Chapter 10
ARKHE
"KAILAN PA NAGING ganyan si Isabela?"
Napahinga ako nang malalim sa tanong ni Theo. Magkasama kami ngayon kasi umuwi muna ako sa bahay. Niyaya ko siyang uminom para gumaan-gaan naman ang pakiramdam ko.
"Ilang linggo na rin," sagot ko sa kanya. "Nagsimula 'to nung nakita niya ang nangyari sa 'min ni Morris. Ewan ko nga kung dahil ba ro'n o may iba pa siyang nararamdaman na hindi niya sinasabi sa 'kin."
"Kinausap mo na ba siya? Baka dapat mag-usap kayo nang masinsinan."
Napangisi ako habang nakatitig dito sa baso ko ng alak. "Paanong mag-uusap nang masinsinan e hindi ko nga makasama. Halatang umiiwas."
"Nasa iisang bahay na lang kayo brad, hirap ka pa?"
"'Yun na nga. Nakatira na nga sa iisang bahay pero parang ang layo-layo niya pa rin." Bumuntong-hininga ulit ako. "Hindi ko talaga maintindihan kung anong nangyari ba't bigla siyang naging gano'n. Nung umalis siya ng bahay nang walang paalam, medyo nagduda na ako. Tapos nagsunod-sunod na ngayon. Hindi na rin siya nagpapahatid at sundo sa 'kin kapag may therapy siya o kailangang pumunta sa opisina. Inuutusan niya na lang ang driver. Tinanong ko siya kung bakit, ang sagot niya lang naman, baka raw kasi pagod ako . . .
. . . Tsk, hindi naman ako pagod. Ewan ko kung saan niya nakuha na pagod ako, samantalang dati ayos naman kami na ako ang tagahatid-sundo niya. Biglang nagbago lahat. Pati sa pag kain, bihira ko na rin siyang makasabay. Sa totoo lang 'tol, hindi ko na alam kung ano pang ginagawa ko sa bahay nila. Parang nakikitulog na lang ako ro'n."
Huminga rin siya nang malalim. Pati siya namomroblema na sa pinagdadaanan ko. Ilang oras na kaming magkasama pero ito lang ang pinag-uusapan namin.
"Alam na ba 'to ni Amanda?" tanong niya.
Tumango ako. "Nabanggit ko na nung isang araw kasi hindi ko na kayang kimkimin. Pero sabi niya, nagtataka rin daw siya kasi hindi rin siya masyadong kinakausap ni Sab. Lalo tuloy akong nag-alala e."
"Baka na kay Isabela talaga ang problema, wala sa 'yo. Wag ka masyadong mag-isip isip."
"Tsk, hindi ko lang kasi talaga maintindihan. Ayos na kami. Malambing na ulit siya no'n, masaya na kami. Pero sa isang iglap, parang bumalik na naman ako sa umpisa. Parang mawawala na naman siya sa 'kin."
"Hindi naman siguro sa gano'n. Hintayin mo lang. Siguradong babalik din sa dati si Sab."
"Maghihintay naman talaga ako, basta para sa kanya. Ang mahirap lang kasi, hindi malinaw 'tong sitwasyon. Kung alam ko lang kung anong eksaktong pinagdadaanan niya, magiging madali lahat. Tutulungan ko pa siya."
"Mahirap nga 'yang ganyan. Mahirap solusyonan ang bagay na hindi mo alam kung paano nag-umpisa." Uminom siya sa baso niya ng alak. "Ano palang balita ro'n kay Morris?"
"Ewan ko, patay na yata ang animal na 'yon."
Natawa siya. "Hindi na ulit nagparamdam?"
"Hindi na. Sabi ni Amanda, nakausap niya na raw. Pinalayo na niya kay Sab. Kaya siguro hindi na ulit tumungtong sa bahay."
"Malamang natakot din sa 'yo 'yon. Dapat kasi sinapak mo na."
"Sa yabang no'n tangina hindi matatakot 'yon. Tsk, ba't kasi sumama-sama pa 'yon dito. Sana pumirmis na lang siya sa Amerika."
Napaisip siya saglit bago ulit nagsalita. "Ba't kaya hindi mo na lang ipaalam kay Sab ang tungkol kay Morris, para si Sab na mismo ang lumayo?"
