Chapter 29

CHAPTER 29
Deserve

"Matteo! Matteo!"

Habol ko ang hininga habang hinahanap si Matteo sa gitna nitong gubat. Madilim ang paligid at malamig din ang ihip ng hangin. Walang tigil sa pag-agos ang luha ko.

"Matteo! Nasaan ka!" muli kong sigaw habang tumatakbo papunta sa kung saan.

Hindi ko alam kung anong nangyayari. Hindi ko rin alam kung bakit ko siya hinahanap. Wala akong maalala. Basta gusto ko siyang makita.

Sa katatakbo ko ay nakarating ako sa isang bangin. At doon ko siya nakita. Nakatanaw siya sa ibaba.

"Matteo," pagtawag ko sa kaniya.

Lumingon siya sa akin bago ngumiti. Humakbang ako papalapit sa kaniya pero hindi ko maigalaw ang mga binti ko.

"Matteo, bakit hindi kita malapitan?" naguguluhang tanong ko.

Hindi siya sumagot pero nanatiling nakangiti. Kumabog ang dibdib ko nang makita siyang humakbang paatras.

"Palagi kitang ililigtas, Marilee. Mahal kita," sambit niya at tuluyang tumalon sa bangin.

Umiling ako at sinubukang humakbang ulit pero hindi ko talaga kaya. Hanggang sa napaluhod ako sa lupa kasabay nang walang humpay kong mga luha.

"Matteo! Matteo! Huwag mo akong iwan! Hindi puwede! Matteo! Aaahhh!"

Unti-unting sumakit ang dibdib ko at hindi ako makahinga. Napahiga ako sa lupa hanggang sa mawalan ako ng malay.

"Marilee! Gumising ka, anak. Bumalik ka na sa amin. Marilee, gumising ka."

Naramdaman kong may umaalog sa balikat ko kaya pinilit kong dumilat. Kumikirot ang ulo ko at sobrang sakit ng buong katawan ko.

Pagmulat ko ay bumungad sa akin ang mukha ni daddy.

"Salamat at gising ka na. Pinag-alala mo ako nang sobra," sabi ni daddy.

"D-Daddy... daddy." Yumakap ako kay daddy bago ako napahikbi. "Akala ko... akala ko hindi na tayo magkikita... takot na takot ako, daddy. Natakot akong baka mamatay ako at hindi na po tayo magkita ulit. Daddy, s-sorry."

Hinaplos ni dad ang likod ko upang kumalma ako.

"Sshhh. You're safe now. Wala nang makakasakit sa 'yo. Tahan na."

Tumango ako at pilit na tumigil sa kaiiyak. Inilibot ko ang paningin sa buong silid bago ako bumaling kay dad.

"Nasaan po tayo? Si Matteo po?" tanong ko.

"Nandito tayo sa isa pang headquarters ng Oculta. Umalis si Matteo pagkatapos ka niyang ihatid dito," sagot ni dad. Mataman niya akong tinitigan. "Ang akala ko rin, hindi na tayo magkikita. Noong nakita ko ang video mo habang hawak ka ng mga kalaban, natakot ako. Halos hindi ako makapag-isip ng dapat gawin. Mabuti na lang nailigtas ka ni Matteo."

Bigla ko tuloy naalala ang panaginip ko. Ang sabi ni Matteo palagi niya akong ililigtas tapos tumalon siya sa bangin. Alam kong malabong mangyari 'yon, pero natatakot ako. Natatakot ako na baka ako pa ang maging dahilan ng pagkamatay niya.

"Alam kong masama pa ang pakiramdam mo ng dahil sa nangyari. Magpahinga ka muna. Kailangan ko pang bumalik sa meeting room dahil may pag-uusapan kami ng mga officials," sabi ni dad.

Tumango ako. "Sige po."

"May magbabantay sa 'yo rito kaya huwag kang mag-alala. Sa kaniya mo na rin sabihin kung anong kailangan mo."

Pagkatapos magbilin ay lumabas na si dad. Pumasok naman ang isang agent na sa tingin ko ay magbabantay sa akin. Hinayaan ko na siya at muli akong natulog.

Nagising na lang ako nang may marinig akong nalaglag na kung ano. Nakita ko iyong agent na naglalagay ng pagkain sa mesa.

"Nagising po yata kita. Pasensiya na. Ako po si Agent Pao. Nakahanda na ang hapunan mo," sabi nito sa akin.

