Chapter 21

CHAPTER 21
Stop

Dalawang araw ang lumipas at naririto pa rin ako sa headquarters ng Oculta. Gusto kong makasama si daddy kaya dito na muna ako mananatili.

Nawiwili rin kasi ako sa mga nakikita ko rito. Kung minsan ay nanonood ako sa training ng mga agents kaya hindi ako na-bo-bored. Iyon nga lang, hindi ko pa ulit nakakausap si Pierce.

Noong pinuntahan ko siya sa kuwarto niya kahapon, wala na siya. Ang sabi ng napagtanungan ko ay busy raw si Pierce sa trabaho. Nag-aalala man ay wala naman akong magagawa. Hindi ko naman siya kontrolado.

Ngayong araw ay pumunta ulit ako sa kuwarto niya pero hindi ko ulit siya inabutan. Nakakatawa nga, kasi nasa iisang lugar lang kami pero hindi kami nagkikita. Samantalang noong nasa Arco City pa kami, kung nasaan ako nandoon din siya.

Tumayo ako sa mula sa monoblock at lumabas ng training room. Saktong nakasalubong ko si Pierce. Nakatingin siya sa papel na binabasa kaya hindi niya pa ako nakikita.

"Pierce," tawag ko sa kaniya. Nag-angat siya ng tingin at natigilan. Lalampasan niya lang sana ako pero agad akong sumunod. "Pierce, puwede ba tayong mag-usap?"

May lumapit na isa pang lalaki sa kaniya at may sinabi. Mukhang abala nga talaga siya sa trabaho. Pero bakit pakiramdam ko iniiwasan niya ako? O baka ganito lang talaga siya kapag nasa headquarters siya?

Nang umalis ang kausap niya ay muli akong sumunod.

"Pierce, kumusta ka? Maayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ko habang pilit na sinasabayan ang bawat hakbang niya.

Hindi pa rin siya sumagot at patuloy lang sa paglalakad. Pumasok siya sa isang pinto na sa tingin ko ay opisina niya kaya sumunod din ako roon.

"Pierce, iniiwasan mo ba ako?" tanong ko ulit.

Umupo siya sa swivel chair at nagpatuloy sa pagbabasa. Hindi na ako nakapagtimpi at hinablot ko iyon bago hinagis palayo. Ngayon nakatingin na siya sa akin.

"There, tiningnan mo rin ako. Ano bang problema, Pierce? Bakit mo ba ginagawa 'to?" Nanginig ang boses ko kaya huminga ako nang malalim.

Hindi ako iiyak. Ayaw kong isipin niya na nagpapaawa na naman ako.

"Busy ako sa trabaho. Huwag ka munang manggulo," tanging sagot niya.

Pagak akong natawa. "Ako, nanggugulo? Hindi kita ginugulo, Pierce. Gusto lang kitang makausap."

"Wala tayong dapat pag-usapan—

"Meron!" sigaw ko. "Gusto ng daddy mo na ipakasal ako kay Matteo! Wala ka man lang gagawin? Wala ka bang pakialam?"

Hindi man lang nagbago ang reaksyon niya. Malamig pa rin ang titig niya sa akin na para bang hindi man lang naapektuhan sa sinabi ko.

"Ano bang gusto mong sabihin ko? Best wishes?" sarkastikong tanong niya.

Hindi makapaniwalang tinitigan ko siya bago ako napayuko. Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko at agad ko iyong pinunasan.

"Bakit ka ba ganiyan? Hindi na kita kilala, Pierce," bulong ko.

"Ito talaga ako, Marilee. Ang totoong Pierce. Hindi iyong nakasama mo sa Arco City."

Suminghap ako at tumango. "Oo nga pala, pagpapanggap lang ang lahat. Sorry, akala ko kasi totoo. Akala ko totoong mahal mo ako. Pasensiya na sa abala."

Pagkatapos sambitin iyon ay iniwan ko na siya. Tumakbo ako pabalik sa aking kuwarto at doon umiyak.

