Chapter 9
ARKHE
"I WILL TALK to Morris," sabi sa 'kin ni Amanda habang magkausap kami rito sa opisina niya sa bahay.
Nalaman niya kasi ang nangyari sa 'min ni Morris. Hindi ko na nga dapat sasabihin kasi ayoko namang lumabas na sumbungero, tsaka alam kong marami na rin siyang iniisip. Ayoko nang dumagdag. Kaso ang kasambahay nila na nakakita sa 'min ni Morris ang nagsabi. Kaya kinwento ko na lang din nung pinatawag niya ako.
"Mayabang talaga ang Morris na 'yan," dagdag pa ni Amanda. "All Reverentes are like that. They're always so full of themselves."
Bumuntong-hininga ako. "Pasensya na talaga. Napikon lang ako no'n kaya ako nanugod."
"I understand. Kung ako rin siguro ang sabihan ni Morris ng mga gano'n, for sure iinit din ang ulo ko. Actually, I still don't get why he said those things."
Tipid akong ngumisi. "Halata naman kung bakit. Hindi talaga ako naniniwala na walang ibang ibig sabihin ang pagpapakabait niya kay Sab." Napahinga ulit ako nang malalim sabay haplos sa batok ko. "Tsk, nawala na kasi 'yon sa eksena dati. Ngayon bumalik na naman. Nagulat pa 'ko na bigla siyang lumitaw, samantalang ang alam natin dalawang linggo siya sa business trip."
"I know. Nagulat din ako. Hindi ko nga alam kung paano niya nabalitaan na dito ka na nakatira."
"Hindi mo ba nabanggit?"
"No. I haven't even talked to him since he left for Japan."
Napabuntong-hininga ulit ako. Lalo talagang lumalakas ang kutob ko sa gagong 'yon. Hanggang ngayon nga kapag naaalala ko ang mga sinabi niya sa 'kin, nanginginig pa rin 'tong mga kamao ko. Buti hindi ko na ulit nakita ang hayop na 'yon. Hindi pa ulit pumupunta rito.
"Don't worry," patuloy naman ni Amanda. "Ako nang bahala kay Morris. Sisiguraduhin kong hindi na ulit siya makakalapit sa inyo ni Isabela."
"Salamat. Gusto ko lang din klaruhin na hindi ako nananamantala at wala akong balak. Hindi ako gano'n. Ginagawa ko lang lahat ng 'to para kay Sab."
Bigla na siyang natawa. "Of course I know that. Umpisa pa lang magaan na ang loob ko sa 'yo. Wag mo nang problemahin si Morris, okay? I'll take care of him."
Tumango-tango ako, tapos tumahimik saglit bago ulit nagsalita. "Tanong ko lang, bakit nakikipag-trabaho pa rin kayo sa mga Reverente? Alam niyo ng may ugali sila. 'Yong si Morris, ang laki ng kasalan no'n kay Sab."
Ang tagal ko na kasing gustong malaman 'yon. Nahihiya lang akong mangialam sa negosyo nila, pero nagtataka talaga ako kung bakit kumakapit pa rin sila kila Morris kahit na alagad ng demonyo ang gagong 'yon. Dapat nga matagal na nilang inilayo 'yon kay Sab.
Huminga naman muna siya nang malalim sabay ngumiti nang mapait. "Kung ako lang, ayoko na talagang makipagtrabaho sa mga Reverente simula nung nalaman ko ang ginawa ni Morris sa inyo ni Isabela, lalo na sa kapatid ko. But I had no choice. Naiipit din ako kasi masyadong malaki ang parte nila sa mga negosyo namin. We can't drop them just like that. Marami silang nalalaman at napakarumi nilang maglaro. One wrong move, and all our businesses will be dead. Lalo na ngayon na hirap kami, mas kailangan namin sila . . .
. . . I admit that yes, they're very greedy and they use their power to get whatever they want. Pero hindi ko rin maitatangging magaling talaga sila sa negosyo. Nung mawala ang mga magulang namin ni Isabela, ang mga Reverentes ang tumulong sa 'min para ma-sustain ang mga businesses namin. Malaki ang utang na loob namin sa kanila. Isabela knows that. Kapag nagkakasagutan kami dati, palagi niyang pinamumukha sa 'kin na hawak ako sa leeg ng mga Reverente. Hindi ako makalaban kasi alam kong totoo . . .
