Chapter 4: Way Back Home
Gabi na nang makauwi ako ng bahay. Ilang kanto ang pinuntahan ko, pero hindi ko pa rin mahanap-hanap si Tucker. Kaunti na lang at maniniwala na akong nilayasan ako ng multong iyon, o baka naman kinuha na siya ng liwanag dahil sa kanyang kakulitan.
Humiga ako sa malambot na at nakipagtitigan kay Alexis. Naalala ko noong bata pa ako, matatakutin ako sa mga multo sa puntong hindi ko masara ang pinto ng banyo. Pagkatapos ng aksidente, inisip ko na parang isang sumpa ang kakayahang ito—hindi pala. Mas lalo ko lang naintindihan ang kanilang malungkot na buhay: ilan lang ang nakakakita sa kanila, kaya malabong magkakaroon sila ng pag-asa.
At ito ako, binabalewala ang kanilang presensya kahit na nasa tabi ko lang sila.
"Alexis," tawag ko. Tumango siya at kumaway sa aking direksyon.
"Babalik si Tucker, may pinuntahan lang saglit ang batang iyon."
"Alam mo kung nasaan siya?" hindi ako makapaniwala. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at tumingin kung anong oras na.
Muli siyang tumango. "Hinahanap ni Tucker ang sinasabi mong tunnel. Wala namang mawawala sa kanya kung susubukan niyang hanapin iyon, hindi ba?"
"Bakit hindi mo agad sinabi sa akin? Nag-alala ako sa wala."
"Ako pa ngayon ang may kasalanan kung bakit ka nag-alala kay Tucker? Hindi mo naman ako tinanong, kaya hindi ko sinabi."
Kinuyom ko ang kamao, pinipigilan ang inis. Walang patutunguhan ang magalit sa isang multo; ako rin ang talo sa huli.
Natuon ang pansin ko sa pintuan nang may kumatok ng limang beses. Lumapit ako at binuksan ito para salubungin si Nikolai.
Kapag limang beses kumatok ang isang tao, ibig sabihin ay si Nikolai iyon. Tatlo naman kung si Yohan—tamad ang taong iyon kaya binawasan ko ng dalawa. Hindi ko na alam kung ilan kay Hagen dahil kahit ako'y hindi makasabay sa bilis ng kanyang pagkatok. Para bang laging may emergency kapag siya ang nasa pintuan.
"May maitutulong ba ako sa 'yo, Nikolai?"
"Ihatid mo muna si Jaxen sa sakayan. Hindi pa kasi bumabalik si Yohan at si Hagen naman ay kanina pa nasa banyo. Naghihintay nga pala si Jaxen sa labas."
Itinuro ko ang sarili. "Ako? Ihahatid si Jaxen? Bakit hindi ikaw? Busy ako."
Ginaya ni Nikolai ang ginawa ko. "Maglilinis ako sa kalat kanina. Gusto mong ikaw ang maglinis at ako ang maghatid kay Jaxen? Pumili ka."
Umiling ako at mabilis na bumaba ng hagdanan. Walang lingon-lingon na lumabas ng bahay hanggang makita ko si Jaxen, ngunit may katabi siyang batang multo na madalas nakabuntot sa akin sa paaralan.
Nakatitig si Jaxen sa kawalan, puno ng emosyon ang mga mata.
"Jaxen," pagtawag ko.
Lumingon siya kasabay ang paglaho ng multo. Hinayaan ko na lang ang aking nakita at saka umakbay kay Jaxen.
"Hindi pa ba umuwi si Yohan?" tanong niya, nahihiya.
"Malala raw ang traffic—sabi niya."
Hindi ko alam kung bakit ako nagsisinungaling. Palaban si Jaxen, pero kitang-kita ko ang bahid ng emosyon sa kanyang mga mata. Ayaw ko siyang umasa kay Yohan, pero hindi ko rin kayang makita siyang nasasaktan.
Narating namin agad ang sakayan, at tamang-tama, nakaparada ang huling dyip. Hinintay kong mapuno ang dyip at umalis bago ako naglakad pauwi. Nagbabaka-sakaling makita si Tucker, tinatanaw ko ang paligid.
Ang kulit ng multong iyon. Naniwala ba naman sa sinabi kong may tunnel. Sa Hotel del Luna lang naman iyon nag-e-exist. Paano kung ibang tunnel ang napuntahan niya at bumalik siya sa nakaraan? O baka naman—ano ba itong iniisip ko?
