Chapter 8
ARKHE
LUMIPAS ANG ISANG linggo. Hindi na ulit nagparamdam ang tumawag at nagte-text kay Sab.
Kinwento ko nga kay Amanda ang tungkol do'n. Sabi niya, binigyan niya raw talaga ng cellphone si Sab para kung sakaling may emergency, pero wala siyang ibang sinabihan ng number no'n. Pati tuloy siya nagtaka kung sino ang nagte-text kay Sab, kaya kinuha niya lang ang cellphone para hindi na raw guluhin ang kapatid niya at para wala na rin akong problemahin.
Ayoko na rin naman sana talaga 'tong problemahin kasi binawi naman na ang cellphone at ilang araw na rin ang lumipas, pero tangina hindi ako matahimik. Ang sama pa rin ng kutob ko. May hinala ako kung sino ang tumawag e. Ayokong mangbintang, pero pakiramdam ko si Morris.
Wala naman kasi akong ibang alam na nagkakagusto kay Sab kung 'di yung gagong 'yon lang. Sana lang mali ang iniisip ko. Pinanghahawakan ko pa rin yung sinabi sa 'kin ni Amanda dati na walang ibang ibig sabihin ang paglapit-lapit ni Morris kay Sab. Subukan lang talaga ng gagong 'yon na bumalik sa eksena tangina hindi na talaga ako magpipigil na pumatol.
Hindi ko na lang pinararamdam kay Sab na may ibang tumatakbo sa isip ko. Masaya pa rin naman kasi kami.
Sinusubukan na niyang maging malambing sa 'kin. May isang gabi nga, niyaya niya ako na do'n matulog sa kwarto niya. Syempre hindi ako humindi. Miss na miss ko na rin na makatabi siya sa pagtulog. Pagkatapos no'n, palagi na akong nagpapa-gabi sa kwarto niya. Minsan hinihintay ko lang siyang makatulog, tapos lalabas na rin ako. Mahirap na kasi, baka hindi ako makapagpigil.
Ngayong araw, nando'n si Sab sa opisina nila. Nag-umpisa na siyang mag-aral kasabay ng pagthe-therapy. Papunta na nga ako ro'n para sunduin siya. Ganito kami araw-araw. Hatid-sundo ko siya kung saan siya kailangang pumunta. May kasunod akong bodyguard kasi ayaw talaga ni Amanda na walang bodyguard si Sab. Lalo na ngayon na may iba kaming pupuntahan pagka-sundo ko sa kanya. Nangako kasi ako sa kanya na ipakikilala ko na siya kay Theo. Pupunta kami ng Third Base. Ililibot ko na rin siya ro'n, baka sakaling maging pamilyar sa kanya.
Sakto lang ang dating ko sa opisina nila Sab. Katatapos niya lang. Dumaan lang kami saglit kay Amanda, tapos umalis na agad para pumunta sa club.
"Napagod ka ba?" tanong ko kay Isabela habang kinakabitan siya ng seatbelt dito sa kotse.
Huminga siya nang malalim. "A bit. Pero hindi na katulad nung mga naunang araw."
"Kaya mo pang pumunta sa club ko? Kapag hindi na, uwi na lang tayo sa bahay para makapagpahinga ka."
"No," sagot niya agad. "I'm fine. I want to go there and try if I can recall some memories."
Ngumiti ako sabay inipit ang buhok niya sa likod ng tenga niya. "Sige, malapit lang naman 'yon." Nagmaneho na ako pagkatapos.
Alam naman ni Theo na pupunta kami. Sinabihan ko na siya kahapon na pumasok siya sa nang maaga kasi dadalhin ko si Sab.
Dire-diretso ang byahe, mabilis kaming nakarating. Pumarada agad ako sa tapat ng Third Base. Si Sab, nakatingin siya sa bintana ng kotse.
"Pamilyar ba 'to sa 'yo?" tanong ko habang pinapatay ang makina.
Hindi naman siya sumagot. Nakatitig lang siya sa tapat ng Third Base. Baka hindi niya naaalala.
Nauna na akong bumaba para pagbuksan siya ng pinto. 'Yung bodyguard niya, nakaparada lang sa likod namin. Inalalayan ko siya sa pagbaba at sa paglalakad papunta sa club. Sakto naman, may bigla ring humintong taxi sa tapat. May bumabang babae.
Si Koko.
Muntik ko pang hindi mamukhaan kasi iba na naman ang kulay ng buhok niya. Hindi ko alam na pupunta rin pala siya ngayon dito.
Natigilan siya nung nakita kami. Parang ayaw niya na ngang tumuloy. Hindi siya makatingin sa 'kin, pero bumati pa rin siya. "Uy."
"Oy," sabi ko na lang din.
