Chapter 14

ARKHE

HINDI KO ALAM kung paano ko pa nagawang makauwi nang buhay.

Buong byahe pabalik sa bahay nila Isabela, nagdidilim lang ang paningin ko. Tangina, nanginginig ako sa galit. Gustong-gusto ko silang suguring dalawa kanina at gulpihin nang harap-harapan si Morris, pero nagpigil ako ng sarili. Mas gusto ko munang makausap si Isabela at malaman kung bakit niya ako niloko nang ganito.

Nakabalik agad ako sa bahay nila at sa garden muna ako dumiretso para magpakalma ng sarili.

Umupo ako sa kahoy na bangko at kinuskos ang mga kamao ko na kanina pa nanginginig. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Gusto kong umiyak at ilabas lahat ng galit at sama ng loob na nararamdaman ko.

Ang dami kong hindi maintindihan, eh. Akala ko ba nanahimik na si Morris? Akala ko naasikaso na siya ni Amanda? Pero demonyo pala talaga ang animal na 'yon, patalikod kung kumilos. Ngayon malinaw na kung bakit biglang nag-iba ang asta sa' kin ni Sab. Ang galing nilang magtago, tangina, hindi ko man lang nahalata.

Hinintay kong makauwi si Isabela sa bahay. Inabot na ako ng hating gabi dito sa labas, tulog na halos ang mga tao, at saka lang siya dumating.

Parang wala pa nga siyang balak na makipag-usap. Pagkababa niya ng kotse, tiningnan niya lang ako na naghihintay sa garden, tapos dapat ay papasok na agad siya sa loob ng bahay.

Ibang klase. Tinawag ko na lang. "Isabela."

Natigilan siya sabay lingon sa 'kin. Medyo madilim na rito sa labas, pero pansin ko pa rin ang pagsalubong ng mga kilay niya. Siguro dahil sa tono ng boses ko at sa binanggit kong pangalan. Hindi ko na kayang maging malambing at tawagin siya sa palayaw ko sa kanya.

Nilapitan niya naman na ako. "Yes?"

"Umupo ka." Tinuro ko ang katapat kong bangko.

Huminga siya nang malalim. "Bakit ba? I'm sleepy already. Gusto ko nang umakyat."

"Umupo ka muna," diin ko. "Mag-usap tayo."

Halata kong nabigla siya, pero hindi na siya lumaban. Umupo na lang siya sa katapat na bangko at hindi na tumitingin sa 'kin.

Ako, titig na titig ako sa kanya. Iniisip ko kung paano nagawa ng ganito kabait at ka-inosenteng itsura ang manakit ng ganito katindi. Tangina, sagad sa buto. Gusto ko siyang pagsalitaan nang masasakit ngayon, pero gusto ko pa rin siyang respetuhin. Alam ko rin naman kasing hindi pa naman talaga siya gumagaling nang tuluyan.

"Saan ka galing?" nagtanong na ako.

Hindi siya sumagot. Ni hindi niya pa rin ako tinitingnan.

"Isabela. Tinatanong ko kung saan ka galing?"

Bumuntong-hininga na naman siya. "I had my therapy. Na-reschedule ang session kaya ngayon ako pumunta."

Sinungaling. "Masyado naman yatang gabi 'yang therapy mo. Sinong kasama mo papunta sa ospital?"

"Wala. Just me and my bodyguard."

Sinungaling talaga.

Napapaisip tuloy ako ngayon kung totoo pa ba lahat ng mga ginagawa niyang therapy at pag-aaral sa opisina, o palusot niya na lang ang mga 'yon para makapag-kita sila ni Morris. Ang tanga ko at nauto ako.

Napangisi na lang ako at tinitigan na siya nang matalas. "Kailan pa, ha?"

"What?"

"Kailan mo pa ako niloloko?"

Bigla siyang natawa. "Are you drunk? What are you talking about?"

Umigting ang panga ko. Hindi ko mapigilang hindi magalit. "Ganyan ka na ba talaga ngayon?"

"Eh sa hindi ko naman kasi talaga alam kung anong sinasabi mo, eh."

"Sinundan kita kanina, hindi ka galing sa therapy. Nagkita kayo ni Morris."

Bigla siyang napatuwid ng likod at pinanlakihan ng mga mata. Wala siyang nasabi.

"Ano, alam mo na ba ngayon kung anong sinasabi ko?"

Hindi siya sumagot. Umiwas lang siya ng tingin na parang walang narinig.

Pumikit ako nang mariin para pigilan ang pangingilid ng mga luha ko. "Bakit, Isabela? May nagawa ba 'kong masama sa 'yo? Bakit kailangan mo akong lokohin?"

