Chapter 28

CHAPTER 28
Mission

Dalawang araw na agad ang lumipas pero hindi pa rin umuuwi si Matteo. Sinubukan ko na siyang tawagan pero hindi siya sumasagot. Pati ang telepono sa headquarters' office ay tinawagan ko na rin pero palaging busy ang linya.

Kahit anong paglilibang ang gawin ko ay hindi ko pa rin mapigilang mag-alala. Nang tinawagan ko si daddy kahapon para mangamusta, ang sabi niya lang ay huwag daw muna ako tatawag dahil sobrang busy nila.

"Ma'am Marilee, sigurado naman po akong ayos lang si Sir Matteo. Baka po busy lang talaga kaya hindi niya nasasagot ang tawag mo," sabi ni Lottie.

Umupo ako sa sofa at isinubsob ang mukha sa aking palad.

"Paano kung may nangyayari na palang masama sa kanila? Paano kung sinugod na naman sila ng kalaban? Alam kong nagawan na nila ng paraan iyong mga sumugod sa araw ng kasal namin pero hindi naman sila nakulong kaya posibleng gumanti sila," natatarantang saad ko.

Ayaw ko talaga ng ganito. Iyong wala akong magawa kundi ang maghintay lang. Ayaw ko nang hindi ko nalalaman ang mga nangyayari. Mababaliw ako sa pag-iisip nito.

"Alam ko pong nag-aalala ka sa kanila. Pero huwag n'yo po sanang subukan na pumunta ro'n. Kung totoo man na may nangyayari nga, baka mapahamak ka lang din. Dito ka lang po."

Huminga ako nang malalim. Nangako ako kay Matteo na hihintayin ko siya rito. Pero hindi ko alam kung kaya ko bang tuparin iyon.

Nang sumapit ang hapon ay sinadya kong utusan si Lottie na ipagluto ako ng hapunan bago ako lumabas ng bahay. Hindi ako mapapakali habang naghihintay kaya pupuntahan ko na lang sila.

Sumakay ako ng taxi at nagpahatid sa headquarters. Ilang oras ang biyahe papunta ro'n at tatanggihan pa sana ako ng driver pero dahil dinoble ko ang bayad ko sa kaniya ay pumayag na siya.

Panay ang sulyap ko sa oras habang nasa biyahe. Papalubog na ang araw at mukhang gabi na ako makararating doon. Kinakabahan ako sa magiging reaksyon ni Matteo kapag nagkita kami at mas kinakabahan ako sa aabutan ko ro'n.

I was right. It was already eight O'clock in the evening when we arrived. Bumaba ako kaagad pagkaabot ko ng bayad sa driver.

Pinagmasdan ko na muna ang malaking gate na nasa harapan ko at pakiramdam ko may kakaiba. Hindi ko alam kung nagbawas ba sila ng poste ng ilaw o masiyado lang talagang madilim ang gabi ngayon?

Huminga ako nang malalim bago pumasok sa maliit na gate. Doon ko napagtanto na may kakaiba talaga. Wala akong makitang ni isang agent sa paligid. Para bang ako lang ang narito ngayon.

Nasaan sila? Nalipat na ba ang headquarters ng Oculta? O baka may meeting lang sila sa loob kaya walang nandito sa labas ngayon?

Kahit na kinakabahan ay pinili ko pa ring magpatuloy papasok. Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang madilim na paligid. Ni isang ilaw walang nakabukas. Kinuha ko agad ang phone ko para buksan ang flashlight.

Nagtungo ako agad sa switch ng ilaw pero nang pindutin ko 'yon ay hindi naman gumana. Mukhang pinatay yata nila ang power sa buong bahay.

Napaigtad ako nang may marinig akong kumalabog sa kung saan. Kasunod n'on ay may mga yapak akong narinig na sa tingin ko ay nanggagaling sa kusina. Agad kong pinatay ang flashlight ko at pinakiramdaman ang paligid.

Dahandahan akong naglakad papunta sa kusina at tama nga ako. May tao ro'n at mukhang may inaayos siya.

"Sino ka?" Napatayo siya bigla nang magsalita ako. Naitutok niya pa sa akin ang flashlight niya kaya napaiwas ako ng tingin.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya sa akin.

Nang mag-adjust ang paningin ko ay saka ko napansin na nakasuot siya ng uniform ng Oculta agents. Ibig sabihin kasamahan siya nila Matteo. Bahagya akong nakahinga nang maluwag dahil sa nalaman.

"Isa ka pala sa mga agents dito. Akala ko isa ka sa mga kalaban nila. By the way, hinahanap ko kasi sila Matteo. Nasaan sila? Pati iyong ibang agents. Saka, bakit ang dilim dito? Wala bang kuryente?" sunod-sunod kong tanong habang lumilinga sa paligid.

Hindi siya agad sumagot at nakatitig lang sa akin. Mukhang hindi niya ako kilala o baka hindi niya lang ako mamukhaan? Baka bagong agent siya?

"Kilala mo ba ako? Asawa ako ni Matteo. Kilala mo naman siguro si Matteo, 'di ba? Anak ng pinaka-pinuno ng Oculta Agents. S'yempre kilala mo siya kung dito ka nagtatrabaho," natatawang sabi ko.

