Chapter 34

ARKHE

TULALA AKO SA labas ng flower shop ni Patrice pagkatapos ng nangyari.

Iisang tao lang si Isabela at si Rose.

Tangina, natatangahan ako sa sarili ko kung bakit hindi ko man lang naramdaman 'yon.

Gusto ko siyang puntahan at harapin para malaman kung bakit niya 'to ginawa. Pero pinigilan ko ang sarili ko kasi baka lalo lang akong pumitik sa galit at may masabing hindi maganda. Tsaka ayoko rin na bigla na lang iwanan si Patrice, lalo na't espesyal 'tong araw na 'to para sa 'min.

Hinilot ko ulit ang ulo ko na kanina pa kumikirot.

Pinipilit kong pagtagpi-tagpiin lahat, pero hindi ko talaga maisip kung paano kami napunta sa ganito.

Akala ko nanahimik na si Isabela. Ayokong isipin na sinadya niya 'tong gawin—na nagpanggap siyang ibang tao para makipag-kaibigan kay Patrice, pero 'yon ang nararamdaman ko ngayon.

Ano ba, hindi pa rin ba siya tapos? Gusto niya pa rin ba akong saktan? Tangina, gulong-gulo ako sa nangyayari.

Mali pa ang oras ng pagdating niya. Kung kailan nagpo-propose ako kay Patrice. Hindi niya na dapat nakita 'yon, kasi sa totoo lang, ayoko na talagang makasakit ng tao. Gusto ko na lang lumagay sa tahimik.

Simula nung nakipaghiwalay siya sa 'kin, kahit isang beses hindi ko siya ginulo.

May pakiramdam naman na ako na posible ulit siyang magparamdam kasi may nakita ako sa hideout nung huling beses akong dumaan. Alam kong pumupunta pa rin siya ro'n, pero hinayaan ko lang. Nanahimik pa rin ako at gumawa ng sarili kong mundo, tapos 'yon pala, may ganito na siyang ginagawa.

Si Amanda naman, bakit hindi niya man lang sinabihan ang kapatid niya na lumayo na sa 'kin? Nakapag-usap naman na kami na gusto ko nang umiwas.

Tsk, naaawa tuloy ako kay Patrice. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya 'tong nangyayari. Sigurado akong marami siyang tanong sa utak.

Kanina pa nga lang, hindi na niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang reaksyon ng kinikilala niyang Rose. Bakit daw biglang umalis, samantalang magce-celebrate pa sila.

Nahihirapan ako kung paano ko aaminin kay Patrice lahat. Mahal na mahal niya pa naman si Rose, at sigurado akong masasaktan siya kapag nalaman ang totoo.

"Arkhe?"

Nabalik ako sa wisyo nang bigla nang lumabas si Patrice mula sa flower shop.

Kinalma ko agad ang sarili ko at nginitian siya. "Tapos ka nang magtrabaho?"

Hindi niya naman sinagot. Lumapit lang siya sa 'kin. "Kanina ka pa nagpapahangin dito, ah. Hindi mo na ako binalikan sa loob. Are you okay?"

"Sorry. Ayos lang ako."

"Are you sure? You don't look okay. May problema ba?"

Pinilit ko uling ngumiti. "Wala. Tapos ka na ba sa trabaho mo?"

"Mm-hmm. Nagliligpit na. I couldn't contact Rose anymore. Hindi niya na sinasagot ang mga tawag at texts ko. We were supposed to have dinner tonight."

Bumuntonghininga ako. "'Wag mo na siyang isipin. Tayong tatlo ni Jasmine na lang ang kumain sa labas. Gusto mo ba 'yon?"

"Hindi ko na tatawagan si Rose? Magthe-thank you pa sana ako para sa binigay niyang cake tsaka ipakikilala kita."

Napaiwas na ako ng tingin. Naaawa talaga ako sa kanya kasi wala siyang kaalam-alam.

Hinawakan ko na lang ang kamay niya. "Hayaan mo na muna siya. Mag-celebrate muna tayo, gusto ko kayong kasama ni Jasmine ngayon."

