Kahinaan

Aldren

Hapon na. Pagbukas ko ng pinto ng bahay, bumungad agad ang pamilyar na amoy ni Airo. Malamig na amoy ng pabango niya, halong kaunting alingasaw ng iniwang kape sa kusina. Pumikit ako sandali, huminga nang malalim, ngunit sa halip na ginhawa, parang may kung anong bumara sa lalamunan ko.

Biglang sigaw ni Airo ang sumalubong sa akin, “Aldren?” Agad niya akong niyakap. Mainit. Mahigpit. Parang walang ibang mundo. “Saan ka galing? Kagabi pa kita hinahanap!” Sunod-sunod ang tanong niya, para bang natatakot siyang mawala ako.

Hinawi ko ang kamay niya, bahagyang tinulak siya palayo. “Mainit.” Nilingon ko siya sandali, malamig ang mga mata. “Hapon na, di ba? Dapat nasa trabaho ka na ngayon.”

“Nagpaalam akong mag-absent,” sagot niya, kaswal pa rin. “Roanne, magkasama kayo?”

“Oo, beh. Sorry. Kagabi kasi namatay cellphone ko kaya hindi kita nasagot,” pagsalo ni Roanne. Nasa likod lang siya, parang nag-aalangan tumayo sa eksenang nagaganap. Tumitig siya kay Airo at nagpatuloy, “Sinamahan ako ni Aldren sa bahay, may emergency kasi. Alam mo naman siya lang matatakbuhan ko, kaya sorry talaga—”

“Tigil,” putol ko sa pagsasalita niya. Matalim ang tingin ko. “Wala kang ginawang mali, Roanne. Wala kang dapat i-sorry. Sige, mag-ingat ka sa pag-uwi.”

Diretso akong pumasok sa banyo. Hindi ko na inabala pang tingnan kung ano ang reaksyon nila. Hindi ko rin pinansin ang mahinang tawanan at bulungan nilang dalawa bago ko narinig ang pagsara ng pinto. Senyales na nakaalis na si Roanne.

Hindi pa man ako nakakapagpahinga, may kumatok na sa pinto. Si Airo.

“Baby, okay ka lang ba? May problema ka ba?” tanong niya, puno ng pag-aalala.

Huminga ako nang malalim bago sumagot, “Oo. Napagod lang ako.” Tumayo ako mula sa gilid ng lababo at dumeretso palabas ng banyo.

“Ice cream?” alok niya. Parang bata, pilit na bumabawi. “Gusto mo kumain ng ice cream?”

“Ayoko. Matutulog na ako,” sagot ko nang walang emosyon. “Pumasok ka na sa trabaho. Baka puwede ka pang mag-half day.” Dumerecho ako sa kama, tumalikod, at nagtakip ng kumot.

Narinig ko ang mabigat niyang buntong-hininga bago siya tumabi sa akin. Ramdam ko ang bigat ng katahimikan.

“Hindi ako aalis hangga’t hindi mo sinasabi ang problema mo,” mahinahon niyang sabi. “Baby, mag-a-anniversary na tayo next week. Ayokong may alitan tayo.”

Parang kidlat ang sumagi sa isip ko ang sinabi ni Ram kagabi: “Maghihiwalay rin naman sila. Sabi ni Jexh, nasasakal na siya. Sakal na sakal na siya sa pagtrato ng boyfriend niya.”

Pumikit ako nang mahigpit, pilit tinatanggal sa isip ang bawat salita. Hindi ko kinaya. “Gusto ko muna magpahinga,” sagot ko, mahina pero matigas, bago ko siya tuluyang tinalikuran.

Hinanap niya ang kamay ko, hinaplos ang balikat ko, pero hindi ko na siya nilingon. “Sige, magpahinga ka muna,” narinig kong sabi niya bago siya tumayo at naglakad palabas ng kwarto.