Iniligpit niya ang mga gamit sa bag na itim. Dahil madilim, hindi ko masiyadong maaninag kung ano ang mga iyon. Basta ang alam ko may mga wire at kung ano-ano pa.

"Kilala kita. Kilala ko rin sila Agent Matteo. Actually, wala silang lahat dito dahil may mission sila sa ibang lugar. Susunod na nga ako ngayon, inatasan lang akong siguruhin na maayos ang lahat bago ko iwan ang headquarters," paliwanag niya.

Tumango ako bilang pag-intindi. Kaya pala ang tahimik, wala pala silang lahat. Pero parang ang weird naman na isa lang siyang iniwan dito sa headquarters? Wala man lang assistant?

"Susunod ka sa kanila? Puwede ba akong sumama?" tanong ko.

Binitbit niya ang bag at muli akong tinitigan.

"Sige, mauna ka nang lumabas," pagpayag niya.

Sumunod ako sa sinabi niya. Nauna na akong lumabas ng bahay. Sa harap ng pinto ko siya naisipang hintayin pero nakapagtataka na hindi siya agad sumunod sa akin. May ginagawa pa yata siya sa loob.

Babalik na sana ako sa loob pero pagkaharap ko ay may biglang humampas ng kung ano sa ulo ko at biglang dumilim ang paligid.

Nagising na lang ako sa isang madilim, mabaho, at maliit na lugar. Sobrang sakit ng ulo ko at pakiramdam ko ay mabibiyak na ito anumang oras. Sinubukan kong tumayo pero napansin kong nakatali ang mga kamay at paa ko. Maging ang bibig ko ay may busal kaya hindi ko magawang sumigaw.

Nasaan ako? Sinong nagdala sa akin dito?

Ang huli kong naalala ay nagpunta ako sa headquarters tapos naabutan ko iyong isang agent. Pinaghintay niya ako sa labas pero biglang may humampas sa ulo ko.

Biglang bumukas ang pinto sa may gilid ko kaya nilingon ko ang dumating. Nakaitim siya at naka-mask pa kaya hindi ko makita ang buong mukha niya.

"Gising ka na pala. Kumusta ang tulog mo?" tanong nito at sinubukan pang haplusin ang pisngi ko pero iniwas ko ang aking mukha.

Sinamaan ko siya ng tingin. Tumawa siya bago tinanggal ang busal sa bibig ko.

"Sino ka? Anong kailangan mo sa 'kin? Hindi ako mayaman kaya hindi ka makakakuha ng ransom! Kaya mabuti pa pakawalan mo na ako dahil wala kang mapapala sa akin—

Halos mabingi ako nang sampalin niya ako bigla. Hindi ko na rin masiyadong maramdaman ang pisngi ko dahil doon.

"Ang ingay mo! Para sabihin ko sa 'yo, malaki ang pakinabang namin sa 'yo. Ikaw ang nag-iisang anak ng hayop na Marco Evangelista na 'yon! At ikaw rin ang asawa ni Matteo Novicio, na anak naman ni Crisanto Novicio. Kapag namatay ka ngayon, paniguradong maaapektuhan silang lahat. Isn't that exciting?"

Baliw na siya. Kahit nakamaskara ang kalahati niyang mukha ay naaaninag ko pa rin ang nakakasuklam niyang ngiti.

"Ano ba talagang gusto mo?!" sigaw ko.

He grabbed my jaw and glared at me.

"Anong gusto ko? Gusto kong maghiganti! Nang dahil sa tatay mo kaya namatay ang anak ko! Kaya papatayin din kita para makaganti ako sa kaniya pati na rin sa walang kuwentang Oculta Agents na 'yan!" bulyaw niya sa akin bago ako pabagsak na binitawan.

Biglang pumasok sa isip ko iyong sinabi ni daddy sa akin noong nagkita kami ulit. Kaya siya nagpanggap na patay ay dahil hindi niya naprotektahan ang leader ng notorious gang dito sa bansa. Ibig sabihin... ang tinutukoy niya ay ang anak ng taong kaharap ko ngayon?

"Kung ginawa niya lang sana ang trabaho niya at pinrotektahan ang anak ko laban sa mga pulis, hindi sana siya namatay! Pero alam kong sinadya niyang pabayaan ang anak ko dahil plano talaga nilang isuplong siya sa mga pulis!"

Umiling ako habang may tumutulong luha mula sa aking mata. Ngayon alam ko na ang magkabilang side ng kuwento. Ang puno't dulo ng lahat ng ito.

"Nagkakamali ka. Sinabi ni daddy sa akin na kahit sino pa ang kliyente nila, pinoprotektahan talaga nila nang buong tapat. Sigurado akong hindi niya pinabayaan ang anak mo. Kaya itigil mo na itong paghihiganti—

"Tumahimik ka! Sino ka para utusan ako? Ako ang magdedesisyon kung kailan ako hihinto! At hindi pa ngayon 'yon dahil nagsisimula pa lang ako. Noong araw ng kasal n'yo, dapat mamamatay kayong dalawa ng asawa mo pero nabigo kami. Pero ayos lang, nagawa naman naming mapatay ang isa pang anak ni Crisanto. Ngayon, isusunod na namin kayo ng asawa mo kaya maghintay ka lang."

