Chapter 11
ARKHE
"SAB? NANDITO NA tayo sa Batangas." Marahan kong tinapik si Isabela na napasarap ang tulog dito sa kotse.
Ang bilis niya namang nagising at napatingin sa bintana. "W-we're here?"
"Oo. Tara na. Bumaba na muna si Theo." Ang utol ko kasi ang nag-drive sa 'min.
Naglabas muna si Sab ng salamin galing sa bag niya para mag-ayos ng sarili.
Inayos ko na lang din ang buhok niya. Pansin kong hindi na niya sinusuot ang mga binigay kong clip.
"Maganda ka na," sabi ko na lang kasi hindi siya mapakali habang naglalagay ng lipstick.
"No, I need to look good. I'm so nervous."
"Ba't ka kinakabahan? Nakilala ka na nila dati, kaya siguradong gusto ka nila."
Tumingin siya sa 'kin. "Kahit ganito na ako ngayon?"
"Bakit, wala namang nagbago sa 'yo, ah."
Tipid lang siyang ngumiti, tapos bumalik na sa pag-aayos.
Hinintay ko na lang muna siya. Gusto ko rin kasi na kumportable siya kapag humarap na ulit sa pamilya ko.
Buti nga natuloy kami ngayon sa pagpunta rito sa Batangas. Akala ko magbabago ang isip niya sa pagsama dahil nga sa nangyari sa kwarto ko. Hindi naman na namin napag-usapan ulit ang tungkol do'n. Pero ramdam kong mas lalo siyang lumayo sa 'kin. Ang iniisip ko na lang talaga, babawi ako sa kanya rito sa Nasugbu. Hindi kami pwedeng umuwi bukas nang ganito pa rin kami.
Pagkatapos niyang mag-ayos, bumaba na kami ng sasakyan. Halata kong kinakabahan talaga siya kasi panay ang ayos niya sa suot niyang mahabang bistida.
Si Theo, susunod na lang sa 'min. Siya na raw ang bahala sa mga dala naming gamit. Dito kasi kami matutulog.
"Kuya Arkhe!"
Sinalubong kami ng pinsan kong si Unice bago pa kami makapasok sa gate.
"Oy. Nandito ka pala." Ginulo-gulo ko ang buhok niya.
"Syempre! Sinabi sa 'kin ni tita na darating kayo. Kanina ko pa nga kayo hinihintay, tanghali na." Tumingin na siya kay Sab pagkatapos. "Ate Isabela, I miss you!" Bigla niya pang niyakap nang mahigpit.
Nagulat si Sab, pero ngumiti pa rin siya. "H-hello."
Alam naman ni Unice ang nangyari kay Sab, kaso mukhang hindi niya pa talaga buong-buo na naiintinidihan ang sitwasyon.
"Magpakilala ka muna nang maayos sa Ate Sab mo," sabi ko na lang.
"Ay, oo nga pala." Kumalas siya sa pagkakayakap. "Hi, ate Isabela! Ako si Unice, ang paboritong pinsan ni kuya Arkhe!"
"Oh. You're his cousin. Hi."
Bumulong ako kay Sab. "Nakilala mo na siya dati nung unang beses kitang dinala rito."
Tipid ulit siyang ngumiti. "I see."
"Tara, ate Isabela. May surprise ako sa 'yo." Hinawakan ni Unice ang kamay ni Sab, tapos dumiretso na sila papasok sa loob ng bahay.
Lumingon pa si Sab sa 'kin, baka kinabahan, kaya sinabihan ko agad siya na nasa likod niya lang ako at nakasunod sa kanya.
Akala ko naman simpleng surprise lang ang hinanda ni Unice. Pero pagkapasok namin sa bahay, pati ako natigilan kasi ang daming tao rito sa loob. Halos lahat yata ng mga pinsan at kamag-anak ko na laging iniimbita nila Mama kapag may handaan, nandito. Ang dami ring nakahandang pagkain sa kusina.
"Anong meron?" tanong ko agad.
"Ito ang surprise!" sabi ni Unice. "Darating kasi kayo eh, kaya invited lahat ng nagmamahal kay ate Isabela. May dala kaming food at magpa-party tayo mamayang hapon!"
Tsk, ayokong mapahiya si Unice sa surprise niya, pero mali 'tong nangyari. Hindi ko nasabihan sila Mama na wag nang mag-imbita ng ibang tao.
"Ate Isabela," sabi ulit ni Unice. "Meet our family!"
'Yong mga kamag-anak naman namin, bigla naman nang nagsitayuan tapos isa-isang nagpakilala kay Sab. Halos tabunan na nila si Isabela.
