My old story
Naka-upo ako sa isang sulok ng bar, umiikot ang baso ng serbesa sa pagitan ng mga palad ko. Pilit kong iniisip kung paano ko aayusin ang lahat, pero parang wala na akong makitang paraan. Kasama ko si Keio, pero kahit anong sabihin niya, parang tunog hangin lang sa akin. Ang bigat sa dibdib ko, parang hinihila ako pababa ng sariling pagkakasala.
"Pre, nakikinig ka ba?" tanong ni Keio sabay tapik sa kamay ko.
Natauhan ako, pero bago pa ako makasagot, naramdaman kong may yumakap sa likuran ko. Bigla akong napatayo. Paglingon ko, si Ram. Nakangiti. Parang walang bigat sa konsensya niya, parang wala siyang pakialam sa gulong siya rin ang nagsimula.
Itinulak ko siya palayo, pero mas lalo lang siyang kumapit.
"Layuan mo nga ako!" sigaw ko.
Nagpumiglas ako, pero sa isang iglap, ginawa niya ang bagay na hindi ko kailanman inasahan sa harap ng maraming tao—hinalikan niya ako. Parang tumigil ang mundo ko sa sandaling iyon, pero hindi sa paraang gusto ko. Nakita ko siya. Si Aldren.
Nakatayo siya malapit sa pintuan, nanonood. Yung titig niya—alam kong nasaktan siya. Yung klase ng sakit na parang tuluyan niyang sinuko ang lahat ng meron kami.
"Ram, ano bang ginagawa mo?!" itinulak ko siya nang mas malakas.
"Babe," tawag ko kay Aldren, nanginginig ang boses ko.
Dumiretso si Aldren kay Ram, walang salitang binitiwan, at sinampal siya. Malakas. Rinig sa buong bar.
"Malandi!" galit na sigaw ni Aldren.
Pero hindi nagpatalo si Ram.
"Pansamantala! Ikaw rin naman, Aldren," sagot niya. "Hihiwalayan ka rin lang naman ni Jexh! Bakit ba hindi mo pa bitawan? Hindi mo ba nakikita? Ayaw na niya sa'yo!"
Napuno na ako.
"Manahimik ka, Ram!" sigaw ko, akmang sasapakin siya, pero hinawakan ni Aldren ang kamay ko.
Tumigil ako. Tumitig siya sa akin, pero hindi ko na mabasa kung ano ang nararamdaman niya. Sa halip, binitiwan niya ang kamay ko at kinuha ang kwintas na ibinigay ko noong kaarawan niya. Inihagis niya iyon sa lamesa.
"Itigil na natin ito," mahinang sabi niya. Pero ang sakit ng bawat salita, parang sinasaksak ako ng paulit-ulit.
Nakita ko si Roanne—ang kaibigan naming dalawa. May galit sa kaniyang mga mata. Lumapit siya kay Aldren, at naglakad sila palabas. Hindi siya lumingon. Hindi siya nagpaalam. Tuloy-tuloy lang siya hanggang sa nawala sila sa paningin ko.
Nakatayo lang ako, hindi makagalaw, hindi makapagsalita. Parang gusto kong habulin siya, pero hindi ko magawa.
"Mas okay na iyan," biglang sabi ni Ram. "Mas okay nang maghiwalay kayo. Ako naman ang gusto mo, hindi ba?"
Hindi ko na siya pinakinggan. Sa halip, biglang sumugod si Keio at sinuntok siya nang malakas. Napahiga si Ram sa sahig.
"Ikaw ang malandi!" galit na sabi ni Keio. "Kung nangangati ka, humanap ka ng ibang kakamot! Hindi iyong sinisira mo ang relasyon ng ibang tao!"
Tinuro niya ako.
"Airo, sundan mo si Aldren. Wala ka nang oras."
Parang natauhan ako. Tumakbo ako palabas, pero malamig ang hangin sa gabi. Walang Aldren sa kalsada. Wala kahit saan.
Nakaabot ako sa park, sa lugar kung saan kami unang nag-date. Naalala ko pa kung paano siya ngumiti sa akin noon, kung paano siya tumawa sa mga corny jokes ko. Pero ngayon, wala na siya roon.
