Chapter 10

ARKHE

MABILIS KAMING NAKARATING dito sa bahay. Wala pa yatang twenty minutes. Malapit nga lang kasi talaga.

Pinarada ko 'tong kotse sa tapat tapos nauna na 'kong bumaba para pagbuksan at alalayan si Sab. Pansin ko ngang napatitig agad siya sa mataas na gate ng bahay namin.

"Who lives here with you?" tanong niya.

"Wala, ako lang. Bakit?"

"Nothing. It's just, it's quite huge for a single person."

"Pa'nong huge. Wala pa nga 'to sa 1/4 ng mansion niyo. Sa pamilya ko kasi talaga 'tong bahay. Pero sa Batangas na sila nakatira ngayon, kaya ako na lang mag-isa dito." Binuksan ko na 'tong gate. "'Lika na."

Pagkapasok namin, binuksan ko agad 'yung mga ilaw tas pinaupo ko muna siya sa ro'n sa sofa sa may sala.

"Sorry, magulo dito sa loob," sabi ko. "Ako lang kasi mag-isa kaya hindi ako masyadong nag-aayos."

Tiningnan niya naman 'yung buong bahay. "It's okay. Hindi naman totally magulo, e."

"Gusto mo ng maiinom?" alok ko pagkatapos. "Softdrinks? Umiinom ka ba no'n?"

"Uh, yes."

"Sige, saglit lang. Kukuhanan kita."

Pumunta 'ko sa kusina. Pero bago ko ilabas 'yung bote ng Mountain Dew sa ref, hinugasan ko muna 'tong kamao ko dito sa may lababo. Ngayon ko lang tuluyang naramdaman 'yung sakit ng pag-sapak na ginawa ko kanina. Matagal-tagal na rin akong hindi napapa-away. Pasalamat talaga 'yung g*gong 'yon na hindi ko siya pinuruhan.

Pagkatapos maghugas, kinuha ko na 'yung softdrinks na binili ko no'ng isang araw. Tapos pasimple kong tiningnan si Sab do'n sa sala habang nagsasalin ako ng inumin dito sa mga baso.

Inaayos niya 'yung damit niya pati 'yung nakalugay niyang buhok na medyo kulot. Napangiti ako. Sa lahat ng muntik nang mapahamak, siya 'yung maganda pa rin.

Binalikan ko na siya pagkatapos para ibigay na 'tong baso ng softdrinks.

"Ayos ka na ba?" tanong ko.

Ngumiti lang siya sabay tinanggap 'tong baso. "I'm feeling better now. Medyo kinakabahan pa rin, pero hindi na katulad kanina. Thank you."

Nginitian ko lang din siya. Halata ngang maayos na ang pakiramdam niya kahit papa'no. Hindi na kasi siya namumutla tsaka nakakangiti na rin siya ulit.

"Kinabahan din ako sa 'yo kanina," sabi ko. "Akala ko hindi kita maaabutan. H'wag mo nang uulitin 'yon, ah? H'wag ka na uling aalis nang wala kang kasamang bodyguards. Tinakot mo 'ko."

Napayuko siya bigla. "I'm sorry."

"Ayos na. Basta 'pag gusto mo 'kong makita, tumawag ka lang."

"O-okay." Pinatong niya 'yung baso niya ng softdrinks sa katabing mesa tas bigla niyang inabot 'yung kamay ko. Hinaplos niya 'yung kamao ko na pinang-sapak ko kanina. "Does this hurt?"

"Hindi naman."

"Namumula siya."

"Wala lang 'yan. Sanay naman ako."

Nag-angat siya ng tingin sa 'kin. "Are you sure?"

Tumango ako. Tapos hinaplos ko siya sa buhok. "Pahinga ka muna dito. May gagawin lang ako saglit."

Bumalik ulit ako sa kusina. Parang bigla kasi akong ginutom sa nangyari.

Binuksan ko isa-isa 'tong mga cabinet dito para maghanap ng pagkain. Buti na lang may noodles pa pala ako. Hindi ako madalas nagluluto dito sa bahay kasi kumakain naman ako sa labas.

Kumuha ako ng tatlong balot ng instant noodles. "Kain tayo," sabi ko ro'n kay Sab. "Kumakain ka ba ng noodles?"

Narinig ko siyang natawa nang mahinhin. "Bakit palaging ganyan ang pagtanong mo? Kumakain ako ng noodles at umiinom ako ng softdrinks."

Natawa rin tuloy ako. "Wala lang. Baka kasi hindi ka kumakain ng mga kinakain ko. Saglit lang, ah. magluluto ako. Mabilis lang 'to."

"Okay."

Sinimulan ko nang magpa-kulo ng tubig. Habang naghihintay ako, nilabas ko na muna 'yung cellphone ko para i-text 'yung boss ko do'n sa club.