"Kung hindi pa tumigil si Morris, gagawin ko na nga dapat talaga 'yan. Ilalabas ko na lahat ng baho niya kay Sab kahit na alam kong magagalit si Amanda sa 'kin at baka hindi rin kayanin ni Isabela. Hindi pa kasi namin alam kung anong magiging epekto sa kanya ng gano'ng kabigat na alaala kaya hindi pa namin kini-kwento."
"Sabagay. Delikado pa nga sa ngayon kasi hindi pa naman siya magaling." Sumandal siya sa upuan. "Kalimutan mo na lang muna ulit 'yang Morris na 'yan, tutal nanahimik naman na."
"Kaya nga. Si Sab na lang iniisip ko ngayon."
"Diyan naman kay Sab, ganito na lang gawin mo, 'tol. Hayaan mo na lang muna siya. Kung ayaw niyang magpasama sa 'yo sa mga pupuntahan niya, pabayaan mo lang. Kung ayaw ka niyang kasabay kumain, wag kang sumabay. Baka kailangan niya lang huminga. Basta iparamdam mo lang sa kanya na nandyan ka lang kapag kailangan ka na niya. Hindi pa naman kasi siya tuluyang gumagaling. Baka may bigla siyang naaalala o may gumugulo sa isip niya kaya siya nagkakaganyan. Hayaan mo lang."
Huminga ako nang malalim sabay uminom na rin sa alak ko. "Baka nga. Naisip ko na rin 'yan e. Ganyan na nga lang gagawin ko. Bibigyan ko na lang siguro siya ng oras."
"Oo. Layo-layo ka muna para hindi siya lalong magalit. Malamang nahihirapan 'yon. Ikaw na nagkwento sa 'kin na naiinis siya kasi hindi niya natututunan agad ang mga tinuturo sa kanya. Nalulungkot 'yon."
Pumikit ako at tumango-tango. Sana nga gano'n lang. Nakakabaliw na ring mag-isip isip, buti na nga lang nandito 'tong si Theo na palaging dumaramay sa 'kin. Basta ba sagot ko ang alak, ayos na sa kanya.
"Nga pala," salita niya ulit. "Uuwi ako sa Batangas sa Sabado. Gusto mong sumama sa 'kin?"
"Anong gagawin mo ro'n?"
"Wala, dadalaw lang."
"Kasama mo si Koko?"
"Hindi siya pwede. Kaya nga niyaya kita. Kung kasama ko siya, hindi kita yayayain."
Napangisi ako. "Tarantado."
"Seryoso nga. Ano, sama ka?"
"Pag-iisipan ko."
"Tangina, kilala ko 'yang ganyang linyahan. Negative 'yan. Tara na, uwi muna tayo. Baka nami-miss ka na rin nila Mama. Palagi ka niyang tinatanong sa 'kin kapag tumatawag ako."
Hindi na ako sumagot.
Pero namilit pa rin siya. "Tara na para may magamit akong kotse. Uuwi rin tayo kinabukasan. Kung sakaling ayos na si Isabela no'n, gusto mo sama mo rin siya. Ako na driver niyo."
Bigla na akong napangiti. Parang ayos nga ang ideyang 'yon. Plano ko na rin 'yon dati. Gusto ko ulit siyang dalhin sa Batangas para makita ulit siya nila Mama.
"Titingnan ko muna. Babalitaan na lang kita kung makakasama kami."
"Sige, sige. Malay mo rin, maalala niya sila Mama tsaka ang bahay natin do'n, tas maging masaya na ulit siya. E 'di tapos na problema mo."
Napangiti ulit ako. Baka nga 'yun na ang solusyon. "Sige, susubukan ko siyang yayain."
• • •
HINATID AKO NI Theo pauwi sa bahay nila Sab. Nakainom kasi ako tsaka medyo wala sa sarili kaya pinakiusapan ko siya. Buti nga pumayag kahit na pinag-commute ko lang siya pauwi.
"Ito ba bahay nila Isabela?" Manghang-mangha siya nung tumigil na kami rito sa tapat. Ngayon lang kasi siya nakapunta rito.
"Oo. Mansyon 'yan, hindi lang basta bahay."
"Tangina ang laki pala ng tinitirhan mo. Nalibot mo na ba ang buong 'yan? Baka maligaw ka diyan."
Natawa na lang ako tas nagtanggal na ng seatbelt para bumaba. Bumaba na rin siya. Binibay niya sa 'kin yung susi ng kotse.
