Kabanata 44
Kabanata 44
Friends
Umamba si Rage ng suntok ngunit tinawag ko siya ng isang beses at mabilis niya kaming tinalikuran. Napalunok ako. Kitang kita sa kanyang mukha kanina ang pagkabigo at galit. Umilaw ang kanyang sasakyan at agad niyang pinaharurot ito na para bang gustong gusto na niyang umalis doon.
Bumagsak ang mga mata ko sa aking kamay. Nilingon ako ni Jason.
"Sunny, I'm sorry for butting in. Nakikita ko lang kasi ang pamimilit niya sayo at narinig kong ayaw mo na." Sabi niya.
Tumango ako. Nawalan na ako ng lakas para mag salita. Hindi ko alam kung tama ba iyong ginawa ko, ginawa ni Jason. Pero iyon lang ang paraan para mapaalis ko si Rage. Iyon na lang ang tanging paraan para tigilan ako ni Rage.
Ilang sandali pa ang katahimikan. Huminga ako ng malalim at napatingin sa naghihintay na si Jason.
"Uuwi na ako, Jason. Thanks for today." Sabi ko at umambang tatalikuran na siya ngunit nagsalita siya kaagad.
"Saan ka umuuwi? Sorry pero narinig ko ang pinag usapan ninyo. You're staying with someone." Ulit niya.
"Umuuwi ako sa condo ni Mia at Kid. Mga kaibigan ko." Sabi ko.
Tumango siya. "Pwede ba kitang ihatid?"
Ngumiti ako kahit nakakapagod na. "Huwag na, Kid. Thank you."
"Sunny, please let me do this. Nag aalala ako sa'yo." Aniya.
"Hindi mo naman kailangang mag alala, ayos lang ako." Sabi ko.
"Dala ko ang sasakyan ko. Ihahatid kita." Aniya at agad akong hinila.
Halos paulit ulit ko siyang tinanggihan. Positibo akong ayaw kong ihatid niay ako. Gustp kong mapag isa. Kailangan kong mag isip. Isa pa, naghihintay si Kid at Mia sa akin sa condo dahil sa pag aalala nila.
"Jason, ayos lang ako." Ulit ko nang nakalapit na kami sa kanyang kulay itim na Accent. Umiling ako para ipakita ang talagang pagtanggi ko ngunit hinawakan niya ang baywang ko at nginitian niya ako.
"Sunny, hanggang dito ba naman tatanggihan mo ako? Let me, please? I'll just drive you home, that's all."
Dumistansya agad ako sa aming dalawa. Napansin niya iyon kaya kinalas niya ang pagkakahawak sa aking baywang. Nag iwas ako ng tingin at unti unting tumango. Hindi ako magrereklamo kung kailangan kong mag jeep pauwi sa condo kahit na medyo malayo iyon at ilang sakay pa ng jeep ang aabutin ko. Ngunit nang matigil si Jason ay pumayag na lang ako.
Sumakay ako sa loob. Paalis kami ng school ay tahimik lang kaming dalawa hanggang sa nadatnan namin ang traffic light. Sinabi ko rin sa kanya ang address ng condo.
"Nag hiwalay na kayo nong boyfriend mo." Hindi siya nagtatanong. Sinasabi niya iyon sa akin.
"Oo." Sagot ko.
"Hindi ko gustong makealam pero bakit? Did he cheat?" Nilingon ako ni Jason.
Bumaling ako sa kanya at kitang kita ko ang medyo magulo niyang buhok at maamo niyang mukha. Ayaw kong sagutin ang tanong niya at mukhang naramdaman niya rin ang gusto ko.
"Okay, I'm sorry. Gusto ko lang malaman pero kung di ka ready na sabihin sa akin ay di ako mangungulit." Sabi niya sabay paandar sa sasakyan.
"Sorry, Jason. Hindi ko pa kayang sabihin. Masyadong mahabang istorya." Nilingon ko ang mga ilaw sa labas.
Napatalon ako nang naramdaman ko ang palad niyang bumalot sa aking kamay na nagpapahinga sa aking hita. Mahigpit niya iyong pinisil.
"Magkaibigan tayo, Sunny. Wa'g ka nang mailap sa akin tulad nong high school. Gusto kong maging mag kaibigan tayo ngayon..."
