Chapter 8: Jamais Vu Again

Naglalakad ako sa campus kasama sina Yohan at Nikolai na nakasunod sa aking likuran. Sa aking harapan naman ay walang iba kundi si Tucker, na walang tigil na tumitingin sa kanyang paligid.

May kasunduan kaming dalawa at may tiwala rin ako sa kanya. Sa ngayon, hinayaan ko siyang gawin kung anuman ang nais niya, nagbabakasakaling may maalala siya. Kinausap ko rin si Jeanne, ang batang multo, at ipinag-utos na bantayan si Tucker sakaling maligaw siya sa campus.

"Sabihin mo na kasi sa kanya," rinig kong bulong ni Nikolai kay Yohan.

"Ikaw na ang magsabi sa kanya. Bakit palagi akong na lang?"

"Bakit ako? Ikaw ang nakakita sa kanya at nagkausap pa nga kayo, 'di ba?"

"Kung tumahimik na lang kaya tayong dalawa? Hayaan nating magtagpo ang kanilang landas. What do you think?" Rinig kong bulong ni Yohan, na halatang may pag-aalinlangan sa kanyang boses.

"Pero mas mabuti siguro kung handa si Jermaine sa kanilang pagtatagpo, 'di ba? Alam mo naman ang nangyari sa kanila noon."

"Trust me, hindi 'yan. Nandito naman tayong dalawa para sa kanya, e."

"Paano kung—"

"Paano kung sabihin niyo na lang sa akin kung ano'ng gusto niyong sabihin?" Pagputol ko sa sasabihin ni Nikolai. Hindi namalayan ng dalawa na tumigil na pala ako sa paglalakad at humarap sa kanila.

Patagong siniko ni Nikolai si Yohan at saka pilit ngumiti sa akin. "Baliw, hindi ikaw 'yong pinag-uusapan namin ni Yohan."

"Narinig ko ang pangalan ko, Niko."

"Pangalan mo? Hindi ikaw ang tinutukoy naming Jermaine. Ang daming tao na may pangalang Jermaine, 'di ba?" Umiwas ng tingin si Nikolai at kinamot ang batok.

Palagi niyang kinakamot ang batok tuwing nagsisinungaling. Walang lusot ang dalawang ito sa akin.

"Yohan?" Tiningnan ko si Yohan, na kanina pa tahimik sa tabi ni Nikolai.

Sa kanilang dalawa, si Yohan lang yata ang matinong kausap. Narinig ko ang malalim na pagbuntong hininga ni Yohan bago siya lumingon saglit kay Nikolai, na ngayon ay nakatitig na diretso sa aking likuran.

Alam kong kakaiba ang araw na ito. Naramdaman ko iyon bago pa man ako pumasok sa paaralan, at mas lalong naging kakaiba dahil sa ikinikilos ng dalawa. Wala naman akong dapat ikabahala, maliban kay Tucker na hinayaan kong gumala.

"Tumingin ka sa likuran mo," walang emosyong sabi ni Yohan.

"Anong mayroon sa likuran ko?"

Wala akong natanggap na sagot. Nakita ko ang kaba sa mukha nina Nikolai at Yohan habang naghihintay sa kasunod kong gagawin. Dahan-dahan akong humarap. Parang slow-motion ang nangyari, at ang nakikita ko lang ay ang babaeng nakatayo sa di kalayuan. Mahaba ang kanyang buhok at katulad ng dati, hindi pa rin nawawala ang kanyang bangs na palagi niyang pino-problema. Hawak ang kanyang ice cream, nakatingin siya nang diretso sa aking mga mata, at gano'n din ang ginawa ko.

Isang taon ang lumipas, pero ramdam ko pa rin ang hapdi sa aking puso.

Gusto kong tumakbo at yakapin siya. Tanungin kung kumusta ang kanyang kalagayan habang wala ako sa kanyang tabi. Ang makita siya nang malapitan at makausap muli sa aming tambayan—iyon ang matagal ko nang kahilingan. Pinigilan ko ang sarili ko na gawin kung anuman ang nasa aking isipan.

Ayaw kong masaktan sa ikalawang pagkakataon dahil sa mga mali kong desisyon. Ang masakit lang ay ang maalala ko ang nangyari noon. Hindi lang siya ang nawala sa buhay ko, pati na ang pamilya ko.

"Jermaine," isang taon ko nang hindi narinig ang kanyang boses na tinatawag ang pangalan ko. Sa kanya lang umiikot ang buhay ko noon, pero napagtanto kong may buhay din pala akong dapat paikutin.

"Alis muna ako."

Tumalikod ako at nagsimulang maglakad palayo. Narinig kong tinawag niya muli ang pangalan ko, pero kailangan kong baliwalain ang kanyang boses ngayon. Sapat na ang pag-iwan niya sa akin upang lubayan ko siya.

Ang drama ng buhay ko.