"Ingat ka pauwi," sabi ko. "Wag ka nang gumala, alas nueve na."
"Ang aga pa, gago. May dadaanan lang ako saglit."
"Tss, 'yan tayo e. Sige na." Umikot ako papunta sa kabilang pinto para sumakay kasi ako na ang magpaparada ng sasakyan sa loob ng garahe.
"Sa Sabado, ah?" paalala niya naman bago siya umalis. "Daanan niyo 'ko ni Isabela sa bahay."
Tumango ako tas pinasok na 'tong kotse sa malaking gate.
Maaga yatang nagpahinga sila Amanda kasi ang tahimik na dito. Sabagay, tahimik naman talaga dito sa bahay na 'to kahit may mga taong gising. 'Yung anak lang nila Amanda ang nagpapaingay dito minsan.
Dumiretso na ako sa kwarto ko sa taas. Kaunti lang naman ang nainom ko pero dahil sa lungkot ko, parang hinihila na ako ng kama.
Sarado ang kwarto ni Sab pagka-akyat ko kaya hindi ko na kinatok. Malamang naman kasi hindi niya rin ako kakausapin. Tumuloy na lang ako sa kwarto ko para magpahinga na.
Kaso pagkabukas ko ng pinto, natigilan agad ako kasi nandito pala sa loob si Sab.
Parang bigla tuloy nawala ang kalasingan ko at nabuhayan ako ng dugo. Hindi ko inaasahan na nandito siya kasi hindi naman siya normal na pumapasok sa kwarto ko kapag wala ako.
Nagulat nga rin siya. Parang may hinahanap siya dito pero nataranta siya dahil sa 'kin.
Ngumiti na lang ako tapos sinara 'tong pinto. "Nandito ka pala. Akala ko tulog ka na."
Umiwas siya ng tingin. "Uhm, I-I thought you already left me, so I checked your stuff if they're still here."
"Bakit naman kita iiwan?"
"A-akala ko lang. I don't see you much anymore."
"Na-miss mo 'ko?"
Hindi agad siya nakasagot, pero ilang saglit lang tumango na rin siya.
Napangiti ulit ako at napabagsak ng mga balikat. Ayos na 'ko. Gano'n kabilis kasi ito lang naman ang inaantay kong mangyari. 'Yung ma-miss ako ni Sab at kausapin na niya ulit ako. 'Langya sayang ang pagda-drama ko kay Theo kanina. Magiging ayos din pala agad ako paguwi ko sa bahay.
Nilagay ko na muna ang dala kong laptop sa mesa, tas nilapitan ko na si Sab at hinawakan sa magkabilang balikat mula sa likod. "Sorry. Akala ko lang din kasi ayaw mo na akong nakakasama kaya medyo lumalayo ako. Na-miss din kita." Pumikit ako sabay hinalikan siya nang madiin sa ulo.
Kaso humarap agad siya sa 'kin kaya naputol din agad ang paghalik ko sa kanya. "Where have you been?"
"Sa bahay. Uminom lang kami ni Theo saglit."
"Kayong dalawa lang?"
"Oo, kami lang. Bakit?"
Umiling siya. "Lasing ka?"
"Hindi naman. Konti lang ininom namin." Lumayo na muna ako para maghubad ng T-shirt. "Dito ka lang muna, ah? Maliligo lang ako saglit."
Hindi siya sumagot. Sinilip ko siya. Titig na titig pala kasi siya sa katawan ko nung nag-hubad ako. Napangiti na lang ako tas sinabit 'tong T-shirt ko sa upuan. Tapos pumasok na ako sa sariling banyo nitong kwarto.
Binilisan kong maligo kasi ayokong mainip si Sab. Ngayon na lang ulit kami magkakasama na maayos na siya kaya gusto kong sulitin.
Pagkatapos maligo, lumabas agad ako ng banyo nang naka-tuwalya lang sa baba.
Naabutan ko si Sab na nakaupo na sa likod ng mesa at sinusubukang buksan ang laptop na pinatong ko ro'n kanina. Naka-lock kasi 'yon. Baka may gusto siyang tingnan.
Nilapitan ko na lang muna siya. Nataranta na naman nga siya. "Y-you're done taking a shower?"
Ang cute niya talagang magulat. "'Di ba sabi ko nga saglit lang ako?" Hinarap ko sa 'kin 'tong laptop. "May gusto ka bang tingnan? Tuturuan kita kung papa'no magbukas. Ito password ko, tandaan mo, ah." Pinakita ko sa kanya para alam na niya sa susunod.