. . . But don't worry, makakawala rin kami sa anino nila. Kaya nga mas lalo kaming busy ng asawa ko ngayon. We're meeting with new possible business partners and investors. Patago lang, kasi alam kong hindi papayag ang mga Reverente. I told you they're very greedy."
Hindi ako nakapagsalita agad. Pinroseso ko pa lahat ng sinabi niya kasi parang sa pelikula lang nangyayari ang gano'n. Parang dati lang, nung nalaman kong naka-arranged marriage si Sab kay Morris.
"Ang gulo ng mundo niyo," pabiro ko na lang na sabi.
Natawa ulit siya. "I know. Mahirap maging Santiaguel. Kaya nga ang gusto ko sana, kapag kinasal na kayo ni Isabela, ilayo mo siya sa ganito kagulong mundo. Alam kong naging interisado na siya sa negosyo ngayon, pero sa oras na bumalik na ang mga alaala niya, kunin mo siya. Wag mo siyang hahayaan na maging sunod-sunuran din. I want my sister to have a happy and normal life with you. Ako nang bahala sa mga negosyo. Basta ang gusto ko, malaya si Isabela."
Ngumiti ako. "Sige, pangako ko sa 'yo 'yan." Huminga ako nang malalim, tapos tumayo na mula sa upuan sa tapat ng mesa niya. "Labas na 'ko. Pupuntahan ko muna si Sab. Hindi ko pa siya nakikita."
"Okay."
"Nga pala, baka umalis kami ni Sab. Saglit lang. Uuwi rin agad kami."
"Sige. Alam mo naman na kung paano siya aalagaan." Ngumiti rin siya at nagbukas na ng laptop para bumalik sa pagtatrabaho.
Lumabas na ako ng opisina pagkatapos.
Dumiretso ako papunta sa kwarto ni Sab. Totoo yung sinabi ko na hindi ko pa siya nakikita. Nagtrabaho kasi ako sa Third Base kagabi. Madaling araw na ako nakauwi kaya hindi ko na siya naabutang gising. Kaninang umaga naman, nakasarado pa ang kwarto niya. Baka nagpapahinga pa kasi wala naman siyang therapy ngayon, kaya hindi ko na muna kinatok. Sakto rin kasi na pinatawag ako ni Amanda.
Yayayain ko sana si Sab na makipagkita sa kaibigan niya. Si Jewel. Nakausap ko 'yon kahapon, nabanggit ko na kasama ko na ulit si Sab. Gusto niya raw makita kaya sasabihan ko si Sab. Baka sakaling maalala niya ang taong naging dahilan kung paano kami nagkakilala.
Pagkarating ko sa kwarto niya, naka-lock ang pinto.
Nagtaka ako kasi hindi naman siya normal na nagla-lock ng pinto lalo na kapag ganitong tanghali na. Kumatok ako, pero walang sumasagot.
Sakto naman na may dumaang kasambahay dito sa taas. Tinanong ko agad. "Hi. Nasa baba ba si Isabela?"
Parang nagulat pa siya sa tanong ko. "Sir? Wala ho si ma'am, kaaalis lang ngayon. Nagpahatid sa driver. Hindi ho ba nagsabi sa inyo?"
"Umalis?" Kumunot ang noo ko. "Hindi nagsabi sa 'kin. May kasama ba siyang bodyguard?"
"Meron ho. Pwede niyong tawagan. Sandali, kukunin ko ang number." Tumalikod siya at bumaba.
Tangina, bigla akong nataranta. Baka kung mapano si Sab, hindi pa 'yon sanay umalis-alis nang biglaan. Bakit kasi hindi siya nagsabi? Ang alam ko wala talaga siyang therapy o training sa opisina ngayon. Wala ring nabanggit sa 'kin si Amanda. Alam niya kaya 'to?
Mayamaya lang, bumalik na rin ang kasambahay. Binigay niya ang number ng bodyguard na kasama ni Sab. Naglabas agad ako ng cellphone para tawagan.
Buti ang bilis sumagot. "Hello?"
"Hello. Si Arkhe ito."
"Yes, sir."
"Kasama mo ba si Isabela? Pwede ko ba siyang makausap?"
