindi siya mapansin ng ibang mga tao dito. "N-naiinggit kasi ako kay Desa."

"Naiinggit ka?"

Tumango siya. "Sa tuwing nagki-kwento siya tungkol sa kanila ni Baron, naiisip ko na sana ako rin. Sana nararanasan ko rin 'yon. Ang swerte-swerte niya."

"'Yun lang?"

Pumikit siya sabay tumango ulit. "Alam ko, sobrang babaw at hindi 'yon sapat para manira ako ng relasyon ng iba. Pero wala e, nilamon talaga ako ng inggit at lungkot ko."

Hindi na 'ko nakapagsalita. Parang ako naman 'tong natulala ngayon. Akala ko may malalim siyang dahilan kung bakit sinaktan niya si Desa pero 'yung naiinggit lang? Parang ang hirap yatang tanggapin.

"Sorry," sabi niya naman habang nagpupunas na ulit ng tissue sa gilid ng mga mata. "Sobrang nakakahiya sa 'yo. Iba na siguro ang tingin mo sa 'kin ngayon, pero okay lang. Kasi maling-mali talaga ako."

Bumuntong hininga ako. "Ano ba talagang nangyari sa tattoo shop ni Baron. Hinalikan ka ba talaga niya pabalik?"

Umiling siya. "Walang gano'n. Ako lang ang humalik sa kanya, hindi siya pumatol."

"Bakit iba 'yung kinwento mo kay Desa?"

Naluha na naman siya. Nagpunas ulit siya ng tissue. "Wala talaga ako sa sarili ko that time. Ang naiisip ko lang, nagkaroon na rin naman ako ng kasalanan, itutuloy-tuloy ko na. Gusto ko lang talaga silang mapaghiwalay para makuha ko si Baron. Pero na-guilty rin naman agad ako e. Maniwala ka sa 'kin, pinagsisihan ko talaga lahat."

T*ngina, hindi ko alam kung matatawa ako o ano. "Hindi mo mapaghihiwalay 'yung dalawang 'yon. Matindi ang pinagdaanan nila, lalo na ni Baron, para lang magkabilan ulit sila."

"'Yun nga e, ewan ko ba kung bakit pinilit ko pa rin. Desperada na yata ako." Tumingala siya para subukang pigilin 'yung pagluha niya. "No'ng gabing pinuntahan mo ako sa bahay at hinalikan, nagkausap din kami ni Desa no'n. Kinuha niya na kasi 'yung mga naiwan niyang gamit sa 'min, kay Baron na raw siya titira. Ang sakit ng mga sinabi niya sa 'kin no'n pero tinanggap ko kasi alam kong deserve ko lahat 'yon. Nag-sorry naman ako sa kanya e, kahit na alam kong hindi niya na 'ko mapapatawad at hindi ko na maibabalik 'yung friendship namin. Galit na galit siya sa 'kin. Nasaktan ko raw kayong lahat."

Bumuntong hininga ulit ako. "Bakit ba kasi sa dinami-rami ng pwede mong magustuhan, si Baron pa."

Lalo siyang napaiyak. "Sorry. Sinubukan ko namang pigilan, kaso naiinggit talaga ako kay Desa e. Naalala ko 'yung failed relationship ko dati. Gusto ko rin uling magkaroon ng gano'ng klase ng lalaki na gagawin lahat para sa 'kin. Kasi 'yung ex ko, na-kwento ko na nga sa 'yo dati 'yon di 'ba, na bigla na lang siyang nakipaghiwalay. Sabi niya, na-fall out of love raw siya sa 'kin, pero hindi ako naniniwala. Feeling ko may iba pang dahilan. Pagkatapos no'n, hindi na ulit ako umasa na may lalaking kayang sumeryoso ng babae. Pero nakilala ko si Baron. Kaso malas, kasi boyfriend siya ng bestfriend ko . . .

. . . Alam mo, no'ng nag-Enchanted tayo, sising-sisi ako kung bakit pa ako sumama ro'n. Kasi do'n ako tuluyang bumigay kay Baron e. Kitang-kita ko kung gaano siya ka-sweet at kaalaga kay Desa. Ang pangit pakinggan, pero inggit na inggit talaga ako."

Napayuko ako. Bigla akong nalungkot. "Kaya ko naman sanang gawin sa 'yo 'yung mga ginagawa ni Baron kay Desa. Baka nga mas higit pa. Kaso ayaw mo sa 'kin."

Hindi siya nakasagot. Nagtuloy-tuloy lang siya sa pagluha.

Hindi na rin naman ako nagsalita ulit.

Naisip ko lang na sa buong pagki-kwento niya, kahit isang beses hindi niya man lang nabanggit 'yung tungkol sa 'kin. Para bang wala ako sa eksena, samantalang ang daming beses din naming nagkasama na kaming dalawa lang.

Siguro wala talaga sa 'kin ang buong atensyon niya no'ng mga panahong 'yon. Lalo na 'yong sa E.K. T*ngina 'yun pa naman 'yung pakiramdam ko, mas lalo na akong nahuhulog sa kanya. 'Yun pala, sa iba naman siya nagkakagusto.

"Arkhe." Tumingin na ulit siya sa 'kin. "I'm sorry. Alam kong nasaktan kita o baka napaasa, pero hindi ko talaga ginusto."

"Ayos lang. Wala naman na 'kong magagawa. Ang gusto ko lang malaman, bakit sumasama ka pa rin sa 'kin kung si Baron pala ang gusto mo?"