Sinara niya ang pinto ng sinakyan niyang taxi, tapos lumapit na siya sa 'min. May dala siyang kape. "Hello. Long time no see."
"Oo nga e. Dadalawin mo si Theo?"
Tipid siyang tumango tapos umiwas ng tingin. Nahihiya pa talaga. "Surprise lang. Hindi ko alam na pupunta rin pala kayo, dalawa lang tuloy 'tong nadala kong kape." Tumingin na siya kay Sab pagkatapos. "Hello. Nakakatuwa na nakita ulit kita na kasama si Arkhe."
Hindi nakasagot si Sab. Tumingin agad siya sa 'kin na takang-taka ang itsura. Hindi niya naaalala kung sino si Koko.
Ngumiti na lang ako nang mapait sabay hinawakan siya sa bewang. "Si Nikola, girlfriend ng kapatid ko."
"Oh." Binalik na ulit niya ang tingin niya kay Koko at nakipag-kamay. "Hello. I'm so sorry, I can't remember you. I'm Isabela."
Nakipagkamay rin si Koko, pero nakatingin siya sa 'kin na halatang may malaking tanong sa isip niya.
Hindi naman ako makatingin nang diretso. Hindi niya kasi alam na nawalan ng alaala si Sab. Sinabihan ko si Theo na wag sabihin. At alam kong mali rin ang pagpapa-kilala ko sa kanya kasi hindi lang naman talaga siya simpleng girlfriend ng kapatid ko. Nagkaroon kami ng ugnayan dati. Ayoko lang kasi munang sabihin ang totoo kay Sab dahil baka mabigla siya. Hindi niya pa kaya ang mga gano'n. Hindi ko naman din alam na magkikita-kita kami dito.
Tumuloy na lang din kami ng pasok sa Third Base. Pinauna ko si Koko sa opisina namin sa likod. Sabi ko, sabihan niya na lang si Theo na nandito na kami. Umupo lang muna kami ni Sab sa bakanteng mesa.
"The girl," sabi ni Sab nung kaming dalawa na lang. "Have I really met her before? Nakakahiya na kilala niya ako pero hindi ko siya maalala."
"Ayos lang 'yon. Iki-kwento ko na lang ang tungkol sa kanya sa susunod."
"She's cute. I like her purple hair."
Napangiti na lang ako.
Siya naman, nilibot ng tingin 'tong buong club. "Bakit walang ibang tao?"
"Sarado pa kasi. Mamayang gabi pa 'to magbubukas. Maaga lang kaming pumupunta minsan para mag-ayos."
"Ah. I also can't remember this place. Nakapunta na ba talaga ako dito dati?"
"Oo, sinasama kita dito minsan."
Biglang siyang pumikit sabay bumuntong-hininga. "I can't remember a thing, what's wrong with me." Tapos tumingin ulit sa paligid. "So, this is your business."
Tumango ako.
"Gusto kitang panoorin habang nagtatrabaho. Pwede ba kitang panoorin?"
Napangiti ulit ako. Bumabalik na talaga ang pagiging malambing niya. "Gabi ako nagtatrabaho, baka antukin ka lang. Do'n ka na lang sa bahay. Sa 'yo naman ako uuwi."
Hindi na siya nakasagot kasi saktong lumabas na si Theo galing sa opisina. Lumapit agad sa 'kin tas nagsalita nang pabulong. "Pasensya na, hindi ko alam na pupunta rin dito si Koko."
"Ayos lang." Pinakilala ko na agad si Sab. "Si Isabela. Sab, kapatid ko, si Theo."
Kumaway agad si Theo. "Hi. Kamusta na?"
Pero hindi nakapagsalita si Sab. Nagsalubong ang mga kilay niya tapos tumingin siya sa 'kin. "Bakit hindi kayo magkamukha?"
Natawa ako. "Mas gwapo ako, 'di ba?"
Tumango-tango naman siya.
Natawa na lang din sa 'kin si Theo. "Pagbibigyan kita ngayon kasi bisita mo 'to." Tapos tumingin na ulit siya kay Sab. "May gusto ka ba? Juice?"
"Y-yes, juice."
"Sige, ako na gagawa."
"Sama na 'ko sa 'yo," sabi ko tapos nagpaalam muna kay Sab. "Dito ka lang saglit, ah? Diyan lang kami sa bar."
"Okay. I'll just stay here."
Sumunod na ako kay Theo. Siya na ang gumawa ng juice kasi wala pa kaming tauhan dito ngayon.
"Anong sabi ni Koko?" tanong ko sa kanya pagkalapit ko. "Hindi siya kilala ni Sab."
"Oo nga e. Nagtanong agad sa 'kin kung si Isabela daw ba talaga 'yon. Hindi ko tuloy alam isasagot ko."