"Salamat. Gusto ko lang itanong kung ilang araw na akong nandito?" tanong ko.

"Tatlong araw po," sagot niya.

Natigilan ako nang dahil doon. Tatlong araw na akong narito? Bakit parang hindi ko napansin iyon?

"Kahapon ka po nagising tapos nag-usap kayo ng dad mo, 'di ba? Tapos nakatulog ka ulit at ngayon lang po nagising," paliwanag niya.

Mukhang sobrang bigat nga ng pakiramdam ko kaya gano'n katagal akong tulog. Pero kahit na gano'n, medyo masakit pa rin ang ulo ko. Nang kinapa ko ito ay may bandage akong nahawakan. Mukhang dumugo ito dahil sa pagkakahampas.

"S-Si Matteo, hindi pa ba siya pumupunta rito ulit?" tanong ko.

Tipid siyang ngumiti. "Hindi pa po. Pero baka mamayang gabi pumunta na siya rito. Kapag hindi na po siya busy."

Hindi na ako sumagot at lumapit na lang ako sa mesa para kumain. Hindi pa man ako nakakaupo pero biglang may pumasok sa kuwarto.

Nilingon ko iyon at nakita ko si Agent Angela. Mukha siyang galit. Malalaking hakbang ang ginawa niya palapit sa akin at bago pa ako makapagsalita ay sinampal niya na ako.

Pakiramdam ko mas malakas pa siyang sumampal kaysa doon sa lalaking dumukot sa akin. Parang nayanig na naman ang ulo ko.

"Agent Angela, bakit n'yo po siya sinampal? Bilin po ni Agent Matteo na bantayan siya at hindi po saktan," rinig kong sabi ni Agent Pao.

Hinaplos ko ang pisngi ko bago dahandahang hinarap si Angela. Nanlilisik ang mga mata niya at para bang kaya niya akong patayin ngayon mismo.

"Wala akong pakialam! Ikaw!" Idinuro niya ako. "Alam mo ba kung gaano kalaking gulo ang ginawa mo! Bakit ba kasi napakatanga mo? Alam mong delikado pero pumunta ka pa rin! Hindi ka ba talaga mapakali sa iisang lugar? Hindi mo ba talaga kayang sumunod sa utos!" sigaw niya.

Umiling ako. "Hindi ko naman sinasadya. Si Matteo at si daddy ang gusto kong makita—

"Shut up! Palagi mo namang sinasabi 'yan! Palagi na lang wala kang kasalanan! Alam mo ba ang nangyari? Nasira mo ang plano namin! Imbes na makatulong, pinalaki mo ang problema! Si Matteo, nagpunta siya ro'n mag-isa at kinalaban ang mga sindikatong 'yon! Paano kung hindi siya nakabalik nang buhay? Paano kung namatay siya! Lahat na lang ng taong nasa paligid mo, ipinahahamak mo!"

Suminghap ako at bumilis ang tibok ng puso. Bigla akong kinabahan sa nalaman.

"L-Ligtas na ba siya?" nauutal kong tanong.

"Oo! Nakabalik siya nang ligtas pero kung patuloy ka pa ring magiging tanga, mapapahamak lang siya ulit! Gusto mo rin bang mamatay siya katulad ng kapatid niya! Hihintayin mo pa bang may mamatay ulit nang dahil sa 'yo? Mas mabuti pang mawala ka na. You don't deserve him! Just get lost!"

"Agent Angela, kumalma ka. Walang kasalanan si Ma'am Marilee," pag-awat sa kaniya ni Agent Pao.

"Kung talagang nag-alala ka sa kaniya, iwan mo na siya. Umalis ka na at huwag nang magpapakita ulit!"

Pagkatapos sabihin iyon ay umalis na rin siya. Namuo ang luha sa mga mata ko at sunod-sunod itong tumulo.

"Ma'am Marilee, ayos lang po ba kayo? Pasensiya na po ah. May pagka-warfreak po talaga si Agent Angela," sabi ni Agent Pao.

Suminghap ako. "Ayos lang. Tama naman siya. Puro kapahamakan lang ang ibinibigay ko kay Matteo. Pati na rin sa inyo. Mabuti nga sigurong umalis na lang ako."

Bumalik ako sa kama para humiga ulit.

"Hindi na po ba kayo kakain?" tanong niya.

"Pakiligpit na lang niyan. Nabusog na ako sa sampal niya," biro ko.

