Simula

Simula

Bitbit ko ang lumang luggage ni mama na tanging naipamana niya sa akin. Pagkaalis ko ng bahay ay maghahanap ako ng trabaho. Hinanda ko na rin ang sarili ko sa hindi na pagbabalik doon sa bahay.

"Sunny, itong five hundred lang talaga ang mapapabaon ko sayo." Ani Auntie habang binubugahan ako ng sigarilyo.

"Salamat po, Auntie." Sabi ko habang tinatanggap ang pera na agad hinablot ng kanyang asawa.

"Ano 'to? Bakit mo binibigyan ang batang 'yan ng ganito ka laking halaga ng pera?" Pinasadahan ako ng tingin ni Uncle habang nilulukot ang five hundred na hinablot galing sa kamay ko.

Lumunok ako at napagtantong hindi para sa akin ang perang iyon. Ngayong umangal na si uncle ay malabong nang mapasa akin iyon.

"Auntie, salamat na lang po-"

"Umalis ka na nga lang, Sunny! Pabigat ka lang dito!" Sigaw ni uncle sa akin.

Nahihiya at naaawang tinitingnan ako ni Auntie habang yumuyuko ako. Kung normal na araw ito ay nasagot ko na si uncle. Kung normal na araw lang sana ito ay kakayanin kong lumaban kay uncle. Kaya lang hindi ito normal na araw. Ito ang araw na aalis ako sa bahay na kinalakihan ko. Narito ang mga alaala namin ni mama noon. Kahit na punong puno iyon ng mapapait na alaala ay hindi ko makakalimutan ang mga magaganda at simpleng alaala na hatid nito.

"Naku, Sunny! Pasensya ka na, ah?" Mangiyak ngiyak na sinabi ni Auntie. "Kung sana ay pwede kitang patirahin dito-"

"Mama! Paalisin niyo na ho si Sunny! Wala na naman po si Auntie. Marunong naman 'yan magtrabaho kaya wa'g niyo nang patagalin!" Sigaw ng pinsan kong si Patricia.

"Nako! Okay lang po, Auntie! May pera pa naman ako dito. Sige po. Alis na po ako!" Sabi ko.

Tumango si Auntie at inupos ang sigarilyo. "Mag ingat ka, Sunny." May bahid na pagsisisi sa kanyang boses.

Ngumiti ako, tumango, at tinalikuran ko siya. Humakbang ako sa medyo maputik na daanan namin. Tuwing umuulan kasi ay nagiging maputi ito. Kanina ay umulan kaya ganito ang daanan ngayon. Kitang kita ko ang bawat putik na dumidikit sa lumang sapatos ko. Lalabhan ko ito sa oras na makakakita na ako ng matutuluyan. Sa ngayon, pagkakasyahin ko muna ang isang libo ko sa paghahanap ng trabaho at matutuluyan.

Sumakay ako ng dyip para magtungo sa iilang mapag aaplyan ko ng trabaho. Nakita ko sa dyaryo iyong mga tindahang nangangailangan ng iba't-ibang trabaho.

Kumatok ako sa isang opisina. Ayon sa dyaryong nabasa ko, kailangan daw nila ng sekretarya. Sa kasamaang palad, hanggang sekretarya lang ang ma aapplyan ko. High school lang ang tinapos ko at tungkol sa computer nakahilig ang mga subjects ko noon. Ang pagiging sekretarya o kahit saleslady sa isang ticketing office ay tama lang sa aking pinag aralan.

Pinasadahan ako ng tingin ng security guard. Tinitigan niya ang maputik kong sapatos at ang damit kong inaayos ko agad ang mga gusot.

"Anong kailangan mo, miss?" Ngumisi siya sa akin.

Ibinalandra ko sa harap niya ang dyaryo. "Nakita ko po sa dyaryo na ito na kailangan niyo raw ng-"

Pinutol na ako ng babaeng naka mini skirt at may I.D sa ticketing office na iyon. Ngumunguya siya ng bubble gum at pinasadahan niya ako ng tingin. "Walang hiring dito, miss. Don ka na lang kaya sa club?"

"Ah? Pero sabi kasi dito sa-"

“Miss, ang sabi ko, wala nga. Kahapon nakakuha na kami ng isa kaya don ka na sa club! Sige na at madudumihan lang ang tiles namin dito!”

Padabog na sinarado ng babae ang pintuan ng ticketing office. Bumuntong hininga ako at tumingin sa aking sarili. Siguro ay huhugasan ko na lang muna itong sapatos ko at magpapalit lang ng mas pormal na damit.