"Sige ho." Nawala siya sa linya, tapos boses na ni Sab ang sumunod kong narinig.
"Hello?"
"Sab, si Ark 'to. Nasaan ka? Bakit bigla kang umalis?"
"Oh, Ark. Uhm . . . I just wanted to go out. Wala na akong magawa diyan sa bahay e."
"Dapat nagsabi ka sa 'kin para nasamahan kita. Yayayain nga dapat kitang lumabas ngayon kasi may ipapakilala ako sa 'yo."
"Next time na lang. I didn't see you earlier. Akala ko hindi ka pa nakakauwi galing sa club."
Napapikit ako. Tsk, sa laki nitong bahay hindi na kami nagkakakitaan. "Nagpaalam ka ba kay Amanda?"
"Do I have to?"
Napakunot ako ng noo sa sagot niya. "Nasa'n ka?" tanong ko na lang. "Pupuntahan kita." Nagmadali na akong pumasok sa kwarto ko para mag-ayos.
"N-no need. Saglit lang naman ako, uuwi rin ako agad."
"Nag-aalala ako, Sab. Pupuntahan kita. Tigil muna kayo sa isang lugar, tapos hintayin mo 'ko."
"I'm fine."
"Hindi pwede. Pakausap nga muna ulit ako sa bodyguard. Sa kanya na ako magtatanong kung nasa'n kayo."
"No. Don't worry about me, okay? I'll just see you later." Bigla na niyang binaba ang tawag.
Natigilan ako. Napatingin agad ako sa screen ng cellphone. Binaba niya nga talaga.
Anong nangyayari? Bigla-bigla siyang umalis. Hindi siya nagpaalam kay Amanda, tapos ayaw niya pa akong pasunurin. Tsk. Ayoko na sanang guluhin ulit si Amanda, pero kailangan niya 'tong malaman.
Bumalik ako sa opisina niya.
Napatuwid nga agad siya ng upo pagkakita sa 'kin. "Oh. You're back. Are you okay?" Napansin niya sigurong balisa ako.
"May lakad ba talaga ngayon si Sab?"
Kumunot ang noo niya. "Lakad? Wala. She has no scheduled therapy. Why?"
"Umalis siya. Nakausap ko ang kasama niyang bodyguard. Ayaw niyang sabihin sa 'kin kung saan siya pupunta."
"What?" Taranta siyang napatayo. "Sinong bodyguard 'yang nakausap mo?"
"Si Ruel."
"I'll call him." Kinuha niya agad ang cellphone niya at lumabas muna rito sa opisina para makipag-usap.
Ako naman, umupo muna. Tsk, naabala ko na naman tuloy si Amanda. 'Yung mga ganitong bagay na tungkol kay Sab, dapat yata ako na lang ang umaasikaso.
Naglabas ako ng cellphone at tinext ko na lang si Jewel. Sinabihan ko lang na sa susunod na lang kami magkita kasi hindi pwede si Sab.
Ilang saglit lang, bumalik na rin si Amanda dito sa opisina.
Tumayo ako. "Anong sabi?"
"Ayaw makipag-usap ni Isabela sa 'kin. Hindi rin daw alam ni Ruel kung saan ang punta nila, basta nagpasama lang daw si Isabela. Don't worry, though, I already ordered him to take good care of my sister."
Napahinga ako nang malalim sabay tumango na lang. "Salamat. Nag-alala lang ako. Ginagawa niya rin ba 'to dati nung nagpapagaling siya? Umaalis siya nang hindi nagpapaalam?"
"No." Bumalik siya sa mesa niya. "Ngayon niya lang ito ginawa. Hindi siya umaalis basta-basta kasi hindi pa naman ulit pamilyar sa kanya 'tong mga lugar dito."
"'Yun nga. 'Yun ang pinag-aalala ko. Wala siyang nabanggit sa 'kin na gusto niya palang umalis. Ayaw niya rin naman akong pasunurin."
"What did she tell you?"
"Gusto niya lang daw lumabas. Wala na raw kasi siyang magawa dito sa bahay."
Napahinga siya nang malalim sabay singkit sa mga mata niya. "Hmm, hindi kaya may biglang bumalik sa alaala niya at gusto niya ang puntahan?"