"Gusto mo bang makita mga pictures natin?" tanong ko pa.
Tumango lang siya.
Binuksan ko na agad ang folder kung saan ko nilalagay lahat ng mga litrato namin. "Ito, tingnan mo lahat. Magbibihis lang ako." Iniwanan ko na muna ulit siya.
Habang nagbibihis, pinagmamasdan ko siya na tutok na tutok sa laptop. Ewan ko kung bakit bigla siyang naging ganito. Para siyang may gustong malaman o hinahanap. Wala namang kaso sa 'kin kasi wala naman akong tinatago. Basta masaya ako na nandito siya ngayon. Gusto ko siyang makasama nang buong gabi. Pangbawi lang sa mga araw na hindi ko siya nakakausap nang maayos.
Binalikan ko na siya pagkatapos kong magbihis ng boxer shorts. Hindi na muna ako nagsuot ng pang-taas.
Napatingin na naman tuloy siya sa katawan ko, pero umiwas din agad. "Are you going to sleep already?"
"Hindi pa, maaga pa." Humila ako ng isa pang upuan para tumabi. "Nakita mo na mga pictures natin?"
"Hindi pa lahat."
"Sige, tingnan mo lang."
Binalik niya ang atensyon niya sa laptop.
Ako naman, pinagmamasdan ko lang ulit siya. Sobrang ganda niya talaga kahit hindi siya nakaayos. Ang aliwalas kasi ng mukha niya. Ang ganda rin ng suot niyang pantulog ngayon. Mahaba na kulay puti tas may ka-partner na pangpatong para hindi makita ang balat niya.
"Alam mo, ang saya ko na pumunta ka rito sa kwarto," sabi ko sabay hinawakan ang kamay niya at pinisil. "Mamaya ka na umalis, ah? Dito ka muna sa 'kin."
Hinarap niya ako. "Hmm, okay."
"Kamusta ka pala sa mga training mo sa opisina tsaka sa therapy mo? Hindi na kita masyadong nakakamusta kasi hindi ka nagpapahatid at sundo sa 'kin."
Yumuko siya. "I-I'm fine. I'm learning a bit faster now. Magaling kasi ang nagtuturo sa 'kin."
"Mabuti naman. Alam kong kayang-kaya mo talaga 'yon. Basta pag nahihirapan ka, sabihin mo lang agad."
Tipid siyang ngumiti.
"Nga pala." Naalala ko ang pinag-usapan namin kanina ni Theo. "Yayayain pala kita."
"Where?"
"Sa pamilya ko sa Batangas. Dadalaw lang. Uuwi kasi ro'n si Theo sa Sabado kaya tinanong niya kung gusto nating sumama. Tara? Para makilala mo ulit ang mga magulang ko."
Hindi siya sumagot agad kasi nag-isip pa siya. "Magtatagal tayo ro'n?"
"Isang gabi lang. Sa Linggo, uuwi na rin tayo. O kung gusto mo daan muna tayo sa hideout natin."
Kumunot ang noo niya. "What hideout?"
"May bahay kami sa Tagaytay na madalas nating puntahan dati. Gustong-gusto mo ro'n kasi tahimik at tsaka parang may sarili tayong mundo kapag nando'n tayo. Baka sakaling may maalala ka kapag pinuntahan natin."
"Ah . . . okay."
"Okay? Okay na pumunta tayo sa pamilya ko sa Batangas tsaka sa hideout natin?"
Tumango siya. "Yes, that's okay."
"Talaga? Totoo 'yan ah?"
"Yeah. Bakit hindi ka naniniwala sa 'kin?"
Napangiti na ako nang malapad sabay halik sa kamay niya na hawak-hawak ko. "Naniniwala ako."
Akala ko lang kasi mahihirapan akong yayain siya dahil nga sa mga kilos niya nitong mga nakaraang araw. Buti na lang ang bilis ko siyang napa-payag.
Maya-maya lang naman bigla na siyang humikab.
"Inaantok ka na?" tanong ko sabay tingin sa oras sa laptop.
"Medyo. But I don't want to go back to my room yet."
Napangiti ulit ako. "Gusto mo pa akong kasama?"
Hindi siya sumagot. Pero mukhang oo naman, nahihiya lang sigurong magsabi. "Dito ka na lang matulog para matagal tayong magkasama."