Nilingon ko kaagad siya. Matamis na ngiti ang kanyang ibinigay sa akin.
Pinipiga ang puso ko. Hindi ko alam kung bakit. Umalis ako sa bahay noon na ako lang mag isa at ngayon hindi ko alam kung paano ko mapapasalamatan ang mga taong nag aalala para sa akin. Si Mia, Kid, at si Jason pa. Kahit paano ko sabihin na kaya ko namang mag isa, pero sa totoo lang, kailangan ko parin sila. Masaya parin ako at nandito sila. Dahil nakakatakot mag isa. Gusto kong hawakan ang tiyan ko para haplusin siya. Tama, may kasama na ako.
"Dito ba?" Tanong ni Jason sabay tingin sa malaking building.
Tumango ako. "Tower 2." Sabay turo ko sa dalawang condo na magkatabi.
Diniretso niya sa lower ground ng itinuro kong condo at agad siyang nakahanap ng parking space. Pinark niya ang kanyang sasakyan doon. Nilingon ko siya at nginitian.
"salamat, Jason. This means a lot to me." Sabi ko.
"Walang anuman, Sunny. Ihahatid na kita sa floor mo." Aniya at agad na binuksan ang pintuan bago ko pa siya mapigilan.
Nalaglag ang panga ko ngunit tinanggap ko rin kalaunan.
"Sorry ah, naabala pa kita." Sabi ko nang nasa elevator na kami at pinindot ko ang tamang floor.
"Hindi 'to abala, Sunny. Wala naman akong ginagawa ng ganitong oras sa condo." Aniya.
Nagulat ako dahil nag co-condo din pala siya. "Hindi ka na sa inyo tumitira?"
"Masyadong malayo ang bahay, Sunny. Tumutuloyy ako sa condo ng Kuya ko."
Tumango ako at tumunog na ang elevator sa palapag na pinindot ko. Naglakad agad ako papasok.
Ilang hakbang lang ay pintuan na ng condo ni Kid. Pinihit ko kaagad ang pintuan at agad kong narinig ang boses ni Mia at Kid na nag uusap sa kitchen yata ng condo.
"Si Dr. Fernandez 'yong OB ko, magaling naman 'yon." Sabi ni Mia.
"You should change your OB. Dalhin mo si Sunny sa tito ko. Kayong dalawa na doon." Halos matigilan ako sa pinag uusapan nila.
Naaninag ko ang dalawa na nag hahanda ng pagkain sa mesa habang nag uusap. Sabay silang natigilan nang nakita akong may kasamang lalaki. May mga papel sa mesa na itinago ni Mia ng dahan dahan.
"Good evening!" Bati ni Jason.
Nilingon ko si Jason para maipakilala. "Kid, Mia, eto nga pala si Jason. Kababata ko 'to." Sabi ko.
Nagtaas ng kilay si Mia at si Kid naman ay lumapit para mag lahad ng kamay. "Kid Fuentebella." Ani Kid. "Mia Concepcion." Aniya sabay tingin kay Mia. "Girlfriend ko."
Tumango tango at ngumiti si Jason sa dalawa. Bumalik si Kid sa kanyang ginagawa at nagawa pa niyang anyayahan si Jason na umupo samantalang medyo may tensyon sa mukha ni Mia.
"Nag luto kayo?" Tanong ko sabay tingin sa mga pagkaing nasa mesa.
"Yeah, para satin." Ani Mia.
Napatingin ako sa kanya. Nanlalaki ang mga mata niya sa akin na mukhang may ipinaparating.
"Nakakahiya naman. Aalis na ako, Sunny. Di na ako magtatagal." Sabi ni Jason.
"Di... Dito ka na kumain. Marami naman kaming niluto." Medyo sarkastikong sinabi ni Mia.
Kumunot ang noo ko sa kanya.
"Excuse me lang ah. Hiramin ko lang si Sunny." Sabi niya at agad na akong hinila pabalik sa sala.
Tumigil siya nang nakalayo na kami at sobrang hina ng boses niya kahit na mariin ito.
"Sino 'yan? Sunny, papatayin 'yan ni Rage." Sabay turo niya sa bandang kusina.