Tama siya, hindi ko talaga siya kilala. Dahil ang nakilala ko ay ibang Pierce. Iyong Pierce na nabuo sa pagpapanggap at kasinungalingan.

"Marilee, dalawang araw ka nang hindi lumalabas sa kuwarto mo. Ayos ka lang ba?" tanong ni daddy.

Huminga ako nang malalim at tumango. Ayos lang talaga ako. Ayaw ko lang lumabas dahil baka makasalubong ko pa si Pierce. Alam kong ayaw niya na akong makita kaya ako na lang ang mag-a-adjust.

"Gusto ko pong puntahan si mommy," sabi ko.

"Kailan? Para masamahan ka ng isa sa mga agents dito."

Umiling ako. "Hindi na po. Ako na lang po mag-isa."

Pagkatapos ng ilang minutong pamimilit ay pinayagan na rin ako daddy na magpunta kay mommy nang mag-isa.

Kinabukasan ay maaga akong naghanda para wala masiyadong makapansin sa pag-alis ko. Pero palabas pa lang ako ng mansyon ay nakasalubong ko pa si Mister Novicio, daddy nila Pierce at Matteo.

"Marilee, pupunta ka raw ngayon sa Manila?" tanong niya.

Tumango ako. "Opo, doon po muna ako ng mga ilang araw."

"Sige, mag-iingat ka. Actually, nasa Manila rin si Matteo ngayon kaya baka magkita kayo ro'n. O kung wala ka pang tutuluyan, puwede ka sa condo niya," sabi niya.

"Hindi na po kailangan. May kaibigan po ako sa Manila," pagtanggi ko.

Matapos naming mag-usap saglit ay tuluyan na akong umalis. Pupunta muna ako kila Aleisha bago ako dumiretso kay mommy.

"Really?! All this time, buhay ang papa mo?" gulat na tanong ni Aleisha.

Naikuwento ko na kasi sa kaniya ang lahat ng nangyari nitong mga nakaraang araw. Pati na rin iyong nangyari sa amin ni Pierce.

"Tapos 'yung taong laging nagliligtas sa 'yo, siya raw ang totoong may gusto sa 'yo?" tanong niya ulit kaya tumango na naman ako. "Ano nang balak mo ngayon? Pakakasalan mo ba si Matteo?"

Napabuntonghininga ako at hinilot ang aking sentido. "Hindi ko alam. Gusto ko lang makausap si mommy ngayon. Saka ko na poproblemahin ang kasal na 'yon."

"Hayst, Marilee. Ang komplikado naman ng buhay mo. Gusto mo bang samahan kita sa mommy mo?" tanong niya.

"Hindi na. Alam kong busy ka rin. Kaya ko naman mag-isa."

Kinahapunan ay saka ako umalis ng bahay nila Aleisha para magpunta kay mommy. Ilang sandali akong nanatili sa harap ng bahay bago ako nag-doorbell.

Mayamaya lang ay lumabas ang isang katulong. Binuksan niya ang gate at mukhang bago lang siya dahil hindi ko siya kilala.

"Sino po sila?" tanong niya.

"Ahm, ako po si—

"Marilee?" Sabay naming nilingon si mommy na kalalabas lang ng bahay. Nakahawak siya sa kaniyang tiyan habang naglalakad palapit. "Anong ginagawa mo rito?"

Napalunok ako bago suminghap. "Mommy, g-gusto po kitang makausap. Kahit sa ibang lugar po kung ayaw n'yo pong narito ako sa bahay n'yo. Hindi po ako manggugulo. Baka ito na rin po ang huling pagpunta ko rito kaya sana po pagbigyan n'yo na ako."

Mataman akong tinitigan ni mommy. Akala ko ay tatanggi na naman siya pero nang tumango siya ay agad akong napangiti.

Katulad ng gusto ni mommy ay sa park kami nag-usap. Pareho kaming nakaupo sa bench habang dinarama ang hangin.

"Anong sasabihin mo?" tanong niya.

Ngumiti ako. "Alam ko pong gusto n'yo na akong paalisin agad kaya bibilisan ko lang po ito. Si daddy, alam ko na pong buhay pa siya."