Nang makaalis si Agent Pao ay saka lang ako napahikbi. Ang sakit sumampal ng babaeng 'yon. Pero deserve ko naman 'to. Tama nga siya, tanga ako. Sobrang tanga ko.

Nang gumabi na ay naghanap ako ng ballpen at papel. Nakapagdesisyon na ako, magpapakalayo muna ako. Magpapaalam na lang ako sa pamamagitan ng sulat.

Dalawang sulat ang ginawa ko. Isa para kay daddy at isa para kay Matteo. Humingi ako ng tawad sa gulong nagawa ko. Sinabi ko rin na huwag muna nila akong hanapin. Babalik naman ako kapag handa na ako ulit.

Hindi pa bumabalik si Agent Pao kaya nagawa kong makalabas ng kuwarto. Mukhang abala silang lahat dahil walang nakapansin sa akin hanggang sa makalabas ako ng headquarters. Nasa ibang lugar nga kami at hindi ko alam kung paano o saan pupunta.

Dinama ko na lang muna ang lamig ng gabi habang naglalakad sa gilid ng kalsada. Marami pang mga tao na nasa labas pati na rin mga sasakyan kaya panatag ako. Habang naglalakad ay bigla akong nakaramdam ng gutom. Hindi pa nga pala ako nakakakain. Dalawang araw na yata akong nalipasan ng gutom.

Kumirot ang sentido ko at para akong nahihilo. Epekto yata talaga ito ng gutom. Kinapa ko ang bulsa ko at napagtanto na wala nga pala akong pera.

"Marilee naman, ang tanga mo talaga. Naglayas ka tapos wala kang dalang pera?" naiinis na bulong ko sa sarili.

Nagpatuloy ako sa paglalakad pero mas lalo lang akong nahihilo. Umikot ang paligid at kahit pigilan ko ay tuluyan akong nawalan ng malay.

Nagising na lang ako dahil sa sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Agad akong napabangon nang mapansing nasa isang kuwarto ako. Hindi ito pamilyar sa akin. Sigurado akong hindi ito iyong kuwarto ko sa headquarters. Nasaan na naman ako?

Bumaba ako mula sa kama at sumilip sa bintana. Napanganga ako nang makita ang magandang view ng dagat.

"Gising ka na pala, Iha. Kumusta ang pakiramdam mo?"

Nilingon ko ang nagsalita at nakita ko ang isang matandang babae. May bitbit siyang tray na may pagkain at hindi ko mapigilang matakam sa amoy n'on.

"Nasaan po ako? Sino po kayo?" tanong ko.

Ngumiti siya sa akin. "Dinala ka rito ng amo ko. Ang sabi niya nahimatay ka raw. Nakakaawa nga ang itsura mo kagabi. Mabuti pa at kumain ka na muna at paniguradong nagugutom ka."

Lumapit ako sa mesa at kumulo agad ang sikmura ko sa gutom. Nahiya tuloy ako sa matandang kaharap ko ngayon.

"Sino po ba ang amo n'yo? Ang ganda po rito sa lugar na 'to," sabi ko.

"Ang amo ko? Makikilala mo siya pagbalik niya. May inasikaso lang siya sandali. At tama ka, maganda talaga rito. Ito ang lugar kung saan punong-puno ng kulay ang buhay ng mga tao. Parang paraiso," malalim na saad ng matanda.

Lugar na punong-puno ng kulay ang buhay? Parang Arco City.

Nagsimula na akong kumain at sa sobrang gutom ko ay mabilis ko lang iyong naubos.

"May mga damit na rin diyan sa closet na puwede mong magamit. Sabihin mo lang sa akin ang mga kailangan mo para maasikaso kita," sabi ulit ng matanda.

Tumango ako. "Sige po. Salamat po, ang bait n'yo po pati na rin ang amo n'yo."

Pagkaalis niya ay nagtungo ako agad sa bathroom. Pinagmasdan ko ang sarili sa salamin at napabuntonghininga. Mukhang bagong palit ang bandage sa noo ko. Medyo namamaga nga lang ang pisngi ko na dalawang beses nasampal.

Nag-half bath lang ako dahil hindi naman puwedeng mabasa ang sugat ko. Kagaya ng sinabi ng matanda ay mayroon ngang mga damit dito sa closet. Mukhang mga bago pa ito. Sino kayang gumagamit ng kuwarto na ito?

