Kabanata 11
Kabanata 11
Hindi Nakokontento
Kinaumagahan ay agad akong nag desisyon na bumili ng pumps. Sinuyod ko ang bawat tiangge para lang makahanap ng mura, matibay, at maganda. Inubos ko ang oras ko sa paghahanap. Nagkaroon din ako ng pagkakataong kumain sa isang fast food chain. Masaya parin kahit na mag isa.
Nagulat na lang ako nang nakauwi ako sa Building kasama ang bagong sapatos at ang iilang mga papel galing sa paghahanap ko ng matutuluyan ay naabutan ko si Mia sa sofa ko, tulala.
"Mia?" Sabi ko habang nilalapag ang sapatos ko.
Napatalon siya at napaupo ng maayos pagkakita sa akin. Agad niyang kinuha ang supot na dala ko para tingnan ang sapatos na nabili.
"Anong ginagawa mo dito?" Usisa ko habang tinatabihan siya sa sofa.
"Nag away kami ni Eric." Ani Mia at tiningnan ang kulay cream kong pumps.
Nakalimutan kong hindi ko nga pala siya nasabihan na naputol ko ang takong ng pumps niya. Kailangan ko pa siyang bayaran para don.
"Ang ganda nitong nabili mo." Aniya, winawala ang usapan kay Eric.
Kumunot ang noo ko. "Natalisod kasi ako kagabi kaya nasira 'yong pumps mo. Gusto mo 'yan? Sayo na 'yan bilang kabayaran."
Umiling agad siya. "Alam mo, Sunny, kung di ka dumating ay nilagay ko na sa basurahan 'yong pumps na 'yon kaya wa'g ka ng mag alala. Sa'yo na 'to at hindi mo na kailangang bayaran 'yon sakin."
Napangiti na lang ako sa kabaitang ipinakita niya. Napuna ko na medyo malaki ang eyebags niya. Hindi ako sigurado kung dahil ba matagal kaming natulog o dahil umiyak siya. Siguro ay malaki ang problema nila ni Eric ngayon? Syempre, umuwi siyang lasing kagabi kaya malamang galit si Eric sa kanya.
"Salamat..." Ilang sandali ko pa siyang tinitigan. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso. "Okay ka lang? Anong nangyari at bakit kayo nag away ni Eric?"
May kinuha siyang supot sa maliit na mesa sa harap ko. Nakita ko ang logo ng Jollibee doon at nakita ko rin ang pagkaing nasa loob.
"Kumain tayo. Nagdala ako ng pagkain. Medyo malamig na. Kanina pa ako dito, e."
Mas lalo akong kinabahan dahil hindi niya agad ako sinasagot. "Mia, okay ka lang? Okay lang kayo?"
Pumikit siya. "Okay lang ako, Sunny." Tsaka dumilat at hinilamos ang kanyang mga palad. "Madalas naman kaming mag away. Ngayon lang talaga ako nag karoon ng mapupuntahan." Ngumiti siya sa akin. "Mas mabuti palang may takbuhan ka. Kasi pag don lang ako sa bahay baka mas lalong lumala ang away namin."
Inalok niya ulit ako ng pagkain. Inisip kong ayaw niyang pag usapan ang tungkol doon kaya umupo na lang ako sa tabi niya habang dinadampot ang fries sa harapan.
"Sorry kagabi." Aniya. "Gusto ko lang namang mag saya. Alam mo na... bata pa naman ako at mas magandang nagsasaya habang bata ka, diba?"
Ngumisi ako. "Oo nga. Sorry din kasi di ko masyadong na enjoy 'yong party."
"Saan ka nga pala galing? Nagulat na lang ako hinihila na ako ni Sir Rage. Wala na akong maalala kagabi. Sabi ni Aling Nenita, hinatid niyo raw ako."
Tumango ako. "Hinatid ka namin kagabi." Iyon lang ang tanging nasabi ko.
Nag ngiting aso na naman si Mia. Mas maganda pala siya pag walang make up. Kumikinang ang kanyang mukha at mas lalo kong nakikita ang tangos ng kanyang ilong. "Tas? Hinatid ka rin niya dito?"
Tumango ako at umirap. "Oo. Wa'g kang mag isip ng kung ano, Mia. Hinatid niya lang ako."