Huminto ako sa pagsasalita at hinintay ang reaksyon niya pero wala. Nanatili siyang nakatingin sa malayo.

Yumuko ako at pinigilang umiyak. "Alam ko na po ang lahat ng sinakripisyo n'yo noon para sa pamilya natin. Na kahit hindi po kayo masaya, nanatili pa rin kayo. Ayos lang po, hindi po ako galit. Mommy, I'm sorry, sa sobrang paghahangad ko ng buong pamilya, hindi ko po napansin ang paghihirap n'yo."

Humikbi ako at sumandal sa balikat niya.

Kahit na ilang beses akong pinagbuhatan ng kamay ni mommy, hindi ako galit sa kaniya. Kahit na ilang beses akong nasaktan sa mga salita niya, ayos lang.

"I'm sorry rin, Marilee. Hindi ako naging mabuting ina," bulong niya.

Umiling ako. "Hindi po totoo 'yan. Hindi man kayo ang pinakaperpektong ina sa buong mundo, mahal na mahal ko pa rin kayo."

"Hindi ko alam kung kailan ko huling nasabi na mahal kita at mahalaga ka sa akin. Pero sana alam mo 'yon at huwag mong kalimutan."

Tumango ako at niyakap si mommy. Pakiramdam ko ay nawala ang bigat sa dibdib ko na matagal ko nang dinadala. Masaya ako na nakapag-usap kaming dalawa. Ayos na ako ro'n.

"Malapit ng gumabi, ihahatid na po kita pauwi," sabi ko kay mommy.

Tumango siya kaya inalalayan ko siyang tumayo. Mabagal kaming naglakad pabalik.

"Mag-iingat ka, Marilee. Salamat."

Ngumiti ako. "Mag-iingat ka rin po. Sana balang araw, makita ko na ang kapatid ko."

Hinayaan ko na siyang makapasok sa loob bago ako naglakad palayo. Huminga ako nang malalim at tumingala sa papalubog na araw.

Ang buhay ng tao ay parang araw. Palagi mang lumubog at lamunin ng kadiliman ang paligid, darating pa rin ang umaga. Kaya kahit ano pang pagsubok ang pinagdaraanan ng bawat isa, palagi lang nating iisipin na darating ang bukas na may dalang mabuting balita.

"Bihis na bihis ka yata. Saan ang punta mo?" tanong ko kay Aleisha pagkapasok ko sa kuwarto niya.

Naglalagay siya ng hikaw pagdating ko. Humarap siya sa akin at malapad na ngumiti.

"Buti nandito ka na. Pupunta kasi ako sa party, and since alam kong stress ka na lately, baka gusto mong sumama?" tanong niya.

Ngumuso ako at bumaba ang tingin sa suot.

"Gusto ko sana kaso wala naman akong dalang damit na pang-party," sagot ko.

"Ano ka ba? S'yempre pumili na ako ng isusuot mo. Alam ko namang hindi ka tatanggi sa akin," natatawang sabi niya.

Napailing na lang ako. Kahit kailan, napakakulit niya.

Nagtungo siya sa closet niya para kuhain ang damit na ipapasuot niya raw sa 'kin. Pagkalabas niya ay ngingiti-ngiting inabot niya sa akin ang dress.

It is a white satin tie spaghetti strap bodycon dress. Mukha namang maayos ang dress noong tiningnan ko pero nang isinuot ko na ay parang gusto kong kurutin si Aleisha.

"Aleisha! Bakit naman ganito ang dress na 'to?" naiinis na tanong ko sa kaniya.

Pero ang loko, tinatawanan lang ako.

"Why? You look good! Muntik na akong bumaliko sa 'yo, Marilee. Ang sexy naman kasi!" sabi niya habang tumatawa.

Hindi ko tuloy alam kung pinagloloko niya ba ako. Muli kong sinulyapan ang sarili sa salamin. Fitted ang dress kaya naman kitang-kita ang kurba ng katawan ko.