"Hi, Isabela! Buti nakadalaw ka ulit dito. Naalala mo ba nung nag-Barbeque party tayo noon?"
"Kamusta ka na, Isabela? Tiyahin nga pala ako ni Arkhe."
"Napakaganda mo pa rin talaga, hija."
Napaatras si Sab sabay lingon sa 'kin. Kitang-kita ko ang pamumutla at takot sa mukha niya.
Kinuha ko na siya agad at pinalayo ko muna ang mga kamag-anak ko. Tsk, hindi naman nila kailangang malaman 'tong nangyari kay Sab.
"Teka lang," sabi ko sa kanila. "Medyo pagod pa si Sab sa byahe. Pagpapahingahin ko muna sa taas."
"Ah, mabuti nga 'yon," sagot ng isa kong tiyahin. "Wala pa ang Mama mo, nagpunta ng palengke."
Hindi na ako sumagot. Hindi ko na rin muna pinansin si Unice. Inalalayan ko si Sab at pumunta na agad kami sa itaas.
"Ayos ka lang?" Hinaplos-haplos ko ang buhok niya para pakalmahin siya. Sobrang nag-alala talaga ako.
Hindi naman siya sumagot. Nakatulala lang siya habang umaakyat kami.
"Sab?"
"Bakit hindi mo sinabi sa 'kin na marami palang tao?"
Napapikit ako nang madiin. "Sorry. Hindi ko rin alam na may balak silang sorpresahin ka ngayon. Nahilo ka ba? Masakit ang ulo mo?"
Hindi na ulit siya sumagot. Doon pa lang alam ko nang hindi na siya kumportable.
Tsk, wala sa plano ko 'to. Hindi ko inasahan na maraming sasalubong sa kanya. Ang nakakapikon pa ro'n, kumalat na pala sa mga kamag-anak ko ang nangyari kay Sab. Hindi ko nga 'yon pinapaalam sa ibang tao.
Tangina sabi ko pa naman babawi ako rito sa Batangas, pero pagkarating na pagkarating pa lang namin, palpak na agad.
Dinala ko na muna si Sab sa kwarto ko.
Pinaupo ko siya sa kama, tapos ay lumuhod ako sa tapat niya at hinaplos siya sa pisngi. Ang putla niya pa rin. "Sorry talaga. Hindi ko alam na mangyayari 'to."
Hindi siya tumitingin sa 'kin. "Who are they? Wala akong kilala kahit isa sa kanila."
"Alam ko. Mga kamag-anak ko 'yon, nakasama mo na sila dati, pero alam kong posibleng hindi mo na sila naaalala. Sorry."
"Alam nila ang tungkol sa lagay ko? Am I even close to them?" Bigla na siyang napapikit sabay hilot sa noo niya. "I feel so dizzy."
"Ikukuha kita ng tubig, saglit lang. Higa ka na muna para makapagpahinga ka." Aalalayan ko na sana siya pahiga sa kama, pero umiwas siya.
"No. I'll just sit. Just please get me some water."
"Sige. Sandali lang, bababa ako. Pahinga ka muna."
Lumabas na ako ng kwarto pagkatapos at bumaba. Nawala na ang mga tao sa sala. Nandoon na sila sa bakanteng lote sa tabi ng bahay namin para ayusin ang mga mesa at upuan. May nirenta pang videoke. Itutuloy pa rin yata talaga nila ang party nila.
Kumuha na ako ng tubig at inakyat kay Sab. Tapos ay nagpaalam muna ulit ako sa kanya na lalabas.
Gusto kong makausap si Mama tungkol dito kasi hindi niya nabanggit 'tong surprise na 'to sa 'kin. Si Papa, hindi ko rin makita sa bahay para matanong ko sana. Lumabas na lang muna ako.
Nakasalubong ko si Theo na papasok naman sa gate. Dala niya na ang mga gamit namin.
"O, saan ka?" tanong niya.
"Hihintayin ko si Mama. Galing daw sa palengke. Ba't ngayon ka lang papasok?"
"Nag-yosi pa ako saglit sa labas. May nakita akong ka-tropa. Nasa'n si Sab?"
"Nasa kwarto. Bad shot na naman nga ako."
"Bakit?"
Huminga ako nang malalim. "Iki-kwento ko na lang mamaya. Kakausapin ko lang si Mama saglit."
"Ah, sige. Maliligo muna ako."
Lumabas ako ng gate at sakto namang may humintong tricycle sa tapat. Si Mama na pala.