Napaisip ako. Posible. "Sana nga gano'n. Pero pwede naman siyang magsabi sa 'tin."
"You're right. 'Di bale, kakausapin ko na lang din si Isabela paguwi niya."
Ngumiti na ako. "Salamat. At sorry, na-istorbo na naman kita."
"Ano ka ba, wala 'yon."
"Hihintayin ko na lang si Sab."
"Okay."
Lumabas na ulit ako ng opisina niya.
Dumiretso muna ako sa kwarto ko at humiga sa kama.
Tsk, hindi talaga ako matatahimik na umalis si Sab nang wala ako. Sana nga totoo ang hula ni Amanda na baka may naalala lang bigla si Sab kaya umalis nang mag-isa. Kaso iba na naman kasi 'tong nararamdaman ko ngayon.
Hindi sa pagiging praning, pero pansin ko kasing iba na sa 'kin si Sab nitong mga nakaraang araw. Nagsimula 'to nung nahuli niya ako na sinugod si Morris. Pagkatapos no'n, parang nagbabago na naman lahat. Hindi ko rin kasi naipaliwanag sa kanya ang nangyari sa pagitan namin ni Morris.
Kapag magkasama kami ni Sab, ang bilis na ulit nawawala ang atensyon niya sa 'kin. Tipid na naman siya kung makipag-usap at parang hindi na ulit siya interisado sa mga bagay na ginagawa namin. Katulad nung sa mga pictures na dapat aayusin naming dalawa. Hindi na 'yon natuloy. Sabi niya kasi sa susunod na lang daw. Iniintindi ko dahil baka wala lang siya sa mood o may nararamdaman siya na hindi niya lang sinasabi. Hinahayaan ko na lang din. Ang importante naman nakakasama ko pa rin siya.
Pero ngayong nangyari 'tong pag-alis niya nang walang pasabi at ang pagbaba niya sa 'kin ng telepono na parang ayaw niya akong makausap, bigla na naman akong napaisip. May mali talaga e. Tsk, tangina ewan ko ba kung bakit ako nagkakaganito. Masyado akong napa-praning. Natatakot lang kasi ako na baka mawala ulit sa 'kin si Sab. Ayoko nang bumalik sa mga panahong lugmok ako. Gusto ko, maging masaya na ulit kami.
Bumangon na lang ako ng kama. Lalabas na muna ako. Do'n ko na hihintayin si Sab. Tutal sabi niya, saglit lang siya at uuwi rin kaagad.
• • •
MAG-AALAS KWATRO NA nakauwi si Sab. Hindi naman siya saglit nawala. Nakapaglaro na nga kami ni Toby sa labas, ang anak ni Amanda, at nakapagpahinga sa kwarto, tapos tsaka ko lang narinig na bumukas ang pinto niya.
Pinuntahan ko siya agad. Nakabukas na ang kwarto niya kaya dire-diretso na akong pumasok. "Sab."
Nagulat siya sabay harap sa 'kin. May dala siyang kape. "H-hi."
Sinara ko ang pinto bago siya nilapitan. "Saan ka galing?"
Pinakita niya sa 'kin ang kape niya. "Coffee shop."
"Hindi mo ako sinama. Kaninang madaling araw pa kita gustong makita pagkauwi ko galing trabaho, kaso tulog ka na."
"I'm sorry. I was looking for you earlier, but you're not in your room."
"Baka 'yun ang na kay Amanda ako. Nag-usap lang kami saglit."
Bigla siyang umiwas ng tingin. "Ah. You're with her."
"Akala ko rin kasi tulog ka pa no'n kaya hindi muna kita kinatok dito sa kwarto. Pagkatapos naming mag-usap, pinuntahan kita kaso umalis ka raw. Nag-alala kami ni Amanda. Sana nagsabi ka sa 'kin na gusto mong umalis."
"Sorry. Are you mad?"
Napangiti ako nang mapait. "Hindi. Nagtaka lang ako tsaka nag-alala kasi hindi kita nasamahan."
"Kaya ko naman na e. Gusto ko rin na ako na lang muna mag-isa para masanay ako." Pinatong niya ang kape niya ro'n sa mesa, tapos humarap siya sa salamin. Nagtanggal siya ng mga hikaw tsaka nagsuklay saglit ng buhok.