Actually, hindi naman nalalayo sa suot ni Aleisha ang suot ko. Mas revealing pa nga 'yung suot niya dahil bukas ang magkabilang gilid ng beywang niya. Ang problema ko lang sa suot ko ay maikli ito masiyado.

"Don't worry, you look like an angel...but not with a halo. Angel with little horns," she teased.

Mas lalo ko siyang inirapan. Hinayaan ko na lang siya sa gusto niya. Nagpresenta na rin siyang ayusan ako. Nakalugay lang ang aking buhok pero kinulot niya ang dulo.

Simple lang ang makeup na ginawa niya at nilagyan din ng winged-eyeliner ang magkabilang sulok ng mata ko. Sa huli ay nilagyan niya ng pulang lipstick ang aking labi.

"Gorgeous!" she exclaimed. "Wear these heels then we're ready to go!"

I slipped on a pair of silver peep-toe heels. Nang matapos sa pag-aayos ay nag-picture muna kami ni Aleisha para raw i-post niya bago kami umalis.

Nagpahatid kami sa driver nila papunta sa venue ng party. Mas lalong kumunot ang noo ko ng makitang isang high-end bar iyon.

"Literal na party pala talaga ang ipinunta natin dito?" tanong ko.

"I forgot to tell you, birthday ng friend ko kaya tayo nandito. You'll meet him later," sabi niya at parang bahagya pa siyang namula. Mas lalo tuloy akong na-curious sa 'friend' niya.

Pumasok na kami sa loob at sinundan ko lang si Aleisha patungo sa isang sofa. Medyo marami ang mga tao sa kumpulan dito at lahat sila ay napalingon nang lumapit kami. Tumayo iyong lalaki na nasa pinakagitna at sinalubong si Aleisha.

"Lei!" bati nito sa kaniya.

"Happy birthday, Rius!" Aleisha greeted back. Nagyakap ang dalawa at doon pa lang ay pansin ko ng malapit talaga sila. At anong tawag niya sa kaibigan ko? Lei?

"Thank you. Enjoy yourselves!"

Humarap sa akin si Aleisha. "By the way, this is my best friend, Marilee."

Ngumiti ako sa mga naroon at isa-isa silang nagpakilala. Hindi ko naman masiyadong matandaan ang sinabi nila dahil nadi-distract ako sa ingay ng tugtog sa paligid.

Matapos makipagkilala ay nagpatuloy ang pag-iinuman nila. Naupo kami ni Aleisha sa bakanteng sofa at may naglapag agad ng drinks sa harapan namin.

"You like him, right? Lei?" pang-aasar ko kay Aleisha.

Umirap siya pero nangingiti rin naman. Hindi talaga ako magkakamali.

"Shut up, Marilee. Let's just drink and have fun!" she said while grabbing a shot glass.

Kumuha rin ako at sabay naming ininom iyon. Habang patagal nang patagal ay mas lalong umiingay ang paligid. Medyo nakakahilo na rin ang malilikot na ilaw kaya alam kong nalalasing na ako.

Kaunti na lang kaming nasa sofa ngayon dahil ang karamihan ay nasa dancefloor na.

"Marilee, sasayaw lang kami sa dancefloor! Gusto mo sumama?" pasigaw na tanong ni Aleisha dahil halos hindi na kami magkarinigan.

Hindi pa man ako nakakasagot ay hinila niya na ako. Halos matisod pa nga ako dahil sa dami ng taong nagsasayawan. Sa huli ay nakisabay na lang din ako.

"This is so fun!" Aleisha shouted while we were both jumping through the music.

I could feel the beat of the music through my heart. And I feel more alive than ever. Mabuti na lang at sumama ako kay Aleisha. Dahil baka magmukmok lang ako magdamag kung nagpaiwan ako.

Nang sumakit ang paa ko ay bumalik na ako agad sa sofa. Sila Aleisha ay nandoon pa rin at mukhang hindi napapagod.

Kinuha ko ang isa pang shot at iinumin na sana iyon pero may pumigil sa akin. Nilingon ko ang taong 'yon at sumalubong sa akin ang kulay asul na mga mata. Kumurap-kurap pa ako para makasiguro kung siya ba talaga ang nakikita ko.