Tumikhim ako. "Classmate ko siya nong high school. Nagkakilala na sila ni Rage, Mia. At kanina... nandon siya nang pinuntahan ulit ako ni Rage."
Nalaglag ang panga ni Mia. Tinawag kami ni Kid kaya nanliit ang mga mata niya at binantaan akong hindi pa siya tapos sa akin.
Tahimik kaming kumain. Walang sinabi tungkol sa pag bubuntis ko. Wala rin silang binanggit tungkol kay Rage at nagpasalamat ako doon dahil hindi ko kayang pag usapan siya.
"Ang konti naman ng kinakain mo!" Mariing sinabi ni Mia habang tinitingnan ang pinggan mo.
Humalakhak si Jason. "Baka nag da diet?"
Tinapunan ng matalim na tingin ni Mia si Jason at bumaling ulit sa akin. "Hindi ka pwedeng mag diet." Ani Mia sakin, pabulong.
"Hindi ako gutom." Sabi ko ngunit dinagdagan na lang ng pagkain ang aking pinggan. Kahit na hindi ako gutom ay kailangan kong kumain para maging malakas ang baby ko.
Ngumuso ako. Baby ko...
Pagkatapos naming kumain ay tumayo agad si Mia. "Sunny, sa kwarto muna tayo. Magpahinga na muna tayo." Sabi ni Mia at hinintay ako.
Napatingin si Jason kay Mia at agad ring tumayo. "Nakakaistorbo ba ako? Uh, mukhang kailangan nang magpahinga ni Sunny. Aalis na rin ako ngayon." Nahihiya niyang sinabi.
Gusto kong tumanggi pero mukhang ilang kalabit na lang ay magtataray na si Mia at pursigido din si Jason na umalis kaya hinayaan ko siya. Sinarado ni Mia ang pintuan nang nakapasok kami sa kwarto ni Kid at agad akong hinarap.
Pinaulanan niya ako ng mga salita tungkol sa pag dala ko kay Jason at kung anu ano pa. Umupo ako sa kama at humiga. Agad akong dinalaw ng antok pero dumilat ako para makinig sa lahat ng mga sinabi niya.
"Tingin mo ba maganda 'yon? Sabihin na nating wala kang balak na balikan si Rage pero papalitan mo siya? Ang dami mo pang problema."
"Alam ko, Mia! Tsaka hindi ko siya papalitan..."
Nagtaas siya ng kilay. Umiling naman ako.
"I mean... wala akong planong dagdagan ang problema ko. Sa ngayon gusto ko lang isipin 'yong anak ko at ang mga susunod kong gagawin para makaipon ng pera para sa panganganak ko. Iyon lang. Kaibigan ko lang si Jason."
"Kita ko sa mga mata niya na hindi kaibigan ang turing niya sayo."
Napaupo ako ng maayos. "Mia, you're over reacting. He's just a friend. Talagang ganon siya makitungo."
Marami pa siyang dinagdag. Pinangaralan niya ako ng kung anu-ano.
"Pumunta pa ako sa OB ko para malaman kung ano ang mga maeexperience pag buntis at anong mga dapat mong inumin at hindi! Hindi ka pwedeng mag kape at marami pang iba!"
Nagulat ako sa sinabi niya. Ginawa niya 'yon para sa akin?
"Kaya dapat ka ng magpa check ngayong Sabado! Sasamahan kita kasi lintek 'yong daddy ng anak mo, nevermind!" Talak niya.
Ngumiti ako at hindi ko mapigilan ang pamimiga ng puso ko. Agad ko siyang niyakap habang nagsasalita pa. Gulat na gulat siya sa yakap ko at agad niyang hinaplos ang likod ko. Nanghina ang kanyang boses. "Sunny naman... Hindi ko alam pero kung ako nasa sitwasyon mo baka nag laslas na ako kaya dahan dahan sa pag dagdag ng problema."
Humalakhak ako. "Thank you, Mia."
"Shit. I think isa 'to sa maeexperience mo, e. Magpacheck ka ah?" Kumalas ako sa yakap ko. "Sasamahan kita."
Kinwento ko rin sa kanya ang nangyari kanina. Marami na naman siyang kumento tungkol sa ginawa ni Rage.