Umupo na lang muna ako sa gilid ng kama niya. Pagkatapos niyang mag-ayos sa harap ng salamin, tinawag ko siya. "Sab."
Tumingin siya sa 'kin.
"Halika nga muna rito." Tinapik ko 'tong kama.
Lumapit naman agad siya at tinabihan ako. "Hmm?"
Huminga ako nang malalim tapos hinaplos ko ang buhok niya na pansin kong humahaba na ngayon. "May nararamdaman ka ba? Kung may nararamdaman ka o may ibang tumatakbo sa isip mo, sabihan mo 'ko agad."
Kumunot ang noo niya. "What do you mean?"
Ngumiti ulit ako nang mapait. "Wala. Napapansin ko lang kasi na parang hindi kita nakakausap nang maayos nitong mga nakaraang araw."
Hindi agad siya nakasagot. Parang nag-isip pa siya ng sasabihin. "Really?" 'Yun lang naman ang nasabi niya.
Tumango ako. "Tapos kanina bigla ka pang umalis. Ayaw mong sabihin sa 'kin kung saan ka pupunta, tas binabaan mo pa ako ng cellphone."
Umiwas siya ng tingin. Kanina pa siya ganyan, pansin ko. "Sorry, I just wanted some me time."
"Naiintindihan ko naman. Nag-alala lang talaga ako kasi hindi ka nagsabi tapos mag-isa ka lang. Ano palang ginawa mo sa coffee shop, hapon ka na nakauwi."
Bumuntong-hininga siya. "Nothing. I just reviewed some of my notes about the business. Ang bagal ko kasing matuto. Nafu-frustrate ako."
Hinaplos ko ulit ang buhok niya. "Sige tutulungan na lang kita para hindi ka mahirapan. Basta wag mo nang uulitin ang kanina, hmm? Wag ka na ulit basta-basta aalis. Kahit si Amanda hindi alam na umalis ka ng bahay. Naisip niya nga na baka may biglang bumalik sa alaala mo na gusto mong hanapin kaya ka umalis."
Hindi siya sumagot. Nakatingin na lang siya sa gilid.
"Sab? 'Yun ba? May bumabalik na ba sa alaala mo?"
Umiling siya.
Napahinga ako nang malalim. "Okay. Basta wag ka na uling aalis nang hindi nagsasabi sa 'min ni Amanda o sa 'kin. Sayang nga, may pupuntahan sana tayo ngayon. Pero sa susunod na lang."
Bumuntong-hininga ulit siya. "Okay. Sorry."
"Ayos lang." Hinawakan ko ang mukha niya at madiin siyang hinalikan sa noo. "Gusto mo bang kumain? Sasamahan kita sa baba."
"No, I'm full. I had pasta at the coffee shop."
"Ah, sige." Tumingin ako sa orasan niya rito sa kwarto pagkatapos.
"Aalis ka?" tanong niya naman.
"Oo. Pupunta ako sa Third Base."
"I see."
"Ayaw mo ba akong umalis? Kung ayaw mo, ayos lang. Hindi na muna ako magtatrabaho ngayong gabi."
"No, it's okay. Trabaho 'yon."
"Uuwi na lang ako nang maaga. Para maihatid din kita bukas sa opisina niyo. 'Di ba may training ka?"
"Pwede naman akong magpahatid na lang sa driver."
Napabagsak ako ng mga balikat. Hindi ako nakapagsalita agad kasi nalungkot ako sa sagot niya. Pinilit ko na lang ngumiti kahit naguguluhan talaga ako sa mga inaakto niya ngayon. "Gusto ko kasi ako ang maghahatid sa 'yo. Sige na." Tumayo na ako mula sa kama niya pagkatapos. "Mag-aayos lang ako saglit sa kwarto, tapos dadaanan kita rito bago ako umalis."
Tumango lang siya.
Tumalikod na ako, pero pasimple ko pa siyang sinilip bago ako tuluyang lumabas ng pinto. Ang layo na ng tingin niya na parang may malalim siyang iniisip.
Tsk, nag-aalala ako kay Sab. Kung ano man 'tong nangyayari sa kanya ngayon, sana lumipas agad kasi hindi ko kaya na iba na naman ang nagiging asta niya sa 'kin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top