Chapter 13
ARKHE
"KUMUSTA KA NA? Nag-aalala sila Mama sa 'yo, hindi ka pa raw nagpaparamdam."
Napangiti lang ako nang mapait habang kausap si Theo sa cellphone.
Nakatambay ako ngayong hapon dito malapit sa swimming pool ng bahay nila Sab. Mahigit isang linggo na mula ang nangyari sa 'min sa Batangas.
"Ayos lang," sagot ko sa kapatid ko. "Galit pa ba si Mama kay Sab?"
"Hindi naman galit. Nasaktan lang para sa 'yo. Si Unice pala, sobrang naapektuhan. Ayaw nang pumasok sa school. Gusto pang sumama sa 'kin nung bumalik ako rito para mag-sorry kay Isabela. Kumusta ka na ba talaga diyan?"
"Ayos nga lang."
"'Yung totoo?"
Hindi na ako sumagot.
Wala pa kasi talaga akong matinong maiki-kwento sa kanila kaya hindi pa muna ako nagpaparamdam. Hindi ako sanay na nadadamay sila sa mga personal kong problema.
"Oy, Arkhe?"
Napabuntong-hininga na ako. "Hindi ko alam. Hindi ko na alam kung kumusta talaga ako rito."
"Tangina mo, sumagot ka nga nang maayos."
"Hindi pa rin kami nag-uusap ni Sab hanggang ngayon," sinabi ko na. "Maghihiwalay na naman yata kami."
"Sinubukan mo na ba siyang kausapin tungkol do'n sa nangyari?"
"Umiiwas. Kahit nga dina-daga akong lumapit sa kanya kasi baka mapagsalitaan niya na naman ako nang masakit, sinusubukan ko pa rin. Kaso siya talaga 'tong lumalayo. Ang laki-laki yata siguro talaga ng kasalanan ko sa kanya."
Siya naman 'tong hindi nakasagot.
Bumuntong-hininga na lang ulit ako sabay sandal dito sa upuan malapit sa swimming pool. "Madalas siyang umaalis ngayon. Minsan wala naman siyang therapy o training sa opisina, pero umaalis siya. Hindi ko na nga siya naaabutan dito sa bahay. Ewan ko kung paano niya nagagawang umalis-alis habang ganito na nagkakalabuan kami. Kasi ako, simula ang nangyari sa Batangas, hindi na ulit ako nakakilos nang matino. Pero siya, parang normal lang. Parang walang problema."
"Mahal mo pa ba, 'tol?"
Natigilan ako. "Anong klaseng tanong 'yan?"
"Tanong na matino. Mahal mo pa ba? Kasi gago, ako 'tong nahihirapan para sa 'yo. Wag kang magpaka-tanga sa kanya. Babae lang 'yan."
"Hindi basta babae lang si Sab."
"Alam ko. Pero alamin mo rin naman ang halaga mo. Minsan kasi ang tigas din talaga ng ulo mo, e. Dapat alam mo kung hanggang saan ka lang, kung kailan ka dapat tumigil."
Hindi na ulit ako nakapagsalita. Tinamaan ako ro'n kasi alam ko sa sarili ko na hindi talaga ako hihinto pagdating kay Sab.
"Kung balak mo nang umalis diyan sa bahay, sabihan mo 'ko agad," dagdag pa nitong si Theo. "Ako mismo ang susundo sa 'yo riyan."
Hindi pa rin ako sumagot. Hanggang sa binaba niya na lang ang tawag.
Tumingala ako sa langit sabay huminga ulit nang malalim.
Wala akong balak umalis dito. Pinangako ko sa sarili ko nung unang dating ko rito na hinding-hindi ako aalis hangga't hindi kami bumabalik sa dati ni Sab. Paninindigan ko 'yon.
"Looks like you need a drink."
Napatingin agad ako sa gilid ko.
Pinuntahan ako ni Arthur, asawa ni Amanda, inabutan ako ng baso ng alak.
Tinanggap ko kahit na gusto ko sana munang magpahinga ngayon dahil ilang gabi na ring puro alak ang dumadaloy sa dugo ko.