Akala ko nga hinahanap na niya 'ko kasi malapit na rin mag-umpisa 'yung set ko, pero wala naman siyang text o missed call kahit isa. Ako na lang ang mauunang mag-text. Magpapalusot na lang ako, bahala na.

No'ng na-send ko na 'yung text, sakto naman, biglang nag-ring 'tong cellphone. Tumatawag si Baron.

Sinagot ko agad. "Oy."

"T*NGINA MO NASA'N KA?!"

Natawa 'ko. "'Langya daig mo pa amo ko, ah. Siya nga hindi pa 'ko hinahanap."

"E bigla kang nawala e. Sabi ni Kael, nagmamadali ka raw umalis. Anong nangyari sa 'yo? Akala ko may set ka."

"Meron nga. Kakatext ko lang sa boss ko na hindi ako makakatugtog ngayon."

"Bakit?"

"Emergency."

"T*ngina ano na namang emergency 'yan. Baka may inuwi ka lang na babae, ah."

"G*go." Sabay lingon ko kay Isabela na nakatingin din sa 'kin. "Kasama ko si Sab ngayon."

Parang natigilan 'tong si Baron sa kabilang linya. "Ah, si Sab. Kaya pala. Ayos 'yan. Ano, isasagawa mo na ba 'yung mga pinayo ko sa 'yo? Alin do'n ang gagawin mo, 'yung itatanan mo siya o 'yung bubuntisin mo?"

"Tarant*do ka talaga. Wala akong gagawin, babantayan ko lang."

"Sus, ako pa niloko mo."

"Oo nga. Muntik na siyang mapahamak kanina. Napaaway pa nga ako."

"O bakit, anong nangyari?"

"Basta. Sige na, istorbo ka. Tsaka na tayo mag-usap. 'Pag hinanap pala ako diyan, ikaw nang bahalang magpalusot. Magaling ka naman sa gano'n e."

"G*go. Sige na." Binaba na niya agad 'yung tawag.

Natatawa na lang ako.

"Who's that?" Biglang tanong naman ni Sab sa 'kin. "Hinahanap ka na ba sa trabaho mo?"

Nilingon ko siya. Mukhang umayos na nang tuluyan 'yong pakiramdam niya. "Hindi," sagot ko lang. "'Yung kaibigan ko lang 'yon. Nangungulit."

"Ah." Tapos bigla siyang lumipat ng pwesto malapit sa 'kin, dala 'yung softdrinks niya. Umupo siya ro'n sa dining table na katapat nitong pinaglulutuan ko. "So, you do this every day?"

"Alin? Kumain ng noodles?" Natatawa-tawa pa 'ko.

"No, I mean, ang asikasuhin ang sarili mo at magluto nang ikaw lang."

"Oo. Gan'to na buhay ko simula no'ng nagtrabaho ako. Sanay akong mag-isa. Pero hindi naman ako araw-araw nagluluto nang ganito. Tinatamad din kasi ako kaya kakain na lang ako sa labas bago mag-gig."

"Ang galing mo. I don't think I can do that. I don't think I can live alone and be independent."

"Lumaki ka kasing may mga katulong kaya hindi ka sanay kumilos mag-isa. Ayos lang 'yan."

"Hmm, okay lang sa 'yo na hindi ako marunong sa household chores, especially cooking?"

Natigilan ako, tapos sinilip ko siya. "Pwede naman kitang turuan."

Bigla siyang napangiti.

Tinapos ko lang 'tong pagluluto ng noodles, tas naghain na rin ako ng dalawang mangkok sa mesa. Sinamahan ko pa ng chopsticks.

Parang natawa tuloy 'tong si Sab. Inangat niya 'yung binigay kong chopsticks. "Bakit may ganito pa?"

"Wala lang. Para kunyari nasa restaurant tayo."

Napangiti lang siya sabay tumingin na ro'n sa mangkok niya ng noodles. "Parang ang sarap nito."

"Bakit, first time mo bang kakain ng instant noodles?"

"Oo."

"Seryoso ka?"

Tumango siya. "First time. Excited nga ako, e. Wala kasi kaming gan'to sa bahay."

Natawa na lang ako. "Mukha naman ngang wala. Masarap 'yan. Kahit instant."

Umupo na 'ko sa tabi niya tas sabay na kaming kumain. Ilang subo lang naman ang ginawa ko tapos huminto muna ako saglit para pagmasdan siya nang pa-simple. Ngayon ko na lang ulit natitigan ang mukha niya nang gan'to. Medyo namumugto lang ang mga mata niya kasi galing siya sa iyak, pero ang ganda niya pa rin talaga.