"Pwede mo nang sabihin ang totoo sa kanya. Tutal maayos na kami ni Sab."
"Sige, ipapaliwanag ko na lang sa kanya mamaya. Nahiya 'yon sa inyo. Gusto na ngang umalis agad. Hindi naman ako pumayag kasi ngayon pa lang ulit kami nagkita."
"Wag mo na munang pauwiin. Saglit lang din naman kami ni Sab dito. Pagod kasi siya, galing therapy."
"Pasensya na talaga, nagkita-kita pa tuloy tayo rito."
"Gago, ayos lang 'yon. May mga bagay talagang hindi maiiwasan."
Nilingon niya saglit si Sab sa likod habang gumagawa siya ng juice. "Parang nag-iba dating ni Isabela."
Tiningnan ko rin. Tahimik lang siyang nakaupo ro'n. "Medyo nangayayat siya. Pero lumalakas naman na ulit siyang kumain ngayon. Alagang-alaga ko 'yan."
Natawa siya. "Naks. Kamusta ka naman sa kanila?"
"Ayos naman. Masaya ro'n. Mula paggising hanggang pagtulog, kasama ko si Sab."
"Nag-eenjoy ka ro'n, tangina baka hindi ka na bumalik sa bahay natin niyan ah."
"Babalik ako. Pero pagbalik ko ro'n, asawa ko na si Sab."
"Talaga nga naman, mahal na mahal!" Nakipag-apir siya sa 'kin.
Nakipag-apir din naman ako habang natatawa. 'Langya ang korni yata ng sinabi ko, pero totoo talaga 'yon.
Binalikan na namin si Sab pagkatapos. Inabot ni Theo ang ginawa niyang juice.
Tinanggap agad ni Sab sabay ngumiti. "Thank you." Tapos tumingin siya sa 'kin. "Ark, can we take a picture?"
"Tayong tatlo?"
Tumango siya. "I want a remembrance. Para hindi ko na ulit makalimutan na nakilala ko ang kapatid mo."
"Ah, sige." Naglabas ako ng cellphone.
"Let's call your brother's girlfriend, too."
Nagulat ako. Nagkatinginan kami ni Theo.
Ayoko talaga 'tong gawin pero wala kasi talagang kaalam-alam si Sab. Ayoko rin siyang mapahiya. Sinenyasan ko na lang si Theo na tawagin na lang si Nikola.
Tsk, hindi ko naisip na mangyayari sa 'min, 'to. Hindi ko napaghandaan.
Lumabas na si Koko. Takang-taka na naman ang itsura niya. Sino ba naman kasing hindi magtataka? Ngayon na nga lang ulit kami nagkita tas ganito pa eksena namin.
"Is it okay if we take a picture?" tanong pa ni Sab.
Hindi agad nakasagot si Koko. Napatingin pa muna siya sa 'min. "Uhm, ano, ako na lang ang magpipicture sa inyo," sagot niya na kay Isabela.
"Oh no, you should join us."
Ngumiti na lang ako para gumaan ang usapan. "Sige na, tayong lahat."
Sakto naman na biglang dumating ang isa naming waiter. Tinawag ko para siya ang mag-picture sa 'min.
Kung hindi para kay Sab, hindi ko talaga 'to gagawin. Kapag bumalik na ang alaala niya, hindi ko alam kung anong magiging reaksyon niya na may picture kami kasama si Koko. Mabait naman si Sab. Hindi naman siya sobrang nagalit kay Koko dati, pero iba pa rin sa pakiramdam na nangyari 'to ngayon sa 'min.
Pagkatapos naming magpakuha ng picture, nagkwentuhan lang kami nila Sab at Theo, tapos umalis na rin kami. Hapon na kasi, kailangan ko nang iuwi si Sab para makapagpahinga siya. Tsaka para mabigyan din namin ng oras si Koko at Theo. Hindi na kasi ulit lumapit si Koko sa 'min, nahihiya.
"Ark?" tawag sa 'kin ni Sab habang nasa byahe na ulit kami pauwi sa bahay.
Nginitian ko siya habang nagmamaneho ako. "Hmm?"
"Can I have a copy of all our pictures on your phone?"
"Gusto mo?"
Tumango siya. "Para hindi ko na talaga makakalimutan lahat ng memories natin. I will compile everything."
"Sige, magaganda naman mga printer niyo sa bahay. Ayusin natin lahat ng pictures natin do'n."
Ang plano ko sana, ako na ang magsasama-sama ng mga pictures namin katulad ng ginawa ko dati. Pero mas gusto ko na 'tong ideya niya na kaming dalawa ang gagawa no'n. Panibagong bonding na rin.
• • •
PAGKARATING NAMIN SA bahay nila, nagtaka ako kasi may mga itim na sasakyan sa labas. May bisita siguro.