Hindi pa rin siya sumagot.

Binalik ko ang tingin ko sa kanya. "Kailan pa ang relasyon niyo ni Morris?"

Wala pa rin siyang imik.

"'Yong sinabi mo sa 'kin sa Batangas na kinakahon kita at pinipigilang magkaroon ng bagong buhay, totoo ba 'yon o sinabi mo lang 'yon para hindi ko mahalatang may tinatago ka sa' kin?"

Hindi talaga siya sumasagot.

"Magsalita ka naman! Bigyan mo naman ako ng sagot kasi tangina nababaliw na 'ko rito!"

"I can't remember you, okay!" laban na niya sa 'kin. "Kahit na anong gawin mo, hindi talaga kita maalala!"

"Sapat na dahilan ba' yon para magsinungaling ka sa'kin?"

"There's no point of telling you the truth. You're so close-minded. Ibang-iba sa 'yo si Morris na hinahayaan lang ako kung anung gusto kong gawin. Ikaw, palagi mo lang ginugulo ang isip ko sa kaka-paalala ng kung anu-anong mga bagay."

"Pasensya na, ah? Kung gano'n ako sa 'yo. Akala ko lang kasi 'yon ang makakabuti. Pero wag na wag kang magpapaniwala sa inaasta ni Morris. Hindi mo kilala ang demonyong 'yon."

"He's not a demon! Don't brainwash me!"

Natigilan ako at napatulala sa kanya. Saan niya nakuha na nangbe-brainwash ako? Ako pa pala ngayon?

Pumikit ulit ako nang mariin para pigilan ang sarili ko dahil, tangina, malapit na akong sumabog sa sobrang galit. "Anong mga pinagsasasabi sa 'yo ni Morris?"

"Nothing."

"Hindi ako naniniwalang wala. Kilala ko ang gagong yon."

"Wala naman talaga siyang sinasabi, eh. It's my decision to love him."

Binalik ko ang tingin ko sa kanya. "Mahal mo siya? Sinaktan ka ni Morris. Siya ang dahilan kung bakit tayo nagkahiwalay dati. Kinulong ka niya sa New York at doon ka nagkasakit. 'Yon ang katotohanan na hindi namin masabi-sabi sa 'yo dahil baka hindi mo kayanin."

"I said stop brainwashing me!"

"Hindi kita ginagano'n, Isabela. Layuan mo si Morris. Sinasamantala niya na wala kang natatandaan."

"Ikaw ang nananamantala sa 'kin! I'm so tired of you and all your dramas, Arkhe! Can't you just accept the fact that your role in my life is now over?"

Napabagsak ako ng mga balikat. Tinitigan ko siya nang matagal habang nangingilid ang luha sa mga mata ko. "Mahal na mahal kita, Sab, pero sobra naman 'to."

Hindi na siya sumagot. Umiwas na lang siya ng tingin.

Huminga ako nang malalim, tapos ay tumayo na at naglabas ng susi ng kotse. "Mali na ikaw ang una kong hinarap."

Napatayo rin naman siya. "W-where are you going?"

"Kay Morris. Imposibleng wala siyang sinabing kasinungalingan sa 'yo. Humanda siya sa 'kin."

"No!" Hinabol niya ako at pilit akong pinigilan sa pag-alis. "Arkhe!"

Wala na ako sa sarili ngayon. Nagdidilim na naman ang paningin ko at ang gusto ko na lang ay magulpi ang demonyong Morris na 'yon dahil sa ginawa niyang pagmamanipula kay Sab.

"Arkhe!" Pigil pa rin ni Isabela. Hindi ko siya pinapansin.

Hanggang sa naabutan na niya ako. Tumapat agad siya sa 'kin at sinampal ako nang malakas sa pisngi. "Don't you dare hurt Morris!"

Nagising na ako ro'n.

Nagising na ako sa katotohanang hindi na talaga siya ang Isabela na kilala ko.

Nawalan ako ng lakas at hinang-hina na lang na napasandal sa kalapit na pader. Malungkot ko siyang tiningnan. "Mali ang taong pinaglalaban mo, Sab."

Bigla naman na siyang naluha. Umupo siya sa malaking bato rito sa garden at doon siya tuluyang umiyak.

Gusto ko na ring iiyak lahat ng 'to, pero hindi ako makaiyak. Naiipon na lang lahat ng bigat sa dibdib ko.