Halos magwa-waalong taon na kaming magkasama ni Airo. Sa loob ng walong taon, buong-buo kong inalay ang tiwala ko sa kanya. Akala ko solid na kami—hindi matitinag. Pero ang tiwala, parang salamin. Minsang nabasag, ang hirap nang buuin ulit.

Pinipilit kong ipikit ang mga mata pero bumabalik sa isip ko ang sinabi ni Ram. “Sakal na sakal na siya.” Harap-harapan akong niloloko ng taong nangakong mamahalin ako habambuhay. Walong taon niya akong kinumbinsi na ako ang "brightest star" niya, pero ngayon, bakit parang unti-unti niya akong binibitawan?

Hindi ko namalayan na nakatulog ako sa bigat ng iniisip. Nagising lang ako nang marinig kong bumukas ang pinto. Tumayo ako mula sa kama, pinilit ang sarili na bumangon, at naglakad papuntang sala.

Nakita ko si Airo. Nasa mesa, inaayos ang cake na binili niya. Sa gilid, may ice cream pa. Bumalik ang hapdi sa dibdib ko.

“Gising ka na?” tanong niya nang mapansin akong pumasok sa kusina. “Nagising ba kita?”

Hindi ko siya sinagot. Dumerecho ako sa ref, kumuha ng tubig, at tahimik na uminom. Pero ramdam ko ang tingin niya sa akin, naghihintay ng sagot, ng reaksyon—kahit ano.

“Bumili ako ng ice cream,” alok niya ulit, mas mahina ngayon. Hinawakan niya ang kamay ko, pero agad ko rin itong hinawi.

Papasok na sana ako ulit sa kwarto, nang marinig kong huminga siya nang malalim. Nagsalita siya, halos pabulong. “May kasalanan ba ako?”

Paglingon ko, nakita kong nakayuko siya, nanginginig ang balikat, at bumabagsak ang mga luha sa kanyang mga kamay. Umuugong ang boses niya, parang napipigil ang hikbi. Sa buong pitong taon namin, mabibilang lang sa daliri ang beses na nakita ko siyang umiiyak. Ito ang pinakamasakit.

Humarap ako sa kanya, pinilit maging matatag. “Ilang taon na tayong magkasama?” tanong ko.

Tumingala siya, bumungad sa akin ang lungkot sa kanyang mga mata. Kitang-kita ko ang sarili kong repleksyon doon, pero mas nangingibabaw ang pagkawasak na nakaukit sa mukha niya.

“Mag wa-walong taon,” sagot niya, mahina ang boses. “Pasensya na kung hindi ko alam kung ano ang mali ko. Ayoko lang na umabot tayo sa ganito.”

Hinawakan ko ang kamay niya, pinisil iyon nang mahigpit. “Pagod lang ako, Airo,” sabi ko, pilit hinahagod ang likod ng palad niya. “Pasensya na rin kung akala mo nagagalit ako.”

Agad niya akong niyakap. Mahigpit. Parang takot na mawala ako.

Sa amin dalawa, si Airo ang mas emosyonal. Mabilis siyang masaktan, mabilis umiyak. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung ano pa ang totoo. Ang hirap magpanggap na wala akong naririnig, na walang problema. Pero para saan? Para hindi na lumala? Para hindi kami tuluyang masira? Mahal na mahal ko siya—iyon ang totoo. Ngunit hanggang kailan ko kayang magbulag-bulagan?

Kahit sobrang sakit, pilit kong kakalimutan ang narinig ko kagabi. Tatanggapin ko ang sakit para lang huwag masira ang mundong pinaghirapan naming buuin. Alam kong may magbabago—hindi ko kayang ipagpatuloy ang dati naming relasyon nang hindi nararamdaman ang kirot ng pagdududa. Pero kahit anong mangyari, hindi mababawasan ang pagmamahal ko sa kanya.

Kahit nakakamatay, pipiliin kong manatili.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top