Pumarada na kami sa loob at hinawakan ko si Sab sa likod hanggang sa makapasok kami sa bahay. Pero hindi ko inaasahan kung sinong naabutan namin na nakaupo sa sala.
Si Morris.
Natigilan agad ako at napasalubong ng mga kilay. Ba't nandito 'to? Akala ko dalawang linggo 'tong nasa business trip?
Si Sab naman, biglang na-excite nung nakita si Morris. "Hi! You're here."
Ngumiti si Morris sabay tumayo. "I just came back, and I have something for you. Can I give it to you outside?"
"Okay. I'll just put my stuff upstairs." Tumingin siya sa 'kin para magpaalam. "Mamaya na lang natin ayusin ang mga pictures natin, ah?"
Hindi na niya hinintay ang sagot ko. Bigla na siyang umalis at pumunta sa kwarto niya.
Nilipat ko agad ang tingin ko kay Morris. Hindi niya naman ako tinitingnan. Naglabas lang siya ng cellphone at doon tinutok ang atensyon niya. Tangina nitong gagong 'to. Ang lakas ng loob yayain si Sab na parang hindi nila ako kasama. Ako 'tong boyfriend ni Sab pero wala talaga siyang takot. Nananadya 'to e. Alam niya kasing magaan na ang loob sa kanya ni Sab ngayon.
Hindi ko na siya pinansin. Baka mapaaway pa 'ko ng wala sa oras.
Dumiretso na lang ako sa kusina. Magka-kape ako para kalmahin ang sarili ko. May naabutan akong kasambahay. Nag-alok siya na siya na ang gagawa ng kape para sa 'kin. Mabait talaga mga tao rito, at nasasanay na sila na madalas akong nagkakakape. Gusto ko nga sana na ako na ang magtimpla kasi nakakahiya naman, pero nagpumilit talaga siya kaya hinayaan ko na lang din. Tumayo na lang ako sa gilid para maghintay.
Maya-maya lang naman, bigla ring pumunta si Morris dito sa kusina.
Napangisi ako. Tangina talaga. Lumalayo na ako sa gulo, pero gulo mismo ang lumalapit sa 'kin.
Sumandal pa talaga siya sa mesa malapit sa pwesto ko. Tiningnan niya 'ko nang mayabang. "Totoo palang dito ka na nakatira."
Hindi ko siya sinagot. Huminga lang ako nang malalim. Ewan ko kung sinong nagbalita sa kanya no'n.
"I couldn't believe Amanda agreed to this," dagdag niya pa.
Napangisi ulit ako, pero hindi ko pa rin siya tinitingnan. "Bakit, may mali ba ro'n? Hindi naman na ako iba kila Amanda. At boyfriend din ako ni Sab. Kaya nga kung pwede lang din, layuan mo siya. Wag mong samantalahin na hindi ka niya naaalala."
Tumawa siya nang mayabang. "Ako ba talaga ang nananamantala, o ikaw? Kamusta ba ang pagiging buhay hari mo rito?"
Nanigas ang panga ko. Tiningnan ko na siya. "Iniinsulto mo ba 'ko?"
"Naiinsulto ka ba? Baka kasi totoo. Ang bilis mong naghari-harian dito sa mansyon. May taga-timpla ka pa ng kape. Anong susunod mong target, ang negosyo ng mga Santiaguel?"
Tangina nagdilim na pangingin ko! Sinugod ko agad siya at kinwelyuhan. "Anong pinagsasasabi mo?"
"ARK!"
Bigla namang dumating si Sab dito sa kusina. Nanginginig sa galit 'tong mga kamao ko, pero pinilit ko nang magpigil ng sarili. Pinakawalan ko si Morris.
Ngumisi lang naman ulit siya nang mayabang sa 'kin tapos inayos ang kwelyo ng damit niya. Umalis siya na parang walang nangyari.
Lumapit agad sa 'kin si Sab. Hindi ako makatingin sa kanya kasi malamang namumula sa galit 'tong mga mata ko. Baka matakot siya sa 'kin.
"W-what was that?" tanong niya. "What happened?"
Umiling ako.
"Nothing? But I saw what you did."
Bumuntong-hininga na lang ako. "Wala 'yon." Inalalayan ko na siya paalis dito sa kusina. "Tara na, sasamahan kita sa labas pag pinuntahan mo si Morris."
Sumunod naman siya sa 'kin, pero takang-taka ang itsura niya kasi nga nanugod ako.
Tangina kasi ng Morris na 'yon. Ang tagal ko na talagang nagtitimpi sa kanya. Pasalamat siya nakalusot siya ngayon kasi dumating si Sab. Pero magkaka-araw din siya sa 'kin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top