CHAPTER 9
Death
Mula pagkabata nasa puso ko na talaga ang pagpipinta. Kakaibang saya kasi ang nararamdaman ko sa tuwing nilalaro ko ang mga kulay. Nakakatawang isipin na kaya kong magpinta ngunit hindi ko naman kayang punuan ng mga kulay ang mundo ko.
Para pa rin akong namumuhay sa madilim na mundo.
Huminga muna ako nang malalim bago pumasok sa loob.
Mas lalo lang akong nangulila sa gallery ko nang makita ang loob ng Galleria. Puro art collections din ang nandito. Kung naghahanap ang mga turista ng pangregalo sa mga kaibigan nilang art lover, puwede silang mamili rito.
Nagtungo ako sa side kung nasaan ang mga canvass. Wala naman akong balak bumili ngayon kasi kulang ang perang dala ko. Pero baka sa susunod na araw, babalik ako rito.
“I see, art lover ka rin.”
Kumunot ang noo ko at hinarap ang nagsalita. Hindi nga ako nagkamali. Nandito rin si Pierce.
“Bago mo sabihing sinundan kita rito, uunahan na kita. Dito ako madalas magpunta dahil nangongolekta ako ng paintings,” depensa niya bago pa man ako makapagsalita.
Bumaba ang tingin ko sa canvass na hawak niya. Nakatalikod iyon sa akin kaya hindi ko makita kung anong itsura.
“Hindi halatang art lover ka. Ano 'yan, pandagdag handsome points?”tanong ko at agad siyang ngumisi.
“So, you find me handsome, huh?”
I gave him a boring look before I rolled my eyes. See? That's why I'm getting annoyed with this guy. Sobrang taas ng tingin sa sarili at napakahangin pa.
“Whatever,"
Tinalikuran ko siya ulit at nagpatuloy na lang sa pagtingin ng mga painting. Nakatatawa nga kasi parang n'ong nakaraan lang ako ang nag-a-assist sa mga buyers ko pero ngayon ako naman ang namimili ng painting.
Nararamdaman ko pa rin ang presensya ni Pierce sa tabi ko pero hindi naman na siya nagsasalita kaya hinayaan ko na. Mukhang abala rin siyang tumingin sa mga canvass.
“What do you think?” Nilingon ko siya nang bigla siyang magsalita. “Anong mas magandang i-display sa sala, ito o ito?”
Tumaas ang kilay ko. “At bakit ako ang tinatanong mo? Close ba tayo?”
“You're an art lover, right? Kaya sa 'yo ako humihingi ng opinyon. I trust your taste more than mine when it comes to this.”
Kung makapagsalita siya akala mo ang tagal na naming magkakilala, ah? Ni hindi nga kami magkaibigan. Magkapitbahay lang!
Tiningnan ko ang dalawang canvass na hawak niya at ipinagkumpara iyon sa isip ko.
'Yong isang painting ay impressionism ang style so light lang ang colors. Isang field of flowers ang nakapinta roon sa canvass habang ang isa naman expressionism. Dark colors ang ginamit para ipinta ang imahe ng dagat.
“Kung ako ang papipiliin, I'll choose this one,”I said while pointing on the dark-theme painting. “Pero mas bagay sa personality mo itong isa.”
“Okay. I'm gonna buy this one, then.”
Akala ko ay pipiliin niya iyong flower field painting pero ibinalik niya iyon sa lagayan. Nakangiti niyang dinala iyong expressionism painting sa counter. Agad ko siyang sinundan.
“Teka nga,mali ka yata ng pagkakaintindi sa sinabi ko,”sabi ko sa kanya at hinarap niya ako.
“Tama ako ng pag-intindi. You want me to choose that painting, right? Pero kung ikaw nga ang papipiliin, gusto mo ito. Kaya ito ang bibilhin ko.”
Mas lalo akong naguluhan sa sinabi niya. May saltik din yata sa utak 'to, eh.
“Pero bakit?”
He smiled. “Because you want it. Hiningi ko ang opinyon mo kaya bilang kapalit bibilhin ko itong painting na napili mo.”
Ha? This guy never fails to surprise me! Bibilhin niya dahil pinili ko? Bakit, bahay ko ba ang paglalagyan ng painting na 'yan?
