Next stop
Airo
Nakaupo ako sa gilid ng kama, nakatitig sa sahig, nang biglang tumunog ang telepono ko. Para bang sumabog ang tahimik kong mundo sa biglaang ring nito. Agad kong sinagot, umaasang si Aldren ang tumatawag, gaya ng dati niyang ginagawa tuwing gabi.
"Hello?" tanong ko, pilit pinapakalma ang boses ko kahit kumakabog ang dibdib ko.
"Airo... si-si Aldren..." Umiiyak si Roanne sa kabilang linya, halatang hindi makahinga sa sobrang hinagpis. "Nasagasaan siya... andito kami sa ospital."
Nanlamig ako. "Ano?!" sigaw ko, halos mabitawan ang telepono. Bigla akong tumayo, kinuha ang bag ko, at hinanap ang susi ng bahay kahit hindi ko makita nang maayos dahil nanginginig ang mga kamay ko.
Sa pagmamadali, hindi ko napansin ang kahoy na nakaharang sa sahig. Nadapa ako nang malakas, sumadsad ang tuhod ko. Ramdam ko ang lagkit ng dugo, pero wala akong pakialam. Ang sakit ng pagkadapa ay wala sa kalahati ng kirot na nagsisimulang sumiksik sa dibdib ko.
Tumayo ako, hinila ang bag sa sahig, at tumakbo palabas ng bahay. Wala akong pakialam sa suot ko, kahit magkaiba ang tsinelas na napulot ko sa pinto. Ang tanging mahalaga lang ay makarating ako kay Aldren.
Sa labas, hinanap ko agad ang unang taxi na makita ko. Kinalampag ko ang bintana nito. "Kuya, sa ospital! Bilisan niyo!" halos sigaw ko, habang pumapasok na sa loob ng sasakyan.
Habang tumatakbo ang taxi, naramdaman kong nanginginig ang buong katawan ko. Para bang hindi ako makahinga. Ang bawat minutong lumilipas ay parang palaging may halong tanong: Buhay pa ba siya?
"Ano'ng nangyari?" mahina kong tanong kay Roanne, habang nakadikit ang cellphone sa tainga ko.
"Sinubukan niyang tumawid sa kalsada. Ang bilis nung sasakyan... Diyos ko, Airo... dugo ang lahat ng nakita ko. Hindi ko alam kung kaya pa niyang mabuhay," sagot niya, humahagulgol na parang kinakalawang ang boses niya sa takot at sakit.
Napapikit ako, pinipigilang bumigay. Sa isipan ko, paulit-ulit na bumabalik ang mukha ni Aldren-ang ngiti niyang kayang magbigay-liwanag sa pinaka-madilim na gabi. Siya na palaging nandiyan, kahit kailan ko siya kailangan. At ngayon? Ngayon, baka mawala siya.
Hindi pwede. Hindi ngayon. Hindi pa.
Pagdating sa ospital, halos masira ko ang pinto ng taxi sa pagmamadali kong bumaba. Tumakbo ako papasok sa emergency room. Amoy alkohol at dugo ang unang sumalubong sa akin, halong takot at kawalang-kapangyarihan ang naramdaman ko.
"Nasaan si Aldren?" tanong ko sa nurse na naka-desk, hindi na napigilang magtaas ng boses. "Nasaan siya?! Aldren Luna!"
"Sandali lang po, Sir," sagot niya, pero hindi ko na siya hinintay.
Napansin ko si Roanne sa isang gilid. Nakaupo siya sa bench, namumugto ang mga mata. Tumayo siya nang makita ako at agad akong nilapitan. "Nasa operating room siya," bulong niya, halos hindi marinig dahil sa paghikbi.
"Buhay pa ba siya?" tanong ko, nanginginig ang boses ko.
"Hindi ko alam, Airo... ang daming dugo. Ang dami..."
Halos lumuhod ako sa bigat ng mga salita niya. Napatingala ako sa kisame, umaasang kahit papaano, may Diyos na makaririnig sa mga dasal ko.
Hindi mo siya pwedeng kunin sa akin. Hindi ko kaya.