Naghanap ako ng pampublikong CR. Tiniis ko ang baho sa loob para lang maging maayos ang aking sarili. Tinanggal ko ang aking t-shirt at nag palit ako ng blouse na hindi kumportable ngunit pormal. Pinalitan ko rin ang pantalon ko ng mas maayos at iyong walang putik.

Kung hindi ako makakahanap ng trabaho hanggang alas tres ng hapon ay mag hahanap na ako ng matutuluyan para mamayang gabi. Ngunit paano kung hindi ako makakahanap ng matutuluyan? Mag hahanap na ba ako ng parke? Sa Luneta? Saan ako matutulog?

Umiling ako at inisip na may isang libong piso ako. Makakahanap ako ng matutuluyan. Siguro naman ay may magpapatulog sa akin, isang apartment o isang Inn sa halagang 300 pesos o 500 pesos?

Nagpatuloy ako sa paghahanap ng trabaho. Sinubukan ko ang mga fast food chain na panay ang direkta sa akin sa isang malaking kumpanya. Pangatlong Jollibee ko na ito sa araw na ito. Manager ang palaging kumakausap sa akin habang tinuturo ang malaking building sa malayo.

“Miss, wala po kaming hiring dito ngayon. Ang mabuti pa, doon ka mag apply sa Del Fierro Group of Companies dahil mass hiring doon ngayon. May job fair pa nga!” Anang Manager.

Tinitigan ko ang rooftop ng napakalaking gusaling iyon sa malayo. Matayog iyon at pakiramdam ko ay hindi ako matatanggap doon.

“Tatanggap po ba sila ng High School graduate?”

“Aba, miss, high school graduate ang hanap nila!”

Napangiwi ako sa sinabi ng bading na manager. Hindi ko alam kong totoo ba iyon o binobola niya lang ako para makaalis na ako sa kanila. Ganunpaman ay tumango na lang ako. Wala na akong choice.

“Maraming salamat po.” Sabi ko at napatingin ako sa mga kumakain ng malulutong na fried chicken.

Napalunok ako at napagtanto kong ala una na nga pala at wala pa akong almusal at tanghalian. Tumingala ako sa menu ng fast food chain na iyon para tingnan kung magkano iyong mga kinakain ng mga tao rito.

Sa huli ay nagdesisyon na lang akong umalis doon. Bumili ako ng Sky Flakes sa nagtitinda sa labas at nagsimulang maglakad sa building na sinasabi pa kanina ng mga Manager na nadadaanan ko.

Habang nag lalakad ay kumakain ako. At kahit kumakain ako ay kumakalam parin ang sikmura ko. Kaya ‘to,  Sunny! Mamaya, pag nagkaroon na ako ng trabaho ay kakain ako ng marami! Iyon ang pangako ko sa aking sarili.

Hindi pa nakakaabot sa building na iyon ay natoon na agad ang pansin ko sa isa pang fast food chain na nangangailangan ng daw ng crew. Kinuha ko ang papel na nakapaskil sa kanilang pintuan at dumiretso na sa loob. Humalimuyak ang amoy ng fried chicken sa loob. Mas lalong kumalam ang sikmura ko. Pinilit kong huwag sumilip sa mga plato ng mga kumakain doon at dumiretso na sa loob.

“Nandito po ba ang Manager niyo?” Tanong ko sa mukhang iritadong crew.

“Nasa loob.” Aniya sabay turo sa isang pintuan na may nakalagay: Authorized Person Only.

Pumasok ako sa loob ng pintuang iyon at inilahad ko kaagad ang aking resume. Pinapanood ko ang Manager na nasa cellphone.

“S... Okay. Got it!” Anang lalaking manager.

Sumulyap siya sa akin ng dalawang beses at para siyang nakakita ng multo. Binaba niya agad ang kanyang cellphone.

“Anong maipaglilingkod ko sa’yo, miss?” Tanong niya.

Ibinalandra ko ang papel na nakapaskil kanina sa pintuan nila. “Nakita ko po ito sa labas.”

Kinuha niya ang resume ko.

“Kasi... pang apat ko na ‘tong fast food chain. May experience na po ako sa fast food-”

“Walang hiring dito.” Aniya pagkatapos pasadahan ng tingin ang aking resume.

“Po? E, nakapaskil ‘to sa labas?”

Hinablot niya ang papel na dala dala ko at pinunit iyon sa harapan ko. “Wala dito. Sa Del Fierro lang!” Aniya.

Tumango ako. “Okay po.”

Tumalikod ako ngunit hindi ko napigilang umirap. Kitang kita na kailangan nila ng crew. Bigla na lang walang hiring? Ang malas ko naman talaga ngayong araw na ito! Alas dos na at ipinangako ko pa naman sa sarili ko na pag tungtong ng alas tres ay maghahanap na ako ng matutuluyan. Last shot na itong Del Fierro na ito. Pag hindi ako nakahanap ay bukas na lang ulit.