Nababaliw na yata ako.
Naisip ko tuloy kung bakit iba si Tucker sa mga multong nakikita ko. Kung hindi na-aksidente si Tucker, baka nakalimutan niyang huminga kaya siya namatay. Pero bakit hindi pa siya kinukuha ng liwanag? Blanko ang isipan ko sa paghahanap ng solusyon sa problema ni Tucker. Nadagdagan pa sila ni Alexis, at pati na rin ang batang multo.
Buwisit. Baka nga lahat ng multo sa bahay ni Aling Shana ay lutasin ko rin ang misteryo ng kanilang kamatayan.
"Tapos ka nang maging emosyonal diyan? Pwede na tayong pumasok? Nilalamok na ako rito, o."
Agad akong napalingon sa aking tabi.
Nakangisi si Tucker. Nginitian ko rin siya bago pinalo ang kanyang balikat. Nagkunwari siyang nasaktan, habang walang tigil sa katatalon sa kanyang kinatatayuan.
"Nahanap mo ang tunnel?" sarkastiko kong tanong.
"Bakit mo ako pinalo? Masakit kaya," aniya. Wala akong nagawa kundi irapan siya sa kanyang pag-arte. Buwisit, tumagos nga ang kamay ko sa kanya.
"Para namang nahawakan kita."
Nagpatuloy sa paghalakhak si Tucker. Para bang takas sa mental itong kasama kong multo.
"Nahanap ko nga ang tunnel, pero hindi pa rin ako kinukuha ng liwanag. Alam mo ba kung bakit?"
Umiling ako. Nauubos ang oras ko kakaisip ng solusyon sa kabaliwan ni Tucker. Kasalanan din naman ito ni Manong Google.
"Bawal daw akong pumunta sa langit dahil may maiiwan. Alam mo kung sino?" walang pasabi niya akong binigyan ng isang flying kiss. "Ikaw, ikaw ang maiiwan, kaya hindi ako kinukuha ng liwanag."
"Itulog mo na 'yan, 'no? Pagod ka lang, Tucker," sabay gulo sa aking buhok bago pumasok ng bahay. Walang patutunguhan itong usapan namin.
"Sandali," nakasunod pa rin si Tucker hanggang sa marating ko ang aking silid. "Sinabi sa akin ng liwanag na may anghel na tutulong sa akin. Alam kong ikaw iyon—ang nag-iisang anghel ng buhay ko."
"Tucker," pagtawag ko sa kanya.
"Kinikilig ka na ba?"
Ipinakita ko sa kanya ang aking middle finger bago humiga sa malambot kong kama. "Tumahimik ka nga. Sumasakit lalo ang ulo ko sa mga pinagsasabi mo."
Tumingala si Tucker sa kisame. Tinitigan niya si Alexis, saka bumaling ng tingin sa akin. Ilang ulit niya itong inulit bago siya tumalon sa malambot kong higaan.
Jusko, pati ba naman sa pagtulog, wala akong kapayapaan. Nagbago na ang isip ko; isang sumpa itong nangyayari sa akin. Simula nang makakita ako ng multo, hindi na ako nabigyan ng katahimikan.
Naalala ko tuloy ang nangyari noon. Naubusan kami ng Milo, kaya kape ang nainom ko. Pagkatapos ng unang klase, sa banyo ako dumiretso. Nasa kalagitnaan ako ng pakikipagsabakan nang may makita akong kamay sa ilalim ng pintuan, kumakaway sa akin hanggang sa dumapa ang may-ari nito. Ilang sandali pa, bumulaga ang duguang ulo ng isang babaeng walang tigil sa katatawa habang pinanunuyaan ako.
Buwesit, hindi ko pa rin makakalimutan ang karanasang iyon.
Malapit kong hindi matapos ang ginagawa ko noon, mabuti na lang at may pumasok na ibang estudyante sa comfort room. Iksakto namang lumabas ako ng cubicle nang bumungad sa akin ang isang pugot-ulong pari. Doon naglaho ang aking tapang, at tumakbo akong palabas ng comfort room, sigaw nang sigaw na parang wala nang bukas.
Ang nangyari, napunta ako sa disciplinary office—pinatawag dahil bakit daw ako sumisigaw mag-isa sa hallway.
"Jermaine," tawag ni Alexis, nakatayo siya sa tabi ng aking kama. Nakatitig lang siya sa akin habang si Tucker naman ay walang sawang tumatalon sa kama.