Tsaka lang siya napangiti. "Okay. Sorry kung si Rose ang iniisip ko. I know this is a very special day for us and we should really celebrate." Bigla niya akong hinaplos sa pisngi. "Pero okay ka lang ba talaga? Kaya mong lumabas? Namumutla ka kasi."

"Okay lang ako, wag kang mag-alala. Sige na, kunin mo na si Jasmine."

"Sige, just a sec." Tumalikod na siya pagkatapos.

Ang totoo, hindi talaga maganda ang pakiramdam ko ngayon. Gulong-gulo ako, pero ayokong ipahalata na wala ako sa sarili kasi hindi magiging patas kay Patrice. Gusto kong maging masaya kami ngayong gabi. 'Yun lang.

• • •

PAPUNTA KAMI NI Patrice sa isang restaurant.

Ako na muna ang nag-drive ngayon habang ka-kwentuhan siya, pero may mga pagkakataon na bigla na lang akong natatahimik.

Iniisip ko pa rin kasi kung paano ko sasabihin sa kanya ang totoo. Ayoko pang aminin lahat kasi masisira ko lang ang masayang gabi niya.

Tiningnan ko siya rito sa loob ng kotse. Pinagmamasdan niya na naman pala 'yung binigay kong singsing.

Napangiti na lang ako sabay inabot ang kamay niya. "Nagustuhan mo ba 'to?"

Tumango-tango siya habang nakangiti nang malapad. "Sobrang na-surprise mo ako. This is the best birthday gift ever. Thank you."

"Hindi mo ba naramdaman na magpo-propose ako ngayon?"

"I really have no idea. Akala ko kasi, bukas pa tayo magce-celebrate sa mismong birthday ko. Gulat na gulat ako kanina nung bigla kang dumating sa shop. Tinakot mo ako, akala ko may emergency."

"Bukas pa talaga dapat ako magpo-propose sa birthday mo para mas espesyal, pero hindi na ako mapakali. Baka hindi ako makatulog mamaya."

Natawa siya sa 'kin kahit seryoso naman ang pagkakasabi ko.

"Alam na ba ng mga magulang mo?" sumunod kong tanong.

"Mm-hmm. Tinawagan ko na sila kanina habang nasa labas ka. They're very happy for us. Tinanong nga nila agad ako kung kailan daw ang kasal. Masyadong excited. I just told them we'll talk about it first."

"Kelan mo ba gusto?"

"Ikaw. We don't need to rush things, though. Hindi naman kailangang big wedding, 'di ba? Basta isa lang ang hiling ko. Gusto ko, nasa kasal natin lahat ng mga mahal ko sa buhay. Flower girl si Jasmine. At syempre, dapat imbitahan din natin si Rose. I want her to be there in my special day."

Saglit akong napapikit at napahinga nang malalim. "Saan mo ba nakilala si Rose?"

Nabigla siya, siguro dahil biglang naging seryoso ang boses ko.

"I remember I already told you about it," sagot niya. "Nakalimutan mo? Hindi ka siguro nakikinig."

"Nakikinig ako. Tinatanong ko lang ulit."

Gusto ko kasing pagtagpi-tagpiin lahat dahil hindi ko talaga maisip kung paanong hindi ko naramdaman na si Isabela pala ang Rose na tinutukoy niya.

"I met her at a mall," sabi niya naman. "'Di ba siya 'yung tumulong nung nawala si Jasmine? Kung hindi dahil sa kanya, malamang nabaliw na ako ngayon dahil nawala sa 'kin ang anak ko. We became really good friends after that."

"Madalas ba kayong nagkikita?"

"Hmm, hindi naman. Minsan kasi, bigla-biglang nawawala 'yung si Rose. Ang hirap kontakin, parang ngayon. But she's a really nice girl. At magaling pang mag-bake. Excited na nga ako rito sa cake na binigay niya. Naalala mo, siya rin 'yung nagbigay ng cookies sa 'kin last time. 'Yung nasarapan ka? Sabi mo pa, kalasa ng paborito mo noon."