Pagkakuha ko ng baso kay Arthur, umupo rin siya sa katabi kong upuan. Pinanood niya ang anak niyang si Toby na nagsi-swimming at naglalaro sa pool kasama ang yaya nito.
Hindi kami madalas mag-usap nitong si Arthur, lalo na kung hindi importante. Pero mabait siya. Nung nakatira ako sa kanila sa New York, kahit isang beses hindi niya pinaramdam sa 'kin na ibang tao ako. Tanggap na tanggap nila ako ni Amanda.
Uminom ako nang kaunti rito sa binigay niyang alak. "Wala kayong trabaho ni Amanda ngayon?"
Huminga siya nang malalim sabay inom sa sarili niyang baso ng alak. "Amanda went out to pamper herself. Me, I just also wanted to relax at home. We both need a break from work. Tutal, tapos na rin naman ang laban."
Napayuko ako. Alam ko ang ibig niyang sabihin. Tungkol 'yon sa insurance firm nila, ang dahilan kung bakit sila bumalik ng Pilipinas. "Hindi na ba talaga magagawan ng paraan? Magfa-file na kayo ng bankruptcy?"
"Yeah, that's the plan. Napagod na si Amanda. Napagod na kami."
"Pasensya na. Kung may maitutulong lang sana ako sa inyo. Kaso wala akong alam sa ganyan-ganyan."
Totoo naman kasi. Hindi ko na ulit nakikita si Amanda nitong mga nakaraang araw dahil sa sobrang abala nila. Isasara na nila ang isa nilang negosyo, at wala akong maitulong. Pakiramdam ko pabigat pa ako kasi nakikitira ako rito sa bahay.
Tipid namang ngumiti 'tong si Arthur. "May naitutulong ka sa 'min. Binabantayan at inaalagaan mo si Isabela. Malaking tulong na 'yon sa asawa ko. Kahit papaano, nababawasan ang mga inaalala niya."
Napangiti rin ako sabay inom ulit ng alak. "Mabuti nga sana kung hanggang ngayon nababantayan at naaalagaan ko pa rin si Sab."
Napatingin siya sa 'kin. "Ano bang pinagdadaanan niyong dalawa?"
"Malaki. Hindi ko lang maipaliwanag nang eksakto kung ano. Hindi pa ulit kami nag-uusap simula noong umuwi kami galing sa bahay namin sa Batangas."
"Have you tried talking to her?"
"Sinusubukan. Pero sa ngayon, mukhang kailangan ko muna talaga siyang bigyan ng oras at espasyo. Hihintayin ko na lang siguro na pansinin niya ulit ako, pero nandito pa rin naman ako palagi para sa kanya."
"Wag mong tagalan ang pagbibigay ng espasyo, baka masanay siya."
Hindi ako nakasagot do'n. 'Yon din kasi ang isa sa kinatatakot kong mangyari.
"Hangga't maaari, pag-usapan niyo agad nang masinsinan ang problema," dagdag ni Arthur. "Ayusin niyo agad, para hindi magpapatong-patong. Communication is always the answer. 'Yan ang sikreto namin ni Amanda kaya hanggang ngayon, matatag pa rin kaming dalawa kahit na orinigally, we were just forced into an arranged marriage."
Oo nga pala. Sa sobrang hanga at taas ng tingin ko sa pagmamahalan nila ni Amanda, nakakalimutan ko ng arranged marriage nga lang pala sila dati.
Uminom ulit ako ng alak. "Hindi ba kayo nahirapang mahalin ang isa't isa nung bagong kasal pa lang kayo?"
Napangiti siya. "I often get that question. Akala ko rin dati, magiging mahirap kasi hindi ko nakasama si Amanda kahit isang beses bago ang kasal. Ang alam ko lang, ang pangalan niya at kung saang pamilya siya galing. A Santiaguel. Big name in the business world . . .
. . . But love was easy for me and Amanda. We clicked. Naging magkasangga kami sa lahat ng bagay. I learned to love her, and now I can't see myself without her anymore. Parte ko na siya."