"Kailangan mo ng cellphone, my God! Hindi ko inakalang may taong walang cellphone sa mga panahon ngayon pero nang nakilala kita, doon ko narealize na meron pala talaga!" Nagtawanan na lang kami.
Inubos namin ang oras namin sa pagkain at pagtatawanan. Nanghinayang agad ako dahil walang TV dito. Maganda sanang magkaroon ng palabas habang umuupo sa sofa kasama si Mia. Hindi ko na matandaan kung paano magkaroon ng kaibigan. Noong nag aaral pa ako, nagkaroon ako ng kaibigan pero hindi sila nagtatagal. Laging inaaway ni Patricia ang lumalapit sa akin.
"Magkano ba ang pinaka murang cellphone ngayon?" Tanong ko.
Ipinakita niya sa akin ang kanyang touch screen na cellphone. Mura daw iyon kumpara sa mga uso ngayong touch screen. Inisip kong hindi ko naman kailangan ng magarbo. Bibili siguro ako pero iyong hindi touch screen. Kahit na naeengganyo ako don dahil nakakapag picture iyon. Mas maganda sana kung may camera pero mas uunahin ko ang mga kailangan ko.
Umabot kami ng alas nuwebe ng gabi sa pagkukwentuhan. Marami akong na diskubre kay Mia at isa na doon ang unang pagkakakilala nila ni Eric. Classmate pala sila noong high school. Gusto sana ni Mia na mag aral ng college kaso ulila na rin siya, tulad ko. Walang susuporta sa kanya kaya hindi niya nagawa. Ilang trabaho na rin ang napasukan niya, mas magaganda pa sa trabaho sa Del Fierro pero mas pinili niyang magtagal dito dahil maayos daw makitungo ang management at maraming benefits.
"Kaya ikaw, kung bibitiwan mo 'to, sayang talaga. Pero kung ako ang nasa katayuan mo, siguro bibitiwan ko parin ito para sa pag aaral." Aniya.
"Bakit ikaw? Ba't di ka mag aral? Bata ka pa naman, a? Mag college ka rin, sabay sakin! Mag ka-classmate tayo tapos mura lang ang tuition don sa nahanap kong school."
Umiling siya at ngumisi. "Mas gusto ni Eric na magtrabaho. Nag iipon kami para saming kasal."
Hindi na ako nakaimik. Ganon ka mature ang lebel ng pag iisip ni Mia. Ganon na kalawak ang pang unawa niya sa buhay at naisip niya ng mag settle down. Siguro ay talagang mahal nila ang isa't-isa kaya kaya niyang isuko ang kanyang mga pangarap para mabuhay kasama si Eric.
Naglakbay ang isipan ko kay Rage. Inisip ko 'yong nangyari kagabi. Naisip ko 'yong mga mata niyang nakatingin saking labi. Hindi ko alam kung bakit tumindig ang balahibo ko. Napapikit ako at napapilig sa ulo nang naisip ko kung paano umawang din ang kanyang labi habang tinititigan niya ang aking labi.
"Huy! Lukaret! Okay ka lang?" Tawa ni Mia.
Uminit ang pisngi ko nang bumaling ako sa kanya. "Oo n-naman!"
"Ba't parang kinikilig ka? Kinikilig ka sa pag iipon ko para sa kasal namin ni Eric? Eh baka nakakalimutan mong nag away kami kaya ako nandito."
Ayaw niya paring pag usapan ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Eric kaya hinayaan ko siyang mag salita hanggang sa nag desisyon siyang kailangan niya ng umuwi.
Pagkauwi ni Mia ay mag isa na naman ako sa Lounge. Humiga na lang ako at pinilit kong pumikit para makatulog ngunit walang silbi dahil naglalaro sa aking isipan ang nangyari kagabi. Imposible, diba? Imposible.
Sa lahat ng tao, ako dapat ang nakakaalam nito.
Ang akala ni mama noon ay hinding hindi na ulit siya iibig kailanman pagkatapos kay papa. Nang namatay si papa, bata pa lang ako. Bigong bigo ako noon pero mas bigo si mama. Kay papa ko namana ang halos lahat ng features ng mukha ko, kay mama ko naman nakuha ang maputing kutis. Araw-araw simula nung pagkawala ni papa, walang araw na hindi ako niyayakap ni mama. Naaalala niya sa akin si papa. Kaya naman ay nang lumipas ang ilang taon at nakahanap siya ng lalaking magmamahal sa kanya ay laking tuwa ko noon.
