Love alone
2013
Kahit kailan, hindi ko aakalain na mangyayari 'to.
Magulo ang utak ko habang palabas ng room namin. Hindi ko alam kung anong tumakbo sa isip ko nang nakita ko siya. Si Airo, ang prinsipe ko—ang prinsesa ng buhay ko, as he fondly calls me—nasa dulo ng hallway. Napangiti ako nang makita siya. Tatawagin ko na sana siya para magkasabay kaming umuwi, pero doon tumigil ang lahat.
Nanlamig ako.
Kahit hindi pa malinaw ang nangyayari, alam ko na ang kasunod. Nakita kong yumuko siya kay Lucky, tapos sumalubong ang labi niya. Puta. Hindi ko maipaliwanag ang sakit sa dibdib ko. Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko—hindi sa saya, kundi sa galit at pagkabigo. Napako ako sa kinatatayuan ko, parang nakapako rin ang mga mata ko sa eksenang ayokong makita.
“Teh, anong ginagawa mo?” tanong ni Roanne mula sa likod ko. Napatingin siya sa akin, tapos sumunod ang tingin niya sa direksyon nina Airo. Kita ko ang biglang pagkuyom ng kamao niya.
“Tangina!” sigaw niya, kasabay ng lakas ng yabag niya papunta kina Airo. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko—galit? Lungkot? Inis? Takot? Siguro lahat-lahat na. Pero isa lang ang malinaw: ang sakit.
Napatigil si Airo at si Lucky nang marinig ang sigaw ni Roanne. Napatingin sila sa amin. Biglang kumalas si Lucky at mukhang napraning. Pero ang ginawa ni Airo? Tumakbo siya papunta sa akin.
“Babe, mali ang nakikita mo,” bungad niya, habol ang hininga. Halos hindi ko marinig ang boses niya dahil sa pag-iingay ng isip ko. Paulit-ulit na bumabalik sa utak ko ang eksenang 'yun. Parang sirang plakang ayaw huminto.
Hindi pa siya tapos magsalita nang bigla akong kumilos. Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi niya.
“Tarantada!” sabay sigaw ni Roanne, na mabilis ding sinampal si Lucky. Napaatras ang lintik na ‘yon, bago tumakbo papalayo na parang basang sisiw.
Si Airo? Hindi gumalaw. Nanatili lang siyang nakatayo sa harap ko, hawak ang pisngi niya kung saan ko siya sinampal. Pilit siyang nagsasalita.
“Babe, please. Hindi ‘to—” Hindi niya natapos.
“Airo, umalis ka muna sa harapan ko!” sigaw ni Roanne. Tumingin siya sa akin, hinihintay siguro ang reaksyon ko. Pero hindi ako makapagsalita. Para akong binusalan ng sakit. Gusto kong sumigaw, pero walang lumalabas.
Hindi ko kaya. Hindi ko kayang tingnan siya o pakinggan ang boses niya. Hinila ako ni Roanne palayo sa kanya. Hindi ako tumutol. Hinayaan ko na lang. Hindi ko alam kung dahil sa sobrang sakit o dahil sa pagod ko nang intindihin ang lahat.
Sa kwarto namin, wala akong ibang nagawa kundi umupo at titigan ang sahig. Ang daming gustong lumabas sa bibig ko, pero lahat ng salita ko, naipit na parang buhol-buhol na lubid. Si Roanne, andoon lang, nakatayo sa harap ko. Parang nag-aabang ng sasabihin ko.
“Teh, magsalita ka naman,” aniya. “Hindi puwedeng itikom mo lang ‘yang bibig mo. Ang tanga mo kung tatahimik ka lang!”
Tumingin ako sa kanya, pero wala pa ring lumalabas. Ang bigat ng dibdib ko. Gusto ko nang sumabog. Pero paano? Sa sobrang sakit, parang wala na akong lakas magalit. Ang natira lang sa akin ay pagkapagod.
“Alam mo,” sabi niya, naupo sa harap ko, “kung hindi mo pa siya iiwan, ikaw na ang gagawa ng sarili mong kalbaryo. Hindi ka boba, teh. Huwag kang papayag na gawing laruan lang ng hayop na ‘yon ang puso mo.”
Laruan. Napapikit ako sa salitang ‘yun. Parang may malaking batong dumagok sa ulo ko. Ganun ba talaga? Ganun lang ba kami sa mata niya? Na kahit anong ipakita kong pagmamahal, hindi pa rin sapat?
“Pero bakit, Roanne?” tanong ko, halos pabulong. “Bakit niya magagawa ‘yun? Akala ko ba… mahal niya ako?”
Napabuntong-hininga siya. “Teh, minsan kahit mahal ka, hindi ibig sabihin, tama ‘yung pagmamahal nila. Tsaka… alam mo na, di ba? Lalaki siya. Lalaki ka rin. Pero hindi ibig sabihin, prinsesa ka sa paningin niya.”
Prinsesa. Paulit-ulit niyang sinasabi sa akin noon na prinsesa ako ng buhay niya. Pero sa prinsesang ‘yun, ang ending pala, panakip-butas. Gamit. Laruan. Pinaniwalaan ko lahat ng ‘yun, pero sa dulo, eto ako ngayon—basag na basag.
Biglang tumunog ang phone ko. Tumawag si Airo. Hindi ko sinagot. Gusto ko siyang harapin. Gusto kong magtanong. Pero hindi ko kaya. Hindi ko kayang marinig ang mga sasabihin niya, lalo na kung kasinungalingan lang ang lahat.