“Whatever. It's your choice. Huwag mo akong sisisihin, ha!”
Natawa siya at mabilis na tumango. Mukha pa siyang masaya. Napailing na lang ako bago bumalik doon sa side ng mga paintings.
Habang nililibot ang shop ay may nakita akong mga keychain na pinintahan ng iba't ibang tanawin. Sa isang iglap ay naalala ko ang madalas naming pagkaabalahan ni Dad noong bata pa ako.
Kapag day-off ni Dad dati, gumagawa kami ng mga pangsabit sa bahay. Lalo na kapag malapit na ang pasko, kami mismo ang gumagawa ng pangsabit sa Christmas tree.
Iyon na ang pinaka-bonding namin. Si mommy naman ang tagaluto ng meryenda namin. Hayst. Nakaka-miss naman ang masaya naming pamilya.
“Are you crying?”
Agad kong pinunasan ang pisngi ko bago hinarap si Pierce. Hindi ko na naman namalayan na nandito na siya sa tabi ko.
“H-Hindi. Ano namang iiyakan ko? Itong keychains?”inosente kong tanong at naglakad patungo sa kabilang aisle.
“Ewan ko. Siguro may naalala ka. Boyfriend? Mommy? Daddy? Anyone,”saad niya pa habang nakasunod sa akin.
Muli ko siyang hinarap. “Kung may naalala man ako, wala ka nang pakealam doon. Diyan ka na nga!”
Lumabas na ako mula sa shop at saktong bumuhos ang malakas na ulan. Napabalik ako sa harap ng Galleria dahil wala akong dalang payong.
“Bakit ngayon pa umulan? Kung kailan naman kailangan ko nang umalis!”naiinis na sabi ko habang nakatingala sa makulimlim na kalangitan.
Bumukas ang pinto ng shop at lumabas mula roon si Pierce. May bitbit siyang payong sa kaliwang kamay at sa kanan naman ay ang paperbag na may lamang canvass.
Tumingin siya sa 'kin at ngumiti nang mapang-asar.
“Gusto mong maki-share?”tanong niya at umirap lang ako. “Sungit. Hindi naman talaga kita pasasabayin. Baka mabasa pa itong mga bagong babies ko. Mas mahalagang hindi sila mabasa.”
Umismid lang ako at napailing. Alam ko namang mas mahalaga talaga ang mga painting. Kahit naman ako, mas pipiliin kong payungan ang mga canvass kaysa sa sarili ko.
Palakas nang palakas ang ulan at nangangawit na ako. Nilingon ko si Pierce dahil hindi pa rin siya umaalis.
“Anong hinihintay mo? Huwag mo na akong susundan ah!”banta ko sa kanya.
Hindi siya sumagot at nagkibit-balikat na lang.
Bahagyang tumila ang ulan ilang minuto pa ang lumipas. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at agad akong naglakad palayo sa Galleria.
Bahala nang maambunan basta makalayo na ako agad kay Pierce. Hindi ko kayang manatili sa lugar kung nasaan siya.
“Hoy teka!” Napahinto ako sa paglalakad nang biglang humabol sa akin si Pierce.
Napapikit ako sa inis bago ko siya hinarap.
“Ano na naman ba?”tanong ko sa kanya.
Mataman niya akong tinitigan na parang nagdadalawang-isip kung magsasalita ba siya o ano. Tinaasan ko siya ng kilay at bigla siyang bumuntonghininga.
“Sumama ka sa 'kin,”sabi niya at basta na lang akong hinila sa kung saan.
“Hoy, bitawan mo nga ako! Sinong nagbigay sa 'yo ng karapatan na hawakan ako? Saan mo ba ako dadalhin?”sunod-sunod kong tanong ngunit nagpatuloy pa rin siya sa paghila sa 'kin.
Ilang tindahan pa ang nalampasan namin bago siya pumasok sa isang ice cream parlor. S'yempre kasama ako dahil hawak niya pa rin ang braso ko.
Nakapagtatakang hindi malamig sa loob ng shop. Saktong-sakto ang temperatura nito para sa malamig na panahon sa labas. Kabaliktaran naman sa mga produktong tinitinda nila.
“Seriously? Umuulan na nga balak mo pang kumain ng ice cream? At dinamay mo pa ako?”hindi makapaniwalang tanong ko kay Pierce.