Tumingala ako sa napakalaking building sa harapan ko. May malaking paskil na Job Fair sa first floor. Maraming tao at pakiramdam ko dito na ako makakahanap ng trabaho!

Sumabog ang mahaba kong buhok dahil sa lakas ng ihip ng hangin. Binitiwan ko ang aking luggage para sikupin ang buhok ko bago ako naglakad papasok sa loob ng building. Chineck ng security guard ang bag ko ngunit hindi na ako mapakali dahil sa mga trabahong nag aantay sa akin sa loob.

“Etong I.D, miss o. Nandito ka para sa job fair?” Tanong ng guard.

“Opo!”

“Naku! Ba’t ngayon ka lang? Ubusan na siguro ng trabaho ngayon?”

Namutla ako sa sinabi ng guard. Maaaring tama siya. Pinagmasdan ko ang mga umaalis at masasayang tao dahil nakakuha na ng trabaho.

“Oh my God! We’re officemates!” Tili ng isang babaeng naka mini skirt sa naka corporate attire.

“Oo nga! I can’t believe this! Dream job ko ito!” Anaman ng naka corporate attire na babae.

Napalunok ako at napatingin sa pintuan kung nasaan ang job fair. Nakikini-kinita ko na ang bawat cubicle kung saan may nagaganap na interview. Masyado akong out of place sa lugar na ito. Pinasadahan ko ng tingin ang aking sarili. Siguro ay ang trabahong para sa akin ay ‘yong janitress? Hindi ko alam pero sa ngayon, wala akong pakealam. Magkaroon lang ako ng marangal na trabaho ay maayos na sa akin.

Tinulak ko ang pintuan at nakapasok na ako sa loob. Medyo maingay doon at pormal ang mga tao. Nilapitan ko ang isang babaeng may dalang papel na binibigay sa bawat nag aapply doon.

“May hiring pa po ba sa mga klerikal na trabaho?” Tanong ko.

Halos hindi niya ako tiningnan. “Wala na, miss e.”

“Janitress po?” Sabay lunok ko.

Napalingon siya sa akin. Tinagilid niya ang ulo niya at sinuri akong mabuti.

“Anong pangalan mo?”

Napalunok ako sa biglaang tanong niya. “Sunshine Aragon, po.”

Nanikmat ang babae at mabilis niyang tinawag ang naka long sleeve at may nakakatawang itim na ribbon na lalaki.

“Samuel!” Mariing sinabi ng babae.

Napatingin si Samuel sa akin. Napanood ko ang pagtigil ng kanyang tingin sa aking dibdib. Mabilis kong tinakpan ang kung ano mang tinitingnan niya sa aking dibdib. Imbes na mahiya siya ay nag angat siya ng isang nakakakilabot na tingin sa akin.

“Hindi ba may hiring sa maintenance? Nandito si Miss Sunshine Aragon. Ihatid mo siya sa maintenance department at tingnan mo kung saan siya mabuting ilagay roon.”

“Sige po, ma’am.” Ani Samuel.

Oo. Alam ko naman na talagang hindi ako para sa job fair na ito. Pinasadahan ko ng tingin ang bawat iniinterview’ng babae. Hindi na siguro kailangang iinterview ang mga janitress. Basta ba willing kang magtrabaho, maglinis ng CR at kung anu-ano pa, wala kang sakit, at wala kang sabit, ayos na iyon.

Natigilan ako nang tumigil si Samuel sa loob ng maintenance office na pinasukan namin. Nakita kong puro locker lang ang naroon at walang tao sa loob.

“Dito po ba ang maintenance office?” Tanong ko habang pinagmamasdan ako ng tingin ni Samuel.

Napatingin ako sa kanya at kitang kita ko kung nasaan ang kanyang mga mata. Sa dibdib ko nakatoon ito. Pinagpapawisan siya ng marami. Kitang kita ko sa kanyang noo ang pawis habang dinidilaan niya ang kanyang labi.

“Sir Samuel, dito ho ba?” Panira ko sa ginagawa niya.

Humakbang siya papalapit sa akin. At dahil kilalang kilala ko na ang mga ganitong galawa, alam ko na rin kung ano ang kahihinatnan. Kaya bago pa lang may mangyari ay sinipa ko na ang pinaka natatanging parte ng kanyang katawan dahilan kung bakit napasigaw siya sa sakit at napayuko siya.