Lumipas ang oras nang parang isang mahabang bangungot. Hindi ko namalayan na nakaupo na rin pala ako sa gilid ng bench, katabi si Roanne. Tahimik kaming dalawa, parehong takot na marinig ang balita mula sa loob.
Pagkalipas ng ilang sandali, lumabas ang doktor mula sa operating room. Nakatayo kami agad, halos sabay na sumugod sa kanya.
"Kumusta na po si Aldren?" tanong ko, halos humihikbi na rin sa kaba.
Nakita ko ang bigat sa mukha ng doktor. Halos hindi siya makatingin ng diretso sa amin. "Ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin, pero... malala ang lagay niya. Kailangan niyong maghanda."
Ang mga salitang iyon ang parang tumapos sa akin. Bumagsak ako sa upuan. Sa isip ko, para bang may kung anong sumabog. Napuno ng ingay ang buong paligid, kahit wala namang nagsasalita.
Hinila ako ni Roanne sa yakap. "Kakayanin niya, Airo. Kakayanin niya..." paulit-ulit niyang sabi, pero kahit siya, hindi sigurado.
Mga alaala namin ni Aldren ang sumiksik sa isipan ko habang naghihintay. Ang unang beses na nagkakilala kami sa school. Ang araw na sinamahan niya akong umiyak sa gitna ng ulan.. Ang bawat ngiting ibinigay niya sa akin, na tila nagsasabing kaya kong maging masaya kahit anong mangyari.
Pero paano kung ngayon, siya naman ang mawala?
Natauhan lang ako nang maramdaman kong may tumapik sa balikat ko. Ang doktor ulit. Pero ngayon, seryoso ang mukha niya. Para bang may sentensya siyang kailangang ibigay.
"Stable na siya," aniya, pero halata sa tono ng boses niya na may kasunod pang salita. "Pero nasa kritikal pa rin ang kondisyon niya. Kailangan niyang manatili dito para sa masusing obserbasyon."
Bigla akong napaupo ulit. Para bang nawala ang bigat sa dibdib ko, kahit alam kong hindi pa ito tapos. Pero siya, buhay pa siya.
Sa loob ng ICU, nakita ko siya sa wakas. Ang lalaking palaging buhay na buhay sa mata ko, ngayon ay nakahiga, puno ng mga tubo sa katawan, tila alanganing nandito sa mundo.
"Aldren," mahina kong tawag habang hinawakan ang malamig niyang kamay. Tumulo na ang mga luhang kanina ko pa pinipigilang bumagsak.
"Bakit ka pa kasi tumawid?" tanong ko, pilit hinahanapan ng sagot ang katahimikan niya. "Hindi mo alam kung gaano mo ako tinakot. Hindi ko kaya 'to nang wala ka."
Pero walang tugon. Tahimik siya. Nakapikit. Para bang natutulog, pero hindi ko alam kung kailan siya magigising.
Pilit kong isiniksik sa utak ko ang ideyang magiging maayos siya. Na bukas, gigising siya at tatawanan ang pag-aalala ko. Pero ang katotohanan? Wala akong kasiguraduhan.
At sa sandaling iyon, sa gitna ng ospital, habang hawak ang malamig niyang kamay, naramdaman ko ang pinakamalamig na katotohanan: hindi lahat ng mahal mo, magtatagal sa'yo.
Nakatitig ako kay Aldren. Ang bawat hinga niya, kahit tulong na ng makina, ay parang nagtatakda ng oras sa pagitan ng pag-asa at kawalan. Mahina, kalmado, pero marupok. Parang anumang segundo, pwedeng huminto.
Pinilit kong maging matatag, pero bumigay na rin ang lahat ng depensa ko. Tumulo ang luha ko, parang baha na hindi ko mapigilan. Ang bawat patak ay kasabay ng pagbabalik ng mga alaala namin-mga araw na magkasama kaming tumatawa, mga gabi na pinupuno niya ng kwento ang katahimikan ko, at mga saglit na wala siyang ibang ginawa kundi ang paalalahanan akong kaya kong lumaban, kahit para sa sarili ko lang.