Ngumiti siya at nagkibitbalikat. “Hindi mo pa nasubukan? Siguro puro kape lang iniinom mo kapag malamig. Baka nga kahit mainit ang panahon, nagkakape ka pa rin.”
Pinanliitan ko siya ng mga mata. Kung kuwestiyunin niya ang trip ko sa buhay akala naman krimen iyon. Eh sa gusto ko ang kape kahit ano pang panahon.
“What flavor? Bilis. Naghihintay siya,”atat niyang tanong sa 'kin kaya inirapan ko siya.
Tumingin ako sa naka-display na ice cream flavors. Wala talaga ako sa mood kumain ng ice cream ngayon kaya basta na lamang akong nagturo ng kung anong makita ko.
Naupo muna kami sa isang mesa sa bandang sulok ng shop habang hinihintay ang order namin. Wala pang ilang minuto ay naka-serve na agad sa harap namin ang ice cream.
“Here,” he said before putting five candies on the table.
Kunot-noo kong dinampot iyon at tama nga ako. Potchi nga iyon. Nagtataka ko siyang tiningnan.
“Potchi? At bakit mo naman ako binibigyan nito?”tanong ko at hindi ko na rin mapigilang matawa.
“Well, take my potchi as a sign of apology. Baka isipin mo masamang tao ako. At huwag mong tatawanan itong way ko ng pagso-sorry! Favorite ko kaya ang potchi at hindi ako namimigay niyan. Pero dahil may kasalanan ako, handa ko na silang ipaubaya sa 'yo.”
Tinitigan ko siya saglit bago ako muling humagalpak ng tawa. Ang sakit na ng tiyan ko dahil kay Pierce. Sino ba naman kasing mag-aakala na ang isang katulad niya ay mahilig sa potchi.
“Tapos na? Okay na? Ubos na 'yang tawa mo? Friends na tayo?”
Umakto ako na parang pag-iisip bago tumango.
“Sige. Dahil nilibre mo ako ng ice cream tapos binigyan mo pa ako ng 'favorite' mong potchi. Friends na tayo.”
Nagkuwentuhan pa kami tungkol sa mga ganap namin sa buhay. At gaya ng inaasahan ko, magkaiba talaga kami.
Kagaya na lang ng pagkahilig niya sa rock music. Hilig niya ring gumala, hindi katulad ko na mas nanaisin pang manatili sa bahay at magpinta. Normal naman sa kanya na palaging nasa labas dahil nalaman ko rin na photographer pala siya.
“Wait lang ah, I'll just go to the comfort room,” he told me and I nodded my head.
Napangisi na lang ako habang pinagmamasdan siya papalayo. Tumingin ako sa labas ng shop at may nahagip ang aking paningin.
Nakatingin siya sa 'kin kaya kitang-kita ko ang asul niyang mga mata. Kagaya no'ng una ko siyang nakita ay may suot siyang face mask.
Hindi na ako nag-atubili at agad akong lumabas ng ice cream parlor para sundan ang taong 'yon.
Hindi pa ako gaanong nakakalayo nang muling bumuhos ang ulan. Hindi na ako tumakbo para sumilong. Nabasa na rin naman ako kaya susulitin ko na. Sinundan ko pa rin ang taong 'yon hanggang sa hindi ko na makita kung nasaan siya.
Mas binilisan ko ang aking paglalakad dahil palamig na ng palamig. Patawid na sana ako sa kabilang kalsada nang makarinig ako ng sunod-sunod na busina. Lumingon ako sa aking kaliwa at nanlaki ang mga mata nang makitang may paparating na sasakyan sa gawi ko.
Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ako makakilos. Ang tanging nagawa ko na lang ay pumikit at hintayin ang pagkabangga ko. Ngunit naramdaman ko ang paghigit sa akin nang kung sino at natagpuan ko na lang ang aking sarili sa bisig ng taong 'yon.
“Do you really want to face your death?”
Ang boses na iyon. Pamilyar sa akin. Hindi ako puwedeng magkamali.
“You saved me again. It's you, my savior,” I mumbled.
Bubuksan ko na sana ang aking mga mata ngunit naramdaman ko na may pumitik sa aking leeg.
“Sleep,”he whispered before I lost my consciousness.
I know it's you. Blue-eyed man.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top