Napahigpit ang kapit ko rito sa manibela. Ewan ko, pero parang biglang kumirot ang dibdib ko. 'Yun pala 'yon. Hindi pala ako nagkamali, talagang nalasahan ko na 'yung cookies na 'yon dati kasi gawa 'yon ni Sab.

"Arkhe?" Bigla naman akong hinawakan ni Patrice sa balikat. "Are you okay?"

Tsaka lang ulit ako nabalik sa sarili. Tumango ako. "Ayos lang. Bakit?"

"Your hands were shaking. May nasabi ba ako?"

Huminga ako nang malalim. "Wala."

Saktong tumigil ulit ang mga sasakyan kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na humarap sa kanya at haplosin siya sa pisngi. "Magpahinga ka muna saglit. Mamaya sa restaurant, pag-usapan ulit natin ang tungkol sa kasal habang sumasalubong sa birthday mo."

"Okay." Ang lapad ng ngiti niya. "Thank you, Arkhe. You really made me happy tonight. Para pa rin akong nasa langit ngayon. Pakiramdam ko tuloy hindi ako makakatulog mamaya."

Ngumiti rin ako at hinaplos siya sa buhok. "Ako rin. Masaya ako."

• • •

LUMIPAS ANG ILANG araw na binuhos ko lang ulit lahat ng atensyon at oras ko kay Patrice.

Madalas ko pa ring naiisip si Sab at ang ginawa niya, pero binabalewala ko na lang. Hindi na ako pwedeng mabaliw sa kanya ngayon, lalo na't nag-umpisa na kaming mag-plano ni Patrice para sa kasal.

Ngayong araw nga lang kami walang lakad. Nasa flower shop siya. Ako, nandito lang sa bahay, hinihintay si Theo.

Nagkaayos na ulit kaming magkapatid simula nung nagpakita ako sa Batangas. Sinabihan kasi ako ni Patrice na magparamdam na sa pamilya ko.

Ayos na rin ang nangyari. Do'n ko lang kasi nalaman na may sakit pala si Mama at ilang linggo nang nasa ospital. Kaya pala may mga gabi na sobrang bigat ng pakiramdam ko. Hindi pala kasi maganda ang lagay ni Mama at alalang-alala pa sa 'kin. Ang tagal na nga raw nila akong hinahanap.

Inamin ko na sa kanila na naaksidente ako at binenta ko na ang Third Base.

Umiyak si Mama, pero siniguro ko sa kanya na ayos naman na ang lagay ko ngayon. Sa totoo lang, sobrang laking tulong na umuwi ako sa 'min. Pakiramdam ko, unti-unti na ulit akong nabubuo, na bumabalik na ang buhay ko sa dati.

Pinakilala ko na rin pala si Patrice. Nagulat sila Mama, lalo na si Theo, dahil bagong babae na ang dinala ko sa bahay. Alam kong may mga tanong sa utak nila, pero ang importante sa 'kin, tanggap nila si Patrice.

Nandito sa Maynila si Theo ngayon kaya pinapunta ko rito sa bahay.

Makikibalita lang ako sa kanya tsaka hihingi ng konting tulong para makahanap na ulit ako ng mga gig. Kailangan ko nang bumalik sa pagta-trabaho para sa amin ni Patrice at Jasmine. Hindi ko pwedeng pabayaan ang anak niya. Magiging anak ko na rin 'yon.

Ngayon nga ako nanghihinayang na binenta ko ang Third Base. Pero ayos lang. Makaka-ahon din ulit ako at makakabalik sa dati. Ang swerte lang ng nakabili ng club ko kasi talagang inalagaan ko ang lugar na 'yon.

Mayamaya, dumating na rin si Theo.

Sinalubong ko siya sa gate. May dala siyang kotse na hindi ko alam kung kanino niya hiniram.

"Nahirapan ka bang hanapin 'tong bahay?" tanong ko agad pagkababa niya.

"Hindi naman. Pero ang layo. Bahay ba 'to ni Patrice?"

"Oo. Wala pa siya ngayon, nasa trabaho pa." Niyaya ko na siyang pumasok sa loob.