Napansin niya naman na nakatitig ako. Tumigil agad siya sa pagsubo sabay nagpunas ng labi. "W-why are you looking at me? May dumi ba 'ko sa mukha?"

Napangisi ako. "Wala. Hindi lang talaga ako makapaniwalang nandito ka sa bahay."

Parang kanina lang kasi, pinag-uusapan pa namin siya ni Baron. Tas ngayon, kasama ko na siya. Pero ang dami ko pa rin talagang tanong na gusto kong masagot. Naguguluhan pa rin ako sa nangyayari.

Bumuntong hininga ako. "Akala ko hindi na kita makikita ulit."

Bigla namang bumalik 'yung lungkot sa mukha niya. Parang nawalan pa siya ng gana sa pagkain. "Akala ko rin. It's been weeks already."

"Kumusta na 'yung pag-aasikaso mo sa kasal mo?"

"Not good."

"Bakit, anong nangyari? Malapit na 'yon, ah."

Hindi agad siya sumagot. Pinatong lang niya 'yung mga chopsticks sa mangkok, tapos tiningnan niya 'ko. Ang lungkot na ulit ng mga mata niya. "Bakit ba hindi mo 'ko tinetext? Hindi ka na rin tumatawag. Naghihintay ako sa 'yo, alam mo ba 'yon?"

Umiwas agad ako ng tingin. "Ayoko lang guluhin ka kasi alam kong busy ka sa magiging kasal mo. Baka mamaya tumawag ako tas hindi mo lang sagutin."

"Sasagot naman ako e." Yumuko siya sabay huminga nang malalim. Tapos hindi na ulit siya nagsalita.

Parang bigla talaga siyang nanlumo kasi nakatitig na lang siya ro'n sa mangkok niya ng noodles na nasa mesa.

Ang tagal bago siya ulit umimik. "Arkhe..." Ngayon pati boses niya, lumungkot na rin. "...I don't like what's happening now. Nahihirapan ako . . .

. . . dati, wala naman akong pakialam kung naka-arranged marriage ako at ikakasal sa isang lalaki na hindi ko pa gano'n kakilala. Pero simula nung dumating ka, nagbago lahat. This whole arranged marriage thing, I don't like it now. Ayoko nang magpakasal. Ilang linggo na nga akong busy sa wedding preparations pero hindi ko pa rin ma-convince ang sarili ko na hindi na 'ko pwedeng mag backout at kailangan kong ituloy 'to. Feeling ko, I still have a choice kahit na wala naman."

Tiningnan niya ulit ako nang diretso. "'Yung sinabi mo sa 'kin last time na meron ka pa namang tatlong buwan na pahulugin ako? I want that. Arkhe, gusto ko pa ring ituloy kung ano mang meron tayo. Kahit na hindi ako sigurado kung makakapag-backout nga talaga ako sa kasal." Bigla siyang nagtakip ng mukha. "I-I'm sorry. I know this is too selfish. I'm acting like a spoiled brat right now na gusto lang makuha ang gusto niya, pero kasi . . .

. . . parang hindi na kita kayang mawala."

Hindi na ulit siya nagsalita pagkatapos.

Ako rin, hindi na rin ako makapagsalita. 'Di ko alam na gan'to na pala ang nararamdaman niya. Akala ko ayos lang sa kanya na hindi na kami nagkakasama tsaka wala na 'yung naging kasunduan namin, na hindi niya naman talaga 'ko iniisip.

"Kaya mo ba ako gustong puntahan sa club?" tanong ko. "Para sabihin lahat ng 'to sa 'kin?"

Tumango siya. "Kaya ako tumakas sa mansion at sa mga bodyguards ko. Hindi ko na kaya, e. I've been thinking about you since the night we separated. I miss you so much. Hindi na talaga ako nakakatulog nang maayos. Habang lumilipas ang mga araw, mas natatakot ako kasi palapit na ako nang palapit sa kasal ko at baka tuluyan na talaga kitang hindi makita." Yumuko na naman siya. "I know this is weird. Naguluhan din ako no'ng una kasi first time kong makaramdam nang ganito sa isang lalaki. Ikaw lang ang nagparamdam sa 'kin nang ganito. At ngayon, natatakot na 'ko sa kung anong pwede kong magawa para lang sa 'yo."

"Nahuhulog ka na ba sa 'kin?"

"Yes." Ang bilis niyang sumagot. "That's why I don't want us to stop. I-I'm sorry."

Napangiti na 'ko. "Ayos lang. Kung gusto mong hindi muna tayo tumigil, sige."

Halatang nagulat siya. "What?"

"May kulang-kulang tatlong buwan pa para magka-sama tayo tsaka magawa lahat ng mga gusto natin. Sulitin na natin."

"Pero okay lang sa 'yo na ikakasal pa rin ako?"

