[3] October Entry
Ang puso ni Corazon
Sinulat ni: reveeruary
BITBIT ang mga bilao sa kaniyang bisig ay nagtungo si Corazon pauwi sa kanilang tahanan. Sa pagiging abala ng dalaga sa paghahanap buhay ay inabutan na siya ng kadiliman sa daan.
Tanging nag bibigay lang ng liwanag sa dalaga ay ang bilugang buwan sa kalangitan at ilang mga gasera sa loob ng layo-layong tahanan nang kaniyang dinadaanan.
Niyakap niya ang sarili nang humangin ng malamig. Nakarinig din siya ng himig ng mga kuliglig nang mapadaan siya sa isang bakanteng lote na may nakatayong malaking puno ng Acacia.
Luminga-linga si Corazon. Hinawakan niya ang saya upang ipunin ito para mapadali ang kaniyang paglalakad. Kapag sumasapit ang gabi ay mas minamabuti ng mga tao sa kanilang baryo ang hindi lumabas.
Malayang kumakalat sa kanilang lugar ang kasabihan na hindi lamang sila ang naninirahan sa baryo at may iba pang mga nilalang na hindi nila nakikita ang nakatira doon.
Hindi naman niya gusto maniwala dahil halos hakahaka lang naman ang kaniyang mga naririnig.
Naniniwala kasi siya na dapat niya makita ang isang bagay bago siya maniwala. Kaysa maniwala sa mga salita ng ibang tao na wala naman kongkretong paliwanag.
Nang makauwi siya sa kanilang tahanan ay agad siya nag mano sa kaniyang lola na kasama sa tahanan. Simula no'ng bata pa siya ay ito na ang kasakasama niya.
Parehas namatay ang kaniyang magulang no'ng sanggol pa siya dahil sa isang aksidente. Nabunggo ang sinasakyan ng mga ito at parehas hindi nakaligtas.
"Pasensiya na, la, ngayon lang po ako. Kumain na po ba kayo? Paghahain na po muna kita."
"Hindi na, apo. Ako'y tapos na kumain kanina pa. Ika'y mag asikaso muna at ako na ang mag hahain ng iyong gabihan."
"Ayos lang po ako, lola," pag pipilit ng dalaga. Hinila naman siya ng lola at dinala sa kaniyang silid para makapagpalit ng kamiseta.
Bumuntong hininga si Corazon nang wala siyang nagawa. Matapos siya magpalit ng kasuotan ay bumalik siya sa kanilang salas.
Ngumiti ang kaniyang lola sa kaniya at tinawag siya para kumain. Habang siya'y abala sa pagkain matapos ang ilang saglit na katahimikan ay binasag ito ng kaniyang lola.
"Bukas ay araw ng kamatayan ng iyong magulang. Subukan mo sana huwag magpagabi, Corazon."
"Opo," mahina niyang saad.
Hindi niya maramdaman ang lungkot dahil hindi nag kulang ang kaniyang lola iparamdam sa kaniya na wala siyang magulang. "Huwag mo rin sana kakalimutan isuot ang huling bagay na binigay sa 'yo ng iyong ina."
Hinawakan niya ang suot na kwentas. Mahigpit na pinagbabawal sa kaniya ng lola na huwag tanggalin ito sa kaniyang katawan. "Opo, lola."
Kinabukasan. Hindi niya inaasahan na gagabihin na naman siya sa daan. Habang nag lalakad siya ay hindi niya mawari kung bakit mas lalong humangin ng malamig.
Hanggang namalayan na lang niya ang sarili nakatayo sa harapan ng bakanteng lote at sa kaniyang unahan ay ang puno ng Acacia.
Luminga-linga siya sa paligid. Iniisip niya kung paano siya napadpad doon dahil hindi niya maalala ang sarili nag tungo roon.
Tatalikod na sana siya para umuwi nang mahinto siya. Sa kaniyang gilid ay may malalaking usok ang malayang lumilipad sa kadiliman.
Tumaas ang balahibo niya sa batok nang makarinig ng malalim na pag-ubo na para bang nang galing pa sa ilalim ng lupa. Sa pag-ubo nito ay mas lalong dumami ang usok sa paligid.
Hindi niya magawang i-angat ang ulo sa takot na baka may ibang nilalang siya makita. Naalala niya bigla ang mga usap-usapan sa kanilang baryo.
Ayaw niya maniwala. Ngunit hindi niya mapigilan makaramdam ng kaba at takot.
Totoo ba ang lahat ng haka-haka? saad niya sa kaniyang isipan.
Kung totoo ito ay kailangan na niya makauwi sa madaling panahon. Naalala niya ang lola. Baka mapahamak ito. Sibukan niya humakbang ngunit hindi niya maigalaw ang paa.
Natuod siya sa kaniyang kinatatayuan.
"Aking Corazon."
Natigilan siya. Mas lalo nag taasan ang kaniyang balahibo sa katawan. Paano nito nalaman ang kaniyang pangalan?
Tumawa ang malalim na boses. Naubo siya sa usok.
"Kukunin ko na ang dapat sa 'kin," anito. Unti-unti niya ina-angat ang ulo at nanlalaki ang mata niya sa nasaksihan.
Isang malaking nilalang na may dalang malaking tabako ang nakaupo sa malaking puno. Mabuhok ito at itim ang mga mata.
Napabagsak siya sa lupa sa gulat. Do'n niya lang din napagtanto nagalaw niya ang katawan. Sinubukan niya sumigaw ngunit walang boses ang lumalabas sa kaniyang bibig.
Humithit ito ng tabako at binuga. "Ang iyong puso, Corazon, ay akin."
"A-ano ang ibig mong sabihin?" Nagulat siya nang makapagsalita siya.
"Binigay sa 'kin ng iyong magulang ang iyong puso upang ika'y mabuhay sa sinapupunan ng iyong ina. Matagal na kita hinihintay, Cora—"
Kumunot ang noo niya nang biglang hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. Bigla siya nahilo. Sumakit ang kaniyang ulo. Mahigpit niya ito hinawakan.
Tuluyan na rin tumutulo ang kaniyang mga luha. Tumangis siya sa sakit hanggang mawalan siya ng malay.
Nang magising siya ay bumungad sa kaniyang harapan ang matandang nagpalaki sa kaniya. Agad niya kinapa ang kwentas na suot.
Nando'n pa rin iyon. Suot niya pa rin ito.
"Apo ko! Mabuti naman at nagising ka na. Ako'y nag alala para sa iyong kalagayan. Akala ko ay mawawala ka na sa 'kin," umiiyak na saad ng kaniyang lola.
Niyakap ni Corazon ito ng mahigpit. Hindi niya mapigilan maiyak. Takot na takot siya.
"Mabuti na lang talaga, apo, hindi mo inalis ang kwentas na aking binigay. Kung hindi ay baka tuluyan ka na niya nakuha sa 'kin."
"K-kayo po ang nag bigay ng kwentas sa 'kin, lola?" naguguluhan niyang saad.
"Oo, apo. Nang aking malaman na pinagpalit ng iyong ina ang iyong puso para ika'y mabuhay. Ako'y nag hanap agad ng paraan upang hindi ka niya makuha sa 'kin."
Kinalibutan siya. Hindi siya makapaniwala na isang kapre ang hiningian ng tulong ng kaniyang magulang para siya'y mabuhay.
"Akin ang iyong puso, Corazon," isang bulong sa kaniyang isipan na hindi niya pinansin bago niya binigyan ng ngiti ang kaniyang lola.
- Wakas -
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top