"O!" Nagulat siya pagkababa niya nung nakita ako. "Akala ko mamayang hapon pa kayo darating. Nasaan si Sab?"
Tinulungan ko siyang bitbitin ang mga pinamalengke niya. "Nando'n na sa kwarto, natakot."
"Ha? Bakit natakot?"
"Ang dami niyo pala kasing pinapuntang kamag-anak. Hindi pa kaya ni Sab na umalala nang gano'n karaming tao. Dapat hindi na kayo naghanda ng surprise. Nabigla tuloy."
"Anong surprise? Sinong mga pinapunta?" Tumuloy kami ng pasok sa gate, at tsaka niya nakita ang mga tao sa bakanteng lote namin. "Naku! Malamang si Unice ang may pakana niyan. Masyadong natuwa nung binanggit kong dadalaw ka at kasama mo si Isabela."
"Wala kayong alam dito?"
"Wala. Bakit ko naman 'to gagawin? Nasaan ba ang Unice na 'yon nang mapagsabihan."
Napabuntong-hininga na lang ako. "Wag na. Hindi niya siguro sinasadya. Hindi niya pa kasi masyadong naiintindihan ang lagay ni Sab."
"Kawawa naman si Isabela. Teka nga sandali, aakyatin ko sa itaas." Pumasok na kami sa bahay. Naghugas lang siya ng mga kamay sa lababo, tapos ay umakyat na.
"Nasaan ba ang papa mo?" tanong niya pa sa 'kin. "Hindi niya ba alam na may dumating na mga bisita ngayon?"
"Ewan ko. Hindi ko pa siya nakikita."
"Si Theo, nasaan?"
"Maliligo raw muna siya."
Pagkapasok namin sa kwarto, nakaupo pa rin si Sab sa kama at panay ang hilot sa ulo niya. Natigilan lang siya nung naramdaman kami. Nanlaki pa ang mga mata niya kasi may kasama na naman akong ibang tao. Parang na-trauma na siya sa nangyari.
"Sab, ang Mama ko," sabi ko na lang agad.
Tsaka lang umaliwalas ang mukha niya at napatayo mula sa kama. "H-hello."
"Hi, Isabela." Nilapitan agad siya ng mama ko. Hinawakan siya sa mukha sabay hinalikan sa pisngi. "Kamusta ka na? Ang ganda-ganda mo pa rin."
Ngumiti nang tipid si Sab. "I-I'm good."
"Pasensya ka na sa nangyari kanina, ha? Kinwento sa 'kin ni Arkhe. Hindi na mauulit 'yon."
Hindi na siya sumagot.
"Ipaghahanda ko lang muna kayo ng tanghalian," sabi na lang ni mama. "Magpahinga ka muna rito. Siguradong pagod ka sa byahe."
Lumabas na si mama ng kwarto pagkatapos.
Ako, nilapitan ko na ulit si Sab. Buti na lang hindi na siya masyadong namumutla. "Sorry ulit. Hindi rin pala alam ni mama na nag-plano ng surprise si Unice."
Umiwas siya ng tingin. "It already happened. Wala na tayong magagawa." Umupo na ulit siya sa kama.
Nalungkot ako kasi alam kong naapektuhan talaga siya sa nangyari. Hindi ko na lang pinahalata at ngumiti pa rin ako. "Babawi pa rin ako sa 'yo. May gusto ka bang mapuntahan? Pasyal tayo saglit?"
Huminga siya nang malalim. "I just want to get some fresh air."
Isang lugar na agad ang naisip ko. "Sige, punta tayo sa Jupiter pagkatapos nating kumain."
"Where is that?"
"Malapit lang. 'Yon ang paborito kong beach resort dito. Gusto mo ring pumupunta ro'n dati."
Napaisip siya. "I can't remember that place. Baka marami ring tao ro'n? Marami ring nakakakilala sa 'kin?"
Ngumiti ako nang mapait. Na-trauma na nga talaga siya. "Wala, tahimik lang do'n." Ang alam ko rin kasi wala na ro'n sila Medel. Nakabalik na ulit sila ni Desa sa Maynila kasama ang anak nila. "Ano, do'n na lang muna tayo? Maglalakad-lakad lang tayo ro'n. Magpapahangin para hindi ka na mahilo. Pwede rin tayong mag-swimming sa dagat."
"I don't want to swim."
"Sige, maglakad-lakad na lang tayo."
Bumuntong-hininga ulit siya, tapos ay tumango.
Ngumiti ako kasi ramdam kong pinipilit niya pa ring maging okay. Hinalikan ko siya sa ulo. "Pahinga ka muna dito, ah? Tutulungan ko lang si mama sa baba para makakain na tayo agad."