Sa wakas, hindi na malulungkot si mama! Noong una ay hindi ko pa matanggap na ipagpapalit niya si papa pero nang nakita ko kung paano kumislap ang mga mata niya ay unti unti ko rin iyong naintindihan.
Iniwan namin ang bahay namin noon dahil bawat sulok non ay nagpapaalala sa amin kay papa at sa mga hinagpis ni mama nang nawala siya. Lumipat kami sa mas maayos na bahay. Hindi ko nakilala ang inibig ni mama na lalaki. Hindi dahil ayaw niya o ayaw ko, kundi dahil alam niyang may parte parin sa akin na hindi sumasang ayon dahil mahal na mahal ko si papa.
Isang beses ko lang siyang nakita at sa natatanging araw na iyon nalaman ko na ang lalaking inibig ni mama ay may asawa na. Nakita ko kung paano sinampal ng kanyang asawa si mama. Hindi ako makapaniwala sa mga nangyari. Ang alam ko lang ay madalas na mag travel 'yong lalaki dahil sa kanyang business. Alam ko ring mayaman ang lalaki at siya na mismo ang nagbigay kay mama nong bahay na tinirhan namin. Hindi ko lubos maisip na hinayaan lang ni mama na maging kabit lang siya nong lalaki. Hindi ko nakaya nang inamin niya sa aking alam niyang may asawa ang lalaki. Hindi ko nakaya nang inamin niya sa aking kabit siya.
Hinangaan ko si mama sa buong buhay ko dahil siya ang naging katuwang ko ngunit nahiya ako sa ginawa niyang iyon. Nagkaroon ako ng simpatya para sa pamilyang pinagtaksilan nilang dalawa nong lalaki. Inaway ko siya ng husto. Huli na nang nalaman kong may sakit siya. Huli na nang nalaman kong malala na. At huli na nang humingi ako ng tawad sa kanya...
Huli na nang naisip kong may kasalanan din ang lalaki. Ginamit niya ang mapusok na puso ni mama para lang magkasala. Sinisisi ko si mama noong buhay pa siya dahil alam ko kung ano ang tama at ano ang mali. Pero nung nawala siya, pakiramdam ko ako na 'yong mali, pakiramdam ko kasalanan na ng mundo, pakiramdam ko kasalanan ko ang lahat.
Marami akong natutunan at isa doon ang: Hindi nakukuntento ang mga lalaki sa iisang babae.
Sa sumunod na linggo ay naging abala ako sa trabaho at sa paghahanap na rin ng matutuluyan. Ngayong nakuha ko na ang sahod ko ay mas lalo kong nakikinita ang liwanag sa pag aaral ko.
Nagpa schedule ako doon sa school para maka take ako ng entrance exam. May nahanap rin akong bedspace. Walo daw kami sa iisang room at two thousand pesos ang bedspace. May CR sa loob ng room at syempre, may maayos na kama. Mabuti na iyon para sa akin!
Nagmamadali ako pabalik sa Del Fierro Building. May 30 minutes ako para makabalik doon bago mag ala una kaya halos tumatakbo na ako pasakay ng jeep. Pati ang paglalakad sa kanto ay ginawa kong marathon.
Natigil lang ako nang nahagip ng aking paningin ang isang pamilyar na mukha sa kabilang kalsada. Nakita kong tumatawid sa pedestrian lane ang isang medyo payat at pamilyar na lalaki na may ka holding hands na isang maputi at kulot na babae.
"Imposible. Nagkakamali ako." Bulong ko sa aking sarili at nagpatuloy sa paglalakad.
Natigil ulit ako at literal kong nilakihan ang mga mata ko para makita ng mabuti ang mukha ng lalaki. Nang ngumiti siya ay nakuha ko kaagad na si Eric iyon. Si Eric ang may ka holding hands!
"Imposible!" Bulong ko sa sarili ko.
Namutla ako nang nakita kong humilig sa kanyang dibdib ang babae at hinaplos niya ang braso nong babae habang naglalakad sila sa kabila.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Luminga linga ako nang tumapat ako sa pedestrian lane. Tiningnan kong mabuti ang galaw ng mga jeep at bus bago ako tumawid. Kailangan ko siyang mahuli sa akto at nang mapagsabihan! Kahit na hindi niya na ako maalala o makilala ay kailangan ko parin siyang pagsabihan!