Inaamin ko na kanina, medyo umaasa pa ako na maaayos pa 'tong problema namin. Naisip ko na baka naguguluhan lang siya; na baka hindi niya rin ginusto 'tong nangyari. Kung ganoon sana, lalaban pa ako. Haharapin ko si Morris at paaaminin siya sa mga kasinungalingan niya. Kalilimutan ko ang panlolokong ginawa nila at lalaban pa rin ako para sa amin ni Sab. Pero mukhang nakuha na talaga ni Morris ang loob niya.

Muli ko siyang tiningnan. "Paano na tayo ngayon?"

Hindi siya sumagot. Umiiyak lang siya.

"Ano nang gusto mong mangyari?" Sumunod kong tanong.

Pinahid niya ang mga luha niya at tiningnan niya na rin ako nang diretso. "Gusto ko, pakawalan mo na ako."

Hindi na ako nakapagsalita. Alam ko naman na 'yon na talaga ang hihilingin niya, pero ang sakit pa ring marinig. Akala ko kasi walang iwanan.

"Set me free, Ark," dagdag niya pa. "Let me start a new life with Morris. I love him."

Yumuko ako.

Nilunok ko lahat ng sakit at tinanggap ko ang pagkatalo ko, tsaka ako tumango at umalis nang wala ng kahit na anong sinasabi. Pero bago pa ako makapasok sa bahay, nagsalita pa ulit siya.

"And please leave our house now. I don't want to see you here anymore."

Hindi ko na siya pinansin. Tumuloy ako sa pagpasok sa bahay nila para mag-empake na ng mga gamit.

Bigla ko namang nakasalubong si Amanda na pababa ng hagdan at natataranta.

"A-anong nangyari?" nag-aalalang tanong niya sa 'kin. "Ginising ako ng helper, narinig niya raw kayo ni Isabela na nag-aaway . What happened?"

"Ibang klase 'yang kapatid mo." 'Yon lang ang sinagot ko, tapos ay dumiretso na sa pag-akyat.

"Arkhe!"

Hindi ako lumingon.

Pagkapasok ko sa kwarto, kinuha ko na lahat ng mga gamit ko. Hindi ko na alam kung saan pa ako nakakakuha ng lakas ngayon. Nag-e-empake ako, pero ang utak ko bumabalik sa lahat ng mga sinabi sa 'kin ni Isabela.

Tangina hindi na ako natapos-tapos sa ganitong sakit. Sising-sisi ako na tinanggap ko pa siya noon. Sana hindi ko na lang siya hinayaang bumalik sa buhay ko.

Patapos na ako sa pag-e-empake nang bigla namang dumating si Amanda.

Lumapit agad siya sa 'kin at pinigilan ako sa ginagawa ko. "Arkhe, ano ba kasing nangyari? Ayaw akong kausapin ni Isabela."

Hindi ko siya pinansin at tumuloy lang ako sa pag-e-empake.

"Arkhe naman, don't do this. Kung ano mang problema niyo ni Isabela, tutulungan ko kayong maayos iyon."

Hindi ko pa rin siya kinibo.

"Please, Arkhe, huwag mong sukuan ang kapatid ko. She's not completely well yet. She needs you."

Tumigil na ako at tiningnan siya nang matalas. "Hindi niya na ako kailangan. Magaling na siya at kaya na niyang mag-desisyon para sa sarili niya."

Binitbit ko na ang mga gamit ko at lumabas na ng kwarto.

Humabol naman agad si Amanda sa 'kin.

"Arkhe! Mag-usap muna tayo nang maayos. I will help you."

Dumiretso ako sa pagbaba. Lumabas na nga rin si Arthur sa kwarto dahil narinig kami. Tinawag niya rin ako pero hindi ko sila pinansin.

Naabutan ako ni Amanda at mabilis niya akong hinawakan sa braso. "Arkhe, please. Ako na ang nagmamakaawa."

Tinitigan ko siya. "Ayoko nang lumaban, Amanda. Napapagod din ako."

Nalugmok ang itsura niya at siya na mismo ang bumitiw sa pagkakahawak sa 'kin.

Tumuloy ako sa pagbaba.

Naabutan ko si Isabela na nakaupo pa rin doon sa malaking bato sa garden kung saan ko siya iniwan.

Saglit akong tumigil at tiningnan siya sa huling pagkakataon. "Malaya ka na. Maging masaya ka lang, ayos na sa 'kin."

Dumiretso na ako papunta sa kotse ko pagkatapos, at umalis na sa bahay na dapat umpisa pa lang hindi ko na tinirhan.

Love this story? Support me on Patreon and help me keep writing beautiful novels: www.patreon.com/barbsgaliciawrites.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top