"Edi tapos na pala kayo!" Aniya.
Pinanood ko siyang pabalik balik na naglalakad. "Sunny, 'yong ego ni Rage winarak mo. Ilang beses siyang nag makaawa at ngayon pinalitan mo agad."
"Hindi ko siya pinalitan, Mia. I already told you." Sambit ko ulit.
"Alam ko pero 'yon ang iisipin niya." Umiling siya. "Bahala na nga! 'Yon naman dapat, diba? That's how you like it. Lintik din pala 'yong Jason na 'yon pakealamero." Nakapamaywang siyang tinitigan ako.
Magsasalita na sana ako ngunit kumalabog ang pintuan.
"Mia..." Narinig ko ang tawag ni Kid.
"Mia, dito na kayo matulog ni Kid. Doon na ako sa kabilang kwarto. Gabi na. Tsaka mas gusto kong may kasama ako." Sabi ko kahit na umiling siya. "Ngayong gabi lang, please?"
Umirap si Mia at kinuha ang kumot ko. "Humiga ka na. Kami na sa kabilang kwarto. Dito ka na." Aniya.
Ngumiti ako at tiningala ko siya habang humihiga ng maayos sa kama. Nilagyan niya ako ng kumot.
"Sleep tight, pretty mommy." Aniya at hinalikan ako sa noo.
Ngumiti ako at pinanood siyang lumabas ng kwarto. Pinatay niya ang ilaw at ang tanging ilaw na nakita ko ay ang ilaw ng mga nagtataasang building sa labas galing sa bintana.
"I hate the way you look at that guy..." Narinig kong sinabi ni Kid sa labas.
"Sinong lalaki?" Ani Mia.
"'Yong dala ni Sunny..."
Ngumiti ako. They are so cute. Ngumuso ako at narinig ang pagkalabog ng pintuan sa kabilang kwarto. I'm happy for them. I'm happy for Mia and for Kid. Kahit na hindi na lang mangyari sa akin 'yong mga tulad sa pelikula, kahit sa kaibigan ko na lang ay maayos na ako. Wala na akong mahihiling pang iba.
Inisip ko ang mukha ni Rage kanina. Hindi ko mapigilang isipin na gusto ko rin sana ng ganon para sa aming dalawa... pero malabo na 'yon. Kahit paano ko 'yon gustuhin, malabong malabo na 'yon.
Nagising ako nang may narinig akong iilang boses sa loob ng bahay. Hindi pa ako dumidilat pero dinig na dinig ko iyon.
"Shhh! Tahimik nga!?" Ani Mia.
"I know you're hiding her here. Kailangan naming makausap si Sunny." Dinig ko ang boses ni Brandon.
Nananaginip ba ako?
"Natutulog 'yong tao." Sambit ulit ni Mia.
Dumilat ako at nakita kong malalim pa ang gabi sa labas. Tiningnan ko ang cellphone ko at alas dos pala ng madaling araw.
"Anong oras ba kayong pumupunta? Alas dos ng madaling araw, seryoso? Tulog ang tao!" Ani Mia.
"Hindi ba pwedeng gisingin, Mia? Kailangan namin siyang makausap." Sabi ni Logan.
"Logan, ayaw niyang makita si Rage. Alam kong alam niyo 'yong nangyari sa dalawa."
"Damn it, Kid. Alam namin at hindi si Rage ang ipinunta namin dito. Pwede ba. Ayaw din muna namin silang tulungan na magkita sa ngayon." Ani Logan.
"Ayaw ko rin sana silang mag kita, forever. Maraming problema si Sunny na hindi niyo maiintindihan kaya wa'g na natin silang ipilit." Wika ni Mia.
Pinaapak ko ang mga paa ko sa sahig at naramdaman ko kaagad ang lamig ng tiles. Naglakad ako patungong pintuan at pinihit ko ang door handle. Nanliit ang mga mata ko sa biglaang pag ilaw at naaninag ko sina Mia, Kid, Brandon, at Logan sa sala.
"Magaling! Nagising niyo!" Ani Mia.
"Sunny..." Ani Brandon sabay tingin sa akin.
Kinusot ko ang mga mata ko. Bakit sila nandito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top