Pero paano kung ngayon, siya na ang kailangang lumaban? Paano kung siya na ang nasa gilid ng bangin at hindi ko siya kayang hawakan nang mahigpit para hilahin pabalik?
"Alam mo ba, Aldren," simula ko, kahit alam kong baka hindi niya naririnig. "Ikaw ang nagligtas sa'kin noon. Wala akong direksyon, pero dumating ka. Hinayaan mo kong umasa ulit... pero ngayon, ikaw naman ang pinanghahawakan ko. Kaya huwag mo akong iiwan. Hindi mo pwedeng gawin 'to."
Bumagsak ang ulo ko sa gilid ng kama niya. Hinawakan ko ang kamay niyang malamig at walang buhay na reaksyon. Parang ang init na palagi kong nararamdaman sa kanya ay nawala na rin kasabay ng malakas niyang tawa.
"Kung naririnig mo ako," bulong ko, halos paos na. "Magising ka na, Aldren. Magising ka na, kasi hindi ko kayang mag-isa ulit. Hindi ko kaya."
Ilang oras na siguro akong nakatulala. Puno ng tao ang ICU, pero parang nag-iisa lang kami sa mundo. Parang ang oras ay tumigil.
Biglang bumukas ang pinto, at nakita ko si Roanne. Pagod na rin siya, halatang hindi pa rin siya tumitigil sa pag-iyak. Nilapitan niya ako, pinisil ang balikat ko.
"Magiging okay siya," pilit niyang sinabi, pero ramdam kong wala siyang kasiguraduhan.
Hindi ko siya sinagot. Hindi ko alam kung paano.
Sa gitna ng katahimikan, biglang nag-alarm ang makina sa tabi ni Aldren. Tumigil ako sa paghinga. Nagmadaling pumasok ang mga nurse at doktor, hinila ako palayo kay Aldren.
"Anong nangyayari?!" tanong ko, halos mapasigaw sa takot.
"Code blue!" sigaw ng isang nurse.
Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nun, pero alam kong hindi iyon maganda. Tumigil ang puso ko kasabay ng tunog ng makina. Pinilit kong lumapit, pero hinarang ako ng isang doktor.
"Kailangan niyo pong maghintay sa labas," mahinahon niyang sabi, pero ramdam ko ang urgency sa boses niya.
"Hindi! Kailangan kong makita siya!" Pilit akong pumiglas, pero wala akong magawa. Pinatigil ako ng isa pang nurse, at dinala ako palabas ng ICU.
Naiwan akong nakatayo sa pasilyo, walang magawa kundi maghintay. Ang bawat segundo ay parang isang siglo. Ang tunog ng mga yabag, ang sigawan ng mga doktor sa loob, at ang tunog ng makina na pilit binubuhay si Aldren ay parang martilyo na paulit-ulit na tumatama sa dibdib ko.
"Please, Aldren..." bulong ko, halos hindi na ako makahinga. "Huwag kang sumuko. Huwag mo akong iwan."
Ilang minuto ang lumipas bago lumabas ang doktor. Nakatayo kami ni Roanne, parehong naghihintay sa sasabihin niya. Ang mukha niya ay parang hindi ko mabasa. Bigla siyang ngumiti. " Okay na po siya. Huminto ng bahagya ang pag tibok ng puso niya pero maayos na po siya. Any moment baka gumising na rin po siya. "
Nakahinga kami ng maluwag ni Roanne. Parang natanggal ang naka barang tinik sa aming mga lalamunan.
" Salamat sa Diyos! " Sigaw ni Roanne.
" Pwede na po kayong pumasok. " Saad ng nurse. Agad naman kaming pumasok.
"Aldren... gising na," pakiusap ko, hinahawakan ang kamay niyang malamig na parang yelo. "Gising na, please. Hindi mo pwedeng gawin 'to. Hindi mo ako pwedeng iwan. "
Nakatitig lang ako nung naramdaman ko ang pag galaw ng daliri niya. Dahan dahan din niyang minulat ang mga mata niya.
Agad akong napangiti.
Aayusin ko lahat ng nagawa ko. Pipilitin kong maging maayos kaming muli.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top