Napangiti ako. Bigla akong nainggit. "Sana ganyan lang din kadali ang pag-ibig para sa 'min ni Sab. Tangina, parang sa 'min binuhos lahat ng problema."
"Those challenges are just temporary. Tiwala lang. Magiging masaya rin ulit kayong dalawa, basta wala lang bibitiw."
Huminga ako nang malalim at pumikit.
Wala naman talaga akong balak bumitiw. Kahit na sobrang nadudurog na ako, hindi ko susukuan si Isabela kasi alam kong huling pagkakataon ko na 'to. Kapag nawala pa ulit siya sa 'kin, alam kong hindi ko na siya makukuha ulit.
• • •
NO'NG SUMAPIT ANG gabi, naisip kong magkulong na lang ulit sa kwarto.
Paakyat na ako sa taas nang mapansin kong bukas ang kwarto ni Sab. Alam kong umiiwas siya sa 'kin, pero gusto ko lang magbaka-sakali kung papansinin niya na ako. Naalala ko rin kasi ang pinagusapan namin ni Arthur. Mas tama na ayusin na agad namin ang problema bago pa magpatong-patong.
Kinatok ko saglit 'tong pinto, at saka ako sumilip. Wala siya sa loob pero naririnig kong bukas ang tubig sa C.R.
Tumuloy na lang ako sa pagpasok.
Umupo ako sa gilid ng kama niya para dito na lang siya hintayin. Bigla ko namang napansin 'tong katabing maliit na mesa. May singsing kasi na nakasuksok sa ibang mga gamit. Ito yata ang singsing na binigay ko sa kanya nung una ulit kaming nakapag-date.
Kinuha ko. Ito nga ang bigay kong singsing.
Nakaramdam na naman tuloy ako ng lungkot. Pansin ko na hindi niya na 'to sinusuot ngayon. Gusto ko sana na sinusuot niya 'to para maaalala niya ako sa tuwing nakikita niya. Kaso mukhang ayaw na niya talaga akong alalahanin.
Ayoko na siyang tanungin tungkol dito dahil baka mas lalo pang bumigat ang pakiramdam ko. Ang hirap lang na pinalalakas ko ang loob ko, pero sa tuwing pinupuntahan ko siya, palagi na lang talagang may nangyayari na ikinahihina ko.
Ibabalik ko na lang sana ulit 'tong singsing sa pinaglalagyan, pero biglang may tumunog na cellphone.
Hindi ko ugaling mangialam ng gamit, kaso kinukutuban ako. Binuksan ko 'tong drawer ng mesa. May cellphone nga sa loob. Hinintay kong tumigil sa pag-ring at saka ko kinuha. Unknown number ang tumawag.
Napakunot ako ng noo. Bakit may cellphone na naman si Sab? Ang alam ko kinuha na ni Amanda ang binigay nito dati. Napag-usapan na rin namin 'to na wag na munang pagamitin ng cellphone si Sab.
Tsk, hindi talaga maganda ang kutob ko. Tumayo ako at pumunta malapit sa bintana. Nilabas ko ang cellphone ko para tawagan si Amanda.
Alam kong nasa labas pa siya ngayon, pero buti sinagot niya agad ang tawag ko. "Hey."
Lumingon muna ako sa nakasarang C.R para masigurong hindi pa lalabas si Sab, at saka ako nagsalita. "Amanda." Hininaan ko lang ang boses ko.
"Hi! What's up?"
Huminga ako nang malalim. "Binigyan mo ba ulit ng bagong cellphone si Sab?"
"Bagong cellphone? Hindi. Bakit."
"Hindi mo siya binigyan ulit?"
"No. 'Di ba ayaw natin para wala na uling ibang nagte-text at tumatawag sa kanya? Why, is there a problem?"
Hindi muna ako sumagot. Tiningnan ko ulit 'tong cellphone ni Sab na hawak ko. Kung hindi siya binigyan ni Amanda, kanino galing 'tong bagong cellphone?