Bumalik ako sa bahay at hinayaan ang sarili kong humiga sa malambot na higaan. Ipinikit ko ang mga mata ko at inisip kung ano ang kanyang dahilan upang bumalik ng bansa. Masaya na siya sa buhay niya, 'di ba? Masaya na rin ako, kahit paano.

Ang mga alaala namin noon ay parang sirang plakang paulit-ulit bumalik sa aking isipan. Wala akong makitang dahilan upang iwanan niya ako. Kahit isang beses ay hindi kami nag-away, kaya't nakapagtataka at bigla niya akong iniwan.

Buwisit, bakit ako umiiyak?

Bakit ako nasasaktan?

"Lysa..." tawag ko sa pangalan niya.

ཐི❤︎ཋྀ

Nagmulat ako ng mata nang makarinig ng katok. Wala sana akong balak bumangon, pero ramdam kong hindi titigil ang pagkatok ng kung sino man ang nasa labas ng aking silid ngayon.

"Aling Shana?" Ilang beses akong kumurap bago naniwala na hindi ako namamalikmata. "May kailangan po ba kayo? Paano niyo po nalaman na hindi ako pumasok ng paaralan?"

"Nakita kitang bumalik kanina, iho."

Tumango ako at naghintay kung ano ang kasunod niyang sasabihin. Palihim akong tumingala at laking gulat ko nang hindi ko makita si Alexis sa kisame.

At nasaan na naman ang babaeng 'yon?

Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Hawak ang aking dibdib, huminga ako nang malalim nang makita ko sa aking likuran si Alexis. Malungkot ang kanyang mga mata, na ngayo'y nakatingin kay Aling Shana. Nakumpirma ko kagabi na anak ni Aling Shana si Alexis at ang silid na inuupahan ko ngayon ay ang kanyang silid. Napag-alaman ko rin kung bakit nanatili siya sa bahay.

Sabi nga nila, may mga multo na may mga bagay na kailangang tapusin bago sila makaalis. Minsan, nananatili sila kung saan sila namatay o pinatay hanggang dumating ang araw na magagawa nila ang kanilang huling kahilingan.

Kay Alexis, madali lang naman sa kanya.

"May ginagawa ka ba? Gusto sana kitang kausapin—tungkol sa anak ko. Kung okay lang sa 'yo, Jermaine."

"Wala naman po akong ginagawa," sagot ko at tuluyang lumabas ng silid. "Naniniwala na po ba kayo sa sinabi ko?"

Nakita kong tumango si Aling Shana. Nagtungo kami sa sala at umupo sa pahabang sofa. Sa tabi ng telebisyon ay nakatayo si Alexis kasama ang ibang multo sa bahay. Nang malaman ko ang huling kahilingan ni Alexis, agad kong sinabi ang katotohanan kay Aling Shana. Kagaya ng ibang tao, hindi siya naniwala at inisip na gawa-gawa ko lang ang lahat.

Wala akong ideya kung bakit nagbago ang isipan niya ngayon.

"Alam kong nahihirapan siya, pero binaliwala ko iyon. Nasa palengke ako noong mangyari ang insidente, at wala akong nagawa upang iligtas siya. Umuwi ako at naabutan ko siyang nagpatiwakal sa kanyang kwarto. Hindi solusyon ang pagpakamatay, e."

Ako ang naawa para kay Alexis. Ang bata niya upang makaranas ng kalupitan sa mundo.

"Noong sinabi mong nakikita mo siya, hindi ako naniwala. Iniisip ko na baka may nakita kang diary o mga bagay na pagmamay-ari ni Alexis. Akala ko gawa-gawa mo lang ang lahat, pero may sinabi ka sa akin na kami lang ang nakakaalam, Jermaine."

"Anak ka ba ni Aling Shana?" Tanong ko kay Alexis nang makumpirma kong siya ang nasa litrato.

"Limang taon na akong nandito. Alam mo ba kung bakit hindi ako umalis sa silid na 'to?" Tanong niya pabalik sa akin. "Sinabi ko sa inyo noon na hindi ako nagpakamatay, pinatay ako. Ayaw kong umalis, lalo na't galit siya sa akin hanggang—"

"Wait lang," pagputol ko sa kanyang sasabihin. "Hindi ba alam ni Aling Shana na pinatay ka? Bakit? Sino ang pumatay sa 'yo?"

Umiling si Alexis. "Mahusay ang plano niya upang gawing suicide ang nangyari. Hindi na rin mahalaga kung sino ang pumatay sa akin dahil patay na rin siya."

"P-paano nangyari iyon?"

"Sa sobrang galit ko, araw-araw akong nagpapakita sa kanya. Siya lang naman ang masisisi ko, kaya galit sa akin si Mama. Isa lang naman ang gusto ko sa buhay, ang maging masaya kaming lahat. May sumpa yata ang pamilya namin."

Hindi ako nagsalita at hinayaan lamang siyang ilabas ang kanyang hinanakit.