Pagkatapos sabihin iyon ay iniwan niya na ako ulit. Halos hindi ko maproseso ang lahat ng sinabi niya. Iisa lang ang naintindihan ko, gusto niya kaming patayin ni Matteo para maghiganti. Ang akala niya napatay na nila si Pierce.

Ano kayang magiging reaksyon niya kapag nalaman niyang palpak ang naging plano nila?

Mukhang desidido na talaga siya sa paghihiganti. Ayos lang sana kung ako lang ang sasaktan nila pero gusto nilang idamay pati si Matteo. Hindi ko kakayanin kung pati siya ay masasaktan.

Nasaan kaya sila ngayon? Alam ba nilang nandito ako? Hinahanap ba nila ako?

Kung hindi ako nagpunta sa headquarters, paniguradong hindi mangyayari ito. Sana hindi ko sila napahamak nang dahil sa ginawa ko. Hindi kakayanin ng konsensya ko kapag may napahamak nang dahil sa katigasan ng ulo ko.

Hindi ko alam kung gaano na ba ako katagal na nandito. Ni hindi ko alam kung umaga na ba. Nakatulog ako saglit at nagising ako nang may maamoy akong kakaiba. Pagdilat ko ay nakita ko kaagad ang isang lalaki na may ibinubuhos sa buong silid.

"A-Anong ginagawa mo?" nauutal kong tanong.

Tumingin lang siya sa akin bago kinuha ang phone niya at may tinawagan.

"Boss, maayos na ang lahat dito. Signal n'yo na lang ang kailangan," rinig kong sabi niya.

Hindi ko na kailangan pang isipin kung sino ang kausap niya dahil alam kong iyong lalaking sumampal sa akin kanina iyon. At mukhang tatapusin na talaga nila ang buhay ko ngayon.

Lumapit siya sa akin. "Ilang minuto na lang at matutupok ka na rin dito. Hindi ka ba magmamakaawa para sa buhay mo?"

Hindi ako sumagot. Hindi ako magmamakaawa sa kanila dahil hindi naman ako natatakot mamatay. Ang kinatatakutan ko lang ay ang katotohanang hindi ko na makikita ang mga taong mahal ko. Natatakot akong mawala ako sa mundo nang hindi nakakapagpaalam sa kanila.

Lalong-lalo na kay Matteo. Ngayon ko lang na-realise kung gaano siya kahalaga sa akin. Ngayon ko lang napagtanto ang feelings ko para sa kaniya. Nagsisisi ako dahil nagsayang ako ng panahon noon. Kung alam ko lang na ganito pala matatapos ang buhay ko. Sana sinulit ko na habang kasama ko sila.

"Yes, boss!"

Napaangat ako ulit ng tingin sa lalaki at nakita kong nakatapat sa akin ang camera ng phone niya.

Mukhang ipinapakita niya sa kausap niya ang itsura ko ngayon. Kung akala niya magmamakaawa ako, manigas siya!

Mayamaya lang ay ibinaba na niya ang phone niya at mas lumawak pa ang ngisi sa labi niya. Lumapit siya sa akin at hinaplos ang pisngi ko.

"Paano ba 'yan? May signal na si boss. Silaban ko na raw ang buong lugar. Dapat kasi nagmakaawa ka, baka naligtas pa kita," pang-aasar niya bago ako iniwan.

Pumikit ako kasabay ng paghikbi. Sinubukan kong alisin ang tali sa kamay ko pero masiyadong mahigpit ito. Wala na talaga akong takas.

Naalala ko noong natupok din ng apoy ang gallery ko. Naligtas ako ro'n dahil may naglitas sa akin. Akala ko rin noon, katapusan ko na. Pero ngayon, mukhang dito na talaga matatapos ang lahat. Wala nang magliligtas pa sa akin. Magiging abo na rin ako sa lugar na ito.

"D-Daddy... I'm sorry. Hindi na ako makakapagpaalam sa 'yo. Mahal na mahal po kita," bulong ko bago humikbi. "Matteo, sana naririnig mo ako. Pero—

Hindi ko naituloy ang sinasabi ko dahil narinig ko ang pagbagsak ng pinto. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang mabilis na pagkalat ng apoy sa paligid. Kasabay nito ang pagbilis din ng tibok ng puso ko.

Napaubo ako dahil sa makapal na usok dulot ng apoy. Habang tumatagal ay mas nahihirapan na akong huminga at palapit na rin nang palapit sa akin ang apoy. Nararamdaman ko na ang init nito sa balat ko.

'Matteo... mukhang mamamatay na ako rito. Pero gusto ko pa ring sabihin ito. Umaasa ako na maririnig mo ang puso ko... dahil mahal kita. Mahal na mahal kita.'

Muli akong napaubo at unti-unti na akong nanghihina. Nakarinig ulit ako nang malakas na kalabog bago ako tuluyang nilamon ng kadiliman.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top