"Syempre hindi. Pero iintindihin ko. Kung hindi ka makakapag-backout, e 'di hindi. Basta habang hindi ka pa kasal, akin ka muna."

Natigilan siya saglit, tapos ngumiti. "Bakit pagdating sa 'yo parang ang dali-dali lang ng lahat? How do you do that?"

Napangiti na lang din ako sabay huminga nang malalim. "Ewan ko. Siguro kasi hindi ka naman talaga dapat nahihirapan pagdating sa gusto mo. Kumbaga, mahirap pero kaya."

Lumapad ang ngiti niya.

Mukhang napagaan ko na ang loob niya. Magaan na rin naman ang pakiramdam ko ngayon. Ito lang naman kasi talaga 'yung hinihiling ko, 'yung pumayag siya na bumalik ulit kami sa dati. Handa akong sumugal kahit pa hindi ako sigurado kung magiging kami nga ba talaga sa huli. Iba kasi siya sa lahat. Ewan ko kung pa'no nangyari pero may nararamdaman ako ngayon na sa kanya ko lang naramdaman.

Hinaplos ko siya sa buhok pagkatapos. "O, h'wag ka nang malungkot. Ayos na tayo. Ikaw naman kasi, nai-inlove ka na pala sa 'kin, hindi mo sinabi agad."

Natawa na siya. "Arkhe naman e."

"Biro lang, pinapatawa lang kita. Kanina ka pa kasi seryoso." Inipit ko 'tong buhok niya sa likod ng tenga niya. "Ayoko 'pag ganyan ka. Gusto ko, masaya ka lang palagi."

"Masaya na 'ko ngayon. Thank you." Inabot niya 'yung kamay ko tapos hinaplos niya sa pisngi niya. "I really missed you."

Sobrang nalambingan ako. Parang gusto ko na lang hilain bigla 'yung mukha niya ngayon tas halikan siya ulit, pero sa susunod na lang. Baka hindi lang ako makapagpigil. Ang lapit pa naman ng kwarto ko dito.

"Kain ka na ulit," sabi ko na lang. "Mamaya na tayo maglambingan."

Natawa na naman siya. Tapos no'n, tumuloy na ulit siya sa pagkain ng noodles.

Kumain na rin ako, pero pasimple pa rin akong sumusulyap sa kanya. Maaliwalas na 'yung itsura niya habang kumakain. Hindi na katulad kanina na parang pasan niya lahat ng problema ng mundo.

No'ng malapit na niyang maubos 'yung pagkain niya, tsaka lang siya nagsalita ulit. "By the way, nasa'n nga pala ulit nakatira 'yung family mo?"

Uminom muna ako ng Mountain Dew bago sumagot. "Sa Batangas. Bakit?"

"Wala lang. Malayo ba 'yon?"

"Hindi naman. Hindi ka pa ba nakakapunta ro'n?"

Napaisip siya. "I'm not sure. Nakapunta na siguro ako pero hindi ko alam na Batangas 'yon."

"Hindi ka talaga pwedeng mag-isa. Maliligaw ka e."

Natawa na lang siya sabay unimon din ng softdrinks. "Palagi ka bang pumupunta sa Batangas?"

"Hindi naman. Kapag wala lang akong gig tas naiinip ako, pupunta ako ro'n. Minsan naman, do'n ako pumupunta sa hideout ko."

"Anong hideout? What are you, a spy or something?"

Natawa ako. "Hindi. Hideout lang ang tawag ko ro'n. Maliit na bahay namin 'yon sa Tagaytay, binigay na sa 'kin ng erpat ko. 'Pag gusto kong makapag-isip isip, do'n ako tumutuloy. Tago kasi 'yon, tapos tahimik."

"Oh," tumango-tango siya, parang may naiisip na biro. "So, doon mo rin ba dinadala ang mga girls mo?"

Natawa na naman ako tas umiling. "Hindi. Off-limits ang mga babae ro'n. Pero 'pag ikaw, pwede siguro."

Hindi siya sumagot. Ngumiti lang siya tapos kumain na ulit.

Ako naman 'tong may naisip ngayon. Tinitigan ko siya. "Gusto mo bang dalhin kita ro'n?"

"Ha?"

"Do'n sa hideout. Gusto mong pumunta?"

"I-ikaw. Kung okay lang sa 'yo na magpunta ako ro'n. Baka secret place mo 'yon, e."

"Ayos lang sa 'kin. Punta tayo ngayong Sabado. Game ka?"

Ngumiti siya nang malapad. "Game. Tatakas ulit ako sa bodyguards ko. I want to see your hideout."

TO BE CONTINUED

Love this chapter? Kindly share your thoughts or feedback via Facebook and Twitter! And please don't forget to include #EIW in all your posts/tweets.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top