Bago pa naman ako umalis, nilabas ko muna ang cellphone ko. Nagpatugtog ako ng music para sa kanya. Take Me Home, Country Roads.
"What are you doing?" tanong niya naman agad.
Ngumiti ulit ako. "Para mas lalo kang ma-relax. Paboritong kanta mo 'yan."
Tumuloy na ako sa paglabas ng kwarto pagkatapos.
Pero hindi pa ako nakakababa ng hagdan, narinig kong nawala na ang music na pinatugtog ko sa cellphone. Pinatay niya siguro. Nalungkot ako, pero hinayaan ko na lang.
• • •
MATAPOS KUMAIN, PUMUNTA na kami ni Isabela sa Jupiter.
Pasalamat na lang ako at wala talaga masyadong tao rito ngayon. Hindi rin ganoon ka-araw. Mahangin nga kaya ang sarap pumasyal.
Naglakad kami ni Sab sa kahabaan ng tabing dagat. Paminsan-minsan, sumusulyap ako sa kanya. Hindi kasi siya nagsasalita, parang may malalim na naman siyang iniisip. Siguro ang nangyari kanina sa bahay.
Tahimik lang din muna ako. Rinig na rinig ko tuloy ang paghampas ng mga alon.
"Sayang, wala na sila Baron at Desa rito," sabi ko na kay Sab. "Hindi mo tuloy sila nakita."
"Who are they?"
"Mga kaibigan ko. Nakilala mo na rin sila dati dito sa Jupiter."
Bumuntong-hininga siya sabay tumingin sa dagat.
"Okay ka lang?"
Huminga lang ulit siya nang malalim. "I'm just starting to get tired of this."
"Saan?"
"This. Puro na lang pagpapa-alala sa 'kin ng mga taong nakilala ko na dati, e hindi ko nga sila matandaan."
Hindi ako nakasagot. Pakiramdam ko napahiya ako ro'n, pero tama naman siya. Paalala rin kasi ako nang paalala.
"Sorry," sabi ko na lang. "Hindi ko na uulitin. Tsaka ang nangyari kanina, hindi na talaga mauulit 'yon. Promise. Pinky swear." Nilahad ko ang hinliliit ko. Bigla ko 'tong na-miss.
Napakunot naman ang noo niya. "Pinky swear?"
"Ganito tayo dati kapag nangangako. Pinky swear. Ganito." Inabot ko ang kamay niya para sana turuan siya, pero ang bilis niyang umiwas.
"I don't like. That's so childish."
Napangiti na lang ako nang mapait. Sinusubukan ko lang namang pagaanin ang eksena kasi kanina pa siya seryoso.
"Your cousin, is she really like that?" bigla niyang tanong.
"Si Unice? Makulit talaga 'yon, pero mabait naman. Masayahin siyang bata."
"I don't like her."
Wala na naman akong naisagot. Nalulungkot ako sa paraan ng pagsasalita niya ngayon, pero naiintindihan ko naman kung bakit siya nagka-ganito. Nasira ko talaga ang mood niya.
Pinilit ko na lang ulit na ngumiti. "Sorry talaga. Ako na ang hihingi ng tawad para sa ginawa ni Unice. Natuwa lang siya kasi makikita ka niya ulit. Gustong-gusto ka kasi no'n. Gusto mo rin siya dati. Iuuwi mo nga siya sabi mo, kasi pangarap mong magkaroon ng nakababatang kapatid."
Natawa siya. "Really?"
Tumango ako.
"Hmm. Hindi ko na siguro gugustuhin na mangyari 'yon ngayon. I'm a different person now, and I don't like her anymore."
"Sino naman ang nagsabi sa ang ibang tao ka na? Nawala lang ang mga alaala mo, pero gano'n ka pa rin."
"No. People can change, Arkhe. I hope you know that."
Lalo na akong nalungkot. Huminto na muna ako sa paglalakad at pinaharap siya sa 'kin. "Sab, galit ka ba sa 'kin? Kung galit ka, sabihin mo, ayos lang. Maiintindihan ko naman agad."
"I'm not."
"Ilang linggo ka na kasing ganito makipag-usap. Dumagdag pa ang nangyari kanina. Sobrang nag-aalala na ako kasi ramdam ko na parang may sama ka ng loob."
"Wala. I'm just disappointed. Akala ko kasi magugustuhan ko rito."
Napayuko ako at napahinga nang malalim. "Sorry. Akala ko rin. Pinaghandaan ko talaga 'tong pagpunta natin dito, pero hindi ko inaasahan na ganito ang mangyayari. Gusto ko lang naman na makita mo ulit ang pamilya ko."