"Matteo? Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa kaniya.

He shrugged. "I'm fetching you."

Pinanliitan ko siya ng mata bago ako umiling.

"Hindi ako sasama. Hindi pa tapos ang party kaya umuwi ka na," utos ko sa kaniya.

"Then finish the party and I'll take you home after," he said.

"Whatever!"

Tumayo ako ulit para bumalik sa dancefloor. Mas mabuting dito na lang ako kaysa doon sa tabi ng lalaking 'yon. Hindi ko alam kung paano niya nalaman na nandito ako. Pinasusundan niya ba ako?

"Marilee! I saw that! May kausap kang lalaki doon! Sino 'yon?" tanong ni Aleisha at sumusulyap pa kay Matteo.

"Kapatid ni Pierce!" tanging sagot ko.

Nanlaki ang mga mata niya at tumili. Dahil malakas ang tugtog ay hindi rin iyon masiyadong marinig.

"Iyong magiging asawa mo? Ang guwapo rin naman pala. Kamukha nga ni Pierce!" natatawang sabi niya. "Kanina pa siya nakatingin sa 'yo!"

Ako naman ang nang-irap sa kaniya. " Tumigil ka nga! Hindi 'yan nakatingin sa 'kin, baka sa ibang babae!"

"Weh? In denial ka pa!" pang-aasar niya at sinubukan pa akong kilitiin.

Muntik pa akong matumba sa kaharutan ng babaeng 'to. Kaya hinila ko na siya paalis ng dancefloor. Bumalik kami sa sofa at nandoon pa rin si Matteo. Agad naman siyang nilapitan ni Aleisha.

"Hi! I'm Aleisha, kaibigan ni Marilee," sabi niya at naglahad pa ng kamay. Tumango si Matteo at tinanggap iyon. "Buti nandito ka, hindi ko kasi mahahatid pauwi si Marilee—

"Aleisha!" saway ko sa kaniya.

"Don't worry, I'll take her home," Matteo said.

Biglang natawa si Aleisha at nang-aasar na tumingin sa akin. Nasapo ko na lang ang noo ko bago ininom ang isang shot.

"Great! Kampante na akong ligtas siyang makakauwi. Babalik na ako sa dancefloor!" sigaw niya at basta na lang akong iniwan.

Nananadya talaga siya! Hindi ko na alam kung kanino ba talaga boto ang babaeng 'yon. Noong una gustong-gusto niya si Pierce para sa akin tapos ngayon halos ipagtulakan niya ako kay Matteo.

"Stop drinking. You're drunk already," he said before taking the glass from my hand.

I glared at him. "Hindi pa ako lasing."

May sinenyasan siya sa kung saan at mayamaya lang ay may naglapag ng tubig sa mesa.

"Here, drink this." Inabot niya sa akin ang baso ng tubig pero tinitigan ko lang siya. "Sa dami ng nainom mo, ma-de-dehydrate ang katawan mo kaya inumin mo 'to."

"Tss!" singhal ko bago ininom iyon.

"Good. Let's go home," he told me before standing up.

Hindi na ako nagreklamo dahil gusto ko na ring umuwi. Ang sakit na ng mga paa ko dahil sa heels na 'to. Pakiramdam ko rin ay dumadalawa na ang paligid at nahihilo ako.

"Wait lang," sabi ko pagkalabas at agad kong tinanggal ang heels ko.

"Stop," he said when I was about to pick up my heels. Siya ang dumampot n'on kaya nagtaka ako. "Let's go."

Inalalayan niya ako papunta sa sasakyan niya at siya pa ang nagkabit ng seatbelt ko.

"Will you stop?" I told him. Napatingin siya sa akin at mukhang naguguluhan. "If you're doing this so that I will marry you, just stop."

"Anong ititigil ko?" tanong niya.

Inis akong suminghap. "Ito! Lahat ng ginagawa mo! Will you stop caring about me?"

"I've been doing this my whole life, so I'm sorry to say but I won't stop."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top