"Saan ako matutulog?"
"Do'n sa kama. Tabi ulit tayo. 'Di ba gusto mo naman na binabantayan kita kapag natutulog ka?"
Tumingin naman siya ro'n sa kama ko, tapos sa laptop. Nag-isip pa siya saglit bago sumagot. "Sige."
"Dito ka na matutulog?"
Tumango siya.
Sa tuwa ko, tumayo ako at pinayakap agad ang mga braso niya sa 'kin. Hinaplos-haplos ko pa ang buhok niya habang nakasubsob siya sa tiyan ko. Kaso parang nahiya yata siya kasi wala nga akong suot na T-shirt. Kumalas agad siya ng yakap at umiwas ng tingin. Ang cute niyang mahiya.
Pagkatapos no'n, tumayo na siya at humiga na sa kama ko. "Let's sleep. It's my bed time already."
Sumunod ako. Pinatay ko lang ang laptop tsaka mga ilaw. 'Yung mga lampshade lang ang binuksan ko, tas tinabihan ko na siya. Bumalik na rin ang antok ko kasi nga nakainom ako, pero ayoko pa namang matulog. Susulitin ko muna na magkasama kami sa kama.
Pagkahiga ko, pinalapit ko siya sa 'kin kasi sobrang layo niya naman. Nando'n siya sa kabilang dulo ng kama kaya parang hindi rin kami magkatabi.
Sumunod naman siya agad. Pina-unan ko siya sa isa kong braso at siniksik ang mukha niya sa gilid ng dibdib ko. Nagtagal kami sa ganitong posisyon. Ninamnam ko talaga na magkayakap kami, tapos hinalikan ko siya sa ulo. "Na-miss kita, Sab. Sana ganito tayo palagi."
Hindi siya umimik.
Hinawi ko ang buhok niya tas hinalikan ko naman siya sa pisngi. "Alam mo, sobrang lungkot ko nitong mga nakaraang araw kasi hindi mo ako pinapansin masyado. Akala ko mawawala ka na ulit sa 'kin. Natakot ako."
"Are you still sad now?"
Ngumiti ako sabay umiling. "Hindi na. Ayos na ako kasi kasama na kita ulit. Basta wag mo na uling gagawin 'yon, ah? Wag mo 'kong tatakutin kasi hindi ko kaya 'pag nawala ka na naman."
Hindi na ulit siya umimik.
"Sab?"
"Okay. I'm sorry."
"Ayos lang." Hinalikan ko ulit siya sa ulo tapos nilingkis ng yakap. "I love you."
Bigla siyang napatingala sa 'kin. Ilaw lang galing sa mga lampshade ang liwanag namin ngayon, pero kitang-kita ko na titig na titig siya sa mga mata ko.
"Bakit?" tanong ko sa kanya.
Umiling lang naman siya, pero alam kong nagustuhan niya ang sinabi ko. Hindi niya na nga inalis ang titig niya sa 'kin. Sobrang lapit ng mukha namin sa isa't isa, hindi ko tuloy naiwasang hindi mapatingin sa maninipis niyang mga labi.
Hindi dahil sa nakainom ako, pero ang bilis ko talagang naakit. Siguro dahil miss na miss ko siya at ngayon ko lang ulit siya mararamdaman nang ganito.
Hinaplos ko ang isang pisngi niya. Pumikit ako at dahan-dahang nilapit ang mukha ko para halikan siya sa labi. Ramdam kong nagulat siya, pero hindi naman siya lumayo. Ayoko rin naman siyang palayuin. Bigla akong nasabik nung naramdaman ko na ang lambot ng mga labi niya.
Ginalaw ko agad ang bibig ko. Hindi siya makasabay sa 'kin kaya hinawakan ko ang mukha niya habang sinisipsip ang ibaba niyang labi. Alam kong hindi pa 'to ang tamang oras, pero gusto kong iparamdam sa kanya ngayong gabi kung gaano ko siya kamahal.
Hinila ko na ang kumot na nakatakip sa katawan niya at dahan-dahang pumatong sa ibabaw niya. Binaba ko agad ang paghalik ko sa leeg niya sabay sinipsip ang balat niya ro'n. Doon siya napasinghap. Sinubukan na niya akong harangan sa dibdib pero hindi ako tumigil.
"A-Ark . . ."