"Maybe you should give me a break."
Napabalik agad ako ng tingin sa kanya, pero wala akong nasabi. Hindi ko kasi naintindihan kung anong gusto niyang iparating.
Bumuntong-hininga naman siya. "Mas maganda siguro kung wag ka na munang magpa-alala ng kung anu-ano sa 'kin. Because seriously, I'm getting really tired. I feel like I'm stuck."
"Anong ibig mong sabihin?"
Tumingala siya saglit sa langit. "The past few weeks, I was wondering, parang hanggang ganito na lang ako. Na araw-araw, gigising ako at iisipin ko na kailangan kong maalala ang nakaraan ko, na kailangan kong bumalik sa dati. But what if I don't want to be that person anymore? What if I want to be someone else now? Iniisip ko nga, baka may dahilan kung bakit ako nakalimot. Para siguro maging ibang tao naman ako. I was given a new life, I have been reborn. Bakit kailangang maging katulad ulit ako ng dati?"
Napabagsak ako ng mga balikat at naputalala sa kanya. "Saan nanggaling 'yan?"
Umiwas siya ng tingin.
"Sab? Bakit biglang ganyan ka na mag-isip?"
Hindi na siya sumagot.
Hindi na rin ako nakapagsalita. Sobrang naguluhan ako. Alam kong naapektuhan siya dahil sa nangyari kanina, pero hindi ko naisip na hahantong kami sa ganitong usapan.
Hindi ko alam kung saan siya nanggaling. Kung na-trigger lang ba talaga siya nung nangyari sa bahay. Sobrang biglaan. Para bang ang tagal-tagal niya na 'tong kinikimkim, tapos ngayon na siya sumabog kaya nailabas niya lahat.
Tumalikod na muna ako mula sa kanya at tumingin sa dagat. Baka sakaling mapagaan nito ang loob ko.
Ganito na pala ang nararamadaman niya ngayon. Kaya siguro ilang linggo na siyang hindi nakikipag-usap nang maayos sa 'kin. Tama nga, may laban talaga siya na siya lang ang nakaka-alam. Pero bakit naman ganito na siya mag-isip? Nakakalungkot kasi isa ako sa mga nakalimutan niya, eh. Bahagi ako ng nakaraan na sinasabi niyang ayaw na niyang balikan. Ayaw niya na rin ba akong maalala?
Napayuko ako para itago na ang matinding lungkot sa mukha ko. "Sorry. Akala ko gusto mo pa ang ganito. Akala ko masaya ka na pinaaalala ko sa 'yo kung ano ka dati, kung ano tayo dati."
"I liked it at first. Pinipilit ko talagang alalahanin lahat. I always ask you for our pictures. Madalas kong tinitingnan, baka sakaling maalala ko. I even went here with you to see if I can remember anything, pero wala talaga. Right now, I just feel like I don't wanna go back to the person I was before. Gusto ko ng bago."
Hinarap ko na ulit siya. "Pwede naman, Sab. Kung ayaw mo nang bumalik sa dati, sige. Kung gusto mong subukan na maging ibang tao, susuportahan pa rin kita. Kahit ano pang gusto mong gawin, nasa tabi mo lang ako. Hindi naman kita pinagbabawalan."
"Hindi mo nga ako pinagbabawalan, pero dahil sa mga ginagawa mo sa 'kin, pakiramdam ko kinakahon mo ako. Palagi ka nalang, gusto mo 'to dati, nakilala mo na sila dati, ganito ka dati. At pakiramdam ko dapat maging gano'n pa rin ako hanggang ngayon."
Napapikit ako at tumango-tango. "Naiintindihan ko. Sorry kung pakiramdam mo sinasakal kita, pero wala akong intensyon na gano'n. Akala ko lang talaga na ito ang gusto mo at masaya ka sa mga ginagawa ko para sa 'yo."
Kinalma ko ang loob ko at pinilit ko na lang ulit na ngumiti. Tapos ay hinaplos ko ang buhok niya. "Wag ka nang mag-isip isip. Naiintindihan ko kung anong gusto mong mangyari. Nakakapagtaka lang na bigla kang naging ganito, pero naiintindihan ko."
Hindi na siya sumagot. Hindi na rin siya makatingin sa 'kin.
Niyaya ko na lang siya na bumalik na sa bahay.
Kailangan kong gawin 'to. Kailangan ko nang tapusin ang pag-uusap namin kasi ramdam ko na kung saan 'yon hahantong. Ayokong sa gano'n kami mauwi, natatakot ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top