Pinili ko lang iyong pinakakaswal na damit. Habang nagbibihis ay napansin ko na hindi ko na suot iyong anklet na ibinigay ni Matteo sa akin. Teka, kailan ko pa naiwala iyon?

Sinubukan kong hanapin iyon dito sa kuwarto at nang hindi ko makita ay saka ako lumabas. Gawa sa kahoy ang buong bahay pero kahit na gano'n ay moderno ang interior design nito. May mga halaman din sa bawat sulok kaya mas maaliwalas sa pakiramdam. Naabutan ko si Manang sa kusina na naghahanda ng iluluto.

"Hindi ko pa po pala alam ang pangalan n'yo. Puwede ko po bang malaman?" tanong ko pagkaupo sa high stool.

"Oo naman, Iha. Tawagin mo na lang akong Manang Cecil."

Tumango ako. "Ako naman po si Marilee. Nice meeting you po."

Nagpatuloy siya sa ginagawa habang ako naman ay nanonood lang. Iniisip ko kung hinahanap ba ako nila daddy? Sana hindi. Uuwi naman ako kapag handa na ako.

"Ay Manang, nakita n'yo po ba ang anklet na suot ko? Baka po napansin n'yo kagabi?" tanong ko.

Napaisip siya pero agad ding umiling. "Wala naman akong napansin na may suot kang anklet. Itatanong ko na lang sa amo ko tutal siya naman ang nagdala sa 'yo rito."

Huminga ako nang malalim bago tumango.

"Good morning!"

Napalingon ako sa babaeng dumating at bahagya akong napanganga. Ang ganda niya kasi. Para siyang isang anghel. Tapos nakaputing dress pa siya.

"Miss Erina, magandang umaga rin," bati sa kaniya ni Manang Cecil.

Inilapag niya sa island bar ang bitbit niyang paperbags na mukhang may lamang mga pagkain.

Teka, siya ba ang amo ni Manang? Pero imposible. Siya ba ang nag-uwi sa akin?

"Manang naman, I told you, just call me Erin. Masiyadong oldish ang Erina. By the way, where's Nate? Tulog pa po ba?" tanong niya.

At sino naman si Nate? Don't tell me, anak niya? O baka asawa? Pero mukha pa siyang teenager.

"Hindi pa siya umuuwi, Miss Erin," sagot naman ni Manang.

Sumimangot siya at agad na kinuha ang phone. Mukhang may tatawagan yata. At tama ako dahil itinapat niya ang phone sa tainga niya pero bigo ring ibinaba iyon.

"Unattended na naman. Iniiwasan niya na naman ba ako? Nakakainis na siya! Ako na nga ang lumalapit tapos pakipot pa siya," reklamo niya na mukhang sarili ang kausap.

Pero sandali nga, hindi niya ba ako napapansin? I mean hindi pa siya tumitingin sa akin mula nang pumasok siya rito. Multo na ba ako?

Natawa si Manang. "Gano'n talaga si Sir Nate. Baka mamayang gabi ay umuwi na siya."

Bumuntonghininga si Erin at saka napatingin sa akin. Kumunot ang noo niya bago pinagmasdan ang kabuuhan ko.

"Who are you? Bagong maid? Bakit ganiyan ang itsura mo? Mukha kang nakipagbugbugan," sabi niya.

Alanganin akong ngumiti kahit masakit ang pisngi ko.

"Hi, ako nga pala si Marilee. Nice meeting you," sabi ko at naglahad pa ng kamay pero tiningnan niya lang ito.

"Bisita siya ni Sir Nate, hindi siya maid," sabi ni Manang.

So, iyong Nate na pinag-uusapan nila ang may-ari nitong bahay? Hindi pala ang babaeng 'to.

Dahandahan siyang tumango. "I see. Pero teka, bisita? Sa ilang linggo niya rito, ngayon lang may bumisita sa kaniya. Aminin mo nga sa akin, girlfriend ka ba ni Nate?"

Nanlaki ang mga mata ko bago ako umiling.

"H-Hindi ah. Hindi ko pa nga alam kung sino ba si Nate," sagot ko.

Mas lalong lumalim ang gitla sa noo niya.

"I'm confused. Akala ko ba bisita ka ni Nate, bakit hindi mo siya kilala? Niloloko mo ba ako? Baka naman manghihingi ka ng pera sa kaniya? Sino ka ba talaga?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top