Tinuloy ko pa rin ang paghalik ko. Unti-unti kong binaba ang isang strap ng pantulog niya at hinalikan naman siya sa balikat, pero bigla na siyang nataranta.
"Arkhe!" Tinulak niya 'ko nang malakas tas umupo siya sa kama habang tinataas ang binaba kong strap para takpan ang sarili niya. "W-what are you doing?"
Nahimasmasan agad ako. Napaupo rin ako sa kama sabay madiing pumikit. "Sorry."
Ramdam kong ang talas ng tingin niya sa 'kin. Ang lalim din ng paghinga niya kasi kinabahan siya. "Are you trying to make love to me?"
Hindi ako makasagot kasi hiyang-hiya ako sa ginawa ko. Masyado akong nadala, hindi ako nakapagpigil. Akala ko rin kasi ayos lang sa kanya.
"Why are you taking advantage of my situation?" sabi niya pa sa 'kin.
"Hindi ako nananamantala. Sorry, ako ang mali dito. Nami-miss lang talaga kita."
"H-have we done that before? That thing?"
Tumango ako.
"Really?" Parang natawa pa siya. "Pumayag ako sa 'yo?"
Do'n na ako napatingin sa kanya. Nasaktan ako sa pagkakasabi niya kasi parang hindi niya gusto na may nangyari na pala sa 'min.
Pinilit ko na lang na ngumiti para ipakita sa kanyang ayos lang ako. "Sorry. Hindi na 'to mauulit. Sorry kung nabigla kita." Nilapitan ko siya para halikan nang malambing sa ulo, tapos tumayo na ako mula sa kama.
Hindi ako galit kasi ako naman talaga ang may kasalanan dito. Maling-mali na ginawa ko 'yon. Pero nalungkot talaga ako sa sinabi niya.
"Magba-banyo lang ako saglit," sabi ko, "tapos ihahatid na kita sa kwarto mo para makatulog ka nang maayos."
Umalis na ako at pumasok sa C.R. Nagbasa lang ako ng mukha para kalmahin ang sarili ko at mawala ang naramdaman kong init kanina. Tapos tumungkod ako sa lababo at pumikit nang madiin.
"Ark?" biglang tawag naman ni Sab. Sinundan niya pala ako rito sa banyo.
Umikot ako pero hindi ko siya matingnan kasi wala akong mukhang maiharap sa kanya. "Tara na, ihahatid na kita sa kwarto mo. Wag ka na dito matulog."
Lumabas na ako ng C.R, pero pinigilan niya ako. "Ark, I . . . I'm sorry."
"Bakit sorry? Ako ang may kasalanan."
"No." Pumikit siya. "I know you were hurt by what I said. I'm sorry. Nabigla ako kasi hindi ko inasahan na mangyayari 'yon."
Ngumiti ako nang mapait, tapos hinaplos ko ang buhok niya. "Ayos lang. Hindi na mauulit 'yon. Hindi na ako gagawa ng ikagagalit mo."
Kumuha na muna ako ng T-shirt sa cabinet at nagbihis, tas sinamahan ko na siya papunta sa kwarto niya. Wala naman na siyang sinabi. Sumama lang din siya sa 'kin.
Hiniga ko siya sa kama niya at kinumutan. "Sorry ulit sa nangyari. Tulog ka na. Good night." Hinalikan ko siya sa noo, tsaka ako umalis.
Pero bago ako tuluyang lumabas ng kwarto, nilingon ko muna ulit siya. "Sab."
Tumingin lang din siya sa 'kin.
"Sasama ka pa rin ba sa 'kin sa Batangas?"
Tumango siya. "Yes. Of course."
Ngumiti ako, tapos tumuloy na sa paglabas. Bumalik agad ako sa kwarto ko at umupo sa mesa katapat ng laptop. Sinabunutan ko ang buhok ko kasi tangina napipikon ako sa sarili ko.
Bakit ba 'to nangyari. Sana pwede kong ibalik ang oras para hindi ko na lang ginawa ang ginawa ko kanina. Tsk, nagkalabuan na naman tuloy kami ni Sab. Hindi kasi ako nag-iisip. Imbis na ayos na sana kami at natapos na ang problema ko, ngayon ako pa ang gumawa ng panibago kong iisipin.
Kailangan kong bumawi. Paghahandaan ko ang pagpunta namin sa Batangas at pasasayahin ko roon si Isabela.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top