He is the one

“Babe, sa tingin mo ba talagang magkaaway si Tom at Jerry?” tanong ni Airo habang abala siya sa pagtali ng buhok ko. Napakaseryoso ng mukha niya, para bang isa itong tanong na kaytagal na niyang iniisip.

“Hindi,” maikli kong sagot.

“Paano mo nasabi?” tanong niya ulit, halatang curious.

“Magkaibigan sila. Siguro dahil bored sila kaya wala silang magawa kundi guluhin ang buhay ng isa’t isa. Idagdag mo pa ‘yung amo ni Tom na laging galit kay Jerry. Pero kahit ilang beses silang mag-away, sa dulo sila pa rin ang magkasama. Sila pa rin ang nagdadamayan,” paliwanag ko habang hinaharap siya. “Babe, naalala mo ba ‘yung araw na hinalikan kita sa school? Naalala mo pa ba kung ilang beses kitang iniwasan noon? Napagtanto ko, parang tayo pala ang Tom and Jerry.”

“Bakit naman?” tanong niya, halatang naguguluhan pero interesado.

“Kasi nung iniwasan kita, ang daming nagtatanong kung bakit. Parang ako si Jerry na laging tinatakbuhan si Tom dahil sa takot at kahihiyan. Pero kahit ganoon, hindi naman kita kayang lubusang layuan.”

Tumigil siya sa pagtali ng buhok ko at tumingin nang diretso sa akin. “Pero, babe, seryosong tanong. Bakit mo nga ba ako hinalikan noong araw na iyon? At… nagsisisi ka ba?”

Agad akong napaangat ng tingin sa kisame, nag-iisip. Bumalik sa akin ang alaala ng araw na iyon—malinaw na malinaw pa rin sa isip ko.

“Teh, may kasalanan ako kay Airo,” sabi ko kay Roanne habang naglalakad kami papunta sa cafeteria.

“Ha? Ano na naman ‘yan?” tanong niya, kunot-noo.

“Hinalikan ko siya sa labi kanina,” sabi ko nang mahina, pero alam kong rinig na rinig niya.

Napahinto siya. “Oh, tapos?”

“Teh! HINALIKAN KO SIYA SA LABI KANINA!” sigaw ko, halos hindi makapaniwala sa sarili kong ginawa.

“Bakla ka ng taon. Tignan mo nga ang school page natin, naka-bandera ang mukha niyong dalawa!” sagot niya, sabay abot ng cellphone niya sa akin.

Pagkakita ko sa litrato namin ni Airo, halos manlambot ako. Ang daming nag-comment:

“Bagay sila!”
“Pasimpleng malandi talaga si Aldren.”
“Kawawa naman si Airo.”
“Ang sweet nila!”

Isinarado ko ang cellphone niya nang mabilis. Hindi ko na kaya. Nakaramdam ako ng matinding hiya at kaba.

“Si Lucky ang nag-post niyan. Inggitera talaga ‘yung baklang iyon,” sabi ni Roanne, sabay tawa.

“Shit, nahihiya ako.”

“Ayos lang iyan. At least, nakaranas ka na ng first kiss!” pang-aasar niya.

“Tarantada ka talaga.”

Simula noon, umiwas na ako kay Airo. Hindi ko na siya sinasabayan sa lunch. Umupo ako sa ibang bahagi ng classroom para hindi siya katabi. Naging awkward ang lahat. Pero kahit anong iwas ko, hindi ko maitatangging mahal ko siya. Mahal na mahal.

Minsan, habang nasa room ako, biglang pumasok si Ms. Kim. Ipinaliwanag niya ang tungkol sa gagawin naming liham na babasahin sa school festival. Ang dalawang pinakamagandang liham ang pipiliin para i-perform sa harap ng buong paaralan.

“Piliin mo na ako, Ma’am,” biro ng isa naming kaklase.

Napangiti lang ako. Hindi ko pa alam kung ano ang isusulat ko, pero sigurado akong may kinalaman iyon kay Airo.

Nagpunta ako sa CR para mag-isip. Tahimik doon, kaya naisip kong magsulat na lang. Pero habang nasa cubicle ako, narinig ko ang boses ni Airo mula sa kabilang cubicle. May kausap siya sa telepono.

“Hindi ko alam kung anong nangyari kay Aldren. Bigla na lang niya akong iniiwasan,” malungkot niyang sabi.

Napahinto ako. Gusto kong sumagot, gusto kong sabihin na hindi siya ang problema—ako. Pero bago pa ako makapag-isip ng sasabihin, bigla siyang lumabas ng cubicle. Hindi ko alam kung paano, pero naramdaman niyang nandoon ako. Hinila niya ako palabas at niyakap nang mahigpit.

“Airo, nasa public place tayo,” sabi ko habang pilit siyang itinutulak. Pero sa loob-loob ko, gusto ko lang huminto ang oras.

Kumalas siya, pero hindi pa rin bumitaw ang titig niya sa akin. “Bakit mo ako iniiwasan?” tanong niya, halata ang sakit sa boses niya.

“Wala,” sagot ko, pero alam kong hindi iyon totoo.

“Wala? Talaga ba? Aldren, nagsisisi ka bang hinalikan mo ako?”

Halos mamula ang buong mukha ko. Hindi ko kayang tingnan siya nang diretso. Huminga ako nang malalim.

“Airo, hindi ko sinasadya… sorry,” mahina kong sagot.

“Pero ito, sinasadya ko,” sabi niya bago niya ako biglang halikan.

Para akong natunaw. Sa utak ko, pilit akong nagpapaliwanag na mali ito, pero sa puso ko, tama lang.

Biglang kumatok sa pinto.

“Bakla! Ang tagal mo sa CR!” sigaw ni Roanne mula sa labas.

Agad akong kumalas kay Airo. Hinila ko ang pinto at tumakbo palabas.

“Ano ‘yun? Bakit pula ang mukha mo?” tanong ni Roanne habang sinusundan ako.

“Wala, tara na,” mabilis kong sagot.

Habang naglalakad kami pauwi, biglang tumigil ako sa gitna ng daan. Hindi ko na kaya. Parang sasabog na ang dibdib ko.

“Ang lalim ng hinga mo ah,” sabi ni Roanne.

“Mas malalim ‘yung nangyari kanina na sinira mo!” sagot ko, sabay irap sa kanya.

“Ano?” naguguluhan niyang tanong.

“Wala! Tara na,” sabi ko ulit. Naglakad ako nang mabilis, pero hindi maalis sa isip ko ang nangyari.

Hindi lang butterflies ang nararamdaman ko sa tiyan. Para na akong may buong kagubatan sa loob.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top