Yumuko ulit siya. "Pasensya na. Akala ko lang kasi, mahuhulog ako nang tuluyan sa 'yo. Akala ko magwo-work kung ano 'yong nasimulan natin. Kaso. . ."

"Kaso wala kang naramdaman sa 'kin?" tuloy ko.

Hindi na naman siya sumagot.

Natawa na lang ako kunwari. "Ayos lang, ganyan talaga e." Nag-inat ako tapos sumilip sa suot kong relos. "Tara na? Hatid na kita sa inyo, baka pagod ka na."

"Arkhe, sorry talaga. Alam kong hindi okay 'yung ginawa ko."

"H'wag mo nang isipin. Tara na." Hinanda ko na 'tong susi ng kotse.

Pero umiling-iling siya. "H-hindi na. Magji-jeep na lang ako pauwi. Sobrang nakakahiya na sa 'yo."

"Halika na. Niyaya kitang magmiryenda kaya dapat ihatid kita pauwi." Tumayo na 'ko at nag-umpisang maglakad papunta sa pinagpaparadahan ko.

Sumunod na rin naman siya sa 'kin.

Ayoko pa sana talagang umuwi ngayon, kaso bumibigat na 'tong pakiramdam ko dahil sa mga sinabi niya. Iinom na lang siguro ako mag-isa mamaya sa Third Base.

***

PAGKARATING NAMIN DITO sa bahay niya, bumaba rin muna ako saglit ng kotse para ihatid siya sa gate.

"Ayos ka na dito?" tanong ko pa.

Tumango siya. "Thank you. Uhm, gusto mo ba munang pumasok sa loob? Gusto mo ng kape?"

Napangiti ako. "Titimplahan mo 'ko?"

"Oo. Alam ko naman kung anong timpla ang gusto mo. Halika." Binuksan na niya 'yong gate.

Sumunod lang ako papasok sa bahay. Dumiretso kami sa kusina ta's dito na 'ko umupo habang pinanonood siya na nagpapainit na ng tubig.

"Arkhe," tawag niya nang hindi lumilingon.

"Hmm?"

"Thank you pala kanina. Thank you kasi pinakinggan mo 'ko nang hindi ka nagagalit at nang hindi mo 'ko jina-judge."

Nanahimik lang ako.

"Hindi mo alam kung gaano naka-gaan sa pakiramdam ko 'yung may taong nakinig sa 'kin kahit na sobrang laki ng nagawa kong kasalanan," dagdag niya. "Kung sakaling hindi ka na magpakita sa 'kin pagkatapos nito, maiintindihan ko."

"Wala akong planong ganyan. Pupuntahan pa rin kita kapag may oras ako."

Ang tagal bago siya nakasagot. "Basta, ang hinihiling ko lang ngayon, sana magkaayos na kayong tatlo. Sana magkabati na si Baron at si Desa, at sana h'wag ka na ring magalit kay Baron. Tama na na sa 'kin lang kayo magalit."

Hindi na ulit ako nagsalita.

Mayamaya lang naman, tumunog 'yung cellphone ko. Nilabas ko agad galing sa bulsa. May tumatawag, pero number lang.

Sinagot ko na, baka raket 'to. "Hello?"

"A-Arkhe!" Parang takot na takot 'yung boses.

Kumunot ang noo ko. "Sino 'to?"

"It's Sab."

Ang bilis kong napikon. "Isabela." Napansin ko naman si Koko na napalingon agad sa 'kin.

"Ark, help me! Please, help me! Lumabas ka ng bahay mo ngayon, tulungan mo 'ko."

"Bakit ba. Wala ako diyan sa bahay."

Narinig ko siyang parang naiiyak. "Then what should I do? Someone's following me now! Papunta ako sa bahay mo ngayon nang mag-isa, pero biglang may sumunod sa 'kin. I don't know him and I don't have my bodyguards with me. Please, Ark, tulungan mo 'ko! I'm so scared!"

Hindi na 'ko nakinig, binabaan ko lang siya ng tawag sabay suklay pataas sa buhok ko. "Sh*t." Wala akong planong iligtas siya.

"Bakit?" Tanong naman agad nitong si Koko na dala na 'yung tinimpla niya sa 'king kape. "May problema ba?"

"Wala."

"Sure ka? Ito na 'yung coffee mo." Binigay niya sa 'kin.

Tinanggap ko agad at tinikman.

"Okay ka lang?" Umupo na siya rito sa katapat kong upuan.

Tumango lang ako, pero ang totoo, hindi na ako mapakali. T*ngina bakit ba kasi mag-isa na namang umalis 'yong si Isabela. Hindi pa siya nadala e nangyari na 'to sa kanya dati. "Tsk." Napapikit ako nang madiin.

"Arkhe?"

Hindi ko na sinagot 'tong si Koko. Bigla na lang akong tumayo ngayon at nilabas 'tong susi ko ng kotse. "Sorry. Kailangan ko na palang umalis."

Napatayo din siya. "Ha? H-hindi mo na uubusin 'tong coffee?"

"Pasenya na talaga. Emergency lang." Nagpaalam na 'ko sa kanya at mabilis nang lumabas ng bahay.

Pagkasakay ko rito sa kotse, tumawag ulit si Isabela, pero hindi ko na nasagot. Nagmaneho na 'ko kaagad para puntahan siya. T*ngina hindi ko alam kung anong nangyayari sa 'kin. Dapat wala na akong pakialam sa kanya e.

TO BE CONTINUED

Love this chapter? Kindly share your thoughts or feedback via Facebook and Twitter! And please don't forget to include #EIW in all your posts/tweets.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top