Kinagat ko ang aking labi at tinulak ko ang mabigat na pintuan. Nakapasok ulit ako sa malaking hall kung nasaan ang job fair. Tumulo ang luha ko dulot nang kaunawaang wala akong mapupuntahan sa araw na ito. Iyon na ang huli. Bukas na lang ulit. Maghahanap na ako ng matutuluyan. At kung ano man ang naging kasalanan ko at bakit ganito ang mga parusa sa akin ay hindi ko na alam.

Mabilis ang takbo ko dahilan kung bakit naagaw ko ang atensyon ng halos lahat ng naroon sa buong hall. Pinigilan ako ng security guard.

“Manong, labas na po ako!” Pagmamakaawa ko habang niyayakap ang aking bagahe.

“Bakit ka tumatakbo? Anong problema mo? Nagnakaw ka ba?” Anang guard.

“Samuel!” Sigaw nung babae na siyang nagpakaba pa lalo sa akin.

“Hindi po!” Sagot ko sa guard.

May mga guard na dumating para palibutan ako. Nilingon ko ang pintuan kung nasaan lumalabas ang medyo umiika ikang si Samuel.

“Hindi po ako nagnakaw! Shit!” Mura ko.

“Bakit ka tumatakbo kung ganon?” Sigaw ng isa pang security guard sa akin habang tinututukan ng kung anong batuta ang bag ko.

Umiiling iling ako habang tinuturo ko si Samuel.

“Anong nangyayari dito?” Tanong ng isang malamig na boses.

Isang boses na dahilan kung bakit natahimik ang nagkakagulong mga guard dahil sa nangyari sa akin. Narinig ko ang halakhak ng mga lalaki sa likod niya. Inayos ng lalaking nasa likod niya ang kanyang buhok habang tinitingnan ako. Ang isa naman ay pinaglalaruan ang kanyang labi.

“Mr. Del Fierro, pasensya na po sa kaguluhan.” Anang babaeng tumawag kay Samuel kanina.

Tumango ang lalaking nasa harapan ko at pinasadahan niya ako ng tingin. Madilim ang kanyang ekspresyon ngunit hindi mo maipagkakaila na masyado siyang makisig para tumayo sa harap ko. Sumisigaw ng autoridad ang kanyang awra. Malinis ang kanyang mukha at ang tanging nagpapadilim dito ay ang kanyang kilay na nakakunot.

“Anong nangyayari dito, Samuel?” Anang lalaki. Hindi umalis ang kanyang titig sa akin.

“Sinipa ko siya dahil nakatingin siya sa dibdib ko.” Pumikit ako sa sinabi ko.

Ako ang sasagot. Kesa mapagkamalan akong magnanakaw ay aaminin ko ang ginawa ko. Hindi ako nahihiya don.

Lumakas ang tawa ng mga lalaking nasa likod niya. Lumitaw rin ang ngiti sa mukha ng lalaking nasa harapan ko. Tinikom ko ang biglang nalaglag kong panga.

“Is that so?” Mapaglaro niyang tanong sa akin bago tumingin kay Samuel.

May kung anong binulong siya sa security guard at may tiningnan siya sa likod ko bago siya bumaling ulit sa akin.

“I heard you want to be a janitress, Miss Aragon?” Nag taas siya ng kilay.

Napatingin ako sa mga security guard na sinasamahan si Samuel kung saan. Kumalabog ang dibdib ko. Ito na ba? Ipapalit na ba ako sa Samuel na iyon?

“Opo!” Napangiti ako sa sagot ko.

Ngumuso siya na para bang nakakatawa ang reaksyon ko. “I’m sorry. Walang hiring ngayon.” Aniya at nilagay sa basurahan ang pinaghirapan kong resume.

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.

“Rage!” Sigaw ng may isang may mahabang buhok na lalaki.

“Don’t talk to me, Brandon.” Mariing sinabi ni Mr. Del Fierro habang naglalakad palayo sa akin.

Tumatawa ang isang lalaki habang ang may mahabang buhok na lalaki naman ay tumitingin sa akin.

Umalis ang mga security guard na nakapaligid sa akin. Lumuhod ako sa harap ng basurahan. Binuksan ko iyon at nagsimula ako sa paghahanap ng resume ko. He’s evil. So evil. Pu pwede namang ibigay na lang pabalik sa akin ang resume. Bakit kailangang itapon sa basurahan?

Hinawi ko ang buhok ko nang napagtanto ang katotohanang wala parin akong trabaho at matutuluyan hanggang ngayon. Alas kuwatro na ng hapon at ilang oras na lang ay didilim na. Mukhang magkakatotoo na yata talaga ang pinangangambahan kong pagtulog sa Luneta.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #rage