"Hello? Arkhe? What's the problem?"
Huminga ulit ako nang malalim. "Wala."
"Are you sure?"
"Oo."
"O-okay. 'Yon lang ba kung bakit ka tumawag?"
"'Yon lang. Salamat. Pasensya na, na-istorbo ulit kita." Nagpaalam na kami sa isa't isa pagkatapos. Ayoko nang makadagdag pa sa mga problema ni Amanda kaya hindi ko na inamin.
Sakto naman no'n, lumabas na si Sab mula sa C.R.
Natigilan agad siya at pinanlakihan ng mga mata nung nakitang nandito ako. "W-what are you doing here?" 'Yung tono niya pa halatang hindi niya ako gustong makita.
Ngumiti na lang ako nang mapait. "Dinalaw ka lang. Aalis ka ba?" Nakabihis kasi siya ng magandang bistida.
Hindi niya ako sinagot. Napansin niya kasi ang cellphone niya na kapit ko.
Lumapit agad siya sa 'kin para kunin. "Bakit nasa iyo 'to? Pinapakialaman mo ang mga gamit ko?"
"Sorry, nag-ring kasi kanina. May cellphone ka na pala ulit. Sinong nagbigay niyan?"
Umiwas siya ng tingin. "Si Amanda."
Biglang namanhid ang mga kamay ko dahil sa tensyon, pero hindi ako nagpahalata na naapektuhan. "Si Amanda ang nagbigay sa 'yo?"
"Yes. Sino pa bang iba?" Tinalikuran na niya ako at nag-ayos na siya ng gamit. Tapos, bigla na siyang umalis nang walang paa-paalam.
Para akong sinaksak patalikod. Sa puntong 'to, alam ko nang niloloko ako ni Sab.
Yumuko ako at pinilit labanan ang matinding sakit na nararamdaman ko.
Kanina sabi ko pa, hinding-hindi ko susukuan si Sab. Pero ngayon, nagdadalawang-isip na ako. Pinaka-ayoko talaga sa lahat ang nagsisinungaling sa 'kin.
Kinalma ko ang sarili ko at lumabas na rin ng kwarto.
Susundan ko siya sa pupuntahan niya. Kung nagagawa na niyang magsinungaling sa 'kin, malamang may iba pa siyang tinatago.
• • •
PINAUNA KONG MAKAALIS si Sab at ang driver niya. Wala siyang kasunod na bodyguard. Matagal na siyang hindi nagpapasama ng bantay.
Nilabas ko ang kotse ko at sinundan siya nang hindi niya napapansin.
Ang bigat ng dibdib ko habang nagmamaneho. Ewan ko nga kung paano ko pa nagagawang makatutok nang diretso sa kalsada. Kahit kailan, hindi ko naisip na darating ako sa punto na pagdududahan ko si Sab. Sa kanya pinaka-panatag ang loob ko. Pero ngayon, siya na ang nagiging dahilan ng sobrang takot at pag-aalala ko.
Huminto na ang sinasakyan ni Sab sa isang bakanteng lote. Hindi ko alam kung anong meron sa lugar na 'to, bukod sa isa pang sasakyan na kulay silver na parang naghihintay sa kanya.
Pumarada ako sa tagong sulok. Tama nga ang kutob ko, may iba pa siyang pinupuntahan na walang kinalaman sa therapy at pag-aaral niya sa opisina.
Bumaba na si Sab ng kotse. Doon naman sa silver na sasakyan, may lalaki ring bumaba.
Umigting agad ang panga ko at nanggigil ang kapit sa manibela nang mamukhaan ko na kung sino ang lalaki. Tangina. Si Morris.
Sinalubong niya si Sab at nagyakapan sila.
Wala akong ibang nagawa kung 'di ang tingnan lang silang dalawa habang naninikip ang dibdib ko sa galit. Akala ko iyon na ang pinaka-masakit na makikita ko ngayong gabi, pero hindi pa pala.
Tumingkayad si Isabela at ito mismo ang humalik sa mga labi ni Morris.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top