"Iyong multo sa sala? Siya ang dahilan kung bakit galit sa akin si Mama. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa nangyari sa kanya, pero aaminin kong nakaramdam ako ng tagumpay. Alam mo kung ano ang nangyari sa kanya? Akala niya nababaliw siya tuwing nakikita ang pagmumukha ko, hanggang sa nasagasaan siya ng isang truck."

"Sundan mo ako, Alexis."

Umalis ako ng silid at tinungo ang silid ni Aling Shana. Ilang katok ang ginawa ko bago bumungad sa akin ang inaantok na landlady.

"Pwede ba kitang makausap?"

"Oo naman, iho. May problema ba?"

Lumabas si Aling Shana ng silid at sabay naming tinungo ang sala. Ilang buntong hininga ang ginawa ko bago nakahanap ng lakas upang sabihin kung ano ang gusto kong sabihin.

"May kilala ba kayong Alexis?"

Kitang-kita ko ang pagtataka sa mukha ni Aling Shana. "Paano mo siya nakilala, Jermaine?"

"Nakikita ko po ang anak niyo," ipinikit ko ang aking mga mata sabay kagat ng aking pang-ibabang labi.

"Niloloko mo ba ako?"

Umiling ako bilang sagot. "Alam niyang galit ka sa kanya dahil sa nangyari. Gusto niyang sabihin na hindi siya nagpakamatay, pinatay po siya."

"At bakit naman ako maniniwala sa 'yo?" Tanong ni Aling Shana sa akin.

"Sabihin mong hindi ko paborito ang adobo, Jermaine."

Lumingon ako kay Alexis na nasa harapan ko. Itinuro niya ang kanyang ina habang pilit pinapaalis ang ibang multo na nakikinig sa amin.

Sa huling pagkakataon, huminga ako ng malalim. "Sabi ni Alexis, hindi niya paborito ang adobo—"

"So, hindi niya talaga paborito ang adobo?" Tanong ko sa mahinang boses.

Tumango si Aling Shana at ngumiti. "Paborito niya ang maanghang na sisig," nginitian niya ako at saka inilibot ang paningin sa paligid. "Nandito ba si Alexis? Nakikita mo rin ba si Azuela?"

"Sino po si Azuela?"

"Kambal ni Alexis, hindi niya ba nasabi sa 'yo? May problema sa utak ang anak ko na si Azuela at isang araw nasagasaan siya ng truck. Wala ako sa bahay nang mangyari—"

"Hindi ba sila magkasundo?" Pagputol ko sa sasabihin ni Aling Shana.

"Iyon nga ang hinihiling ko, ang magkasundo silang dalawa. Noong namatay si Azuela, nagpakamatay si Alexis dahil araw-araw niyang napapanaginipan ang kanyang kambal—nagpakamatay siya, Jermaine."

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Kaya ba hindi pa umaalis si Alexis ng bahay? Ang mga sinabi niya sa akin ay puro kasinungalingan lamang.

"Pinabantayan ko si Azuela kay Alexis at pag-uwi ko—kabaong ang naabutan ko sa bahay. Nagalit ako sa kanya at sinisi ko siya sa pagkamatay ng kanyang kambal. Ako yata ang dahilan kung bakit siya nagpakamatay, hindi dahil nagpapakita sa kanya si Azuela."

Hinanap ko sa paligid si Alexis, pero hindi ko siya makita.

Sabi nga nila, may mga multo na ang tanging nasa kanilang isipan ay ang paghihiganti. Ang kanilang galit ang dahilan kung bakit hindi sila makaalis sa lugar kung saan sila namatay—at minsan ay sila mismo ang pwedeng makapanakit ng mga tao.

"Sinabi niya sa akin na hinayaan niya si Azuela na masagasaan. Nakonsensya siya sa pagkamatay ng kanyang kambal kaya siya nagpatiwakal sa tinutuluyan mong silid. Iyon ang totoong nangyari sa kanya, Jermaine."

"Aling Shana," tawag ko sa kanyang pangalan.

"Gusto kitang makausap upang sabihin sa 'yo ang totoong nangyari. Kung pwede sanang sabihin mo kay Alexis na pinapatawad ko siya at sana mapatawad niya rin ako. Mahal na mahal ko silang dalawa at gusto kong malaman ni Alexis na mas pinagtuonan ko ng pansin si Azuela dahil sa sakit ng kambal niya."

Tumango ako kahit nahihirapang i-proseso kung ano'ng nalaman ko ngayong araw.

Lumingon ako kay Azuela at ngumiti nang makita siyang nasa likuran ng kanyang ina. Nakita ng aking mga mata kung paano lumiwanag ang buong katawan ng multo hanggang sa tuluyan siyang maglaho na parang bula—wala akong ideya kung saan siya patungo.

Heaven? I think so.

Tweet your thoughts and use #ESouls on Instagram, Facebook, or X.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top