Pilit kong sinubukang tawagan siya, pero hindi niya sinasagot. Sinubukan ko siyang i-text, pero walang reply. Umupo ako sa bench at hinayaan ang mga luha kong bumagsak.
Ako ang dahilan kung bakit nawala siya. Ako ang sumira sa amin.
Kung may time machine lang sana, babalik ako sa araw na iyon. Yung araw na pinili kong hayaan si Ram sa buhay ko. Kung hindi ko lang siya pinansin, kung hindi ko lang siya pinapasok, marahil hindi na umabot sa ganito. Siguro, tawagin man akong makasarili, mas okay na iyon kaysa sa sakit na ito.
Naalala ko ang jar na ibinigay ni Aldren noong anniversary namin—yung jar na puno ng mga tanong niya para sa akin. Mga tanong na hindi ko pa rin kayang sagutin hanggang ngayon. Bakit hindi ako sapat para sa'yo? Bakit? Mahal mo pa ba ako?
Sa jar na iyon, ramdam ko ang bawat hinagpis niya, bawat takot niya na hindi ko kailanman nawala sa kanya. Pero noong araw din na iyon, inamin ko rin ang lahat. Pero huli na. Alam na niya. Lahat.
"Ang tanga-tanga ko," bulong ko sa sarili ko habang naka-upo sa bench.
Narinig ko ang mga yapak sa likuran ko. Paglingon ko, si Keio.
"Wala siya, pre," sabi niya.
"Kaya nga ako nandito," sagot ko. "Umaasa."
Umupo siya sa tabi ko, at hindi siya nagsalita nang matagal. Nagbigay siya ng espasyo, pero ramdam ko ang bigat ng tingin niya sa akin.
"Hindi mo na maibabalik ang oras," sabi niya sa wakas. "Pero may magagawa ka pa."
"Anong magagawa ko?" tanong ko, halos pabulong. "Wala na. Sinira ko na ang lahat."
"Humingi ka ng tawad. Hindi lang sa kanya, kundi sa sarili mo. At tigilan mo na si Ram."
Hindi ako sumagot. Alam ko namang tama siya. Pero parang mas madali pang tanggapin ang sakit kaysa harapin ang realidad.
Pag-uwi ko sa bahay, nakatanggap ako ng mensahe. Galing kay Roanne.
"Wag mo na siyang habulin. Ayaw na niyang makita ka. Hayaan mo na siya. Ako ang bahala sa kanya."
Binura ko ang mensahe, pero ang bawat salita ay parang pako sa dibdib ko. Gusto ko siyang tawagan. Gusto kong magmakaawa. Pero anong sasabihin ko? Na babaguhin ko na ang lahat? Na pipiliin ko na siya sa bawat pagkakataon?
Alam kong wala na iyon sa kamay ko.
Nakatitig ako sa jar sa mesa. Binuksan ko iyon at isa-isang binasa ang mga papel sa loob.
"Bakit mo ako niloloko?"
"Paano mo nagawang ipagpalit ang walong na taon para sa ilang linggo lang?"
"Hindi mo na ba ako mahal?"
Bawat tanong ay parang kutsilyo sa puso ko. Pero ang pinakahuling papel ang tuluyang nagpabagsak sa akin.
"Sana maging masaya ka, kahit hindi na ako ang dahilan."
At doon ko napagtanto, hindi lang ako ang nawalan. Mas matagal na palang wala na siya sa akin—kasi sa bawat pagkakataon, hindi ko siya pinili. At ngayon, tuluyan na siyang nawala.
Sa gabing iyon, nakatulog ako nang may luhang bumabagsak sa unan ko. At sa unang pagkakataon, hiling ko na sana magising ako sa ibang panahon—sa panahong kaya ko pa siyang habulin, kaya ko pa siyang pigilin. Pero alam ko, ang tanging natira na lang sa akin ay ang mga alaala ng isang taong minahal ako ng buong-buo, kahit kailanman hindi ko nasuklian.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top