Natutuwa ako kahit papaano na bumalik na kami nitong si Theo sa dati. Para ngang walang nangyaring away sa pagitan namin. Parang hindi niya ako nasapak dahil sa mga kagaguhan ko.

Pinauna ko siya sa sala. Kumuha lang muna ako ng beer sa ref, tapos sumunod na rin.

"Wag kang maingay," sabi ko sa kanya. "Natutulog si Jasmine, baka magising mo."

"Sino si Jasmine?"

"Anak ni Patrice. Ako ang nag-aalaga kapag kailangan si Patrice sa shop."

Napangiti siya. "Instant tatay ka, ah."

Napangiti lang din ako sabay lingon sa pinto ng kwarto kung saan natutulog si Jasmine. "Mahal ko rin 'yung batang 'yon."

Hindi na siya sumagot. Tumungga na lang siya sa bote ng alak.

Tumungga rin muna ako bago nagtanong ulit. "Kumusta si Mama?"

"Ayon, nakalabas na ng ospital. Ikaw lang naman talaga ang hinihintay no'n para pilitin ang sarili niyang gumaling. Kinukulit na naman nga ako, kelan ka raw ulit babalik."

"May inaasikaso lang akong importante rito. Kapag nakaluwag-luwag sa oras, dadalaw ulit ako sa Nasugbu."

"Anong inaasikaso mo?"

Huminga ako nang malalim. "Ikakasal na kami ni Patrice."

Bigla siyang natigilan. Hindi siya nakapagsalita at napatitig lang sa 'kin.

Inaasahan ko naman na ganito ang magiging reaksyon niya. Hindi ko kasi sinabi sa kanya ang tungkol sa plano kong 'to nung huling beses kaming nag-usap sa Batangas. Nasa isip ko na no'n na yayayain ko na ng kasal si Patrice, pero wala muna akong pinagsabihan. Kahit si Mama, hindi pa alam 'to.

"Sigurado ka na ba diyan?" seryosong tanong niya. "Tangina mo, Arkhe, hindi biro 'yang papasukin mo."

"Bakit naman ako hindi magiging sigurado?"

"'Di ba hindi mo pa gano'n katagal kakilala si Patrice?"

"Wala naman sa tagal 'yon. Ilang buwan pa lang kaming nagsasama pero masaya kami at magkasundo sa maraming bagay. 'Yon na ang importante sa 'kin."

"May anak 'yon. Kapag pinakasalan mo siya, hindi lang siya ang dadagdag sa buhay mo. Pati na ang anak niya."

"Alam ko. Handa ako sa ganong responsibilidad. Napamahal na rin naman sa 'kin si Jasmine. Tanggap ko lahat."

Napabuntong-hininga na lang siya na para bang sumuko. "Ibig sabihin, wala na talaga si Sab?"

Napapikit ako. Sinasabi ko na nga ba, imposibleng hindi mapapasok si Sab sa usapan.

"Ayoko na muna siyang isipin," sabi ko na lang.

"Bakit? Nakapag-usap na ba ulit kayo?"

Umiling ako. "Ewan ko kung kaya ko pa siyang makausap. May ginawa siya sa 'min ni Patrice na ang hirap paniwalaan."

Parang bigla naman siyang naging interisado sa sinabi ko.

Pinatong niya yung hawak niyang bote ng alak sa gitnang mesa sabay tumingin sa 'kin. "Bakit, anong nangyari?"

Napapikit ako kasi naalala ko na naman lahat. "Nagpanggap siya na ibang tao at kinaibigan si Patrice. Wala kaming kaalam-alam. Ibang pangalan pa ang ginamit niya."

"Ano? Teka, hindi ko maintindihan. Ibig sabihin, kilala niya na si Patrice?"

"Oo. Matagal-tagal na rin. Hindi ko pa nga nasasabi kay Patrice 'tong tungkol dito. Hindi ko alam kung paano ako babanat, lalo na ngayong masaya siya sa pag-aasikaso sa kasal."

Hindi naman na ulit siya sumagot. Bigla siyang tumingin sa malayo at parang may malalim na iniisip.

"Bakit?" tanong ko.