Kinabukasan, nagkita ulit kami sa hallway. Ang kapal ng mukha niya. Lumapit pa siya sa akin.
“Babe, please. Pakinggan mo naman ako,” aniya, parang nauubusan ng hangin.
Hindi ako sumagot. Tumayo lang ako roon, tinitingnan siya nang deretso sa mga mata. Kita ko ang pangungulit sa boses niya, ang pangungusap sa tingin niya. Pero wala nang natira sa akin para maniwala ulit.
“Hindi mo naiintindihan. Mali ang nakita mo kahapon. Si Lucky, siya ang—”
“Siya ang ano, Airo? Siya ang tinutulungan mo? Siya ang kaibigan mo? Siya ang sinisipsipan mo ng laway?” tanong ko, kasabay ng tawa kong pilit. “Tangina, alam mo ba kung gaano kasakit makita kang ganun? Alam mo ba kung gaano kahirap intindihin ‘to ngayon? Sobra-sobra na ako, Airo. Sobra-sobra na.”
“Hindi totoo ‘yun, babe,” sagot niya, pilit pa rin. “Mahal kita. Ikaw lang—”
“Tumigil ka na, Airo,” sabat ko, naramdaman ko ang panginginig ng boses ko. “Mahal kita, pero hindi ibig sabihin, titiisin ko ang sakit na dulot mo. Mahal kita, pero mas mahal ko ang sarili ko.”
Hindi siya nakasagot. Tumayo lang siya roon, halatang nabigla. Nilingon ko siya sa huling pagkakataon bago ako tumalikod. Hindi ko alam kung tama ang ginawa ko, pero alam kong hindi na ako ang prinsesa ng buhay niya. At kung hindi ako ang prinsesa, hindi ko kailangan ng ganitong klaseng hari.
Sapat na ang sakit. Tama na.
Masyado akong naging kampante. Napaka-tanga ko. Ang akala ko, kapag tinanggap mo ang sorry ng isang tao, tapos na ang lahat. Parang binura mo na lang ang sakit, parang wala nang bakas ng pagkakamali. Pero mali pala. Sobrang mali.
Tinitigan ko ang kawalan habang nakakuyom ang mga palad ko. Pilit kong pinipigilan ang sarili kong hindi sumabog, pero parang isang bundok ng apoy na gustong sumambulat ang galit ko. Hindi ko inakala na mauulit pa ito. Hindi ko inakala na magagawa ulit ni Airo ang ginawa niyang panloloko noon.
“Tama na,” bulong ko sa sarili ko, pero sino ba'ng niloloko ko? Wala na akong laban dito. Ako na ang gumawa ng desisyon na maniwala sa kanya, na magpatawad, at higit sa lahat, na bumalik sa kanya kahit ang dami-dami nang senyales na hindi ko dapat ginawa iyon.
Akala ko noon, sapat na ang mga salitang iyon. Akala ko, may bigat ang mga pangako niya. Pero ngayon, nasa harap ko ang mga ebidensya—mga mensaheng malinaw na malinaw pa sa sikat ng araw. Mga lihim na plano, mga sandaling hindi ako kasama, at ang mga linyang alam kong hindi sa akin nakalaan.
Ano ba ang mas masakit? Ang malaman na niloko ka ulit? O ang mapagtanto na alam mo nang posible itong mangyari, pero pinili mong magbulag-bulagan?
Sariwa pa sa akin ang unang pagkakataon na ginawa niya ito. Gabi noon, at ako pa ang nag-sorry sa kanya dahil hindi raw ako naging sapat. Pinaniwalaan ko siya. Sinisi ko ang sarili ko. Kaya noong bumalik siya at nagmakaawa, hinayaan kong muli siyang pumasok sa buhay ko. "Bigyan mo ulit ako ng pagkakataon," sabi niya. At kagaya ng isang tangang umiibig, binigay ko iyon.
Masyado akong naging kampante. Parang naniwala ako na kapag tinakpan mo ng piring ang sugat, gagaling ito nang kusa. Pero hindi ganoon. Ang sugat na iniwan niya noon, hindi pala talaga gumaling—natabunan lang ng mga bagong alaala, ng mga panibagong kasinungalingan na akala ko'y totoo.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama at hinablot ang cellphone sa mesa. Nasa akin pa ang mga mensahe, ang mga screenshot, ang katibayang hindi na niya pwedeng itanggi. Pero ano'ng silbi ng katotohanan kung ang puso ko ay durog na? Kahit pa umamin siya, kahit pa sabihin niyang nagsisisi siya, wala na itong magagawa. Hindi na mabubuo ang tiwala ko. Hindi na mababalik ang dating tayo.
Ngayon, tapos na. Ngunit sa bawat hakbang palabas, para akong hinihila pabalik. Sinasabi ng puso ko na baka pwede pang magbago, na baka pwede pang lumaban. Pero tama na.
Hindi na ako ang taong iyon—ang lalakeng handang magpatawad kahit wala namang kasiguraduhang hindi na mauulit. Natutunan ko na ang leksyon. Kung sino man ang nagpauso ng kasabihang "kapag mahal mo, ipaglalaban mo," mali siya. Dahil minsan, kapag mahal mo, ang pinaka-makapangyarihang laban ay ang bitawan ito nang tuluyan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top