"Bakit mo siya pinapababa, Tucker?" umupo ako mula sa pagkakahiga at ibinaling ang tingin kay Tucker.
"Sinabi ko kasi sa kanya na rito tayo matutulog sa kama mo. Sa gitna ka, tapos kami ni Alexis sa magkabilang—"
"ANO?!" palipat-lipat ang tingin ko sa dalawang multo sa silid ko. Nabibingi yata ako sa narinig kay Tucker.
"Ang sabi ko, dito kami matutulog ni Alexis sa kama mo. Ikaw sa gitna, kami sa magkabilang—"
"Ano?"
Dahil sa sobrang inis, hinampas ako ni Tucker sa balikat. Mabuti na lang at hindi niya ako mahawakan; mukhang masakit pa naman ang kanyang paghampas.
Itinuro ko ang dalawang multo at ang kama. "Nahihibang ka na ba, Tucker? Hindi ako matutulog kasama ang dalawang multo na walang ginawa kundi asarin ako buong araw. Gusto niyong kumaway ang kama sa tapat para mapansin niyo?"
Ngumiti lang si Tucker. "Gusto ko kasi may katabi."
"Edi magtabi kayo ni Alexis sa kabilang kama, Tucker."
"Ikaw ang gusto kong katabi, may problema ka ba?"
Kinalaunan, natagpuan ko ang sarili ko sa gitna ng dalawa. Ramdam ko ang titig ni Alexis sa mukha ko kaya diretso lang ang tingin ko sa kisame. Buwesit, ako yata ang gustong matulog sa kabilang kama.
ཐི❤︎ཋྀ
Sumikat ang araw at parang panda ang hitsura ko ngayon. Hindi ako masyadong nakatulog, at laking pasasalamat ko kina Tucker at Alexis; tuloy, mas lamang pa si Tucker sa kagwapuhan ngayon.
Kailangan ko ng skin care routine.
Matapos kumain ng almusal, nanood ako ng pelikula—ang Japan Sinks 2020. Isa itong anime series kung saan inilarawan ang pakikipagsapalaran ng mga survivors sa gitna ng isang kalamidad. Highly recommended ko ito.
Natapos ko ang sampung episodes nang walang multong naglalakad sa harap ng TV. Nakaupo lang naman ang lahat sa sofa at may pa-popcorn request pa ang mga asungot, kahit hindi naman nila makain.
"Gumala tayo," pag-aya ni Tucker.
"Ano ka, si Dora? Gumala ka mag-isa," sabat ko.
"Hindi pwedeng gumala si Dora nang wala si Boots; samahan mo ako. Baka makita ko si Swiper sa daan," patuloy niya.
Napatampal ako sa noo sa narinig. "Sa gwapo kong ito, si Boots talaga? Sakalin kaya kita?"
"Sige nga, kung kaya mo akong sakalin, Jermaine."
"Kaya ko," paghamon ko sa kanya. "Hahanapin ko ang hukay mo. Sa pagsapit ng dilim, huhukayin ko ang kabaong mo, ilalabas kita at saka kita sasakalin hanggang sa mawalan ka ng buhay."
"Excuse me, pero hindi mo pwedeng patayin ang patay. Patay na nga, diba?"
"Susunugin kita!"
"Galit na galit? Sige, maglagay ka na lang ng kandila at bulaklak. Matutuwa pa ako. Wala yatang nakaalala sa akin kaya hindi ako kinukuha ng liwanag. Ano sa tingin mo?"
"Ano ako, si Miguel? Hindi kita matutulungan," pang-aasar ko. "Pero may point ka. Alam ko kung ano'ng unang gagawin para malaman kung paano ka namatay."
"Ano naman?"
"Palit muna tayo ng role bago gumala. Ako si Dora at ikaw si Boots. Kung sino'ng makasalubong natin, siya si Swiper. Deal?"
"Deal!"
Ngumiti ako habang tumatayo sa aking kinauupuan. Nasa akin pa rin ang huling halakhak—si Jermaine Samonte.
"Pero hindi maikakailang kamukha mo si Sadako ngayon," banat ni Tucker bago naglaho sa harapan ko na parang bula.
Minsan talaga, may mga multong kay hilig subukan ang pasensya ko. Kung pwede lang patayin ang multo, baka kanina ko pa ginawa. Buwesit, Tucker's always getting on my nerves.
Tweet your thoughts and use #ESouls on Instagram, Facebook, or X.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top