Napabuntonghininga siya. "Wala. Ang hirap lang paniwalaan."

"Mahirap talaga. Kahit ako, hindi ko inasahan 'to. Akala ko nananahimik na siya."

"Hindi, ang ibig kong sabihin, ang hirap paniwalaan kasi nagkita pa kami ni Isabela."

Bigla akong napatuwid ng upo. "Nagkita kayo? Kelan?"

"Tsk, hindi ko 'to pwedeng sabihin, eh. Nangako ako kay Sab na hindi ko ipaaalam sa 'yo."

"Ang alin? May alam ka na hindi ko alam?"

Hindi siya sumagot.

"Theo? Ano 'yon? Bakit kayo nagkita?"

Bumuntonghininga ulit siya. "Naging desperado kasi ako dahil sa lagay ni Mama sa ospital. Hindi ko na alam kung saan pa kita hahanapin. No choice na ako, pinuntahan ko na lang si Sab. Tinanong ko kung kung nasaan ka. Halos magmakaawa na ako makakuha lang ng sagot, pero wala raw siyang alam. Sinabi niya sa 'kin na matagal na kayong hiwalay at ayaw na niyang mangialam kasi wala na raw siyang karapatan."

Ako naman na 'tong hindi nakapagsalita. Ang daming tanong na biglang nagsipasukan sa utak ko.

Ayaw na niyang mangialam? E bakit nakipag-kaibigan siya kay Patrice?

"Alam mo ba, sumama pa siya sa 'kin sa Batangas para dalawin si Mama," dagdag niya. "Nag-sorry siya sa nangyari dati sa bahay, tapos siya ang nagbayad ng bill ni Mama sa ospital. Hiyang-hiya nga ako kasi hindi niya naman na kailangang gawin 'yon. Pagkatapos no'n, nakiusap na lang ulit siya sa 'kin na wag sasabihin sa 'yo na nagkita kami at na pumunta siya sa Batangas. Ayaw niya lang daw kasing isipin mo na bumabalik pa siya sa buhay mo . . .

. . . Kaya hindi ako makapaniwala na matagal na niyang kilala si Patrice. Kasi kung kilala niya pala si Patrice, bakit hindi niya sinabi sa 'kin? Tsaka malamang alam niya na rin no'n kung nasaan ka, pero hindi niya inamin kahit na halos magmakaawa na ako."

Bumuntonghininga ulit siya. "Parang may hindi lang nagtutugma, eh. Sigurado ka ba talagang nagpanggap siya at kinaibigan si Patrice? O hindi niya alam na si Patrice pala ang bago mong girlfriend?"

Wala na akong nasabi. Para akong natauhan. Mali yata lahat ng iniisip ko.

Bigla niya naman akong tinapik sa balikat. "Mukhang kailangan niyong mag-usap ni Isabela. Hindi kayo nagkakaintindihan."

Yumuko ako at pumikit. Nawalan ako ng lakas. "Hindi na ako pwedeng makipagkita sa kanya. Ikakasal na ako. Nando'n pa siya nung nag-propose ako kay Patrice kaya nga nalaman kong magkakilala pala sila. Kitang-kita niya lahat."

"E 'di mas lalo kayong dapat mag-usap. Ikakasal ka na lang din naman, bakit hindi mo muna ayusin 'yung maiiwan mo?"

Umiling ako.

"Bahala ka. Hindi na kita kokontrahin kasi baka mag-away na naman tayo. Ang akin lang, para sa 'yo rin naman 'yon, para sa ikatatahimik ng isip mo. Wag mong dalhin 'yang problema mo kay Sab sa bago mong buhay kasama si Patrice. Hindi ka tuluyang magiging masaya niyan."

Napaisip ako sa sinabi niya.

Tama naman, pero masasaktan ko si Patrice kapag ginawa ko pa 'yon. Tsaka wala pa rin namang magbabago sa 'min. Hiwalay pa rin kami at magpapakasal pa rin ako.

Love this story? Support me on Patreon and help me keep writing beautiful novels: www.patreon.com/barbsgaliciawrites.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top