Pagkarating ko sa kabilang lane ay sumakay na sila ng jeep! Shit! Laglag ang panga ko habang tinitingnan kong paalis na ang jeep.
Tulala ako pabalik sa Del Fierro Building.
Gulong gulo ang utak ko. Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Mia. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanya. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Lalong lalo na nang nakita kong masaya siya sa araw na iyon! Malaki ang kanyang ngisi at sinalubong niya pa ako pagkarating ko sa building!
"Bilisan mo! Hinahanap ka ni Mrs Ching!" Sabay ngiting aso niya.
Late ako. At kung papagalitan ako ni Mrs. Ching ay pakiramdam ko lalabas lang sa kabilang tainga ko ang lahat ng sermon niya. Masyado pa akong nagulat sa nangyari. Tinitigan ko lang siya kaya pumalakpak siya sa mukha ko.
"Bilis na, Sunny! Tulala ka pa diyan!" Sabay tulak niya sa akin sa elevator.
Bumaliktad ang sikmura ko habang iniisip ko kung paano ko sisimulan ang sasabihin ko sa kanya. Kailan ko ba sasabihin sa kanya?
Kumaway siya nang papasara na ang elevator. Malaki ang ngisi niya at tingin ko ay nag kaayos na sila ni Eric. Magtatanong ba ako kung nag kaayos na sila? At paano kung nagkaayos na sila? May puso ba talaga ako para biguin siya?
Kinagat ko ang labi ko habang kaharap si Mrs. Ching na seryosong nakatingin sa akin.
"Saan ka galing, Sunny? Nagpaalam ka ba?" Nanliit ang kanyang maliit na mata.
"Lunch break po. May chineck lang ako don sa University kaya... ano... tas na traffic ako kaya medyo na-late."
"Hindi ka naman madalas nagkakamali pero nagulat lang ako ngayon. Kakagaling lang ni Mr. Del Fierro sa business trip niya kaya naghanap agad siya ng janitress para maglinis sa opisina. Ngayon ka pa na late? Wrong timing."
Tumango ako. Kaya naman pala hindi ko siya nakita nitong mga nakaraang araw. Abala siya sa business trip. "Sorry po. Pupunta na agad ako ngayon don. Ngayon din po." Sabi ko at walang pag aalinlangang tinulak ang cart palabas ng Lounge at patungong elevator.
Hindi ko parin maalis sa aking isip ang nakita ko kanina. Si Eric, may ibang babae. Mas lalo lang humigpit ang paniniwala ko na talagang hindi nakukuntento ang lalaki sa isa. Tama si Mia. Pagkatapos ng mga lalaki sa isang babae ay wala ng challenge. Kailangan nila ulit ng mga bagay na may challenge, iyong may laro, iyong mapapatunayan nila ulit sa sarili nila na panalo sila, kaya hayan at naghahanap ng iba. Tulad ng boyfriend noon ni mama, tulad ni Eric... at ngayon...
Tumunog ang elevator. Nag angat agad ako ng tingin sa salamin ng double doors. Nakita ko kaagad ang opisina ni Rage sa loob. Nakaupo siya sa kanyang swivel chair at may kinakausap na babaeng ngumingiti sa kanya. Nang nakita ako ni Rage ay napawi ang ngiting nag laro sa kanyang labi at agad siyang humilig sa likod ng kanyang swivel chair.
Tanaw ko ang mga mata niyang matatalim na tumititig sa akin. Nagkasalubong ang kanyang mga kilay at pinasadahan niya ng palad ang kanyang bagong gupit na buhok. Shit! Hindi ko maalis ang titig ko sa mga mata niyang matalim at sumasagad sa buto ang titig. Para bang nakikita niya kahit ang mga pinaka malalim kong sekreto.
I am attracted to him. Iyan ang pinaka malalim kong sekreto. Malalim dahil hindi iyon dapat kinikilalang pakiramdam. Ang dapat don ay tinatago. Ang dapat don ay hindi pinapansin. Pero sa bawat titig niyang diretso sa akin ay naghahabol din ang puso kong parang baliw kung makatibok. Hindi ito maganda. Talagang hindi.
Dahil si Rage... hindi rin siya nakokontento sa isa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top